Evelyn Borromeo: Buhay at Sigla ng mga Pagtitipon

Evelyn Borromeo: Buhay at Sigla ng mga Pagtitipon

Ni Apolinario Villalobos

 

Belen ang palayaw niya at kilala siya sa subdivision nila dahil sa likas na ugaling matulungin. May marinig lang siyang kuwento tungkol sa isang taong hirap sa pag-submit ng mga papeles sa ano mang ahensiya ng gobyerno, siya na mismo ang nagkukusa ng kanyang tulong. Kung mayaman ang nagpapatulong, binibigyan siya ng pamasahe at pang-miryenda, pero kung kapos sa pera, tinatanggihan niya ang inaabot sa kanya. Nakakarating siya sa Quezon City, Cubao, Pasay, Maynila, Trece Martirez at humaharap din sa Mayor ng Bacoor City o kung sino pang opisyal ng lungsod kung kailangan. Kung hindi nga lang siya anemic ay baka regular din siyang nagdo-donate ng dugo sa mga nangangailangan.

 

Kahit babae siya, pinagkatiwala sa kanya ng Perpetual Village 5 Homeowners’ Association ang pag-asikaso sa basketball court at mga palaruang pambata sa magkabilang dulo nito. Officially, siya ang Administrator ng area na yon ng subdivision, kaya kapag may gagamit ng ilaw sa gabi sa paglaro ng basketball court, siya ang nilalapitan. Dahil saklaw din niya ang “cluster” na sumasakop sa tatlong kalyeng nakapalibot sa basketball court, kung may gulo, siya pa rin ang tinatawag. Matapang siya at walang pinangingilagan, palibhasa ay dating “batang Pasay”. Tawag ng iba sa kanya sa lugar nila ay “amasona”…subalit ibang pagka-amasona, dahil ang tapang niya ay ginagamit niya para sa kapakanan ng iba. Hindi siya ang tipong matapang na bara-bara ang dating.

 

Naging presidente din siya ng subdivision nila at noong kanyang kapanuhanan ay marami siyang nagawa upang mapaganda pa ang kanilang lugar. May mga nag-uudyok sa kanyang tumakbo sa Barangay, pero ang mga malalapit sa kanya ay nagpayo na huwag na dahil baka magkasakit lang siya lalo pa at inaasikaso din niya ang kanyang asawang si Nelson na nagpapagaling sa ‘stroke”. Sa totoo lang siguro, ayaw nilang mawala si Belen sa kanilang subdivision bilang Administrator ng basketball court at Cluster Leader.

 

Tuwing umaga, ang unang ginagawa niya ay i-check kung saan nagwo-walking upang mag-exercise ang kanyang asawa, na malimit ay sa basketball court lang naman. Pagkatapos ay bibili na siya ng pan de sal at sopas para sa mahal niyang asawa. Sinusubuan din niya ito, subalit hindi niya pinapakita sa iba (nahuli ko lang siya minsan), dahil hindi siya “showy” o pakitang-tao sa kanyang pagmamahal dito. Kahit nakakapagtiyaga siya sa mga simpleng ulam lalo na gulay, pino-problema pa rin niya ang uulamin ng mga kasama niya sa bahay kaya kung minsan ay napapahiwalay ang ulam niya mapagbigyan lang iba na ang gusto ay karne.

 

Maganda ang pagkahubog ng pagkatao ni Belen dahil ang mga magulang niya ay huwaran sa sipag at pagpapasensiya. Lumaki siya sa palengke ng Pasay (Libertad market) kaya batak ang katawan niya sa hirap. Noong nag-aaral pa siya, maaga siyang gumigising upang makatulong muna sa paglatag ng paninda nila bago siya papasok sa eskwela. Pagkagaling naman sa eskwela diretso uli siya sa puwesto nila upang tumulong sa pagtinda. Magaling sa diskarte at sales talk si Belen…madali siyang paniwalaan. Kung nagkataong nakatapos siya ng pag-aaral, malamang ay maski hanggang puwestong Vice-President sa isang kumpanya ay kaya niyang pangatawanan. Subalit dahil sa kakapusan ng pera, nauwi siya sa maagang pag-asawa…kaya parang naka-jackpot ang asawa niya sa kanya.

 

Buhay at sigla si Belen sa mga pagtitipon dahil kapag nahalata niyang medyo nagkakahiyaan sa pagsayaw ay pinapangunahan niya at may halo pang pa-kenkoy na sayaw upang makapagsimula lang ng kasiyahan. Hindi rin siya maramot dahil ang mga tanim niya sa bakuran ay libre para sa lahat na makagusto – may kalamansi, kung minsan ay talong at ampalayang ligaw. Magaling din siyang magluto ng mga kakanin lalo na ng maja blanca at piche-piche, kaya kung may okasyon sa lugar nila, sa kanya umoorder ng mga ganito.

