Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong at Mga Walang Pinag-aralan Subali’t Maayos ang Buhay

Ang Mga Taong Hindi Marunong Mangalaga ng Tulong

At Mga Walang Pinag-aralan Subalit Maayos ang Buhay

Ni Apolinario Villalobos

 

Dapat lang na hindi ibalik sa taong tumulong sa iba ang itinulong niya sa mga ito. Ibig sabihin ang tulong ay hindi dapat ituring na “utang” ng taong tinulungan. Ang dapat gawin ng isang tinulungan ay ipasa sa iba ang tulong na napakinabangan niya. Subalit iba ang usapan kapag ang tinulungan ay hindi marunong mangalaga ng itinulong sa kanya tulad ng mga sumusunod na kuwento:

 

#1…..Tungkol ito sa isa kong kaibigang seafarer, mayroon siyang malaking bahay na hinuhulugan at may dalawang anak na nag-aaral. Noon ay hindi hamak na malaki ang kita niya kung ihambing sa kinikita ng hindi sumasakay sa barko. Ang masama lang ay mayabang siya at galante tuwing magbakasyon at mahilig bumili ng mga bagay na naide-display niya upang masabing marami siyang pera. Kalimitan, makalipas ang dalawang buwang bakasyon, isa-isa na ring nawawala ang mga gamit dahil kung hindi naisanla ay naibenta…at sa akin tumatakbo upang umutang. Palagi ko siyang pinapayuhan, at oo naman siya ng oo. Ngayong nagkaedad, halos wala nang kumpanyang tumanggap sa kanya, kaya  nataranta dahil ang bahay pala ay hindi regular na nababayaran sa SSS kaya malaki ang naipong arrears. Ang anak na babae ay isang teen-aged mom dahil nabuntis high school pa lang, at ang panganay na lalaking anak ay puro tattoo ang katawan at laman ng kalye. Ang asawa naman na suki ng mga parlor ay halos walang expression ang mukha dahil kung ilang beses nang inineksiyunan ng  gamot na pampatanggal ng kulubot, kaya sa biglang tingin ay mukhang tanga. Ilang beses siyang lumapit sa akin upang umutang, subalit nagmatigas ako. Nang magalit, pinaalala ko sa kanya ang mga utang niyang niyang hindi ko nasingil dahil idinaan na lang niya sa “kalimot”.

 

#2…..Isa pa ring kaibigan ang inabutan ko ng tulong na pandagdag sa puhunan niya sa pagba-buy and sell ng mga prutas. Nang lumakas ang negosyo, biglang umarangkada sa pagbukas naman ng isang karinderya dahil naiinggit yata sa mga kaibigang may ganitong negosyo. Minalas sa mga taong tinanggap niya upang tumulong dahil puro kupit ang inabot niya. Wala pang anim na buwan, bumagsak na ang karinderya ay may utang pa siya sa inupahang puwesto. Pinahiram ko pa ng ilang beses subalit hindi pa rin natuto dahil nagbukas uli ng karinderya na talaga namang hindi niya nakokontrol ang pagpatakbo. Lumipas ang isang taon bago kami nagkita uli….balik siya sa wala. Nang subukan niyang “humiram” uli sa akin, tumanggi na akong tumulong. Tulad ng inaasahan ko, nagtampo at nagalit kaya iniwasan na ako.

 

Iba naman ang kuwento ng mga taong nakatira sa bangketa na ang ikinabubuhay ay pamumulot ng mapapakinabangang basura. Yong isang pamilya na naabutan ng pera, bumili agad ng mga scrap na kahoy, tatlong gulong na pang-kariton, mga pako at nanghiram lang ng martilyo, at tulung-tulong silang mag-asawa sa paggawa ng kariton, kaya ngayon ay lalong marami silang nahahakot na papel, lata at bote, kung ihambing noon na sako o malaking plastic bag lang ang gamit.

 

Yong isang pamilyang dating isang kariton lang ang gamit sa pamumulot ng basura, nagkaroon ng isa pa nang maabutan ng tulong, kaya tag-isa na silang mag-asawa ng itinutulak na kariton, at dahil lumaki ang kita, nakaya na nilang mangupahan ng isang maliit na kuwarto…hindi na sila nakikigamit ng kubeta ng restaurant ng Intsik, at hindi na rin natutulog sa bangketa. Nakakaipon na rin sila ng iba’t ibang gamit sa bahay na napupulot sa mga basurahan dahil naikakarga nila ang mga ito sa kariton nila upang maiuwi.

 

Yong mag-asawang matanda na sigarilyo at mga kendi lang ang dating tinitinda sa bangketa, nang abutan ng tulong, nagkaroon ng maliit na mesa, dalawang thermos para sa kape, mga biscuit, at tinapay na idinagdag sa mga itinitinda. Mayroon na rin silang picnic umbrella, pananggalang nila sa init ng araw at ulan. Nang dinagdagan ang puhunan nila, nagtinda na rin ng piniritong isda at kanin na tantiyado nilang mauubos sa maghapon, nalilibre pa ang tanghalian at hapunan nila.

 

Yong mga namumulot lang dati ng mga reject na gulay sa Divisoria, may mga kariton na rin at ang tinitinda ay mga gulay na binibili nila ng maramihan sa mga papauwi nang mga mangangalakal kaya mura nilang nakukuha…nabawasan na ang hirap nila dahil hindi na sila mangangalkal pa at maglilinis ng mga reject na gulay.

 

Kung minsan mahirap unawain ang tao. Kung sino kasi ang may kakayahang pinansiyal ay sila pa yong nagmimistulang kawawa bandang huli dahil sa pinili nilang pagpapabaya sa sarili ganoong may pinag-aralan naman sila na magsisilbi sanang gabay sa paggawa nila ng mga desisyon. At, kung sino pa yong sa tingin ng iba ay walang pag-asa sa buhay dahil mga yagit sa bangketa kung ituring – walang pinag-aralan at ni walang ekstrang damit, ay sila pang nakakaraos dahil sa pagsisikap upang mabuhay ng maayos! Ibig sabihin, hindi kailangang maging titulado ang isang tao upang makagawa ng malinaw na desisyon sa buhay!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s