Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ang Nanay naming Matapang at Mahilig Mag-ampon

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang pangalan niya ay Angelica pero ang palayaw niya ay “Ica”. Bunso siya at nag-iisang babae sa kanilang magkakapatid. Mabait siya pero matapang dahil kahit maliit ay marunong humawak ng itak kaya sa palengke noong maliit pa ako, kung saan may puwesto kami ng tuyo pero nalugi kaya nauwi sila ng tatay namin sa paglatag sa lupa ng ukay-ukay, ay pinangingilagan siya.

 

Naalala ko noong nasa Grade 1 ako, nagkagulo sa isang inuman ng tuba malapit sa puwesto namin dahil sa isang lasing na nagwala. Daanan ang puwesto namin papunta sa inuman ng tuba, kaya halos naglaglagan ang mga tuyo dahil sa dagsa ng mga taong nagtakbuhan. Sa inis ng nanay namin, kinuha ang itak na nakatago sa ilalim ng bangko at sinugod ang nagwawalang lasing. Nang makita siya ay parang nahimasmasan dahil kilala pala siya nito. Lalong natakot ang lasing nang makita ang itak na hawak ng nanay namin. Ang may-ari naman ng puwesto ay hindi mahagilap dahil tumakbo daw at nagtago, kaya ang nanay namin ang nag-utos sa lasing na linisin ang mga kalat tulad ng nabasag na mga maliit na garapong kung tawagin ay “Bol” na ginagamit sa pag-inom ng tuba. Ang “Bol” ay tatak ng garapong galing sa America noon at ang dating laman ay minatamis yata. Antigo na ito ngayon at mahal kung bilhin sa antique shop.

 

Nang kumandidato ang nakakatanda niyang kapatid bilang Vice-Mayor, pati ang pamilya namin ay nadamay sa mga intriga. Sa inis niya ay nag-research kung sino ang nagpasimuno ng isang intriga at nang malaman niya ay sinugod sa bahay at hinamon ng away sa kalsada. Binantaan din niyang huwag nang dumaan sa tapat namin at huwag na huwag daw magpakita sa kanya. Nagkaroon ng problema ang intrigera dahil ang bahay namin ay nasa tapat lang ng plasa kaya kung may libreng sine, ay nagtatakip ito ng turban sa ulo at mukha upang hindi makilala ng nanay namin na mahilig ding manood ng libreng sine. Ayaw makialam ng nanay namin sa pulitika at ito ang itinanim niya sa aming isip dahil para sa kanya na naunawaan din namin, sisirain lang ng pulitika ang magandang samahan ng magkakamag-anak at magkakaibigan na ang isip ay nakatuon sa hangad na makaupo sa puwesto sa anumang paraan.

 

Isang gabi ay nakita ko sila ng tatay namin na nagbibilang ng mga lumang pilak na perang Kastila na matagal na nilang naipon. Kinabukasan pinalitan ng kumpare nila ang mga pilak na pera ng bago. Pambayad pala sa naipong utang na dahilan kung bakit wala nang nagdatingang bagong stock ng mga tuyo galing sa Iloilo. Nalaman ko ring marami pala silang pinautang ng paninda na hindi nabayaran kaya nalugi ang negosyo. Sa bagay na ito, hindi ko nakitaan ng tapang ang nanay namin upang maningil dahil sa awa sa mga umutang…mga kapos din daw kasi tulad naming. Hindi nagtagal, ibinenta nila ang puwesto namin.

 

Noong ukay-ukay na ang ibinenta ng magulang namin, sinubukan din nilang dumayo sa ibang bayan. Isang gabing dumating sila galing sa dinayong tiyangge, may kasama silang buntis. Sa kuwentong narinig ko isinama nila ang babaeng nakita nilang palakad-lakad sa palengke ng Tulunan, ang dinayong bayan nang araw na yon, dahil baka daw “ihulog” ng babae ang anak niya. Ang “ihulog” ay “ilaglag”sa Tagalog o sa Ingles ay i-“abort”. Pero dahil bata pa ako ang na-imagine ko ay ang gagawin ng babae na “ihuhulog” ang anak niya sa bangin! Inampon namin ang babae hanggang sa manganak. Nang umabot na ang anak niya sa gulang na apat na taon ay pinayagan siya ng nanay namin na bumalik sa Tulunan.

