Ang Mga Dahilan kung bakit Hindi Puwedeng “Puro” ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

Ang Mga Dahilan Kung Bakit Hindi Puwedeng “Puro”

ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

Sa titulo pa lang ng blog ay kita nang hindi purong Pilipino ang ginamit ko. Kung gagawin kong

“purong Pilipino” ang titulo, ito ang kalalabasan: “Ang mga Dahilan kung Bakit Hindi Maaaring Lantay na Pilipino ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat….”. Siguradong marami ang magri-react sa “lantay” na ibig sabihin sa Ingles ay “pure”. Hindi maaaring gamitin ang “tunay”, dahil ang ginamit ko ay tunay namang Pilipino ngunit, makabago nga lang kaya tanggap ng lahat.

Masakit sa tenga at mata ang ibang katagang Pilipino na halaw o batay sa wikang Tagalog, at may pagka-imoral pa. Halimbawa na lang ay ang salitang “upuan” na kung misan ay tinatawag na “silya”, pero sa tunay na Tagalog ay “salumpuwet” o “salo ng puwet”. Ang “brief” ng lalaki ay hindi puwedeng “karsonsilyo” na may pagka-Kastila o di kaya ay “karsones”, at lalong hindi maaaring “shorts” o “puruntong” na pinasikat ni Dolphy. Kung gagamitin ang “salumpuwet” bilang batayan sa pagsalin ng mga katawagan sa iba pang kasuutan ng tao, ang “brief” ng lalaki ay magiging “salumbayag” o “salungtiti”, ang “bra” ay magiging “salungsuso” at ang “panty” ay “salungpuke”, ang “guwantes” ay dapat “salongpalad” o “salongdaliri” o “salongkamay”, ang medyas ay dapat “salongtalampakan”, at ang sombrero, maliban sa katumbas na “sambalilo” ay dapat “saklob-ulo”. Kahit papaano ay umiiral pa rin ang moralidad ng mga Pilipino dahil ang “condom” ay binigyan na lang ng simpleng katumbas na “supot”, pero para sa mga pilosopo ay siguradong may tanong pa na: “supot ng ano?.”

Hindi rin maaaring maging puro sa paggamit ng wikang Pilipino ang karamihan sa mga makabagong manunulat, para sa kapakanan ng mga taga-ibang rehiyon ng Pilipinas na hindi nagta-Tagalog. Ang mga taga-Norte, halimbawa, lalo na yong sa Cordillera region na nasanay sa Ingles at hindi sa Tagalog, upang maintindihan ay dinideretso na nila sa English ang mga katagang hirap sila sa pagbigkas o talagang hindi nila alam. Ganyan din ang kalagayan ng mga taga-Visayas at Mindanao na akala ng mga taga-Manila ay nagpapasosyal din sa pagsalita ng Ingles. Ang totoo ay hirap din silang mag-Tagalog, lalo pa at pinagtatawanan sila sa pagbigkas at sa “punto” o accent. Upang hindi mapahiya, halos 40% ng mga katagang gamit  ng mga Bisaya at Muslim kapag nakikipag-usap sa mga Tagalog, ay Ingles. Yan din ang dahilan kung bakit sa buong mundo, alam na Ingles ang second language ng mga Pilipino.

Sa totoo lang, talagang gusto kong magsulat ng tula o sanaysay sa purong Pilipino, pero baka isipin ng ibang mambabasa na taga-ibang planeta ako. Noong minsang may ini-translate akong Ingles na talumpati sa Pilipino, ang kaibigan kong taga-National Library of the Philippines mismo ay tawa ng tawa dahil sa mga “lantay” na katagang ginamit ko. Kailangan kong gawing “lantay” ang pagsalin o pag-translate dahil ang gagamit  ng talumpati ay hepe ng isang ahensiya na may kinalaman sa kulturang Pilipino. Sa kasamaang-palad, mismong taga-National Library ay hindi alam ang ibig sabihin ng maraming katagang ginamit ko.

