Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala at Iba pang anting-anting sa Pilipinas

Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala

At iba pang anting-anting sa Pilipinas

Ni Apolinario Villalobos

Ayaw ko sanang magsulat tungkol sa anting-anting, pero dahil sa isyu ng “tanim- bala” sa international airport, ay kailangang maglabas ako ng saloobin upang maisama na rin ang iba pang itinuturing na anting-anting sa Pilipinas. Makababanggit ako ng mga bagay na may kinalaman sa nakaraang awayan ng mga Muslim at Kristiyano sa Mindanao, kaya kaunting pang-unawa ang hinihingi ko.

Ang “anting-anting” na gawa sa bala ay nagsimula sa Mindanao noong dekada sitenta, kainitan ng away sa pagitan ng mga Blackshirt (Muslim) at Ilaga (Kristiyano). Ang gumagamit ng bala bilang anting-anting PERO WALANG LAMANG PULBURA ay ang mga Ilaga. Napupulot lang ang mga basyo ng bala sa mga encounter areas, pati na ang malalaking basyo ng kanyon. Nilalagyan ng maliit na papel na sinulatan ng orasyon ang basyo ng bala, at tinatakpan uli ng kung hindi man kahoy ay nilusaw na tingga o pilak.

Naging “fad” ang mga gamit na yari sa mga basyong bala, lalo na ang mga ginamit sa kanyon at ginawa bilang ash tray at flower base. Ang mga bala namang basyo subalit may orasyon ay pinapalawit sa kuwentas. Hindi ginagamit na anting-anting ang balang may lamang pulbura, dahil ipinagbawal ito ng mismong mga lider ng Ilaga. Ang kailangan sa basyong bala ay ang tansong nilagyan ng pulbura dahil ang material na ito talaga ang panlaban daw sa masamang espiritu, isang paniniwala na galing sa mga Intsik, maliban pa sa paniniwala nilang nakakagamot din kaya may mga bracelet na yari sa tanso. Naging popular na souvenir ang mga items na yari sa mga basyong bala kaya ang mga pumupunta sa Mindanao – naging malaking negosyo. Sa mga lugar kung saan may mga putukan, may mga bata ring nakaabang upang mamulot ng mga basyo pagkatapos. Yong ibang namumulot ay sako-sako ang naiipon. Yong hindi nalulusaw upang gawing agimat na medalyon ay ginagawing palawit na lang subalit may mga ukit na disenyo.

Ang isa pang ginamit na anting-anting ng mga Ilaga noon ay ang pabango na ang tatak ay “X-7”, na ang pinakamaliit na sisidlan ay kapareho ng sisidlang maliit ng “White Flower”, isang uri ng herbal oil na ginagamit laban sa baradong ilong at nananakit na kalamnan, at sakit ng tiyan. Palatandaan ang amoy ng “X-7” na ang isang tao ay kasapi ng Ilaga, kaya nagkakaalaman ang mga taong nagkakasalubong kahit saan. Ang kumpirmasyon ng kanilang pagiging magkasapi ay isa pang senyas.

May mga classmate ako noon na kasapi sa Ilaga subalit hindi na lang namin sila pinapansin kung nangangamoy “X-7” sila sa loob ng classroom. Maliban sa pabango na hinaluan ng dinasalang langis ng niyog, ang bote ay may laman ding orasyong nakasulat sa maliit na papel at binilot upang magkasya sa bote, o maliit na bahagi ng tenga ng napatay na Blackshirt. Kung may laban, nagpapahid ng maraming “X-7” ang mga Ilaga, at upang epektibo ang anting-anting, kung nakatayo man sila at sumugod, hindi patakbo o palakad ang kanilan ginagawa – nauuna ang kaliwang paa, kaya nakatagilid sila habang sumusugod at nagpapaputok.