 

Isang beses naman, nang naghuhugas ako ng mga reject na tuyo upang matanggal ang namuong asin ay may nakita akong batang apat na taong gulang lang yata, umiiyak sa tabi ng public toilet. Nag-iisa lang siya at ayaw sumagot sa mga tanong ko kaya sinundo ko ang nanay ko. Isinama niya ang bata sa puwesto namin at inutusan ang kuya ko na maghanap ng pulis sa palengke upang sabihan na may batang “napulot” at nasa puwesto namin. Hanggang magsara na kami ng puwesto, ay wala pa ring kumuha sa bata kaya isinama na namin sa pag-uwi. Araw-araw siyang isinasama sa puwesto upang makita ng kung sino mang nakakakilala. Nang magdesisyon ang nanay naming ampunin na ang bata ay saka naman siya nakita ng tiyuhin. Sa pag-uwi nila ay sumama kami ng nanay ko at nagdala pa kami ng maraming tuyo upang pasalubong sa mga magulang. Nakatira pala sila sa bulubundukin ng Magon malapit na sa boundary ng South Cotabato, kaya napasabak kami ng “hiking” na inabot din ng ilang oras dahil napakadalang pa ang mga sasakyan noon. Nakabalik kami sa palengke bandang hapon na. Inihatid kami ng tatay ng bata dahil sa bigat ng pinabaon sa aming maraming bayabas at guyabano.

 

Nang umuwi naman ang nanay namin galing sa Bantayan Island (Cebu) mula sa pagdalo sa pista ng nagmimilagro daw na Sto. Niἧo, may kasama siyang isang batang babae na ulila at limang taong gulang. Naging kapamilya namin ang bata hanggang sa siya ay isinama uli sa Bantayan noong mag-sasampung taon gulang na. Hindi na siya naisama pag-uwi ng nanay namin dahil nang makita daw ang bata ng isang tiyahin ay binawi. Wala namang nagawa ang nanay namin kundi ang umuwing luhaan.

 

Hindi lang tao ang nakahiligang ampunin ng nanay namin dahil nang minsang umuwi siya ay may napulot siyang tuta na nangangalkal sa basurahan ng isang bakery na nadaanan niya. Hindi pa ako nag-aaral noon kaya naging kalaro ko ang tuta hanggang sa ito ay lumaki. Ang pinaka-puwesto ng aso tuwing gabi ay ang balkonahe namin. Isang umaga ay nakita namin siyang patay at kagat pa ang leeg ng isang asong patay din at ang bunganga ay umaapaw sa laway, palatandaang ito ay isang asong ulol. Nakaakyat pala sa balkonahe ang asong ulol at kung hindi napatay ng aso namin ay malamang na kami ang nabiktima pagbukas namin ng pinto nang umagang yon.

 

Kung buhay ang nanay namin ngayon, malamang ay naipagpatayo namin siya ng isang maliit na “halfway home” para sa mga gusto niyang ampunin kahit pansamantala, pati na rin siguro ng isang maliit ding “pet shelter”. Pero masaya na rin ako dahil alam kong inampon din siya doon sa “itaas”.

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Elena Constantino: Vendor sa Luneta

Ni Apolinario Villalobos

 

Nasumpungan ko ang puwesto ni Aling Elena (Constantino) isang umagang naglibot ako sa Luneta upang makita ang mga pagbabago. Madaling araw pa lang ay naglibot na ako kaya natiyempuhan ko ang mga grupo ng nagsu-zumba. Hindi lang pala isang grupo ang nagsu-zumba, kundi lima. Nandoon pa rin ang grupo ng mga Intsik na na nagta-tai chi, at ang mga grupo ng ballroom dancers.

 

Malinis na ngayon ang mga palikuran ng Luneta, hindi nangangamoy- ihi tulad noon. Limang piso ang entrance fee. Unang nagbubukas ang palikuran sa may dako ng kubo ng Security personnel. Ang iba pa ay matatagpuan sa tapat ng Manila Hotel, likod ng National Historical Institute at tapat ng Children’s Museum.

 

Dahil sa pagod ko sa kaiikot, naghanap ako ng isang tahimik na mapagpahingahan at mabibilhan din ng kape. Ang nasa isip ko ay isa sa mga “stalls” na nagtitinda ng snacks, at dito ko nakita ang puwesto ni Aling Elena. Kahit pupungas-pungas pa halos dahil kagigising lang ay ipinaghanda niya ako ng kape. Marami siyang natirang pagkain tulad ng nilagang itlog at mga sandwich. Upang mabawasan ang maraming tirang nilagang itlog ay kumain ako ng tatlo.

