Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s