Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting…HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA

Mga Likas o Natural na Bagay ang Ginagamit na Anting-anting

…HINDI BALA NA MAY LAMANG PULBURA

Ni Apolinario Villalobos

 

Kawawa ang mga taong nagpapauto sa mga arbularyo o kung sino man na nagsasabing ang bala, lalo na ang “live” o ang may lamang pulbura ay isang anting-anting. Ang ganitong pang-uuto ay sinimulan ng mga taong nagnanakaw ng bala mula sa kung saan mang imbakan at binibenta sa mga taong tanga na naniwala naman. Sinabi ko na sa isang blog ko noon tungkol sa isyu ng tanim-bala, na kung ituring man na anting-anting ang bala, dapat ay yong walang lamang pulbura dahil ang ginagamit lang ay ang “metal” na nilalagyan ng pulbura na kung hindi yaring tanso ay tingga. Puwede ngang baguhin ang porma tulad halimbawa ng pagpepe o pag-flatten ng basyong bala upang maipormang pendant, o di kaya ay lagyan ng dalawang “kamay” upang magmukhang krus at magamit na palawit sa kuwentas….ganoon lang. Hindi kailangang bumili sa mga nagtitinda ng mga ninakaw na bala, sa halagang Php1,500.00 ang isang piraso! Ayaw ko na lang isulat kung bakit nagkakaubusan ng bala sa mga imbakan nito. Ang isang ordinaryong mamamayan ay hindi naman nakakabili ng paisa-isang bala.

 

Batay sa mga nasagap kong impormasyon galing mismo sa mga nagtatago ng balang may pulbura, “panlaban” daw ito sa mga taong may masamang balak sa kanila, kaya swak sana sa mga OFW na ayaw mabugbog o magahasa ng mga malupit o manyak na employer. Ang masama, pati mga matatanda ay napagpaniwala din ng mga unggoy na nangraraket! Sabihin ba naman ng mga hangal na ito na hahaba ang buhay ng taong may itinatagong bala, kaya ang mga uugud-ugod na gusto pa yatang mabuhay nang mahigit 100 taon, ay hindi rin magkandaugaga sa pagbili, sa halip na gamitin ang perang galing sa pension, na pambili ng gamot sa rayuma man lang!

 

Matagal nang ginagamit ang tanso o copper at tingga o lead, na panlaban sa masamang ispiritu, lalo na sa kapre, pero  hindi sa kapwa-tao. Bumibigat daw ang taong mayroon nito kaya hindi basta naitatakas ng kapre, kaya pati sanggol ay palaging may katabing bala na nakabalot sa pulang tela dahil ang kulay pula ay kalaban din ng masamang espiritu. At tungkol pa rin sa kulay pula…yong ayaw masaniban ng masamang espiritu, maliban sa balang nakabalot sa pulang tela ay nagsusuot din ng pulang bra o kamison at panty kung babae at ang lalaki naman ay palaging may pulang panyo. Sa ilalim ng unan nila ay mayroon ding pulang panyo. Sa panahon ng pagreregla ng babae, lalo silang ligtas!  Pinaniniwalaan na ito bago pa dumating ang mga Kastila.

 

Ang ginagamit na panlaban sa kapwa-taong may masamang balak ay dinasalang langis na umaapaw sa sinidlang maliit na bote kapag nasa harap mo ang taong may masamang balak. Hindi nakokontra ang isang masamang balak ng kapwa- tao sa pamamagitan ng balang nasa bulsa o pitaka, dahil kung totoo man, wala sanang inuuwing OFW na nasa kabaong o buntis dahil na-rape ng employer, o di kaya ay naka-wheel chair, o di kaya ay lalaking Pilipinong ni-rape o binugbog ng Arabo! At, lalong wala sanang namamatay sa pagkabaril o natutusok ng patalim, at nakitang nakahandusay na lamang sa isang tabi. Ang isang nakausap ko, tatlong bala nga daw ang palagi niyang dala, pero sa kasamaang palad pa rin, mahigit limang beses pa rin daw siyang naholdap sa Cubao! Kaya ngayon hinahanting na niya ang co-boarder niyang dating pulis na natanggal sa trabaho dahil sa katiwalian, upang pakainin ng mga balang ibinenta sa kanya! Dalawa daw sila sa boarding house nila ang binentahan ng mga bala ng ungas na dating pulis.

