Tao ang Nagpapasama sa Relihiyon, Ideyolohiya, at Magandang Adbokasiya

Tao ang Nagpapasama sa Relihiyon, Ideyolohiya

At Magandang Adbokasiya

ni Apolinario Villalobos

Walang masamang ideyolohiya tulad ng Komunismo o Demokrasya kung maganda at maayos ang pagpapatupad ng mga namumuno. Walang masamang relihiyon o pananampalataya kung ang ituturo ng mga namumuno ay pawang pagmamahal sa Diyos, o “diyos”, at kapwa tao. Walang masamang adbokasiya kung hindi ito gagamitin sa masama lalo na sa panlalamang ng kapwa. Tao ang dahilan kung bakit may mga kaguluhan sa mundo, dahil sa pagpapairal niya ng kasakiman at kayabangan.

Napakaganda sana ang layunin ng Demokrasya, kung ang nakaupong Presidente, halimbawa, ng isang bansang may ganitong ideyolohiya ay hindi bobo, sakim o kawatan. Ganoon din ang Komunismo, kung ang Chairman ng bansang may ganitong uri ng pamahalaan ay hindi malupit at gahaman sa kapangyarihan, at hindi sagad -buto ang ugaling mapangkamkam.

Sa Demokrasya, lahat ng mga prinsipyo at alituntunin na may kinalaman dito ay pawang kabutihan ang pakay. Halimbawa na lamang ay ang mga batas ng Pilipinas na mismong mga taga-Kongreso at Senado ang may gawa.  Dahil ampaw ang pagkagawa nila ng mga batas, nagawa din nilang paikutan ang mga ito upang makapagnakaw sa kaban ng bayan. Ang kapangyarihan ng isang Presidente ng demokratikong bansa ay para sana sa kapakanan ng taong bayan at ng bansa mismo, sa kabuuhan nito. Subalit, dahil sa panunulsul ng mga tiwaling umaalalay sa kanya, nagawa niyang lokohin ang mga mamamayan. Ang masisisi sa pagkakaroon ng maraming kapalpakan sa isang bansa ay ang Presidente at ang kanyang mga kaalyado, at hindi ang kanilang mga “puwesto” na ginamit nila sa paggawa ng masama.

Ang relihiyon naman ay naimbento ng tao dahil sa kanyang pananampalataya sa kinikilalang Diyos o “diyos”. Bago pa man nagkaroon ng mga relihiyon na nagsanga mula sa pananampalataya ni Moses at Abraham sa disyerto ng Gitnang Silangan, mayroon nang mga pananampalataya sa “lakas” ng iba’t ibang “diyos” na pinaniwalaan ng mga pagano. Pinagkaisa ng mga pananampalatayang ito ang mga tao, yon nga lang ay kanya-kanyang kumpulan ang nangyari at nagtagisan sila ng lakas, na naging sanhi ng kaguluhan. Pinairal kasi nila ang kayabangan at pagkagahaman sa kapangyarihan.

Isa ang Kristiyanismo sa mga naging sanga ng pananampalataya na sinimulan ni Moses sa disyerto ng Gitnang Silangan. Habang napanatili ng mga Hudyo ang pagsunod sa mga sinimulan ni Moses, ang iba naman ay nagpasimula ng sarili nilang relihiyon batay sa mga itinuro ni Hesukristo kaya nagkaroon ng Kristiyanismo. Subali’t kalaunan, nang gamitin ng mga Romanong Emperador ang Kristiyanismo upang mapalawak ang kanilang nasasakupan at mapalakas ang kanilang kapangyarihan, ang naging katawagan dito ay naging “Romano Katoliko”, na  hinaluan nila ng mga ritwal na pagano, dahil ang mga ito ang tinutumbok ng kanilang layuning mahikayat. Nahati rin ang simbahang Katoliko sa dalawa kaya nagkaroon ng “Orthodox” na humiwalay sa “Romano”. Pinatili ng “Orthodox” ang mga orihinal na gawi, samantalang maraming binago ang “Romano”.

Noong panahong mismong mga emperador ng Roma ang naging “papa” o “pope”, nagkabentahan pa ng indulhensiya o indulgence upang “mawala” daw ang kasalanan ng mga mananampalatayang bibili nito! Ang mga nagsulputang grupo ng “Bagong Kristiyano” naman ay malabnaw  ang pagkilala kay Maria na “ina” ni Hesus. Dahil sa mga nagsuluputang sekta at kulto sa kasalukuyang panahon, lalong nagkaroon ng kalituhan sa pananampalataya dahil bawa’t grupo ay nagpipilit na sila ang “tama”.

Samantala, ang adbokasiyang pagtulong sa kapwa ay nagbunga ng mga Non-governmental Organizations o NGO. Sa simula, ang pondo ay galing sa mismong bulsa ng mga pilantropong nagtatag ng mga NGO. Kalaunan, sila ay tinulungan ng ibang mas malaking NGO. At, kalaunan pa, tumulong din ang mga NGO sa gobyerno upang mabilis na maipaabot ang tulong sa mga taong mahihirap, kaya “pinadaan” sa kanila ang pondo ng mga proyekto. Ang paraang “pagpapadaan” ng pondo sa mga NGO na may layuning malinis ay “nasilip” ng mga gahaman upang magamit sa pagnakaw ng pera mula sa kaban ng bayan. Nagkaroon ng kutsabahan sa pagitan ng mga taga-gobyerno at may-ari ng NGO, kaya ngayon ay may mga kasong tulad ng kinakaharap ni Napoles na may kinalaman sa pagnakaw nila ng bilyon-bilyong pera mula sa kaban ng bayan!

Sa bandang huli…ang katanungang maibabato na lang natin sa hangin, kasabay ng isang malalim na buntong hininga  ay, “…tao…tao…bakit ka pa ginawa upang mabuhay sa mundo?”

2 thoughts on “Tao ang Nagpapasama sa Relihiyon, Ideyolohiya, at Magandang Adbokasiya

  1. Tama. Sa libro, maganda ang deskripsyon ng parehong Komunismo at Demokrasya. Sa totoong buhay lang talaga namamantsahan ng dumi ng tao ang isang organisasyon. Basta ang isang grupo o organisasyon ay kinabibilangan ng mga tao, hindi maiiwasan na mabahiran ng kung anu-anong hindi magagandang pangyayari.

    Liked by 1 person

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s