Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio…may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros, Manila)

Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio

…may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros)

Ni Apolinario Villalobos

 

Sa unang tingin, aakalaing suplada si Baby dahil tisayin ang mukha at halos hindi ngumingiti, subalit kapag nakausap na ay saka pa lang makikita ang tunay niyang pagkatao – malumanay magsalita at hindi man ngumingiti ng todo ay madadama sa kanyang pananalita ang kababaan ng loob.

 

Nang umagang napasyal ako sa Fort Santiago, napadaan muna ako sa kanyang karinderya sa gate ng parking lot at habang nagkakape ako ay biglang napunta ang usapan namin tungkol sa buhay, lalo na ang kanyang mga karanasan sa pagpalipat-lipat ng puwesto. Ayon sa kanya, dati ay isa siyang typical na sidewalk vendor dahil nagtitinda siya sa mga maluluwag na puwesto tulad ng nasa likod ng Immigration Bureau, Ancar Building, gilid ng Jollibee at UPL Building, hanggang sa natiyempuhan niya ang puwesto sa gate ng parking lot ng Fort Santiago. Nalula ako nang sabihin niyang 46,000 pesos ang upa niya sa isang buwan sa puwesto. Upang makahabol sa bayarin, maliban sa pagluluto ng mga ulam, tsitserya, kape, soft drinks, at biscuit, ay pinangasiwaan na rin niya ang pag-asikaso sa parking lot.

 

Habang tinutulungan siya ng hipag niyang si Bing sa pagluluto at pagsisilbi sa mga customer, tumutulong naman si Arbi na anak ni Bing sa pag-asikaso sa parking lot. Pero kapag kasagsagan na ng pagsilbi ng pagkain at iba pang mga gawain sa karinderya ay saka naglalabasan ang iba pang umaalalay kay Baby.

 

Mabuti na lang at medyo nakuha ko ang kalooban at tiwala ni Baby kaya maluwag siyang nagkuwento tungkol sa buhay niya. Ang asawa na dati ay nagtatrabaho sa National Treasury, ngayon ay nagpapahinga na lang sa bahay dahil humina ang katawan at nagpapa-dialysis isang beses isang linggo. Sa kabuuhan, dalawampu’t apat ang nasa kalinga ni Baby – mga tinutulungan niya at bilang ganti ay tumutulong din sa kanya. Anim dati ang anak niya, subalit namatay ang panganay na kambal, kaya ang natira ay apat.

 

Labing-siyam na taong gulang si Baby ng mag-asawa. Tubong Masantol, Pampanga, siya ay nakipagsapalaran sa Maynila hanggang sa magkaroon ng pamilya. Ang nakakabilib ay ang ibinahagi niya sa aking kuwento tungkol sa mga taga-ibang probinsiyang nakipagsapalaran sa Maynila na ang iba ay mga seafarer na umistambay habang naghihintay ng tawag mula sa inaaplayang manning agency para sumakay sa barko, at kanyang kinalinga. Sa Intramuros ay marami ang ganitong mga nakikipagsapalaran sa Maynila dahil hindi kalayuan sa Fort Santiago ay ang opisina ng union nila. Marami ring mga manning agencies ng seafarers sa loob ng Intramuros. Upang makalibre sa tirahan at pagkain ay tumutulong-tulong sila sa karinderya, hanggang sa sila ay makasakay ng barko. Ang ibang seafarers na galing sa probinsiya ay napansin kong umiistambay naman sa Luneta o di kaya ay sa isang lugar na itinalaga sa kanila, sa labas ng National Library of the Philippines.

 

Ano pa nga ba at ang karinderya ni Baby ay mistulang “halfway home” o “bahay-kalinga” ng mga probinsiyanong seafarers. Hindi na maalala ni Baby kung ilan na ang kanyang natulungan na ang ibang nakakaalala sa kanyang kabutihan ay bumabalik upang magpasalamat, subalit ang iba naman ay tuluyang nakalimot sa minsan ay tinirhan nilang karinderya sa Fort Santiago. Nangyari ang ganitong pagkakawanggawa sa loob ng limang taon hanggang ngayon, sapul nang siya ay mapapuwesto sa bukana ng Fort Santiago.

