Swabe ang Anarkiya sa Pilipinas…dahil wala pang marahas na reaksyon ang mga Pilipino

Swabe ang Anarkiya sa Pilipinas
…dahil wala pang marahas na reaksyon ang mga Pilipino
Ni Apolinario Villalobos

Ang matinding anarkiya sa isang bansa ay nangyayari kapag hindi na makatiis ang mga mamamayan sa mahinang pamunuan o kung humagupit ang isang matinding kalamidad kaya halos paralisado ang pamahalaan. Ang pinakamalalang mangyayari ay mga patayan at hantarang nakawan o looting. Anarkiya ding masasabi ang kaguluhan sa pagpapatakbo ng gobyerno. Sa Pilipinas, swabe ang mga nakikitang kaguluhan, na hindi pa masyadong binigyang-pansin dahil sa kultura ng Pilipino na nakaka-ayon sa lahat ng sitwasyon, tulad ng mga sumusunod:

1. Hindi pagsunod ng mga local officials sa mga desisyon ng Ombudsman na pagsuspinde sa kanila na ang nakasayang gawin ay tumakbo sa mga tiwali at nababayarang huwes upang kumuha ng Temporary Restraing Order o TRO, o di kaya ay hindi pag-alis sa kanilang opisina, na isang malinaw na kawalan ng respeto sa Ombudsman. Dahil dito ay nagkakaroon ng kaguluhan sa pagitan ng mga supporter ng suspendidong opisyal at pansamantalang itinalagang opisyal.

2. Pagka-inutil ng DILG sa pagpipilit na maipatupad ang kautusan ng Ombudsman sa pamamagitan ng pagpaalis sa suspendidong opisyal mula sa opisina upang makagawa ng maayos ng audit, ganoong ang mga LGU ay nasa ilalim naman ng nasabing ahensiya. Sa nangyayari ngayon sa Makati halimbawa, ang hepe ng DILG na si Roxas ay “nakikiusap” pa sa suspendidong mayor na si Junjun Binay na sumunod na lang. Paano siyang rerespetuhin at susundin kung ang pinapakita niya ay kalamyaan na maihahalintulad sa kaduwagan o kawalan ng gulugod? Hindi makakaapekto sa buong bansa kung gagamit ng lakas ang DILG upang ipilit ang kapangyarihan nito…plus factor pa ito ni Roxas kung sakali.

3. Pagka-inutil ng mga ahensiya ng pamahalaan na makontrol ang maya’t- mayang pagsirit ng mga presyo ng mga bilihin sa palengke, lalo na ang bigas. Isama pa rito ang mga presyo ng langis, bayarin sa tubig at kuryente.

4. Patuloy na hantarang smuggling dahil sa katiwalian sa loob ng mga ahensiyang dapat ay nangangasiwa sa mga pantalan.

5. Hindi makontrol na mga krimen sa loob mismo ng mga kulungan na dati ay patayan kung may riot lang, subalit ngayon ay may prostitution na rin at droga.

6. Hindi makontrol na pangungumisyon sa mga proyekto ng gobyerno, at ang pinakamatindi ay ang pamamayagpag ng mga negosyanteng nagpapatakbo ng mga pekeng NGO na kinasasabwatan ng mga opisyal ng gobyerno upang makakuha ng pondo mula sa kaban ng bayan.

7. Paglala ng krimen dahil ang iba sa hanay ng kapulisan ay sangkot na rin.

8. Patuloy na pagpapahirap sa mga mahihirap na dahil sa K-12 program, na ginamitan ng mga librong hindi bababa sa halagang 500 pesos ang isa. Dahil sa inutil na bagong programa na yan, lalo pang pinagpipiyestahan ng mga tiwaling opisyal na may kinalaman sa edukasyon at mga hidhid na negosyante ng libro ang mga mahihirap kaya nadagdagan ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.

Ang mga nangyayari sa kasalukuyang pamahalaan ay kasukdulan ng mga naipong katiwalian mula pa noong panahon ng Martial Law. Hindi nakatulong ang pagkamaka-Diyos ng presidenteng si Cory Aquino kahit nakasandal siya sa simbahang Katoliko. Sa halip na mabawasan ang mga katiwalian, lumala pa noong kapanahunan niya dahil lumakas pa ang loob ng mga tiwali na nagpalit lang ng kulay mula sa pula tungo sa dilaw. Hindi rin nakatulong ang pagka-heneral dati ng pumalit na presidente na si Fidel Ramos, ganoon din ang pagkasikat ni Erap Estrada, at lalo na ng pagka-ekonomista ng isang Gloria Arroyo.

Sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon, ang hilahod nang ekonomiya ay bumagsak na! Nasira ang mga akala ng mga nagluklok kay Pnoy sa puwesto: na siya ay magaling, hindi pala dahil hanggang salita lang daw; na siya ay makikinig sa kanyang mga “boss” – ang taong bayan, tulad ng ipinangako niya, hindi nangyari dahil wala pala siyang isang salita; na siya ay pantay sa pagtingin sa lahat, hindi pala dahil may mga pinapaburang mga ka-barilan at mga classmate daw na pinagtatalaga niya sa puwesto, at kahit hindi maganda ang performance ay ayaw niyang tanggalin. At, marami pang maling akala…

Yan ang Pilipinas…ang mga mamamayan ay swabe sa pagharap sa mga pagsubok…. kaya nakakatiis pa kahit papaano…..at, kaya hindi na lang muna pinapansin ang nakasayan nang swabeng anarkiya!

May Bagong Pinuno ang Bilibid Prison pero datihan pa rin ang mga tauhan…magkakaroon kaya ng pagbabago?

May Bagong Pinuno ang Bilibid Prison
pero datihan pa rin ang mga tauhan
….magkakaroon kaya ng pagbabago?
Ni Apolinario Villalobos

May bagong pinuno ang Bureau of Corrections na ayon sa balita ay ka-barilan daw ni Pnoy. Umiral pa rin pala ang buddy system. Ganoon pa man, nangako ang bagong pinuno na si retired General Ricardo Rainier Cruz III, na gagawin niya ang lahat para magkaroon ng pagbabago ang Bilibid. Ilan nang mga pinuno ng nasabing kulungan ang nangako subalit napakộ lang. Kaya hindi na siya dapat mangako pa kung ayaw niyang mapahiya lang.

Hangga’t hindi nagkaroon ng total overhaul ng mg tauhan sa Bilibid, walang pagbabagong mangyayari, dahil ang mga taong ito ang nagbabantay sa mga priso, at hindi ang pinuno. Sila ang kadupang-palad ng mga priso na dahil sa pera ay itinuring na mga “kabalyero”. Ang mga gwardyang ito na may kontak na direkta sa mga priso ang mga dahilan kung bakit nagkakaroon ng katiwalian sa nasabing kulungan. Kaya kahit araw-araw man maglabas ng daan-daang kautusan na naka-memo pa ang pinuno, siguradong iismiran lang siya, pagtalikod niya.

Kung maaari nga lang ay palitan ang mga dating bantay ng military personnel na itatalaga sa nasabing kulungan on rotational TDY or temporary duty. Sa ganitong paraan lang mawawala ang aspeto ng “familiarity” na nadi-develop upang maging malapit ang mga priso sa mga bantay. At, wala na ring dahilan ang Bureau of Corrections, sa pagsabi na kulang sila sa personnel kaya hindi lahat ng priso ay nababantayan nila 24/7.

Napapansin din na wala man lang napaparusahan sa mga nahuling tiwaling mga guwardiya ng Bilibid. Iniisip tuloy ng marami na may kutsabahang nangyayari sa pagitan nila at kanilang mga superior. Nabisto rin na hindi lang pala droga ang pinagkikitaan sa loob kundi pati prostitution pa. Ano pa kayang anomalya ang maaaring umiral sa kulungang ito?

Walang pakundangan kung gumamit ng pera ang mga Tsinong drug lords sa loob upang makapagpatuloy sila ng operasyon. Napatunayan ding walang epekto ang pansamantalang pagkalipat nila sa kulungan ng NBI dahil doon ay nakapag-operate pa rin gamit ang ipinuslit na mga cell phone sa kanila, at sa pagkakataong ito, ang gumawa ay mga tauhan naman ng NBI!

Kaylan lang ay ibinalik na ang mga Tsinong drug lord sa Bilibid, kaya lalong sasaya na naman ang mga araw nila sa piling ng mga dating mahal nilang mga bantay!

Ngayon, ang bagong pinuno namang ka-barilan ni Pnoy ay nagpapakitang gilas, subalit hanggang kaylan?…tatagal kaya siya kahit wala na si Pnoy na sinasandalan niya?

Mahal naming Brian…

Mahal Naming Brian…
(para kay Brian Arevalo Padua)
Ni Apolinario Villalobos

Ayaw naming isipin na ika’y wala na
Para sa amin ika’y kapiling pa rin namin
Nakatanaw sa kawalan, nag-iisip ng malalim
Tahimik, pangiti-ngiti, damdamin ay tinitiim.

Sa murang gulang, mga hamon kinaya mong harapin
Di man namin dinig, alam naming ika’y nananalangin
Na sa pag-usad ng panahon ay iyong malampasan
Mga pagsubok na araw-araw pilit mong pinapasan.

Ayaw naming magpaalam sa iyo, mahal naming Brian
Ayaw naming isipin na sa isang iglap, ikaw ay lumisan
Nguni’t lahat ng pangyayari sa mundo ay may dahilan
Kaya’t lahat ng ito, tanggap namin, kahi’t may kahirapan.