Pilipinas

Pilipinas

By Apolinario B Villalobos

Mga luntiang islang magkakahiwalay

Mga katutubong iba-ibang pananalita

Iyan ang Pilipinas, watak-watak sa paningin

Subali’t iisa ang adhikain, iisa ang damdamin.

 

Halos gutayin ng pabago-bagong panahon

Kasama na diyan ang mga pag-uga ng lindol

Nguni’t buong tapang na iniinda ng mga Pilipino

Animo’y kawayan, sumasaliw sa hagupit ng bagyo.

 

Mula sa Batanes, hanggang Tawi-tawi

Mga katutubo’y nagbubuklod- iisang lipi

May isang kulay, matingkad, hinog sa panahon

Nagkaisa-  magkaiba man ang damit, salita at relihiyon.

 

Mayabong na sining at mayamang kultura

Taas-noong maipamamalaki, saan mang bansa

Hindi nagpapahuli, lumalaban, hindi nagpapaiwan

Sa ano mang uri ng patas na paligsahan o tunggalian.

 

Inang Pilipinas, mahal nating bayan

Huwag nating hayaang siya’y tapak-tapakan

Huwag hayaang mayurakan, iniingatang dangal –

Nang kung sino – Pilipino man o banyagang hangal!

 

Mga Pilipino tayo, kailangang magbuklod

Nang sa unos ng buhay matatag, ating pagsugod

Walang kinikiling na pag-imbot sa puso ng bawa’t isa

Nag-uunawaan, nagkakaisa – sa buong mundo, ating ipakita.

 

Mapalad tayo sa pagkakaroon nitong bansa

Na kung wariin, mahirap pag-ugnayin at mapag-isa

Subali’t ito ang itinadhana sa atin ng Poong Maykapal

Kaya’t buong puso nating arugain ng masidhing pagmamahal.

 

May Antas ang Pangangailangan at may Hangganan ang Pakikibahagi

May Antas ang Pangangailangan

At may Hangganan ang Pakikibahagi

Ni Apolinario Villalobos

Hindi lahat ng tao ay may kaparehong pangangailangan, subalit mayroon tayong mga kababayan na dahil sa sobrang kasuwapangan, gusto nila, lahat nang binibigay sa iba, ay meron din sila. Ito yong mga tao na may kaya naman sa buhay subalit pilit isinisiksik ang sarili sa mga pilahan  para sa relief goods kung inabot ng bagyo o baha ang kanilang lugar. Ang masama pa, pagkatapos matanggap ang relief bags ay pipintasan pa ang NFA rice, kesyo hindi daw pwedeng kainin ng tao kapag isinaing na, kaya pinakain na lang sa alagang aso. Pati ang iilang pirasong sardinas ay pinipintasan din, kesyo hindi man lang daw sinamahan ng corned beef o pork and beans. Kadalasan ang mga taong ito pa ang nanggugulo sa pilahan.

Kasama sa pakikipag-kapwa natin ang pagpapaubaya, na ibig sabihin, ay dapat na hayaan na lang natin na mapunta sa ibang talagang nangangailangan ang biyayang sana ay may bahagi tayo. Kung nakakakain pa naman tayo ng dalawang beses isang araw, hayaan nating mapunta yong dapat ay pangatlong makakain pa natin, sa mga taong talagang walang makain sa maghapon.

Sa isang banda naman, ang kulturang “dapat meron din ako” ay nagpapahirap din sa  mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa. Okey lang sana kung ang nagpapadala ay magulang para sa mga anak, o anak para sa magulang at mga kapatid. Subalit kung minsan, pati mga pinsan, pamangkin, tiyuhin, tiyahin at iba pang kamag-anak ay gusto ring maambunan ng padala. Kaya napipilitan tuloy ang pinadalhang pamilya na ipamahagi ang pinadalang pera, kahit halos wala nang matira para sa kanila.  Dahil sa ganyang pangyayari, hindi rin makapag-ipon ang nagtatrabaho sa ibang bansa upang may maipambayad sa mga inutang na ginamit sa pag-alis.