 

Para kay Baby, na ngayon ay 58 taong gulang, pangkaraniwan na sa kanya ang pag-alalay sa kapwa o maging maluwag sa kanilang pangangailangan. Napatunayan ko ito nang biglang may lumapit sa kanya upang magtanong kung pwede silang kumain sa karinderya subalit hindi bibili ng pagkain dahil may baon sila. Walang patumpik-tumpik na pumayag si Baby, kahit pa sinabi ng nagpaalam na dalawampu sila. Ibig sabihin ay gagamitin nila lahat ng mesa at silya, kaya walang magagamit ang mga kostumer. Pero bale-wala kay Baby ang lahat…okey pa rin sa kanya. Mabuti na lang at napansin ng hipag niya na ang porma ng grupo ay parang sasali sa programa para kay Jose Rizal dahil nang araw na yon, December 30, ay paggunita ng kanyang kamatayan, kaya iminungkahi niya sa lider ng grupo na upang hindi sila mahirapan ay sa piknikan, sa loob na mismo ng Fort Santiago sila kumain dahil mas presko at marami ring mesa at upuan, at ang lalong mahalaga ay ilang hakbang na lang sila sa lugar na pagdadausan ng programa kung saan sila ay kasali.

 

Ibinahagi ni Baby na hindi man siya mayaman sa pera, ay mayaman naman siya sa pakisama. Natutuwa na siya sa sitwasyon niyang ganoon. Mahalaga sa kanya ang pagtulong sa kapwa bilang pasasalamat sa Diyos dahil sa ibinigay sa kanyang mga biyaya. Nakapagpundar na silang mag-asawa ng isang bahay na katamtaman lang ang laki sa Molino, Bacoor City (Cavite).

3 thoughts on “Ang Malaking Puso ni Baby Eugenio…may karinderya sa Fort Santiago (Intramuros, Manila)

    • the house in Bacoor came later as investmet from her savings sa pagtitinda…sa Bacoor lang may mura pang bahay na mabibili….this is what I call fruitful effort….ever since, sa Manila talaga sila nakatira nangungupahan….I mentioned in the blog na she started as a typical sidewalk vendor, palipat-lipat ng puwesto, hanggang nakakuha ng puwesto sa parking lot ng Fort Santiago at doon na medyo lumaki ang kita niya….despite her expenses, nagawa pa rin niyang makaipon for a wise investement na bahay nga in Bacoor….I put the statement on the house as a climax ng blog to show na hindi nasayang ang kanyang effort, hindi na ako nag-elaborate pa dahil expected naman talaga ang ganoong result ng effort kung pipilitin lang…

      Like

  1. By the way, Perl…during the last week of December, nag-ikot kami ng mga kasama ko sa mga small charity projects dahil ang dalawa ay uuwi na sa Canada at US. …kaya nagsunud-sunod ang blogs ko tungkol sa “babaeng barker sa Lawton”, ang “vendor sa Luneta”, kay “Herson Magtalas”, kay “Jaime Mayor”, and lately, kay “Baby Eugenio” ay dahil inikot namin ang Quiapo, Sta. Cruz, Lawton, Intramuros, Luneta, at Fort Santiago. Naging fruitful ang lakad namin dahil marami akong naipong materials, pati na ang naka-standby na tungkol kay Ronnie Sta. Maria ang may-ari ng fleet ng mga kalesa at old cars sa Fort Santiago. Patay na si Ronnie pero ang anak niyang si Jay ang nagpatuloy ng business and it might interest you to know na although, tubong Bulacan ang mga Sta. Maria, si Jay ay nakabili din ng bahay sa Bacoor. Climax ng pag-ikot namin ang pag-attend ng Rizal Day last 30Dec….interesting ang buhay ng matandang Ronnie Sta. Maria dahiil siya pala ang nagtutula ng “Mi Ultimo Adios” ni Rizal tuwing may mga special occasion sa Fort Santiago at Luneta…composer din siya ng mga kundiman…pinakita sa akin ang mga handwritten compositions niya na nakatabi sa office ng Castillan Carriage and Tourist Services sa compound ng garahe ng Fort Santiago kung saan matatagpuan ang kwadra ng mga kabayo at garahe ng vintage cars…kaya doon ko rin na-meet si Baby Eugenio dahil ang puwesto niya ay nasa bukana ng parking lot…

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s