Ang wika ay isa sa mga batayan ng pag-asenso ng isang lahi. Hangga’t maaari, taun-taon ay may nadadagdag na mga bagong kataga sa ating wika upang ito ay maging “buhay” o  magpakita ng “paglago” o “pagyabong”. Hindi masamang manghiram ng mga kataga sa ibang wikang banyaga lalo pa at napatunayang nagagamit silang tulay upang lalong madali tayong maunawaan ng mga lahing hiniraman natin ng mga kataga o salita nila. Kung mapapansin, ang mga banyagang turista na nagpipilit na maunawaan ng mga Pilipino ay gumagamit ng iba’t ibang kataga ng Kastila, na pandagdag sa Ingles at pagmumuwestra o pag-action upang sila ay maunawaan. Ganyan din ang ginagawa natin kung tayo ay pumunta sa ibang bansa, dinadaan natin sa pag-aksyon at pa-Barok na paggamit ng kanilang wika, na pandagdag din sa English o Spanish upang tayo ay maunawaan nila…at, kaya ko binabahagi ay nadanasan ko mismo ang ganyang sitwasyon. Noong nakarating ako sa isang liblib na bahagi ng Germany, upang makahanap ako ng ihian ay kailangan kong hawakan ang harap ko…yong sa ibaba, sabay gamit ng daliri na parang “kuwan” upang maipaunawa na ako ay iihi. Ganoon din nang gusto kong magbawas na ang itinuro ko naman ay puwet ko sabay ang pag-emote na umiiri.

Kung lahat ng mga tao sa buong mundo ay maghihiraman ng mga kataga o words, darating ang panahon na magkakaroon ng “global language” ang sangkatauhan. At, hudyat o palatandaan din ito sa pagbalik ng sangkatauhan sa nakaraang panahon “noong hindi pa binuwag ng Panginoon ang tore ng Babel”…panahong ang lahat ng tao ay iisa ang wika…kung pagbabatayan ang alamat na ito sa Bibliya. Ito ang isa sa mga dapat na gawing project ng United Nations…ang magkaroon ng “Global Dictionary”.

Ang problema natin ay kung paanong magkaroon ng kataga o mga kataga na ang tunay na katumbas ay “welcome” kung bumabati tayo sa mga dumarating na mga turista o balikbayan. Kung “Maligayang Pagdating” na literal translation, napakahaba naman at okey lang kung nakasulat sa tarpaulin pero kung bibigkasin ay tunog-corny. Mahirap din itong isigaw sa airport o pantalan dahil ang dating ay pang-rally. Ang “Mabuhay” ay parang hindi angkop dahil hindi tugma sa pagdating kundi parang wish na “mabuhay” ang isang patay o huwag tuluyang mamatay ang maysakit. Tatanggapin kaya ang katumbas na: “Tuloy Kayo” para sa “Welcome”?  Okey lang ang “Paalam” kung paalis na, subalit hindi rin natin ginagamit dahil ang naririnig sa mga nagsi-send off ay “Bye” o “Goodbye”…ang “Paalam” kasi para sa iba ay napakamatulain o pangtula lang, nakakaiyak, na para bang pang-dialogue lang sa drama.

Bilang pagtatapos, marubdob pổ akong nagpapasalamat sa inyong lahat na nagtiyaga at matamang nagbasa nitong aking ibinahagi na pinigᾁ ko pa mula sa kasuluk-sulukan ng aking diwa. At, nawa ay mapagmuni-muni ninyo upang maunawaan na sa abot ng malinggit kong kakayahan ay pinilit kong magbigay-linaw sa usapin kung bakit sa panahong kasalukuyan ay mahalagang nagkakaunawaan tayong lahat na magkababayang Pilipino. Ito ay kahit na sa kabila ng katotohanang magkakalayo  ang ating kinalalagyan dahil sa watak-watak na kalagayan ng mga isla ng ating bansa. Malayo sa hinagap at layunin ko na may mawalan sa inyo ng katinuan sa pag-iisip o di kaya ay manggalaiti sa inis at tuloy ay isumpa ako dahil lang dito, na baka umabot pa sa inyong pagkakaila na ako ay isang abang kaibigan ninyo sa fb at sa tunay na buhay….huwag naman sana. Ayaw kong gamitin ang dialogue ni Gloria Arroyo na, “ I am sorry…”

