Bakit May Gobyerno Pa?

Bakit May Gobyerno Pa?

Ni Apolinario Villalobos

Sa mga rally, lalo na noong nakaraang pagdiwang ng Araw ng Kalayaan, ang sigaw ng ilan ay hindi ang pagbagsak ng kasalukuyang gobyerno, bagkus ay isang katanungan: “BAKIT MAY GOBYERNO PA?” Ang nararamdaman kasi ng mga tao, ay para na ring walang namumuno, dahil halos wala man lang napaparusahang mga tiwaling opisyal o nagpapataw ng kaukulang parusa sa mga lumalabag ng batas….kaya ang mga Pilipino ay nagsasariling diskarte na lang upang mabuhay. Palaging naririnig ang parusang “pagsibak”, na ibig sabihin lang pala ay pagtanggal sa kasalukuyang pwesto at “paglipat” sa ibang pwesto…wala ring nangyari.

Matatapang ang mga negosyante sa pagtago ng mga basic commodities tulad ng bigas upang magkaroon ng dahilan na makapagtaas sila ng mga presyo nito, pati nga rekado na bawang at sibuyas ay napakialaman din. Ang mga negosyante ng langis, ganoon din ang tindi ng tapang sa panloloko sa pamamagitan ng animo ay pagsi-see-saw ng mga presyo…magbabawas ng ilang sentimo, at magtataas ng mahigit piso. Parang nakakaloko na sa pagpapatakam. Matatapang ang mga taong pamahalaan sa pagturing sa mga proyekto na animo ay sarili nilang negosyo kaya kung pagkitaan ang mga ito ay ganoon na lang.

Dahil wala man lang napapatawan ng parusa, pati ang sistema sa mga kulungan ay apektado at nakulapulan na rin ng kagaw ng corruption. Pati na rin ang mga paaralan, mula high school hanggang libel ng kolehiyo ay hindi man lang masita sa maya’t maya ay pagkakaroon ng mga sosyalang gastusan, tulad na lang ng “acquaintance party” na may costume pa…para ano ito, ganoong kabubukas lang ng mga eskwela? Sigurado, ilang buwan lang pagkatapos ng party na yan, magkakaroon na ng “educational tour” na kasama sa itinerary ay shopping mall o resort para makapasyal ang mga madre at mga titser at ang mga gastos nila ay pinababalikat sa mga estudyante. Ang mga estudyanteng hindi makasama dahil walang panggastos, pinapatawan ng mga kung anu-anong project naman, na hindi naman talaga kailangan. Bakit hindi na lang research project na may kabuluhan ang ipagawa sa mga estudyante o di kaya ay familiarization sa mga iba’t- ibang barangay ng lunsod o bayan kung saan nandoon ang paaralan, sa halip na “educational tour” sa malalayong lugar?

Nakakahiya, dahil ang mga taong inaasahan na dapat ay nagtuturo ng mga paraan kung paanong makaiwas sa gastos ang mga magulang dahil sa kahirapan ng buhay, ay siya pa ang pasimuno ng kaaliwaswasan na walang kabuhulang gastusan. Inutil ang mga ahensiyang nakatoka sa sistema ng edukasyon ng ating bansa. At, lalong walang konsiyensiya ang mga paaralang, animo ay nanghuhuthot sa mga magulang at estudyante sa halip na magturo nang maayos upang makapaghanda ang mga kabataan para sa kanilang kinabukasan.

Naturingang may Senado at Kongreso, subali’t ang mga ibinoto ng bayan upang umupo rito ay may mga bahid na ng corruption. Noong kampanyahan, animo mga santo at santa, puro pangako ng mga magagandang proyekto. Subali’t nang magkaroon ng pagkakataon upang makapangurakot, hindi na nagpapigil. Kailangan nga naman nila ang pondo para sa susunod na eleksiyon. Nagbibintangan sila sa isa’t isa at may mga “sinampahan” na ng mga kaso. Sino pa ang pagkakatiwalaan ng mga tao? Yong mga bago sa Senado tulad ni senadora Binay, ay may kinakaharap ding mga katanungang dapat niyang sagutin. Si senadora Poe, hindi naman nakakalimutan ang pangdaya daw ng dating Presidente Gloria sa kanyang ama…lumalabas na benggadora siya dahil hangga’t may pagkakataon, hindi niya maiwasang hindi banggitin ito. Para na rin siyang si Presidente Aquino na maya’t maya din ang paglingon sa dating pamunuan ni Presidente Gloria upang batuhin ng mga pagsisisi sa mga pangyayaring palpak sa kasalukuyang administrasyong hawak niya. Ang ugaling mapaghiganti ay nakakapagpigil sa pag-usad ng tao, at ang pinakamalaking halimbawa ay ang nangyayari ngayon – hirap sa pag-usad ang pamahalaan dahil panay ang sisi ng pamunuan sa mga corruption daw ng nakaraang administrasyon sa mga nangyayari ngayon.

Sana magmuni-muni din ang pangulo tungkol sa mga taong itinalaga niya bilang mga alalay niya lalo na sa namamahala ng budget na nahasa na sa mga nakaraang administrasyon. Ang mga napatunayan nang wala namang alam sa pagpapatakbo ng mga ahensiya ay nandiyan pa rin na naging mabigat pa niyang pasanin. At ang mga mambabatas na bihasa na sa pag-ikot sa mga batas ay nandiyan pa rin, kaya hindi lang ang nakaraan presidente ang dapat niyang sisihin. Ang mga talumpati niya na ang laman ay puro pagdedepensa sa kanyang mga kaalyado sa partido at mga alalay sa gobyerno ay ayaw na ring pakinggan ng marami dahil ampaw naman daw – walang laman.

Ultimo driver ng dyip na nasakyan ko minsan, pinatay ang kanyang radyo nang marinig ang nagsisimula pa lang na talumpati ng pangulo, sabay bitaw ng mga pagmumura. Hindi ko na lang pinansin dahil baka lalo lang mainis at ibangga ang dyip.

Mabuti na lang at madiskarte tayong mga Pilipino, kung hindi, baka sa kangkungan pupulutin ang lahi natin!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s