Ang leksyon dito ay, hayaan nang mapagsabihang “maramot” upang hindi maabuso ng tamad na mga kamag-anak sa Pilipinas. Saka na lang mag-abot ng tulong kung talagang kailangan na nila, dahil kung hindi gagawin ito, lalabas na kinukunsinte ng nagpapadala ang katamaran ng mga kamag-anak nilang umaasa na lang palagi sa padala.

Dapat maunawaang lahat ng bagay sa mundo ay may hangganan, at kasama na diyan ang pakikibahagi ng tulong na kung hindi man inaabuso ng mga tamad, ay hindi rin pala naa-appreciate ng ibang binibigyan.

Mahalagang i-angkop sa uri ng kausap ang mga bagay na pag-uusapan…mas mabuti kung magaling tayong tagapakinig

Mahalagang i-angkop sa uri ng kausap ang

mga bagay na pag-uusapan

…mas mabuti kung magaling tayong tagapakinig

ni Apolinario Villalobos

May mga pagkakataon na sa kagustuhan nating makibahagi ng ating nalalaman, nakakalimutan natin ang uri ng taong ating kausap, kapag mamalasin, para tayong nakikipag-usap sa hangin dahil maaaring mangyari na wala silang  interes sa mga sinasabi natin.

Tulad halimbawa noong inimbita ako ng isa kong kaibigan sa kanila. Akala ko dahil updated siya sa mga pangyayari lalo na ang tungkol sa korapsyon, okey lang pag-usapan namin ang paksang ito. Nang ibahagi ko sa kanya ang mga alam ko, tiningnan lamang niya ako at ang narinig ko ay, “ah, ganoon ba?” Kalaunan ay nagsalita din siya upang mag-share, pero ang ibinahagi niya ay tungkol sa mga taong nakita niya sa loob ng casino at kung paano siyang nanalo ng ilang beses sa slot machine. Nag-react naman ako maski papaano sa pagsabing, “eh, di ayos!”. Nang palagay ko ay mabuburyong lamang ako sa bahay niya, nagdahilan akong may pupuntahan pa.

Mahalaga ang pag-angkop ng mga paksang pag-uusapan sa uri ng ating mga kausap upang hindi magkasawaan sa paulit-ulit na pagsabi ng mga one-liner na sagot bilang reaksyon. Hindi dapat ipilit na iparinig sa kanila ang ating nalalaman dahil may mga taong walang pakialam maski genius man tayo. Kung mahahalata nating gustong bumangka ng ating kausap, pagbigyan siya. Makinig na lang na mabuti at baka may mapupulot tayong leksiyon.

Lapitin ng tao ang mga magaling makinig dahil lumalabas na maunawain sila. Ganoon pa man, hindi naman nangangahulugang hanggang sa pakikinig na lamang ang gagawin natin, dahil basta may pagkakataon, dapat din tayong sumingit ng ating mai-aambag upang sumigla ang usapan.

Ang pinakamagandang sitwasyon ay kung katugma natin ang ating mga kausap dahil kahit abutin ng maghapon, ay hindi nagkakaubusan ng paksa. At ang pinakamahirap namang sitwasyon ay kung magkita ang magkakaibigang magkaiba ang hilig, siguradong labo-labo ang resulta. Nangyayari ang huling nabanggit kung minsan sa mga pagkikita-kita ng magkakaibigan sa isang tanghalian o hapunan. Dahil sa magkakaibigang paksa, kadalasan ay hindi nagkakarinigan ang mga nag-uusap, lalo pa at mayroong mga ayaw magpatalo.

Ang pinakamagandang gawin natin ay palaging maghanda ng mga kwento na may iba’t ibang paksa, at kung maipit sa isang usapang labo-labo, ay manahimik na lamang at mag-enjoy sa pakikinig.