Maraming namamasyal sa Mindanao noon na ang unang binibili ay mga palawit sa kuwentas na basyo ng balang binibenta sa palengke, pati na mga ash tray at flower vase na gawa rin sa bala. Lalong naging popular ang bala nang kumalat ito sa Manila dahil binenta na rin sa mga tindahan ng anting-anting sa gilid ng simbahan ng Quiapo. Isang taga-amin ang minsan ay natiyempuhan kong nagdeliver sa Quiapo ng mga ginawa niyang “souvenirs”, sinamahan ko pa siya sa puwesto ng matandang babae na taga-Baguio. Yan ang kuwento ng kawawang balang dapat ay basyo kung gamiting palawit dahil anting-anting lang, hindi pampatay, subalit ginamit na kasangkapan ng mga kawatan sa airport ng Manila upang makapangikil.

May nakilala ako noong matanda, si Ba Endo, na nakatira sa paanan ng Sierra Madre. Una siyang nakilala ng mga miyembro ng UP Mountaineers na nag-imbita naman sa aming mga taga-PAL Mountaineering Club upang mag-camping sa nasabing bundok. Dahil naging malapit ako sa matanda, naging kampante akong mag-camping sa tabi ng bahay niya o matulog mismo sa bahay niya kahit ako lang mag-isa. Kung minsan ay kasama ko ang isa pang miyembro ng PAL Mountaineering Club na si Fabie Espino.

Isang beses na sa bahay niya ako natulog, ginising niya ako bandang hatinggabi at sinenyasang huwag maingay, sabay turo sa labas ng bintana. Noong umpisa hindi ko maaninag ang itunuturo niya, subalit bandang huli ay malinaw kong nakita ang isang parang maliit na light bulb sa isang sanga ng puno. Gumalaw ito at nawala. Sabi niya, “karbungko” daw ang nakita ko, isang bato na inaalagaan ng mga ahas at ang nagdadala ay ang pinaka-lider nila. Bago namatay ang matanda, inamin niyang may kaalaman siya sa panggagamot at pangkukulam, kaya pala natataymingan ko kung minsan ang mga batang dinadala sa kanya upang mahilot at may mga bisita din siyang  binibigyan niya ng mga dahon at ugat. Binigyan niya ako ng buhok daw ng tikbalang na nakabalot sa balat ng usa. Nahalata niyang hindi ko ito sineryoso, kaya winisikan niya ng konting tubig, at nabigla ako nang biglang parang “nagkikisay” ang balahibo na parang nasaktang uod!

Bago dumating ang mga  Kastila, ang mga agimat na ginagamit ng ating mga ninuno ay mga bahagi ng halaman tulad ng balat at ugat, bato at korales. Ang paniniwala sa mga bato at korales ay galing naman sa mga Intsik na nakikipagkalakalan sa ating mga ninuno noon. Hanggang ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa bisa ng “pulang korales” (red corral), “itim na korales (black corral), susong dagat, pinatuyong “kabayong dagat” (sea horse), balat ng “walo-walo) (sea snake), taklubo, tambuli (giant conch), at marami pang iba. Ang mga bato naman ay pinangagalingan din daw ng lakas at humihigop ng pera at suwerte, kaya ngayon ay popular pa rin ang mga kuwentas at bracelet na yari sa mga korales at bato, at nadagdagan pa ng mga kristal.

Ang iba pang tanyag na anting-anting daw ay buntot ng page na kinatatakutan ng mga mangkukulam at aswang. Ang mga naniniwala dito ay nagsasabit sa likod ng pintong nasa sala. Ang iba ay nagsasabit naman ng bote o garapong may langis ng niyog na binabaran ng mga ugat at bahagi ng hayop at dinasalan daw ng manggagamot.  Malalaman ng maybahay kung ang taong papasok sa bahay ay may masamang intensiyon kung ang aapaw ang langis sa bote o garapon.

Nang dumating ang mga Kastila, saka naglabasan ang mga agimat na yari sa tanso, may iba’t-ibang hugis at may nakaukit na orasyong hindi maintindihan, pero halata namang may pagka-Kastilang salita na binaluktot. Nakabatay sa Kristiyanismo ang mga sinasabing agimat. Ang impluwensiya ng relihiyon ay makikita sa hugis tatsulok ng ibang medalyon na may malaking mata sa gitna, at nagpapaalala sa Trinity at kapangyarihan ng Diyos. Ang ibang hugis ay kuwadrado naman o bilog at may mga mukha ng mga santo o ni Hesus mismo. Yong mga nagtitinda nito sa Quiapo, sinasabihan pa ang mga bumibili na “nabendesyunan” na daw ng pari  ang anting-anting. Yong ibang hindi kumbinsido, patagong nilulublob ang anting-anting sa lagayan ng sagradong tubig na pang-antada o sign of the cross sa loob ng simbahan.