 

Kung anting-anting ang gusto dahil ang inaasam ay karagdagang “lakas”, ang dapat gamitin ay mga kristal, bato, o mga bahagi ng mga halaman. Balutin mo man ang katawan mo ng mga ito ay walang sisita sa airport o pantalan kaya walang mangingikil na taga-AVESECOM o OTS. Pwede ka lang sigurong pigilan sa pagsakay dahil baka isipin nilang sintu-sinto ka, kaya sa halip na i-detain ka o hingan ng pera, baka ihatid ka pa pauwi sa inyo dahil sa awa nila!

 

Totoo naman talagang may iba’t –ibang uri ng “lakas” na nanggagaling sa mga bato at kristal dahil sa taglay nilang mga mineral. Ang isang pruweba rito ay ang bato-balani (magnet), quartz, jade, lalo na ang hindi pa gaanong kilalang batong “tourmaline” na napatunayang humihigop ng dumi sa loob ng katawan. Ang mga bahagi naman ng mga halaman ay talagang gamot kaya nakakapagpalakas ng loob kung may dalang maski pinatuyong dahon, ugat o balat man lang. May mga dahon na maski tuyo ay pwedeng amuyin upang mawala ang pagkahilo o pananakit ng tiyan dahil sa kabag, at mga pinatuyong ugat o balat ng kahoy na kapag ikinunaw (dipped) sa kapeng iniinom ay nakakagamot din….yan ang mga anting-anting na dapat ay palaging nasa bulsa at bag!

 

Ang mga tao namang nauto kaya nakabili ng bala sa halagang Php1,500.00, magmuni-muni na, lalo na yong mga OFW na ang pamilya ay nagkandautang-utang, may maipanlagay lang sila sa recruiter at pambili ng tiket ng eroplano, at ang kabuuhang halaga ay katumbas ng mahigit sa isang taong pagpapa-alipin sa ibang bansa. Huwag magpakatanga dahil lang sa bala. Kaya nagkakaroon ng mga tiwaling kawani sa airport ay dahil sa mga taong matitigas ang ulo. Nakasilip tuloy ang mga kawatan sa airport ng dahilan upang sila ay kikilan. Kung mahuli naman, at marami naman ang umaming may dala nga ng bala, ay saka sila magngunguyngoy at magsisisi! Ang masakit pa ay nadadamay ang mga taong wala talagang kaalam-alam sa “anting-anting” na ito.

 

Dapat tandaang kung walang tanga, ay walang nagagantso o nalilinlang ng kapwa! Kung totoo mang may nagtatanim ng bala sa mga bagahe, ang tanong ay… SINO ANG MGA NAGSIMULA SA PAGBIGAY NG DAHILAN KAYA NAGING RAKET ITO? HINDI BA MISMONG MGA PASAHERONG TANGA NA AKALA AY LIGTAS SILA KUNG MAY BALANG DALA? DAHIL SA TAKBO NG ABNORMAL NILANG ISIPAN, NAGKAROON NG KIKILAN SA AIRPORT KAYA NADAMAY ANG MGA INOSENTENG PASAHERO. Patunay sa raketang ito ang report na sa kabila ng naka-log na kulang-kulang sa isang libong “nahulihan”, wala pang kalahati ang nakasuhan. Ano ang ang nangyari sa iba?…eh, di “napag-usapan”!!

 

At, ang pinakamahalagang paalala: malakas na pananampalataya sa Pinakamakapangyarihan ang pinakamagaling na anting-anting ng tao…wala nang iba! Huwag lang magdasal ng malakas habang nagpapa-inspection ng bagahe sa airport….hinay-hinay lang sa pagpapakita ng matiim na pananampalataya upang hindi mapagkamalang “jet-setter” na baliw!

 

Nagiging OA ang mga Militanteng Grupo…nakakawalang ganang panigan tuloy!

