Mga Historical Trivia tungkol sa Pilipinas (part 1)

Mga Historical Trivia tungkol sa Pilipinas (part 1)

ni Apolinario Villalobos)

-Bago dumating ang mga Kastila, partikular, si Magellan, malakas na ang pakikipagkalakalan ng ating mga ninuno sa mga Hapon, Tsino, Cambodians, Indians, Malaysians, Borneans, Moluccans, Javans, at Sumatrans. Balita sa Espanya at iba pang kaharian sa Yuropa ang mga sangkap-panluto na tulad ng pamenta, sili, cinnamon, at iba pa na matatagpuan lamang sa Asya lalo na sa Malacca o Moluccas, at nagpapahaba din ng “buhay” ng hilaw na karne bilang preservative. Ang pakay talaga ng grupo ni Magellan ay ang Moluccas na madaling marating mula sa Pilipinas. Ibig sabihin, itinuring na “transit point” lamang ang Pilipinas. Pangalawang biyahe ni Magellan papunta sana sa Moluccas ang ginawang pagdaong sa mga isla ng Pilipinas, kung saan siya minalas na mapatay ni Lapu-lapu sa Mactan.

-Ang tunay na pangalan ni Magellan na isang Portuguese ay “Fernậo de Magalhậes”. Ang pangalan niya sa Kastila ay “Fernando de Magallanes”, at ang “Ferdinand Magellan” ay sa Ingles naman. Lumipat siya sa pagkiling ng Espanya kahit siya ay Portuguese dahil hindi kinilala ang kanyang naiambag sa mga paglalayag na nagpatanyag sa Portugal. Ininsulto pa siya ng hari noon ng Portugal na si Dom Manuel (the Fortunate) nang humingi siya ng kaunting dagdag na pension. May alipin siyang Asyano na si Enrique, o Henry, na nakatulong ng malaki nang makarating ang grupo niya sa Visayas dahil nakakausap nito ang mga katutubo ng mga isla ng Limasawa, Homonhon at Cebu na una nilang dinaungan. Dalawa ang bersiyon ng kuwento tungkol sa pagkatao ni Enrique. Ang una, siya daw ay anak ng sultan ng Malacca at sa edad na 13 ay sumama sa isang grupong sumalakay sa isang barko ng mga Portuguese at nahuli, pero “sinalo” siya ni Magellan na nagkataong nasa Malacca noon, at dinala siya sa Portugal. Ang pangalawa, siya daw ay isang Visayan na nabihag ng mga pirata at binenta bilang alipin sa Sumatra, hanggang makarating siya sa Malacca. Ang dalawang tawag sa kanya ng mga historian ay, “Henry of Malacca” at “Black Henry”.

-Hindi nagkakaisa ang mga katutubo sa ilalim ng iisang pinuno nang datnan ni Magellan dahil bawa’t isla ay may sariling pinuno o “datu”, at ang may pinakamaraming sakop ay kilala sa tawag na “raha”. Ang unang na-convert sa Kristiyanismo sa Cebu na nakipag-blood compact pa kay Magellan ay si Raha Humabon, pamilya niya at mga sakop. Si Lapu-lapu naman na pinuno ng Mactan ay hindi pumayag at nagbanta pa ng laban kay Magellan kung hindi sila aalis agad. Hindi nakipagtulungan ang mga Kastilang tripulante ng mga galleon na may hinanakit kay Magellan dahil sa pagka-Portuguese nito, sa planong pagsalakay sa Mactan. Hindi sila bumaba ng mga galleon upang lumusob sa mga naghihintay na tropang katutubo sa dalampasigan ng Mactan. Pinanood lamang nila si Magellan at mga kababayan nitong mga Portuguese habang nakikipagbakbakan sa mga katutubo sa dalampasigan hanggang sa siya ay mapatay.