 

Tatlo ang anak ni Belen. Ang panganay na babae ay nasa Gitnang Silangan kasama ang kanyang asawa at tatlong anak. Ang pangalawang lalaki naman ay nasa bahay lang at nangangasiwa ng home-based internet shopping, at ang bunso ay magtatapos na ilang taon na lang mula ngayon.

Wala nang hinihiling pa si Belen sa Diyos dahil ayon sa kanya, halos lahat ng pangangailangan niya ay ibinigay na sa kanya….at ayaw na rin niyang humiling pa para mabigyan naman daw ng pagkakataon ang iba.

Belen Borromeo

Ang Lumpiang Sariwa ni Flor Enriquez-Francia sa Quiapo

Ang Lumpiang Sariwa ni Flor Enriques-Francia

Sa Quaipo

Ni Apolinario Villalobos

 

Mahigit apatnapung taon nang kilala ang lumpiang sariwa na binebenta ni Flor Enriquez-Francia sa labas ng simbahan ng Quiapo. Subalit ngayon ang nagpatuloy sa pagtinda ay ang kaniyang pamangkin na si Nathaniel. At, kung dati ay sa bilao lang nakalatag ang mga lumpia, ngayon ay nasa kariton na at naka-styro at may balot pang plastic sheet upang masigurong hindi naaalikabukan o madapuan ng langaw.

 

Una kong natikman ang lumpia noong taong 2002 nang umusyuso ako sa selebrasyon ng kapistahan ng Black Nazarene. Si Flor naman ay nakapuwesto sa hindi kalayuang Avenida dahil ipinagbawal muna ang mga sidewalk vendor sa Plaza Miranda. Sa pag-uusap namin, binanggit niyang basta walang okasyon sa labas ng simbahan ng Quiapo, sa Plaza Miranda siya nagtitinda, kaya nang bumalik ako sa Quiapo makaraan ang ilang linggo ay nakita ko nga siya doon at halos hindi magkandaugaga sa pag-asikaso sa kanyang mga suki. Matagal bago ako nakasingit upang bumili ng dalawang pirasong inilagay niya sa maliit na supot na plastic at nilagyan ng sarsa. Mahirap kainin ang lumpia kung nakatayo at hindi nakalagay sa platito o pinggan. Kailangang hawakan ang supot na parang saging at ang ilabas lang ay ang dulo ng lumpia. Pero kapag sanay na ay madali nang gawin ito.

 

Nang dumagsa ang iba pang vendor sa labas ng Quiapo church ay hindi ko na nakita si Flor. Inisip ko na lang na baka umuwi na sa probinsiya o baka nagsawa na sa pagtinda ng lumpia. Subalit nang minsang namili ako sa Villalobos St. ay may nasalubong akong lalaking nagtutulak ng maliit na cart at ang laman ay mga lumpiang naka-styro.  Hindi ko siya pinansin dahil inisip kong katulad lang din siya ng ibang naglalako ng pagkain sa lugar na yon.

 

Sa pagpasok ng huling linggo nitong Disyembre, bumalik ako sa Quiapo kasama ang mga kaibigang balikbayan upang bumili ng mga panalubong nila pagbalik sa America at Canada. Nakita ko uli ang lalaking nagtutulak ng cart na may mga sariwang lumpia. Nagtanong na ako kung inabot niya ang “original” na nagtitinda ng lumpia sa Quiapo. Ikinagulat ko ang kanyang sagot dahil tiyahin pala niya ang tinutukoy kong tindera, at idinagdag pa niya na ang buong pangalan ay Flor Enriquez-Francia. Nasa bahay na lang daw ito at doon niya inihahanda ang mga lumpia na kinakariton naman ni Nathaniel.

 

Halos isang taon din pala bago naitinda uli ang lumpiang gawa ni Flor at ito ay pinangatawanan na ni Nathaniel na umaming maski anong mangyari sa kanyang tiyahin, ay walang problema dahil naituro na sa kanya ang sekreto sa pagtimpla lalo na ng sarsa. Nakakadalawang hakot ng mga lumpia si Nathaniel hanggang dapit-hapon kaya malaking bagay daw para sa kanilang magtiyahin ang kinikita niya lalo pa at nagkaka-edad na rin ito kaya marami na ring pangangailangan.

 

Ang ginawa ni Flor ay isang halimbawa ng pagbuhos ng katapatan sa anumang bagay na ginagawa – walang panloloko, kaya lumpia man, na sa paningin ng iba ay napaka-simple, kung hindi naman masarap ay madaling makakalimutan. Ganyan dapat ang ugali ng tao… bukal sa kalooban ang anumang ginagawa maliit man ito o malaki, pansarili man o nakaka-apekta ng kapwa.Fresh Lumpia quiapoFresh lumpia quiapo 2