Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pangalan niya ay Angelica pero ang palayaw niya ay “Ica”. Bunso siya at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid. Mabait siya pero matapang dahil kahit maliit ay marunong humawak ng itak kaya sa palengke noong maliit pa ako, kung saan may puwesto kami ng tuyo pero nalugi kaya nauwi sila ng tatay namin sa paglatag sa lupa ng ukay-ukay, ay pinangingilagan siya.

 

Naalala ko noong nasa Grade 1 ako, nagkagulo sa isang inuman ng tuba malapit sa puwesto namin dahil sa isang lasing na nagwala. Daanan ang puwesto namin papunta sa inuman ng tuba, kaya halos naglaglagan ang mga tuyo dahil sa dagsa ng mga taong nagtakbuhan. Sa inis ng nanay namin, kinuha ang itak na nakatago sa ilalim ng bangko at sinugod ang nagwawalang lasing. Nang makita siya ay parang nahimasmasan dahil kilala pala siya nito. Lalong natakot ang lasing nang makita ang itak na hawak ng nanay namin. Ang may-ari naman ng puwesto ay hindi mahagilap dahil tumakbo daw at nagtago, kaya ang nanay namin ang nag-utos sa lasing na linisin ang mga kalat tulad ng nabasag na mga maliit na garapong kung tawagin ay “Bol” na ginagamit sa pag-inom ng tuba. Ang “Bol” ay tatak ng garapong galing sa America noon at ang dating laman ay minatamis yata. Antigo na ito ngayon at mahal kung bilhin sa antique shop.

 

Nang kumandidato ang nakakatanda niyang kapatid bilang Vice-Mayor, pati ang pamilya namin ay nadamay sa mga intriga. Sa inis niya ay nag-research kung sino ang nagpasimuno ng isang intriga at nang malaman niya ay sinugod sa bahay at hinamon ng away sa kalsada. Binantaan din niyang huwag nang dumaan sa tapat namin at huwag na huwag daw magpakita sa kanya. Nagkaroon ng problema ang intrigera dahil ang bahay namin ay nasa tapat lang ng plasa kaya kung may libreng sine, ay nagtatakip ito ng turban sa ulo at mukha upang hindi makilala ng nanay namin na mahilig ding manood ng libreng sine. Ayaw makialam ng nanay namin sa pulitika at ito ang itinanim niya sa aming isip dahil para sa kanya na naunawaan din namin, sisirain lang ng pulitika ang magandang samahan ng magkakamag-anak at magkakaibigan na ang isip ay nakatuon sa hangad na makaupo sa puwesto sa anumang paraan.

 

Isang gabi ay nakita ko sila ng tatay namin na nagbibilang ng mga lumang pilak na perang Kastila na matagal na nilang naipon. Kinabukasan pinalitan ng kumpare nila ang mga pilak na pera ng bago. Pambayad pala sa naipong utang na dahilan kung bakit wala nang nagdatingang bagong stock ng mga tuyo galing sa Iloilo. Nalaman ko ring marami pala silang pinautang ng paninda na hindi nabayaran kaya nalugi ang negosyo. Sa bagay na ito, hindi ko nakitaan ng tapang ang nanay namin upang maningil dahil sa awa sa mga umutang…mga kapos din daw kasi tulad naming. Hindi nagtagal, ibinenta nila ang puwesto namin.

 

Noong ukay-ukay na ang ibinenta ng magulang namin, sinubukan din nilang dumayo sa ibang bayan. Isang gabing dumating sila galing sa dinayong tiyangge, may kasama silang buntis. Sa kuwentong narinig ko isinama nila ang babaeng nakita nilang palakad-lakad sa palengke ng Tulunan, ang dinayong bayan nang araw na yon, dahil baka daw “ihulog” ng babae ang anak niya. Ang “ihulog” ay “ilaglag”sa Tagalog o sa Ingles ay i-“abort”. Pero dahil bata pa ako ang na-imagine ko ay ang gagawin ng babae na “ihuhulog” ang anak niya sa bangin! Inampon namin ang babae hanggang sa manganak. Nang umabot na ang anak niya sa gulang na apat na taon ay pinayagan siya ng nanay namin na bumalik sa Tulunan.

