“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

“Maliit na bagay…”: bagong kasabihan ng Presidente ng Pilipinas

(tungkol sa mga isyu ng “tanim-bala” at “Maguindanao Massacre”)

Ni Apolinario Villalobos

 

Ayon sa matalinong presidente ng Pilipinas, maliit na bagay lang daw ang isyu tungkol sa tanim-bala sa airport at pinalaki lang ng media. Para sa kanya, maliit palang bagay ang mga sumusunod na ilan lang sa mga nangyari dahil sa eskandalong ito:

 

  • Ang mawalan ng trabaho sa ibang bansa ang isang pasaherong hindi nagbigay ng suhol kaya pinigilang sumakay sa kanyang flight.

 

  • Ang halos ikamatay ng isang matandang pasahero ang ginawang pagbintang na nagbibitbit siya ng bala.

 

  • Ang kahihiyang idinulot ng pagposas agad sa isang may katandaan nang pasaherong babae dahil lang sa iisang balang nakita daw sa kanyang bagahe.

 

  • Ang mapagtawanan ang Pilipinas ng buong mundo dahil pati ang inosenteng bala ay ginawang kasangkapan sa pangingikil, kaya ang kahihiyang ito ay ginawan pa ng isang TV show sa Japan.

 

  • Ang maalipusta ng mga banyaga na ang tingin sa Pilipino ay hindi mapapagkatiwalaan.

 

  • Ang masira ang imahe ng bansa pagdating sa turismo dahil pati mga banyagang turista ay hindi pinatawad ng mga nangingikil sa airport.

 

  • Ang maungkat uli ang literal na mabahong amoy sa mga airport dahil sa mga sirang gripo, baradong inuduro at tadtad ng mantsang mga lavatory o lababo, kaya hindi na nawala ang black eye ng tourism industry ng bansa na hindi na nga nakakasabay kahit lang sa mga kapit-bansa na kasapi sa ASEAN.

 

Pinsan ng pangulo ang nakaupong General Manager ng MIAA, na tahasang nagsasabing wala siyang pakialam sa pangkabuuhang operasyon ng airport sa kabila ng ipinakita na sa kanyang responsibilidad na nakapaloob sa isang kauutusan. Bakit hindi na lang siya mag-resign upang mapalitan ng talagang may kaalaman sa pagpapatakbo ng airport? Kung may pagmamahal siya sa pinsan niyang matalinong president, dapat umalis na siya upang mabawasan naman ang bigat na nakapatong sa balikat nito – mga problemang siya rin ang may gawa.

 

Ang Maguindanao Massacre na ilang araw lang ang nakaraan ay umabot na sa ika-anim na taon ay malamang “maliit na bagay” lang din para sa matalinong pangulo. Nakalimutan yata niyang isa ito sa mga pinangako niyang matutuldukan noong siya ay nangangampanya pa lang. Nakakatawa pa sila sa Malakanyang dahil ngayong araw na ito lang, November 24, nagbigay ng “reminder” sa Department of Justice na “bilisan” kuno ang pagpausad sa gulong ng hustisya para sa mga namatayan!

 

Maliit din sigurong bagay ang pag-appoint niya ng mga kakilala, kaeskwela, at kung ano pang kakakahan sa mga sensitibong puwesto sa iba’t ibang ahensiya. Mabuti na lang at kahit paano ay nabistong ang palagi niyang sinusumbat na cronyism kay Gloria Arroyo ay ginagawa din pala niya – mas matindi pa! Bumaba man siya sa puwesto, hindi siya makakalimutan ng mga Pilipino dahil sa pagduduro niya ng isang daliri kay Gloria, samantalang ang tatlo pa ay nakaturo naman sa kanya!

 

Para sa isang taong hindi nakadanas ng kahirapan, lahat ng bagay sa mundo ay maliit dahil malamang, iniisip niyang lahat ito may katumbas na pera!…o hindi kaya dahil lang sa talagang ugali niyang walang pakialam sa kanyang kapwa?

 

 

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ang Pangangasiwa ng Manila International Airport (MIA)

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi pala alam ni G. Honrado na saklaw ng kanyang responsibilidad bilang General Manager, ang buong Manila International Airport. Ibig sabihin, hindi pala niya alam na Manila International Airport Authority (MIAA) ang nag-iisyu ng mga temporary pass sa buong airport para sa lahat ng mga taong may kaugnayan sa operasyon nito. Hindi pala niya alam na para maisyuhan ng temporary pass ay kailangang i-surrender ang company ID, o di kaya ay dapat magsumite lahat ng mga ahensiya ng listahan ng mga empleyado nila upang maisyuhan ng pangmatagalang temporary pass. Hindi pala niya alam na ang  malalaki hanggang sa kaliit-liitan gamit ng MIA, ay may tatak na “MIAA Property” at may control number. Nakalimutan rin siguro niya ang malaking “insidente” na nangyari noong panahon ni Gloria Arroyo tungkol sa pagsugod nito sa MIA nang walang pasubali o abiso upang makita talaga ang mga kapalpakan sa mga parking areas, kaya nang mabisto nga ay “sinabon” niya on the spot ang pinsan nitong in-assign din na tulad niya bilang General Manager.

 

Ang Manila International Airport ay parang shopping mall. Ito ay may pinaka-hepe na dapat mangasiwa sa lahat ng mga nagtatrabaho sa loob, kasama na ang security, mga concessionaires, contracted agencies at mga namimili o namamasyal lang. Ibig sabihin ang pinaka-hepe nito ay may responsibilidad na sumasaklaw sa buong operasyon ng mall. Ganoon din sa MIA na dapat lahat ng bahagi nito ay pinangangasiwaan sa kabuuhan ng General Manager – mula sa runways, tarmac, terminals at parking lots. Siya ang nasa itaas at sa ilalim niya ay iba’t ibang ahensiya ng gobyerno at mga concessionaires na nagkakanya-kanya ng pagkontrol ayon sa saklaw nilang operasyon na nakasaad sa mga Operating Manual nila, na nakabatay naman sa Operating Manual ng MIAA. Sa pinakagitna ng kani-kanilang operasyon ay ang Manila International Airport Authority.

 

Dapat ang susunod na itatalaga bilang General Manager ng MIA ay taong may “managerial skill” (kaya nga tinawag na General Manager) at may malawak na kaalaman sa airline operation. Saklaw ng airline operation ang iba’t ibang kaalaman tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa “aviation security” kaya hindi kailangang manggaling ang taong itatalaga mula sa anumang military branch ng Pilipinas. Bilang isang industriya, ang international aviation ay may mga pinatutupad na mga patakaran upang masigurong ligtas ang mga pasahero ng iba’t ibang airlines. Napapag-aralan ang mga patakaran sa pagpapatupad ng security sa airport, at palagi ring ina-update batay sa pangangailangan ng panahon, na tulad ngayon ay hantad sa terorismo. Dahil dito, hindi kailangang may actual exposure sa military operation, na napakalayo sa isang civilian airline operation, ang General Manager.  Dapat ay ituring na malaking leksiyon dito ang nakaupo ngayong General Manager na nagpipilit na wala siyang pakialam sa ibang operasyon ng MiA.

 

Ang malaking problema nga lang ay kung umiral uli ang napakakorap na pag-iisip ng uupong Presidente na magtatalaga na naman ng pinsan, o kapatid, o bayaw, o tiyuhin, o dating driver, o dating messenger, o dating masahista, bilang General Manager. May napapagbatayan na kasi…kung sa Ingles – may “precedent”….may mga una nang ginawa kaya gagayahin na lang!