Ang Tiyahin kong si Maling Pabilona at Pinsan na si Fely Segura

Ang Tiyahin kong si Maling Pabilona

At Anak niyang si Fely Segura

Ni Apolinario Vllalobos

Tuwing sasapit ang panahon ng pulitika, naaalala ko palagi ang tiyahin kong si nanay Maling (Amalia) Pabilona. Nasa elementarya ako nang una kong masaksihan at marinig kung paano siyang magsalita sa harap ng mga tao sa maliit naming liwasan upang mangampanya. Malutong at tumataginting ang kanyang boses habang ikinukumpas ang kamay na may hawak na tabako. Siya ang unang babaeng konsehal sa bayan namin. Ang gabing yon ang una at huli kong pagdalo sa “rally” ng mga nangangampanya dahil hindi na ako pinayagan ng nanay naming manood uli. Tulad ng inaasahan, palagi siyang nananalo, hanggang maging vice-mayor.

Tuwing dalhin ako ng nanay namin sa kanila, hindi pwedeng hindi niya ako halikan dahil bunsong lalaki ako sa aming magkakapatid. Siyempre, malakas ang amoy ng tabako pero tiniis ko dahil binibigyan naman niya ako ng tinapay o kendi. Habang nag-uusap sila ng nanay ko, pinapanood ko sila – ang nanay ko ay panay dura dahil sa pagnganganga niya, at si nanay Maling naman ay panay ang hitit ng tabako at pitik dito upang matanggal ang abo. Tulad ng nanay ko, maliit si nanay Maling, pero pareho silang nirerespeto sa amin dahil sa tapang nila. Kilala si nanay Maling na matulungin, pero matindi kung magalit, walang pinipili sa mga pinapagalitan basta napatunayang niyang nagkamali. Nakita ko kung paano niyang pagalitan ang isang lasing na sumuka sa tabi ng Rapacon Store, ang pinakamalaking tindahan sa amin noon. Nagtakbuhan ang mga tao dahil sa takot. Malapit lang ang Rapacon store sa kanila, kaya napuntahan niya agad nang may magsumbong sa kanya. Pingalitan niya ang lasing at pinalinis dito ang bangketang niya.

Masipag siyang mag-ikot sa loob ng palengke upang alamin kong may mga problema. Nakikita ko siya palagi, dahil palaging dumadaan sa puwesto na nagtitinda ng tuba, na sa harap lang din ng tindahan namin ng tuyo. Pinagbibilinan niya ang mga nag-iinuman na huwag magpakalasing. Sa pag-ikot niya minsan, pinagalitan niya ang babaeng arkabalista (nagtitinda ng arkabala o tiket para sa mga puwesto), dahil sinipa nito ang bilao ng tindera na walang pambayad ng tiket. Pinapulot niya sa arkabalista ang kumalat na mga panindang kamatis at sibuyas-dahon, pati siya, nakipulot din.

Nang mamatay ang mga magulang namin, nagtrabaho akong pahinante sa umupa ng bahay namin na ang negosyo ay pag-repack ng biscuit at paggawa ng suka at toyo. Hindi alam ni nanay Maling, kaya nagalit siya nang makita akong nagtutulak ng kartelyang may mga kahon ng suka upang i-deliver sa isang tindahan. Pati ang nakakatanda kong kapatid ay pinagalitan niya. Nang panahong yon kasi ay nasa second-year high school pa lang ako.

Nasa Maynila ako noong mamatay si nanay Maling, na nalaman ko nang minsang umuwi ako. Nagtaka kasi ako kung bakit sarado na ang dating puwesto nila. May nakausap ako sa kanila na isa pang tiyahin. Noon ko rin nakita ang pinsan kong si nene Fely, pagkalipas ng mahigit sampung taon, mula nang umalis ako sa amin, kaya halos hindi na niya makilala.

