Ang Daang Matuwid ni Benigno Aquino III…nasaan ito?…tigilan na niya ang pag-iilusyon

Ang Daang Matuwid ni Benigno Aquino III

…nasaan ito?…tigilan na niya ang pag-iilusyon!

Ni Apolinario Villalobos

Daang matuwid na ang binanggit ni Pnoy

Sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan

Doon daw niya aakayin ang bayan.

Dinagdagan pa ang kanyang pambobola

Dahil sa kanyang mga boss, siya ay makikinig pa daw

Nguni’t ito pala’y pangakong ampaw!

Upang umangat daw, buhay ng mahihirap

May ipinangakong pagsagana ng pagkain lalo na bigas

Subali’t salita lang pala ng mandurugas!

Sa pamahalaang kay tagal nang lupaypay

Maraming palpak best friends na itinalaga at iniluklok

Kaya gobyerno niya ay mabantot, bulok!

Siya ay pinalakpakan, inakalang tutupad

Sa binitiwang pangako para sa mga bakwet – mga tirahan

Palpak din, sa gutom, kumalam pa ang tiyan!

‘Pinas ay nabulaga dahil sa kanyang inasta –

Pagkatapos ng barilan doon sa Mamasapano, Maguindanao

Wari’y sapilitan, pagsilip sa SAF44 na pumanaw!

Siguro iniisip niya, di naman siya magugutom

Kaya nagtaas man mga presyo ng bilihin, si Pnoy, dedma pa rin

Dahil walang pakialam sa mga taong gusgusin!

Naniniwala sa lahat ng report na kagila-gilalas

Mula sa mga taong nakapaligid sa kanya…lahat mga mambobola

Umangat daw ang ‘Pinas!… napamangha siya!

Dahil nagagalit na at naiinis pa ang sambayanan

Dapat ay tumigil na itong presidente sa kanyang pagsisinungaling

Dahil baka sa kangkungan lang siya makakarating

Sa pagtahak niya sa kanyang matuwid daw na daan

Ganoong ang mga sinasabi’y puro drowing lang naman!