 

Isang beses naman, nang naghuhugas ako ng mga reject na tuyo upang matanggal ang namuong asin ay may nakita akong batang apat na taong gulang lang yata, umiiyak sa tabi ng public toilet. Nag-iisa lang siya at ayaw sumagot sa mga tanong ko kaya sinundo ko ang nanay ko. Isinama niya ang bata sa puwesto namin at inutusan ang kuya ko na maghanap ng pulis sa palengke upang sabihan na may batang “napulot” at nasa puwesto namin. Hanggang magsara na kami ng puwesto, ay wala pa ring kumuha sa bata kaya isinama na namin sa pag-uwi. Araw-araw siyang isinasama sa puwesto upang makita ng kung sino mang nakakakilala. Nang magdesisyon ang nanay naming ampunin na ang bata ay saka naman siya nakita ng tiyuhin. Sa pag-uwi nila ay sumama kami ng nanay ko at nagdala pa kami ng maraming tuyo upang pasalubong sa mga magulang. Nakatira pala sila sa bulubundukin ng Magon malapit na sa boundary ng South Cotabato, kaya napasabak kami ng “hiking” na inabot din ng ilang oras dahil napakadalang pa ang mga sasakyan noon. Nakabalik kami sa palengke bandang hapon na. Inihatid kami ng tatay ng bata dahil sa bigat ng pinabaon sa aming maraming bayabas at guyabano.

 

Nang umuwi naman ang nanay namin galing sa Bantayan Island (Cebu) mula sa pagdalo sa pista ng nagmimilagro daw na Sto. Niἧo, may kasama siyang isang batang babae na ulila at limang taong gulang. Naging kapamilya namin ang bata hanggang sa siya ay isinama uli sa Bantayan noong mag-sasampung taon gulang na. Hindi na siya naisama pag-uwi ng nanay namin dahil nang makita daw ang bata ng isang tiyahin ay binawi. Wala namang nagawa ang nanay namin kundi ang umuwing luhaan.

 

Hindi lang tao ang nakahiligang ampunin ng nanay namin dahil nang minsang umuwi siya ay may napulot siyang tuta na nangangalkal sa basurahan ng isang bakery na nadaanan niya. Hindi pa ako nag-aaral noon kaya naging kalaro ko ang tuta hanggang sa ito ay lumaki. Ang pinaka-puwesto ng aso tuwing gabi ay ang balkonahe namin. Isang umaga ay nakita namin siyang patay at kagat pa ang leeg ng isang asong patay din at ang bunganga ay umaapaw sa laway, palatandaang ito ay isang asong ulol. Nakaakyat pala sa balkonahe ang asong ulol at kung hindi napatay ng aso namin ay malamang na kami ang nabiktima pagbukas namin ng pinto nang umagang yon.

 

Kung buhay ang nanay namin ngayon, malamang ay naipagpatayo namin siya ng isang maliit na “halfway home” para sa mga gusto niyang ampunin kahit pansamantala, pati na rin siguro ng isang maliit ding “pet shelter”. Pero masaya na rin ako dahil alam kong inampon din siya doon sa “itaas”.

3 thoughts on “Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

    • yong nababasa ko noon sa garapon ay “Bol’s” at may nakikita akong ganoon sa mga antique shop,..yong sa Ace hardware ay mga bagong gawa, may cover….

      hindi ko lang binanggit na nakatikm din kami ng katapangan ng nanay namin, strict kasi kaya bata pa kami natuto na kaming magtrabaho, lalo na ng mga gawaing bahay…

      Like

      • ..yong “Bol S” na garapa nakita ko sa antique shop sa Mabini – 1k pesos….sa amin noon, ang takalan ng tuba ay per “Bol”….akala ko ang spelling noon ay “ball” hanggang nakita ko yong garapa sa antique shop….noong maliit kasi ako ay naririnig ko lang ang “isang bol na tuba”, malaki nang kaunti sa isang regular na coffee mug..

        Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s