Makalipas ang ilan pang taon, pag-uwi ko uli, Mrs. Segura na si nene Fely at konsehal na rin sa amin. Tulad ni nanay Maling masigasig din siya bilang konsehal, dahil kung saan-saang liblib na baryo siya nakakarating makadalo lang sa lamayan. Sa mga kuwentong narinig ko, matapang din siya sa kabila ng hindi magandang sitwasyon sa amin noon, dahil sa mga awayan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde. May nagsabi na kilala na ng mga tao ang kanyang sasakyan, kaya siguro saan man siya makarating ay walang gumagalaw sa kanya.

Ang hindi ko makalimutang mga kuwento ay tungkol sa kaluwagan niya sa pera. Handa siyang tumulong, basta mapatunayan lang niyang talagang nangangailangan ang lumalapit. May mga nagkuwento pa na kahit nasa sasakyan siya at may masalubong na prusisyon na maghahatid ng patay sa simbahan o sementeryo, kahit hindi niya kilala ay tumitigil siya, bumababa upang makiramay at yumakap sa namatayan, sabay bigay ng abuloy, maliban pa sa mga baryang iniitsa sa mga nakikipaglibing.

Ang kaibahan ni nene Fely sa kanyang nanay ay malumanay siyang magsalita, samantalang si nanay Maling ay mataginting at malutong ang boses, may katigasan. Hindi rin nagtatabako si nene Fely, dahil siguro pinagbawalan ng asawa. Nang magpahinga sa pagka-konsehal ang pinsan ko, nabalitaan ko na lang na sumabak na rin sa paglingkod sa bayan ang anak niyang si Remos na ayon sa mga kuwentong narinig ko tuwing uuwi ako, ay mabuti naman daw ang trabaho bilang konsehal.

Maraming paraan ang paglingkod sa kapwa. Ang paraan ko ay iba dahil hindi ko kaya ang pulitika kaya bilib ako sa tiyahin kong si nanay Maling, pinsan kong si nene Fely, at ngayon naman ay pamangking si Remos, na sana ay tumatahak sa tamang daan, kahit hindi matuwid, basta ang tinutumbok ay kapakanan ng bayan.

Ang Paglobo ng mga Lunsod sa Buong Mundo

Ang Paglobo ng mga Lunsod sa Buong Mundo

Ni Apolinario Villalobos

Sa internet ay naglipana ang mga retrato ng iba’t ibang lunsod ng mundo na puno ng nagtataasang building at squatter areas o kung sa bagong katawagan ay depressed areas. Kahit na ang mauunlad na bansa tulad ng Japan, China at Amerika ay hindi ligtas sa ganitong pangyayari – paglobo ng populasyon ng tao sa mga lunsod. Hindi na ako lalayo pa, dahil sa Manila mismo ay dati nang may mga depressed areas at nadadagdagan pa sa pag-usad ng panahon, at mga kumpol-kumpol na condo buildings.

Para sa mga sakim na local officials at pulitiko ng Pilipinas, ang tingin nila sa mga taong nakatira sa mga squatter areas ay boto, kaya sila mismo ang humaharang sa pag-relocate ng mga ito…kabawasan kasi sa boto pagdating ng eleksiyon. Ang mga sindikato naman na nagpapagalaw ng malakas pagkitaang prostitution at organized crime, minahan ang tingin nila sa mga lugar na ito, dahil dito sila kumukuha ng mga taong gagamitin upang maisakatuparan ang kanilang mga masamang layunin.

Ang ibang datihan nang nakatira sa lunsod at maayos ang pamumuhay ay nililibak ang mga taong nakatira sa mga iskwater areas, dahil pampagulo lang daw sila. Tingin nila sa mga taong nakatira sa mga lugar na ito ay magnanakaw, puta, lasenggo, sugarol, patay-gutom, parang aso’t pusa na walang alam gawin kundi magpadami ng anak….mga batik ng lipunan.