Nagiging OA ang mga Militanteng Grupo

…nakakawalang ganang panigan tuloy!

ni Apolinario Villalobos

 

Malaking bagay ang nagagawa ng mga militante sa pagpapaliwanag ng mga bagay na nangyayari sa ating bansa, sa iba’t ibang larangan lalo na sa ekonomiya at pulitika. Kung baga ay sila ang tagapag-gising ng mga Pilipino dahil sa ingay na ginagawa nila. Subalit ang magpasimula sila ng karahasan o violence tuwing may rally ay hindi maganda.

 

Ang pinakabagong pangyayaring mababanggit tungkol dito ay ang APEC Summit sa Manila.Sinamahan pa ang mga local na mga militante ng mga kasapakat o kaalyado na galing sa ibang bansa. Hindi nagkulang ang mga local na pamahalaang nakakasaklaw ng mga lugar na kinampuhan ng mga grupong militante sa pagbigay ng kaluwagan. Ang mga ahensiya naman ng gobyerno ay hindi nagkulang sa pagbigay ng paalala, lalo na sa mga schedule ng pagsara ng mga kalsada at babala kung hanggang saan lang dapat ang mga raleyista. Subalit may mga balitang nagpipilit pa rin ang mga militanteng grupo sa pagpapakita ng “tapang” sa pamamagitan ng pagsugod sa hanay ng  mga nakaharang lamang na mga pulis.

 

Ayon sa mga field reporter ng radio, ang mga grupo ng mga militante ang unang nangdadarag o nagpo-provoke sa hanay ng mga kapulisan na humaharang sa kanila sa pamamagitan ng pag-agaw ng kanilang mga truncheon o kalasag at pagtutulak sa mga ito. Mabuti na lang at hindi natitinag ang disiplina ng mga kapulisan na nagpakita ng matinding pasensiya sa kabila ng nakakatulig na pagmumura mula sa mga estudyanteng militante.

 

Narinig ko mismo ang live coverage sa isang pangyayaring pinarinig ng isang AM radio station. Sa background ng coverage ay maririnig ang tilian at sigawan ng mga nagra-rally, na sinisingitan ng komento ng reporter kung paanong itulak ng mga estudyante ang mga pulis na ang iba ay inaagawan pa ng kalasag, subalit nang gumanti ng tulak ang mga pulis, narinig agad ang pagsigaw ng isang estudyanteng: “….hayan mga kababayan, nakikita ninyo ang karahasan ng mga pulis…”. Napamura tuloy ako – pero sa hangal na estudyanteng lider pa man din yata ng grupo. Sila itong nanguna sa pagtulak, pero sila pa ang may ganang magreklamo at magpakita sa taong bayan na sila ay inaapi ng mga pulis!

 

May nagsabi sa akin na karamihan sa mga militanteng grupo sa Pilipinas ay sinusupurtahan ng mga Komunistang lumalaban sa Demokrasya, kaya kung mapapansin, dominante sa mga kulay na ginagamit nila sa mga streamers at banners ay pula, simbolo ng komunismo at sosyalismo. Isa sa mga pinag-aaralan din daw nila ay kung paanong epektibong makadarag o maka-provoke ng mga anti-riot police na humaharang sa kanilang daraanan tungo sa mga bawal na gustong pagdausan nila ng rally, tulad ng harapan ng mga embassy, Mendiola, at Malakanyang. Maituturing na nagtagumpay sila sa pag-provoke kung papaluin na sila ng mga pulis na makukunan ng retrato. Nang mabisto ang strategy nilang ito, gumamit na lang ng water cannon ang mga anti-riot police.