8 thoughts on “Ang Mga Dahilan kung bakit Hindi Puwedeng “Puro” ang Ginagamit sa Pagsalita at Pagsulat sa Wikang Pilipino

  1. Another great post. Tagalog ang ginagamit ko pag kausap ko ang mga magulang ko, pero dahil karamihan ng mga kaibigan ko at ang mga batang kapatid ko ay purong Ingles na, kung minsan ay hirap na rin akong mag-Tagalog ng diretso. I just compensate by reading books written in the Filipino language at mga blogs na katulad ng sayo. Hindi rin ako mahilig manuod ng mga Pinoy TV shows at tsaka hindi naman purong Filipino ang salita sa TV. Puro Taglish nalang at minsan, pure English na. Wala ring kwenta ang karamihan ng mga Pinoy shows kung gusto ng isang tao na matuto ng wikang Pilipino. At least ang mga shows kagaya ng Jessica Soho (one of my favourites) ay talagang gamit ay Pilipino pero may mga panahon din na Taglish ang gamit. Gaya nga ng sinabi mo, maraming dahilan kung bakit hindi pwedeng “puro” ang Pilipino. At tsaka, nag-eevolve ang wika kahit saan man. Nakakalungkot na masyadong nagpopokus ang mga TV shows ngayon sa Taglish to sound more sophisticated. Sana mas ipokus nila ang pag-prepreserve ng wikang Pilipino na kahit hindi “puro” ay hindi sinasadyang haluan ng Ingles just for the sake of being maarte.

    Liked by 1 person

    • Imagine, ikaw na nandiyan ay naka-observe ng mga ganyang pangyayari about the tagalog/pilipino as a language pero ang nandito mismo ay hindi….at tama ka talaga sa sinabi mo na to sound “sophisticated” nagta-Taglish ang mga nasa tv shows…you know what!…I think you can come up with a blog about your wise observations….ang galing mo!…I am fortunate to have connected with you…young and intelligent…the world needs people like you!

      Liked by 1 person

      • Sa tingin ko dahil nandito ako sa abroad ay mas malinaw ang mga napapansin ko tungkol sa sitwasyon ng mga Pinoy at ng wikang Pilipino dahil may distansiya na ako. Kasi kapag you’re immersed within the Filiipino culture, marami ka ng hindi napapansin na people outside can only see.

        Ahahaha! Magandang ideya ‘yan. Pag-iisipan ko pero sa ngayon, I’m satisfied na nag-cocomment lang sa mga posts mo. Ang huhusay kasi ng mga posts mo eh kahit kung minsan ay nahihirapan akong intindihin ‘yong mga malalalim na salita. Ang galing mong mag-Pilipino. I’m glad na hindi ka kagaya ng mga lumalabas sa TV na Taglish ng Taglish.

        Like

      • aasahan ko na pagdating ng panahon, makakagawa ka ng maski short lang na pang-share na ideas and observations mo….would you believe na hindi talaga ako Tagalog?…I am from Mindanao….noong elementary pa lang ako, mahilig akong magbasa ng Readers Digest, National Geographic at iba pang donated books sa library namin….kung weekend, mga komiks naman sa nag-iisang barberya namin ang inaarkilahan ko…para may pang-arkila, nagtitinda ako ng prutas at kung ano-ano pa…lahat ng komiks, hindi sa pagyayabang ay nababasa ko noon…kaya siguro ako nakaipon ng mga salitang malalalim…fluent din ako sa 4 Visayan dialect – Hiligaynon, Karay-a, Cebuano, at Romblomanon…napakinabangan ko ang skill na yan sa trabaho bilang consultant na gumagawa ng operating manuals, at bilang editorial consultant na rin…

        Liked by 1 person

      • I’ll think about it. Karamihan lang ng mga obserbasyon ko ay nabubuo lang pagkatapos kong magbasa o kaya ay manuod ng mga nakaka-intrigang pieces gaya ng karamihan ng mga blog posts mo. Kaya naman satisfied na ako sa ngayon na pa-reply-reply lang. Pero interesado rin ako sa suggestion mo. Pag-iisipan ko pa.