 

Noon pa man ay may isyu na sa mga vendor ng Luneta. Ilang beses na silang pinagbawalang magtinda sa loob, pinayagan din bandang huli, pinagbawalan uli, pinayagan na naman, etc. Kung limang beses na ay meron na sigurong ganitong parang see-saw na desisyon ang National Parks Development Committee. Sa ngayon, ang upa sa isang stall na ang sukat ay malaki lang ng kaunti sa isang ordinaryong kariton, binubungan at nilagyan ng dingding, pinto at bintana ay Php50 isang araw. Subalit sa liit ng puwesto na sasabitan ng mga chicherya, sa tantiya ko ay hindi aabot sa Php100 isang araw ang tutubuin ng nagtitinda. Kaya ang ginawa nila, pati si Aling Elena ay nagkanya-kanyang lagay ng extension na gawa sa telang habong o tarpaulin. Bawal din daw ang maglagay ng mesa at upuan, pati ang pagluto, maliban lang sa pagpapakulo ng tubig na pang-kape. Subalit tulad ng isang taong nagigipit, nagbakasakali na lang sila sa paggawa ng mga ipinagbabawal upang kumita ng maayos at masambot ang araw-araw na upa.

 

Inamin ni Aling Elena na ilang beses na rin siyang naipunan ng bayaring upa kaya lahat ng paraan ay ginawa niya upang mabayaran ang namamahalang komite sa Luneta. Ang problema niya ay kung panahon ng tag-ulan, at mga pangkaraniwang araw  mula Lunes hanggang Biyernes kung kaylan ay maswerte na raw siya kung makabenta ng limang balot ng chicherya. Ang tubo sa isang balot ng chicherya ay mula piso hanggang limang piso. Kung makabuo siya ng pambayad sa isang araw, wala na halos natitira para sa kanyang pagkain. Hindi nalalayo ang kalagayan niya sa mga nagtitinda gamit ang bilao sa bangketa ng mga palengke….gutom din, kaya wala na talagang magawa si Aling Elena kundi ang magtiyaga. Okey naman daw ang kinikitang tubo na umaabot sa Php200 isang araw kung weekend, lalo na ngayong pasko.

 

Nagulat lang ako nang sabihin niya na may isa pala siyang apo na pinapaaral sa Mindoro. Nabasa siguro niya ang isip ko kaya siya na ang nagkusang magsabi na hindi siya pinababayaan ng Diyos dahil kahit papaano ay nairaraos niya dahil mura lang ang tuition sa probinsiya at may pinagkikitaan din kahit kaunti ang apo niya na nasa first year college. Wala siyang gastos sa pamasahe dahil sa maliit na puwesto na rin siya natutulog. Ganito na raw ang buhay niya sa Manila mula pa noong 1972 pagkatapos niyang mag-asawa sa gulang na labing-pito.

 

Mahigit pitumpong taon na si Aling Elena at marami na rin daw siyang nararamdaman lalo na sa kanyang mga kasu-kasuan (joints), pero tuloy pa rin siya sa kanyang ginagawa dahil baka lang daw magkasakit siya kung siya ay tumigil. Hindi rin siya kikita sa Mindoro dahil tag-gutom din daw doon at palaging binabaha ang bayan nila.

 

Upang kumita pa si Aling Elena, naka-tatlong mugs ako ng kapeng ininom at ang tatlong itlog ay dinagdagan ko pa ng dalawa, bumili rin ako ng sampung balot ng chicherya na inilagay ko sa bag para sa mga batang pupuntahan ko. Nang paalis na ako ay may dumating na babaeng may bitbit na mga nakataling tilapia, nahuli raw sa Manila Bay. Inalok si Aling Elena na umiling lang dahil nga naman ang kinita ay ang binayad ko pa lang. Dahil napansin kong nagtitinda din siya ng ulam, ako na lang ang nagbayad upang mailuto niya agad, mura lang kasi sa halagang Php60 at sabi ng nagtinda ay tumitimbang daw lahat ng isang kilo.

 

Mabuti na lang at naantala ang pag-alis ko dahil sa pagdating ng babaeng nagtinda ng tilapia. Naalala ko tuloy na kunan ng litrato si Aling Elena na nagpaunlak naman. Mula sa puwesto ni Aling Elena ay naglakad na ako patungo sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)….

IMG7217

 

 

 

Ang Limang Yugto ng Pagtanggap

Ang Huling Hugotero

Una: Pagtanggi

“Hindi. Hindi totoo iyan. Hindi mo to magagawa sa akin.”

“Ang alam ko mahal niya pa rin ako. Rough patch lang ito.”

“Nung tumawag siya sa akin ang saya saya pa nga niya. Hindi pa kami break. Love nga ako ng pamilya niya. Hinahanap nila ako palagi.”

“Tayo pa rin diba, diba, diba? Hun, sagutin mo naman ako. Hun. Honey?”

“You’re just lying to me. I know you love me.”

“Inom lang yan. Kailangan niya lang magpakalasing ng konti tapos babalik na siya sa akin.”

“Cousin niya lang daw yun. Wag mo na palakihin ang issue.”

“May forever.”

