Ang Mga Lanta o Pinatuyong Gulay at Minatamis o Pinatuyong Prutas

Ang Mga Lanta o Pinatuyong Gulay

At Minatamis o Pinatuyong Prutas

Ni Apolinario Villalobos

Hindi nangangahulugan na dahil ang gulay ay lanta na, ito ay hindi na masustansiya. May mga gulay na kailangang palantain nang kahit bahagya upang maihanda bilang isang uri ng pagkain, o di kaya ay patuyuin upang mapatagal sa pagkakatabi o pagkaimbak.

Sa paghanda ng “laing” (ginataang dahon ng gabi), ang dahon ay kailangang palantain ng bahagya, pero ang original na ganitong lutuin na nagsimula sa mga probinsiya ng Bicol, ang dahon ay kailangng tuyong-tuyo bago iluto sa gata. Kailangan namang patuyuin ng bahagya ang labanos at mustasa bago magawang “binuro”. Kung panahon ng sili, halos ipamigay na ng mga tindera ito dahil sa napakamurang halaga, subalit kung panahong bihira ito, ang presyo ay lumalampas sa isandaang piso ang kilo. Ganoon din ang nangyayari sa luya at sibuyas. Hindi naisip ng iba sa atin, na maaari silang patuyuin o buruhin sa tubig na may asin o suka upang magamit kung hindi na nila panahon. Ang masama, naging ugali na ng Pilipino na ngumalngal ng todo sa pagreklamo kapag sumirit na ang mga presyo, sabay sisi sa gobyerno!

Ang mga bansang India at Pakistan ay may mga bahagi kung saan, ang mga katutubo ay nagpapatuyo ng gulay upang maimbak at magamit pagdating ng panahong “tag-lamig”. Sa Italy, kung saan ang mga katutubo ay mahilig sa ispageti na ang pinakamahalagang sangkap ay kamatis, isa sa kanilang produkto ay “sun-dried tomato” na dinidelata o ginagarapon bago i-export sa ibang bansa. Ang Alemanya naman ay may tinatawag na “sauerkraut” na ang ibig lang sabihin ay binurong repolyo na maaari rin namang gamiting panghalo sa kahit anong klaseng lutuin. Sagana tayo sa mga nasabing gulay subalit ang gusto lang natin ay palaging sariwa, at kung panahong nagmahal sila, nagtitiis tayo sa mataas na presyo o di kaya ay nag-iingay tayo sa pagreklamo.

Dito sa minamahal nating bansang Pilipinas, malanta lang ng bahagya ang gulay, ay tinatapon na. Sa palengke, nilalangaw ang mga bulok na kamatis at lantang gulay na maaari sanang patuyuin. Nakakalungkot isipin na ang alam lang ng karamihan sa ating mga Pilipino, ay nasa sariwang gulay lamang ang sustansiya, kaya kapag naistak lang ng dalawa o tatlong araw sa ref ay sa basurahan na bumabagsak. Ang masama, ayaw pala ng iba sa atin ng nalalantang gulay, bakit bumibili ng marami at iniistak sa ref? Dahil kaya takot na baka biglang magdilubyo o di kaya ay lulubog sa baha o masunog ang palengke?

Sa prutas naman, ang ugali ng iba sa atin ay ganoon din, sa pagturing na ang sobrang hinog o overripe na prutas ay hindi na pwedeng kainin o di kaya ay para lamang sa mga mahihirap o naghihirap – yong mga namumulot sa basurahan. Hindi man lang naisip ng iba na ito ay pwedeng matamisin upang magamit na palaman sa tinapay o pamutat pagkatapos kumain. Ang mga prutas na sobrang hinog o may kaunting sira ay tinatapon na, ganoong pwede namang tapyasin ang bahaging sira at ang natirang maayos ay maaaring matamisin tulad ng nabanggit.

Para sa ibang kababayan natin, dapat ang prutas ay “maganda” ang kulay, wala maski bahagyang kulubot na tanda ng kalumaan dahil ang alam lang gawin ng ilan sa atin ay kainin ito na sariwa, at ang mga minatamis na jelly o jam ay dapat bilhing naka-garapon o naka-lata mula sa supermarket o grocery, at lalong okey kung imported pa!

Dahil sa “imported mentality” naman nating mga Pilipino, naiisahan tayo ng ibang bansa, lalo na ng Tsina. Umaangkat sila mula sa atin ng mga prutas upang tanggalan ng katas o di kaya ay patuyuin, at binebenta sa atin pagkatapos – imported nga naman! Kaya ngayon, sa mga grocery, naglipana ang mga pinatuyong iba’t ibang prutas galing Tsina, na galing din pala sa Pilipinas, tulad ng sampalok, mangga, pinya, buko, kundol, at saging. Marami ring mga fruit juice na dinelata, na ang pinanggalingang sariwang prutas ay galing sa atin. Sarap na sarap tayo sa pagkain ng mga minatamis na tuyong mga prutas na ang plastic na balot ay may tatak na “manufactured in the People’s Republic of China”, at pag-inom ng mga fruit juice na ang lata ay may ganoon ding tatak, na ibinalik lang pala sa atin bilang finished product!

Kaylan kaya tayo matututo upang maging maging mapamaraan o resourceful, hindi yong magaling lang magreklamo kung mataas na ang mga presyo? Siguro ay kung nasa ilalim na tayo ng Tsina, na gustong mangyari yata ng isang nagkakandidatong presidente…

2 thoughts on “Ang Mga Lanta o Pinatuyong Gulay at Minatamis o Pinatuyong Prutas

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s