Hindi lang mga squatter areas ang dumadami, pati na rin ang mga condo building na tinitirhan ng mga may-kaya sa buhay. Ang isang lote na ang sukat ay isang libong metro kuwadrado lang ay maaaring patayuan ng isang condo building na matitirhan ng mahigit isang libong katao, kaya hindi masyadong halata ang dami nila dahil hindi pansinin, hindi tulad ng palapad or palawak na mga tirahan, na kita agad ang dami ng tao. Ang mga ganitong mga klaseng komunidad naman ay may pangangailangan ng malalim at malawak na septic tank, at kung ilang libong tangke ng malinis na tubig araw-araw.

Batay sa binanggit kong mga sitwasyon, ang limang magkakatabing condo building na umuukupa lang ng limang libong metro kuwadradong lupa, halimbawa, ay katumbas na ng isang malawak na depressed area o iskwater, o mahigit pa. Sa dami ng mga nakatira sa mga condo na nagsulputan, hindi nakapagtatakang nagkaroon ng matinding problema sa trapiko ang Manila, kung tatantiyahing ang nakatira sa bawa’t unit ay may isang sasakyan man lang. Sa mga depressed areas naman ay talamak ang nakawan ng tubig na nagiging dahilan ng pagtagas ng mga tubo. Ang pagkakabit naman ng “jumper” upang makanakaw ng kuryente ay nagiging sanhi ng sunog.

Sa pagdami ng mga itinirik na tirahan, mapa-condo building man o barung-barong, nahirapan na rin ang drainage system, na simula pa noong panahon ng mga Amerikano ay hindi halos nabago o napalakihan. Ang mga daluyan ng tubig galing sa mga building at squatter areas ay bumabagsak sa mga estero na dumidiretso naman sa malalaking ilog na napunduhan na ng makapal na burak o sediment sa tagal ng panahon kaya bumabaw. Ang pagbabaw nila ay dahilan ng pagbaha agad kung may malakas na ulan. Dagdag pa rito ang impormasyong siyentipiko, na bumababa ang lupang kinatatayuan ng Manila taun-taon.

Yan ang kalagayan ng metro Manila na bundat at halos pumutok na sa dami ng tao. Subali’t parang wala lang sa gobyerno, dahil ang pag-relocate ng mga iskwater sa mga maayos na tirahan ay hindi naman tuluy-tuloy o consistent. Magri-relocate lang ang gobyerno kung may magrereklamong may-ari ng lupa na iniskwatan, o di kaya ay kung panahon ng pagpapapogi, kung kaylan ay naglilinis kuno ng mga estero ang mga opisyal. At ang masaklap pa, pabagu-bago ang sistemang ginagamit, depende sa mga opisyal nasa poder o may hawak ng kapangyarihan.

Sa mga iskwater na napuntahan ko, kaswal kong tinanong ang mga kaibigan ko kung may balak pa silang umuwi sa pinanggalingan nilang probinsiya. Iba’t iba ang mga sagot, tulad ng: kapag may naipon nang pamasahe; ayaw na dahil wala namang mapagkikitaan sa pinanggalingan nila; ayaw dahil palaging nagkakaputukan sa pagitan ng mga sundalo at rebelde; ayaw dahil wala naman daw asenso’t nakatali sila sa utang sa may-ari ng lupang sinasaka nila; ayaw dahil mas masarap ang buhay sa lunsod – maraming mall at pasyalan. Yong mga nag-komento naman sa mga blog ko noon na may ganitong tema, sabi ng iba ay uuwi daw talaga sila pagdating ng takdang panahon at mamumuhay na lamang ng matiwasay gamit ang interes ng pera nila sa bangko. Matindi ang komento ng isang magbabasa na ano man ang mangyari ay hindi siya uuwi sa probinsiya nila, kahit sa Pilipinas man lang, at ang dahilan ay ang korap na gobyerno. Sa Amerika kasi siya nakatira ngayon at may “green card” na. Sabi ko na lang sa kanya…good luck!