Ikalawa: Galit

“Bakit ka ganyan? Ang tagal ng na natin tapos itatapon mo nalang basta basta? Ganyan pala tayo eh. Gaguhan.”

“Fine. Magpakasaya ka diyan. Wala na akong pake sa iyo.”

“Isaksak mo lalamunan mo yang singsing na yan.”

“Go f#@k a dog!”

“ALL CAPS TO PARA MAINTINDIHAN NG MAKITID…

View original post 248 more words

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Imelda Torres: Ang Babaeng “Barker” o Taga-tawag

sa Liwasang Bonifacio (Lawton Plaza)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang “barker” ay taga-tawag ng mga pasahero at taga-sigaw ng destinasyon ng sasakyang pampubliko tulad ng bus, jeepney o van. Siya rin ang namamahala sa maayos na pag-upo ng mga pasahero. Kung minsan, ang tawag sa kanya ay  “dispatcher”, subalit iba sa talagang “dispatcher” sa istasyon ng bus na konektado sa kumpanya. Kung nakapila ang mga jeep o van na itinatawag ng “barker”, siya rin ang taga-kolekta ng pamasahe at kapag inabot na niya sa driver ang nalikom na pera, ay saka pa lang siya aabutan ng bayad sa kanyang serbisyo. Ang bayad naman sa “barker” ay hindi pare-pareho, depende sa dami ng pumipilang sasakyan at lugar ng pilahan. Mayroong inaabutan ng Php20.00 at ang pinakamalaki ay Php30.00.

 

Ang mga nakapila sa Liwasang Bonifacio ay mga aircon van na biyaheng Sucat (Paraἧaque) at Alabang (Muntinglupa). Ang pilahang ito ay hawak ni Imelda Torres, 65 na taong gulang. Taong 1972 pa lamang ay nagtatawag na siya dito….panahon ng Martial Law sa ilalim ni Ferdinand Marcos. Nang panahong yon, ang sabi niya, napakaganda ng Manila Metropolitan Theater na tanaw lamang kung saan kami nakaupo. Ngayon, ang paligid nito ay mapanghi dahil ginawang ihian at ang mga dingding na natuklapan na ng pintura ay sinalaula ng mga istambay sa pamamagitan ng pag-spray paint ng pangalan ng gang nila.

 

Ligtas daw noon ang pamamasyal sa paligid ng liwasan dahil palaging may umaaligid na mga pulis kahit sa gabi. Kahit abutin siya ng dis-oras ng gabi sa pagtatawag, hindi siya natatakot sa paglakad pauwi sa tinitirhan niya sa kalapit lang na Intramuros. Ang kinikita niya ang ikinabuhay niya sa apat niyang anak noong maliliit pa sila. Ngayon, ang isa ay nasa Japan na. Ang iba pa niyang mga anak ay may mga sarili nang pamilya.

 

Pinakamalinis na kita ni Aling Imelda ay Php200 isang araw. Napapagkasya niya ang halagang ito sa kanyang mga pangangailangan sa araw-araw. Hindi na siya nagluluto dahil mag-isa lang naman siya at sa maghapon ay nasa liwasan siya, kung saan ay maraming karinderya na mura lang ang panindang mga pagkain. Ang tanging luho niya sa katawan ay ang minsanang manicure at pedicure, at ilang alahas na pilak sa mga daliri at braso.

 

Sa gulang niyang 65, wala nang mahihiling pa si Aling Imelda na kailangang gastusan ng malaking halaga. Masaya siya dahil ang mga anak at apo niya ay nakakakain sa tamang oras, hindi nga lang maluho ang mga pagkain. Ang kalaban lang niya ay ang paminsan-minsang dumadapong sakit tulad ng sipon at lagnat. Ganoon pa man, kahit halos namamalat na siya dahil sa biglang pagkakaroon ng lagnat o sipon ay hindi pa rin siya tumitigil sa pagtawag, tulad nang umagang nag-usap kami. Sayang din nga naman ang kikitain niya kung palalampasin niya.

 

Mabuti na lang at pumayag siyang kunan ko ng litrato, pero tinapat ko siya na igagawa ko siya ng kuwento at ilalagay ko sa internet. Natawa siya nang sabihin kong baka mabasa ng anak niya sa Japan ang isusulat ko tungkol sa kanya.

Nang iwanan ko siya upang ituloy ang paglakad papunta sa Avenida (Sta. Cruz), narinig ko uli ang boses niya na tumatawag ng mga pasahero. Habang naglalakad ako, naalala ko ang nanay namin na nagtatawag ng mga mamimili upang lumapit sa mga inilatag niyang ukay-ukay tuwing araw ng tiyangge sa bayan namin, noong maliit pa ako….

IMG7162