– Nagkaroon ng “peace negotiation” sa pagitan ng mga katutubo at natirang mga Kastilang tauhan ni Magellan pagkatapos ng labanan. Pinagpalagay ng ilang historian na bilang ganti ay nakipagsabwatan si Enrique kay Raha Humabon na “blood brother” ni Magellan, na nagplano kasama si Lapu-lapu, ng isang salu-salo bilang pamamaalam sa mga Kastila. Sa salu-salong naganap, minasaker ang mga Kastila, subalit may iilang maswerteng nakatakas at nakabalik sa mga galleon na agad naglayag. Ang mga buhay na mga Kastilang naiwan ay binihag at ibinenta bilang alipin sa mga mangangalakal na Tsino. Si Enrique naman ay pinagpalagay na bumalik sa kanyang pamilya.

-Ang pakay talaga ng mga Kastila sa pagsakop ng mga isla dahil napasubo na sila, ay upang pagkitaan ito batay sa paniwalang mayaman ang mga ito sa ginto at mga sangkap sa pagluto o spices. Upang magtagumpay sila sa pananakop, pinauna muna ang mga misyonaryo, na bandang huli ay nakipagpaligsahan na rin sa mga opisyal, sa pagpayaman. Ang mga misyonaryo ay mga Jesuits o Hesuwita na kinabibilangan ni St. Francis Xavier o St. Francis of Assissi, at mga Dominikano o Dominicans.

-Ang mistulang tatsulok na kapirasong lupain na ngayon ay ang tinatawag na Intramuros ang tinutukoy noon ng mga Kastila na Manila, at ang Pilipinas naman ay tumutukoy sa iilang isla ng Luzon at Visayas, hindi sakop ang buong Mindanao, kahit na may maliit silang kampo noon sa Zamboanga. Ang “Islas Felipinas” na naging “Filipinas” ay hango sa pangalan ng hari ng Espanya noon na si Philip II.

-Ang mga Kastilang hinakot lamang ng galleon mula sa Espanya upang tumira sa Manila ang tinawag na “Manileῆo” o “Filipino” – mga nakatira sa loob ng Intramuros o “Walled City” na ayon sa mga historian ay tumalo sa kagandahan ng ibang mga siyudad sa Yuropa. Ang tawag sa mga nakatira sa kabilang pampang ng Ilog Pasig (ngayon ay Quiapo at Sta. Cruz) ay mga “Tagalog” (taga-ilog), pero dahil hindi binyagan sa Kristiyano ay tinukoy ding mga “Moro” bilang paghalintulad sa mga “Moors”, mga Moslem na pinalayas mula sa Espanya ng mga Christian Crusaders. Ang iba pang mga nakatira sa kabila ng Ilog Pasig ay mga Intsik na tinawag na “Sangley” isang salitang Amoy na ibig sabihin ay “trader”, at pinilit tumira sa iisang lugar upang makontrol – ang “Parian”, na ngayon ay Chinatown. Ang mga Hapon naman ay pinatira sa hindi kalayuang lugar na ang sentro ay tinatawag ngayong Plaza Dilao. Ang mga nakatira sa mga karatig- lugar ay tinawag na mga “Indio” o “Indian” dahil inihanlintulad naman sila sa mga katutubo ng mga lugar sa South America tulad ng Peru at Mexico na unang sinakop ng mga Kastila.

Malinaw dito na ang mga ninuno natin ay inalipin sa sariling bayan. At, ang “Filipino” bilang katawagan ay hindi talaga laan para sa kanila noong panahon ng mananakop na mga Kastila!

Isang Pagbusisi sa Mundo ng Facebook

Isang Pagbusisi sa Mundo ng Facebook

Ni Apolinario Villalobos

Ngayon, ang facebook na yata ang pinakatanyag na bahagi ng internet dahil marami na ang nakapagpatunay na talagang malaking tulong ito sa buhay ng tao. Malamang na ang orihinal nitong gamit ay para lamang sa mga retrato, kaya dapat ay naka-frame ang mga ipo-post sa facebook, upang magmukha itong “photo album” , kaya nga “facebook” o “aklat ng mukha”. Dahil dito ay nagdalawang- isip ako noon sa paglagay ng mga ginawa kong sanaysay at tula. At, kung kailangan ko talagang maglagay, dapat ay i-frame ko rin sila. Sa payak kong kaisipan, pwede nga siguro, pero kailangan kong tadtarin at ilagay sa kung ilang frame dahil kung ang isang sanaysay ay mahaba, iisang buong page na ng facebook ang siguradong masasakop nito….at sigurado ding isusumpa ako ng nangangasiwa dahil sa pang-aabuso!