Naging uso noong dekada otsenta ang bracelet na yari sa “agsam” isang uri ng baging na sa Surigao at ilang bahagi ng Mindanao lang matatagpuan. Ito ay nilala (woven), sa tantiyadong sukat na maisusuot lamang kung ibabad muna sa tubig upang lumambot. Kapag naisuot na at natuyo, bumabalik ito sa dating sukat na tamang-tama lang sa braso. Pantaboy daw ito ng masamang ispiritu, kaya naging popular din sa mga mapamahiing naniniwala sa agimat, kaya bumaha ng mga ito sa Maynila at in-export pa!

May tinatawag na batong “ipot ng bulalakaw”, kulay itim na sa totoo lang ay “tektite” o natirang bahagi ng bumagsak na meteorite. Karamihan sa maliit na batong ito na may iba’t ibang laki at hugis ay matatagpuan sa Mindoro at Batangas at binebenta rin s Quiapo. Mayroon pa ring sinasabing “puting bato balani” na nakita ko ngang dinidikitan ng bakal na bagay, at sa karagatan naman daw ng Infanta (Quezon) ito matatagpuan. Maliit lang ang sukat nito na parang holen pero irregular ang hugis, hindi bilog na bilog.

Ngayon, tinatangkilik ng mga Pilipino ang mga alahas na yari sa mga kristal na galing sa Tsina, dahil nakakagamot daw sila at humihigop pa ng swerte at pera. Dahil sa mga ganoong katangian, itinuring na rin silang mga anting-anting. Naglabasan na rin ang mga talagang bato pa lamang subalit ang laman ay mga kristal, lalo na ang quartz na iba’t iba ang kulay. Marami ang bumibili nito upang maipandispley sa bahay at tuloy makapagtaboy ng malas.

Ano pa nga ba’t at kahit na maituturing nang makabago ang pamumuhay sa panahon ngayon, marami pa rin ang naniniwala sa mga anting-anting. Ang Amerika na nirerespeto ng buong mundo ay merong Superman na ang lakas ay galing sa isang bato. Pero hindi patatalo ang Pilipinas, as usual, na mayroon namang Darna na may anting-anting din na bato!…dapat ito na lang ang lunukin ng mga ayaw paawat na nagbibitbit ng anting-anting…sigurado pang hindi sila mapapasama sa eroplanong babagsak dahil sa pagka-aberya sa ere!

8 thoughts on “Paanong Nagsimula ang Anting-anting na Bala at Iba pang anting-anting sa Pilipinas

    • Tanim-bala is a scam….”tanim” means “to plant”, and “bala” means “bullet”….there is a law in the Philippines prohibiting even a single bullet in his pocket, baggage, bag, etc. The penalty for the locals is less than one hundred thousand pesos, for the foreigners it is more than one hundred thousand pesos, plus imprisonment of not less than 5 years…..the corrupt mind of some airport security personnel is such, that they thought of a “racket” or scam by “planting” or inserting in the bag or luggage of unsuspecting passengers, and the they choose those who are in a hurry to leave the country so that they will be forced to come across or pay bribe money as demanded by these corrupt airport personnel…..so many are already victimized, Filipino overseas workers who are in hurry to take their flight back to their job abroad and balikbayans going back to the US or even foreign tourists….they say that there is a game show in Japan about this shameful anomaly, and also a game app….ver embarrassing….nakakahiya talaga!

      Like

      • What? Mga airport employees pa ang may kagagawan ng mga ito? Grabe naman. Pero ngayong alam na itong modus operandi na ito, tumigil na ba o tinutuloy pa rin? Grabe naman ‘yan.

        Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s