Ang Tiyahin kong si Maling Pabilona at Pinsan na si Fely Segura

Ang Tiyahin kong si Maling Pabilona

At Anak niyang si Fely Segura

Ni Apolinario Vllalobos

Tuwing sasapit ang panahon ng pulitika, naaalala ko palagi ang tiyahin kong si nanay Maling (Amalia) Pabilona. Nasa elementarya ako nang una kong masaksihan at marinig kung paano siyang magsalita sa harap ng mga tao sa maliit naming liwasan upang mangampanya. Malutong at tumataginting ang kanyang boses habang ikinukumpas ang kamay na may hawak na tabako. Siya ang unang babaeng konsehal sa bayan namin. Ang gabing yon ang una at huli kong pagdalo sa “rally” ng mga nangangampanya dahil hindi na ako pinayagan ng nanay naming manood uli. Tulad ng inaasahan, palagi siyang nananalo, hanggang maging vice-mayor.

Tuwing dalhin ako ng nanay namin sa kanila, hindi pwedeng hindi niya ako halikan dahil bunsong lalaki ako sa aming magkakapatid. Siyempre, malakas ang amoy ng tabako pero tiniis ko dahil binibigyan naman niya ako ng tinapay o kendi. Habang nag-uusap sila ng nanay ko, pinapanood ko sila – ang nanay ko ay panay dura dahil sa pagnganganga niya, at si nanay Maling naman ay panay ang hitit ng tabako at pitik dito upang matanggal ang abo. Tulad ng nanay ko, maliit si nanay Maling, pero pareho silang nirerespeto sa amin dahil sa tapang nila. Kilala si nanay Maling na matulungin, pero matindi kung magalit, walang pinipili sa mga pinapagalitan basta napatunayang niyang nagkamali. Nakita ko kung paano niyang pagalitan ang isang lasing na sumuka sa tabi ng Rapacon Store, ang pinakamalaking tindahan sa amin noon. Nagtakbuhan ang mga tao dahil sa takot. Malapit lang ang Rapacon store sa kanila, kaya napuntahan niya agad nang may magsumbong sa kanya. Pingalitan niya ang lasing at pinalinis dito ang bangketang niya.

Masipag siyang mag-ikot sa loob ng palengke upang alamin kong may mga problema. Nakikita ko siya palagi, dahil palaging dumadaan sa puwesto na nagtitinda ng tuba, na sa harap lang din ng tindahan namin ng tuyo. Pinagbibilinan niya ang mga nag-iinuman na huwag magpakalasing. Sa pag-ikot niya minsan, pinagalitan niya ang babaeng arkabalista (nagtitinda ng arkabala o tiket para sa mga puwesto), dahil sinipa nito ang bilao ng tindera na walang pambayad ng tiket. Pinapulot niya sa arkabalista ang kumalat na mga panindang kamatis at sibuyas-dahon, pati siya, nakipulot din.

Nang mamatay ang mga magulang namin, nagtrabaho akong pahinante sa umupa ng bahay namin na ang negosyo ay pag-repack ng biscuit at paggawa ng suka at toyo. Hindi alam ni nanay Maling, kaya nagalit siya nang makita akong nagtutulak ng kartelyang may mga kahon ng suka upang i-deliver sa isang tindahan. Pati ang nakakatanda kong kapatid ay pinagalitan niya. Nang panahong yon kasi ay nasa second-year high school pa lang ako.

Nasa Maynila ako noong mamatay si nanay Maling, na nalaman ko nang minsang umuwi ako. Nagtaka kasi ako kung bakit sarado na ang dating puwesto nila. May nakausap ako sa kanila na isa pang tiyahin. Noon ko rin nakita ang pinsan kong si nene Fely, pagkalipas ng mahigit sampung taon, mula nang umalis ako sa amin, kaya halos hindi na niya makilala.

Makalipas ang ilan pang taon, pag-uwi ko uli, Mrs. Segura na si nene Fely at konsehal na rin sa amin. Tulad ni nanay Maling masigasig din siya bilang konsehal, dahil kung saan-saang liblib na baryo siya nakakarating makadalo lang sa lamayan. Sa mga kuwentong narinig ko, matapang din siya sa kabila ng hindi magandang sitwasyon sa amin noon, dahil sa mga awayan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. May nagsabi na kilala na ng mga tao ang kanyang sasakyan, kaya siguro saan man siya makarating ay walang gumagalaw sa kanya.

Ang hindi ko makalimutang mga kuwento ay tungkol sa kaluwagan niya sa pera. Handa siyang tumulong, basta mapatunayan lang niyang talagang nangangailangan ang lumalapit. May mga nagkuwento pa na kahit nasa sasakyan siya at may masalubong na prusisyon na maghahatid ng patay sa simbahan o sementeryo, kahit hindi niya kilala ay tumitigil siya, bumababa upang makiramay at yumakap sa namatayan, sabay bigay ng abuloy, maliban pa sa mga baryang iniitsa sa mga nakikipaglibing.

Ang kaibahan ni nene Fely sa kanyang nanay ay malumanay siyang magsalita, samantalang si nanay Maling ay mataginting at malutong ang boses, may katigasan. Hindi rin nagtatabako si nene Fely, dahil siguro pinagbawalan ng asawa. Nang magpahinga sa pagka-konsehal ang pinsan ko, nabalitaan ko na lang na sumabak na rin sa paglingkod sa bayan ang anak niyang si Remos na ayon sa mga kuwentong narinig ko tuwing uuwi ako, ay mabuti naman daw ang trabaho bilang konsehal.

Maraming paraan ang paglingkod sa kapwa. Ang paraan ko ay iba dahil hindi ko kaya ang pulitika kaya bilib ako sa tiyahin kong si nanay Maling, pinsan kong si nene Fely, at ngayon naman ay pamangking si Remos, na sana ay tumatahak sa tamang daan, kahit hindi matuwid, basta ang tinutumbok ay kapakanan ng bayan.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s