Piso, pambili ng kausap…at ang mga pilosopong kausap

Piso, pambili ng kausap
…at ang mga pilosopong kausap
Ni Apolinario Villalobos

Ipokrito ako kung sasabihin kong sa lahat ng oras ay kaya kong kontrolin ang sarili ko kung ang kausap ko ay pilosopo kahit na pinipilit kong ibalik sa ayos ang aming pag-uusap, tuwing ito ay madiskaril dahil sa kanyang pamimilosopo. Ang ganitong sitwasyon ay nadadanasan ko lalo na kung ang kausap ko ay walang balak na magbago ng ugali o talaga lang makitid ang isip.

Halimbawa na lang ay ang isa kong kumpare noon sa Paraῆaque, na tamad na ay lasenggo pa. Naisip ko tuloy na kaya niya ako kinuhang ninong ng kanyang anak ay upang may mautangan siya palagi na siya ngang ginawa hanggang sa matauhan ako. Tuwi na lang may sasabihin akong magpapahiwatig ng kanyang mga pagkakamali, mayroon din siyang sagot na baluktot.

Nang minsang sinabihan ko siyang nangangailangan ng tauhan ang isang intsik na kaibigan ko upang magbantay sa bodega nito, sinabihan niya akong may pilay siya sa balikat, na alam ko namang hindi totoo. Nang mapansin kong dalawa sa mga anak niyang magkasunod ay sukob sa isang taon, pinayuhan kong maghinay-hinay sa pagbuntis sa asawa niyang may sakit na hika at mahina ang puso, subalit sinagot ako nang “lasing kasi ako, pare” o di kaya’y, “kaysa iba naman ang mabuntis ko, pare”.

Nang payuhan ko namang sanayin ang mga anak niya sa mga gulay at isda na masustansiya na ay mura pa, hindi tulad ng hot dog at instant noodles, ibinato ang sisi sa kumare ko na hindi daw marunong magluto. At, nang sabihan ko na bawasan na ang pagto-tong its niya, lalo na at wala naman siyang regular na trabaho, sinagot ako ng “paminsan-minsan lang pare”.

Lahat nang iyon ay kinaya ko pang pagtimpihan, subalit hindi ako nakapagpigil nang minsang nakihalo siya sa isang seryosong pakikipag-usap ko sa isang grupo na pinapayuhan ko tungkol sa mga halamang gamot at pagtitipid. Panay ang patawa niya sa pamamagitan ng pagsingit ng mga walang kabuluhang bagay, kaya inabutan ko siya ng piso. Nang tanungin niya ako kung para saan yon, sabi ko, gamitin niya sa pagbili ng kausap. Napahiya siya at natauhan. Hindi ko na muna siya kinibo dahil mas importante noon ang ginagawa kong pakikibahagi ng kaalaman tungkol sa mga nabanggit na paksa.

Para sa akin, hindi masama ang maging tapat o prangka sa isang tao kung kailangan upang matauhan siya. Isa sa paniniwala ko ay ang pangangailangan natin ng ibang tao upang magsabi sa atin ng mga mali nating gawi na hindi natin napapansin. Inaamin ko na ilang beses na ring nangyari sa akin ang pagpuna ng iba dahil sa maikli kong pasensiya, na taggap ko naman. Palagi kasi akong nagmamadali na akala ko ay tama sa lahat ng pagkakataon, at ang masama ay hindi ko agad napansin na naapektuhan pala ang iba na inakala kong mabagal sa pagkilos.

Sa isang banda naman, may mga pa-pilosopo tayong sinasabi kung minsan dahil sa hangarin nating magpatawa. Subalit, mahalaga ang “timing” at paggamit ng tamang patawa na aangkop sa pinag-uusapan para hindi ma-out of tune, wika nga. Kaya kung sa tingin natin ay talagang seryoso ang pinag-uusapan, iwasan ang magpatawa upang hindi mabigyan ng piso.

2 thoughts on “Piso, pambili ng kausap…at ang mga pilosopong kausap

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s