 

Sa ganang akin, hindi masama ang mag-rally pero dapat ay sa tamang paraan,  sa pamamagitan ng pagrespeto sa mga itatalagang alituntunin ng mga ahensiya, lalo na ng mga local na pamahalaang masasakop ng aktibidad. Kung ano ang bawal, dapat ay sundin. Kahit saan ay pwedeng gawin ang rally dahil kokoberan naman talaga ito ng mga reporter ng diyaryo, radio at TV. Kahit halimbawa ay laban sa Kongreso na nasa bandang Quezon City ang rally, ito ay maaaring gawin sa Luneta o Liwasang Bonifacio o sa bakuran ng UP, atbp.  Ang ilalabas naman sa TV, diyaryo at ibo-broadcast sa radio na layunin ay aabot pa rin sa lahat ng sulok ng Pilipinas. Dahil dito, hindi kailangang mag-provoke ng mga pulis na naatasan lamang na magmintina ng kaayusan at pumigil sa anumang pinsala na mangyayari, upang masabing nagpakita ang mga ito ng “police brutality”. Trabaho lang ang ginagawa ng mga pulis. Maaaring marami rin sa kanila ang galit sa gobyerno pero hindi lang nila mailabas…yan ang dapat ding isipin ng mga nagra-rally.

 

Hindi kailangang sumigaw na ang background ay Congress o Malakanyang dahil ang importanteng malaman ng mga Pilipino ay mensahe ng mga nagsasalita sa rally. Bakit kailangan pang may masaktan o dumanak ng dugo? Paanong papanigan ng maraming Pilipino ang mga bistado nang mga komunistang nagra-rally, kung sila mismo ay naninira ng mga gamit ng mga embassy, plant boxes, poste ng ilaw, nang-aagaw ng truncheon ng pulis na nakaharang lamang sa kanila, at nag-iiwan ng basura mula sa sinunog na mga effigy, at mga balot ng pinagkainan nila, pati mga basyo ng mineral water?

 

Dahil sa hindi magandang gawi ng mga militanteng nagra-rally, ipinapakita nila na kailangan pang maging marahas upang magtagumpay sa pagpaparating ng mga mensahe. May napagtagumpayan ba naman sila? Hindi na ba pwedeng gumamit ng mahinahong paraan? Ang orihinal at tunay na layunin ng rally ay upang magkaroon ng pagkakataon ang mga grupong makapagparating ng kanilang mga hinaing sa mga kinauukulan. Nasira lamang ang layuning ito nang makarating sa bansa ang ideyolohiyang sosyalismo na ang pamamaraan sa pagtamo ng inaasam ay idinadaan sa karahasan.

 

Kawawa ang mga Pilipinong ang kaisipan  ay hindi na nga “nahinog” sa ideyolohiyang Demokrasya na ibinigay ng mga Amerikano, ay ginulo pa ng “Sosyalismo” na talaga namang hindi angkop sa kultura ng mga ito na nakasalig sa mga relihiyong Kristiyanismo at Islam!

 

Kalaban din ako ng korapsyon pero malayo sa isip ko ang patayan o pagdanak ng dugo upang matanggal lamang ito sa gobyerno…

 

Hindi Nakukuha sa Pagpapa-trying Hard and Pagpaganda ng Babae Para Mapansin ng Lalaki

Hindi Nakukuha sa Pagpapa-trying Hard

ang Pagpaganda ng Babae Para Mapansin ng Lalaki

Ni Apolinario Villalobos

 

Ang mga babae ay nagpapaganda upang makaakit ng pansin ng lalaki, at dahil dito ay nagkakaroon sila ng paligsahan at inggitan. Hindi lang mukha ang tinitingnan ng lalaki sa babae. Kasama sa hinuhusgahan ay ang kalinisan ng katawan at ugali. May mga babaeng hindi kailangang magsuot ng mamahaling damit at magsuot ng maraming alahas upang siya ay mapansin. Ang isang halimbawa ay si Marian Rivera na kung wala sa shooting ay simple lang ang damit, walang make-up ang malinis na mukha at maayos ang buhok, kaya sa kabuuhan ay malinis at kaaya-aya siyang tingnan.

 

May mga babaeng binabagayan ng lipstick, kaya huwag nang magpilit na maglagay nito sa bibig dahil naiinggit lang sa kumare, kapitbahay, o sa kasambahay. Yong ibang nagpipilit talaga, lalo pa at pulang-pula ang kulay ng lipstick na ginamit ay nagmumukha tuloy na inumbag kaya namusarga at mukhang duguan ang bibig na na-emphasize ang kapal. Mag-ingat din dahil may mga pekeng lipstick galing China (na naman!). May inilabas sa TV noong mukha ng babaeng naglagay ng pekeng lipstick kaya animo ay kinuyog ng putakte ang kanyang bibig na dumoble ang kapal. Kailangan ding “aprubado” o approved ng asawa o boyfriend ang klase ng lipstick na gagamitin dahil apekatado sila nito…at kung bakit ay hindi ko na dapat pang sagutin.