Maaaring magkaroon ng ilang “katauhan” gamit ang ilan ding facebook dahil hindi naman alam ng nangangasiwa kung sino talaga ang may-ari ng mga ito. Dahil sa nabanggit, dapat lang na bago mag-confirm ng “friend request” ay kailangang tsekin ang mga detalye sa facebook ng nagpadala. Ang siste lang, marami ang gumagawa ng facebook na ang tanging laman ay pangalan at hindi pa sigurado kung totoo. Lalo na ngayong panahon ng batikusan sa larangan ng pulitika na nagbigay- buhay sa maraming grupo na ang layunin ay mambatikos ng mga pulitiko. Kung papansinin, ang facebook ng ibang nambabatikos ay walang lamang detalye kundi nakakadudang pangalan. Okey lang sana kung makabuluhan ang mga pagbatikos, subali’t ang iba ay halata namang hindi pinag-isipan, kaya ang labas ng mga gumawa ay ang tinatawag sa social media na “bashers”. Sila ang mga mahilig lang mangantiyaw at makisakay sa mga isyu.

Ang problema sa kaso ng “bashing” ay mahirap i-trace kung sino ang mga kaibigan ng “bashers” at kung kaninong facebook sila nakakabit kaya nagawa nilang pumasok sa “loop” o samahan ng mga dapat sana ay magkakakilala. Problema din dito kung naka-“public” ang isang facebook kaya napapasok ng kahit sino.

Mayroon ring nanlilito ng mga viewers. Ito yong parang may iniiwasan. Ang payo ko lang, kapag dating kaibigan ang gumagawa nito at obvious na talagang namimili lang siya ng makakadaupang-palad sa facebook, huwang nang magpumilit na mag-reach out sa kanya. Pagbigyan siya sa kanyang kagustuhan dahil baka nagkaroon ng hindi magandang karanasan sa piling ng mga dating ka-fb, kaya dinelet niya ang dati at nagbukas ng bago, at pati katauhan niya para sa mundo ng internet ay binago na rin.

Hindi rin pala tinatanggal ng nangangasiwa ng facebook ang mga namamayapa na, kaya tuloy pa rin ang pagsulpot ng mga pangalan nila sa listahan ng mga suggested friends. Nagkakaroon tuloy ng tampo ang ibang palaging nagpapadala ng friend request na hindi naman daw inaaksiyunan, hanggang sa may magsabing patay na pala ang taong gusto nilang maka-friend!…nagsisi tuloy sila dahil sa pagtampo sa taong matagal na palang patay! …kaya nagkaroon pa ng obligasyon na taimtim na pagdasal upang humingi ng sorry sa namayapa!

Marami ring kuwentong “pagkikita” sa facebook pagkalipas ng kung ilang taon. May mga kabataan namang sa facebook naging magkaibigan, hanggang sa magligawan, na kung minsan ay nauuwi sa lokohan kaya may mga kaso ng panggagahasa. Mayroon ding kaso ng lokohan sa pera na idinaan sa pakikipagkaibigan sa facebook. Pero may mga sinusuwerte ding nakakita ng matinong asawa sa facebook.

Upang makaiwas sa kapahamakan, dapat na lang isaalang-alang ang lubusang pag-ingat sa paggamit ng facebook. At, huwag din abusuhin ang magandang layunin nito para lang makapangantiyaw ng kapwa upang hindi magantihan. Palaging alalahanin na hindi man tayo nakikita ng ating kapwa sa ating ginagawa, hindi bulag ang nasa itaas na 24/7 nakabantay sa atin…