        I’m not surprised. Ang Pilipinas ay napakaraming wika. There are people who say that dialects lang ang mga ‘yan but I disagree. They’re completely different languages. Ang galing mo naman.

        Katulad mo ang mga magulang ko, lalo na ang ama ko. Marunong siya sa iba’t-iba ring wikang Pilipino. Hindi rin sila Tagalog. Pangasinense ang ama ko at Ilocano ang ina ko. Lumaki akong Tagalog ang salita para hindi ako malito. Ang neighbourhood na kinalakihan ko ay isang Ilocano neighbourhood tapos ang lugar kung saan ako nag-aaral noong bata ako ay Pangansinense. May time na naging fluent din ako sa Ilocano at nakakapag-salita rin ng Pangasinense. Hanggang sa ngayon ay naiintindihan ko pa rin sila perfectly pero hirap na akong mag-formulate ng sentences hindi gaya noong bata pa ako. Wala na kasi akong maka-usap ngayon ng regular. Unfortunately mas marunong na akong mag-Nihongo kaysa mag-Ilocano o Pangasinense.

        I think that it’s such an advantage to be multilingual. Gaya ng nangyari sayo, napakinabangan mo sa trabaho mo. ‘Pag nandito ka sa Canada, mas marami kang job opportunites ‘pag multilingual ka kasi ang Canada ay multicultural country. Halos lahat ng lahi, nandito. Nadidismaya lang ako sa mga karamihan ng mga kababayan natin dito na Ingles ng Ingles kahit na ang kausap ay kapwa Pilipino. Excuse me, I’m not trying to be rude pero karamihan naman sa kanila ay makapal pa ang accent. Are they trying to prove something? Magsalita ka ng Pilipino kung Pilipino rin ang kausap mo, diba? Isa rin ito sa mga halimbawa ng karamihan sa mga kababayan natin na pinipilit na magsalita ng Ingles at itinatakwil na ang Tagalog just to sound more sophisticated. Hindi nila naiintindihan na being multilingual is an asset. Besides English is such a common language right now spoken almost worldwide. It’s special in its own way, but if that’s the only language you speak, then it means that you’re average on an international standard. Being able to speak a language other than English makes you more special. That’s why I hope that more of our kababayans, especially those who are immigrating abroad ay wag itakwil ang mother tongue natin na Pilipino.

        Pasensiya na. Sobrang haba na ng reply ko. I was already ranting before I knew it. Hope that you don’t mind.

        Liked by 1 person

    • Grabe ka makapag-encourage. I really feel that I can do it. But if I do that, I’ll have to create another blog kasi hindi match sa current blog ko ngayon. Hmmmm. I’ll SERIOUSLY think about it. I’ll let you know if I decide to do it. Salamat talaga. I appreciate it. Medyo nahihiya lang ako sayo kasi ang galing mong mag-sulat sa Pilipino. Ahaha. But we’ll see. Salamat uli!

      Liked by 1 person

  2. oo nga pala…iba ang theme at format ng blog mo ngayon…ang pwede siguro, idiretso kong publish sa site ko, pati sa fb – of course with your byline as author… aayusin ko lang, lagyan ng title…konting editing…ginagawa ko yan sa blog ng friend ko na ang gamit ay smartphone, blog siya as in blog pero hindi angkop sa site dahil iba ang format sa phone…ini-edit ko na lang at ni-rerepost sa site kung saan niya pinadala at pino-post ko rin sa mga site ko….

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s