 

Ang buhok ay tinuturing na “frame” ng mukha. Ang gupit at ayos ay binabatay sa hugis ng mukha. Ang TV newscaster na si Susan Enriquez ay mahaba ang buhok noon na hindi bumagay sa may pagka-masculine niyang mukha. Mabuti at may nagsabi sa kanyang magpalit ng style, kaya nang ginawang “boy’s cut” ang buhok ay lumabas ang kanyang “handsome beauty” at naging telegenic ang dating niya sa TV – gumanda. Ang babaeng tinatawag sa English na “handsomely pretty” ay hindi nangangahulugang tomboy. Ang katawagang nabanggit ay batay sa hugis ng mukha, kaya maraming babaeng artista sa Holywood na kung ituring ay “handsome women”.

 

Ang ibang babae ay nagpapaka-trying hard din sa pag-display ng kanilang mga asset. Hindi na ito kailangan dahil kung gusto ng lalaking tumingin ng mga umaalagwang asset ay pupunta lang siya sa beerhouse. Ang short shorts ay may binabagayan din kaya dapat manalamin muna ang magsuot nito at yong mga kaibigan namang tinatanong ay dapat maging honest sa mga “best friend” nila may maitim na kuyukot, kaya dapat ay pagsabihan nilang huwag magsuot nito dahil pagtatawanan lang. Kung magandang hugis lang naman ng binti ang gustong i-display, simpleng shorts at maigsing damit ay pwede na, hindi yong pati ang singit ay halos pasilipin pa. Ang mga ganitong pagta-trying hard ng mga babae ang dahilan upang sila ay bastusin sa kalye. Alalahanin ang kasabihang: walang mababastos kung walang magpapabastos.

 

Pinagbabawal sa karamihan ng simbahang Katoliko ang  pagsusuot ng “masagwang damit” kung dadalo sa misa. Subalit marami pa ring babeng nagsisimbang may katigasan ang ulo…sila yong mga nagpapayabangan sa pagsuot ng mga damit na may “plunging neckline”, sleeveless t-shirt, manipis na blusa, shorts, damit na may “spaghetti strap”, etc. Subalit sa isang parokya ng Quezon City, may mabait na pari dahil pinapahiram niya ang mga babaeng dumadalo sa misa ng bandana upang magamit na “pantakip” sa mga hindi dapat i-displey sa loob ng simbahan. Sa bukana pa lang ng simbahan ay may mga “manang” nang nag-aabang ng mga babaeng dapat pahiramin ng bandana.

 

Hindi rin dapat basta nagpapaniwala ang mga babae sa itinuturing nilang mga “best friend” dahil baka ang pinapayo sa kanila ay kabaligtaran ng mga dapat nilang gawin. Ito ang mga talagang naiinggit dahil pagkatapos nilang magbigay ng baligtad na payo, pagtalikod ng pinayuhan nila, sila naman ay namimilipit sa pagtawa….dahil nagtagumpay sa layunin nilang maging katawa-tawa ang pinayuhan nila.

 

Ang ibinabahagi kong ito ay hindi pag-alipusta sa mga babaeng nagpipilit na takpan o itago ang likas nilang kagandahan sa pamamagitan ng mga artipisyal na bagay tulad ng iba’t ibang klaseng make up at  kung anu-ano pang burluloy sa katawan dahil lang sa inggit. Hindi nila dapat sayangin ang likas na kagadandahang ibinigay ng Diyos. Kung may kaunti mang pagbabagong gagawin sa ibinigay ng Diyos, dapat ay gawin ito hindi upang inggitin ang kapwa babae, sa halip ay upang maging lalo pang maging kabigha-bighani sa paningin ng boyfriend o asawa…upang hindi sila mag-goodbye!