Ang Mag-asawa sa Quiapo…at ang malakas nilang sampalataya sa Diyos

Ang Mag-asawa sa Quiapo

…at ang malakas nilang sampalataya sa Diyos

Ni Apolinario Villalobos

Una kong nakilala sina Mang Rudy (Rodolfo Mina, Jr.) at Aling Auring (Aurora Aguirre), nang kumain ako sa kanilang maliit na karinderya sa Quiapo, malapit sa Islamic Center. Sa iisang mesa nakalagay ang mga pagkain, kaya ang kakainang pinggan ay halos hindi na kasya sa mesa. Ang ginawa ko ay inihalo na lang ang ulam sa pagkain – “toppings” style, nagkamay ako habang ang kaliwang kamay ko ay nakahawak sa pinggan upang hindi mahulog. Habang kumakain ako, nasilip ko si Mang Rudy na nanggugupit sa maliit na kuwarto sa likod ni Aling Auring. Nang hindi sinasadyang tumingin siya sa akin, muntik na akong mabilaukan sa gulat….wala pala siyang ilong!

Hindi na ako nagtanong kay Aling Auring kung saan napunta ang ilong ng kanyang asawa bilang respeto. Naalala ko tuloy ang nabasa kong kasaysayan ng ibang bansa na ang isa sa mga parusang pinapataw sa mga nagkasala ay pagtanggal ng ilong nila. Mula noon, tuwing titingnan ko si Mang Rudy ng matagal, hindi na sumesentro ang atensiyon ko sa dalawang butas sa kanyang mukha na dapat sana ay natatakpan ng ilong. Maliksing kumilos si Mang Rudy. Siya ang nagbibigay ng pagkain kung wala ang asawa niya tuwing kakain ako sa kanila at nagkukuwentuhan pa kami tungkol sa mga karanasan niya noong bago pa lang siya sa Maynila. Yon nga lang ngogo ang kanyang pagsasalita na natutuhan ko ring maunawaan sa katagalan.

Nang huling kumain ako sa kanila, napansin kong medyo sarado ang pinto ng kuwarto kung saan nanggugupit si Mang Rudy kaya tinanong ko si Aling Auring kung umuwi sa probinsiya ang kanyang asawa. Nagulat ako nang sabihin niyang nasa loob lang at nakahiga sa sahig dahil inatake daw sa puso, subalit naagapan namang madala agad sa ospital. Ang malas nga lang ay nang ilabas na niya ito, dahil noong pasakay na sila dyip, kahit hindi pa nakakaupo sa bandang hulihan si Mang Rudy ay biglang pinaharurot ng drayber ang sasakyan kaya nahulog ito. Unang bumagsak ang kanyang balakang. Mabuti na lang at tinulungan sila ng drayber na nagbayad para sa mga gamot at x-ray.

Noong araw na nalaman ko ang nangyari kay Mang Rudy, idinagdag pa ni Aling Auring na kailangan din ng asawa niya ang regular na check-up dahil lalong lumala ang pananakit ng kanyang balakang kaya hindi na rin ito halos makakilos sa pagkakahiga. Nag-alala ako dahil binabaha ang tinitirhan nila at sa sahig lang nakahiga si Mang Rudy. May balak naman daw magpagawa si Aling Auring ng makitid na kama upang magkasya sa maliit na kuwarto kaya pinag-iipunan niya ito. Ini-imagine ko kung paanong pag-ipon ang gagawin niya dahil sa kamurahan ng kanyang paninda at kamahalan ng mga bilihin, halos wala na siyang tinutubo, dagdag pa rito ang upa, tubig at ilaw.  Nabasa yata niya ang nasa isip ko dahil sinabi niyang, “alam kong hindi kami pababayaan ng Diyos”. Natulig ako sa sinabi niya at napahiya dahil kung minsan ay nawawalan ako ng tiwala sa Diyos, kapag halos hindi ko na kaya ang bigat ng dinadala kong mga problema…nakakalimutan kong nandiyan lang pala Siya.

Nang bumalik ako uli sa kanila, wala pa ring nagagawang kama. Upang lumaki ang kita ni Aling Auring, mula noon, halos inuubos ko na ang mga ulam niya na iilang klase lang naman. Sa halip na iisang tasang kape ang inoorder ko, dinadalawa ko na upang tumagal pa ang aming usapan. Ang sukli ay hindi ko na rin kinukuha. Kung napapansin kong may tutong na ayaw kainin ng ibang kostumer, binibili ko na rin upang maisangag namin ng mga kaibigan ko sa Tondo. Ayaw kong masira ang sampalataya niya sa kanyang sariling kakayahan kaya dinadaan ko na lang sa pagbili ang dapat sana ay iaabot na lang basta na tulong. At, ang nakakatuwa ay wala akong makitang kalungkutan o pag-alala sa kanyang mukha dahil laging nangingibabaw ang kanyang ngiti. Sa kabila ng lahat, alam kong kailangan pa rin nila ng tulong para sa mga gamot at regular na pangpa-check up ng kanyang asawa.

Si Mang Rudy ay 80-taong gulang na at si Aling Auring ay 76-taong gulang naman. Ilang buwan mula nang  dumating sa Maynila si Aling Auring noong 1968, sila ay nagsama pagkalipas ng maikling ligawan. Wala silang anak at umaasa lamang sa alalay ng mga pamangkin na nakakapasyal sa kanila kung minsan. Ang sabi ni Aling Auring sa akin na hindi ko makalimutan maliban pa sa unang nabanggit kong “hindi sila pababayaan ng Diyos”, ay: “lahat ng tao ay may pagsubok, hindi nga lang magkakapareho, kaya hindi dapat sumama ang loob ko dahil sa dinadanas namin ngayon dahil alam kong mas mabigat pa ang problema ng iba”.

6 thoughts on “Ang Mag-asawa sa Quiapo…at ang malakas nilang sampalataya sa Diyos

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s