Ang Emotional Maturity o Kaganapan ng Damdamin ng Tao

Ang Emotional Maturity
O Kaganapan ng Damdamin ng Tao
Ni Apolinario Villalobos

Kung ang dunong at isip ay sa utak, ang damdamin naman ay sa puso. Ang damdamin mula sa puso ang nagpapalambot ng kung ano mang matigas na desisyon at pananaw ng isang tao. Ang nabanggit ang magsasabi kung anong klaseng pagkatao mayroon ang isang tao, na kalimitan ay sinasabing mabait, maunawain, mapagmahal, matulungin, atbp. – dahil puso ang pinairal. Subali’t kung ang desisyon ng utak ay pinagmatigasan ng isang tao, ibang pagkatao naman ang ipinapakita niya, subali’t damay pa rin ang puso, kaya may tinatawag kung minsan na “pusong bato” – walang damdamin, matigas. Hindi maaaring paghiwalayin ang tungkulin ng isip at damdamin dahil magkaagapay sila sa lahat ng pagkakataon.

Ang taong normal, na ibig sabihin ay walang diperensiya ang katawan, pag-iisip, at puso, ay may sinusunod na panahon upang marating ang kani-kanilang libel ng kaganapan o maturity. Inaasahang sa pagtuntong sa tamang panahon ng kaganapan, ang isang tao ay matatag na sa pagharap sa mga pagsubok ng buhay – hindi iyakin, malinaw ang mga desisyon, at malawak ang pang-unawa sa lahat ng bagay at kapwa-tao.

Subalit sa mga pagkakataon na sa murang gulang ay napasabak na sa pagharap sa mga pagsubok ang isang tao, mabilis ang pagkakaroon niya ng kaganapan ng damdamin. Dahil dito, may mga batang laki sa hirap na marunong nang gumawa ng mga malinaw na desisyon at ang damdamin ay umabot na sa libel ng kaganapan, kaya tinaguriang “isip- matanda”. May mga tao ring dahil lumaking spoiled sa magulang, kaya hindi nasanay sa pagharap sa mga pagsubok ay nagkaroon ng malamya o mahinang pagkakatao, kaya tinataguriang “isip-bata” at may “malambot na damdamin”.

Ang isa sa mga pagsubok ng buhay ay ang sitwasyon ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa. Kahit ang isip nila ay umabot na sa kaganapan, subalit dahil sa hindi mapigilang bugso ng damdamin tuwing maalala ang pamilya, bumibigay ito at humahantong sa pag-iyak, pagkawala ng katinuan ng pag-iisip, at ang pinakamasaklap ay pagpapatiwakal. Ang isa pa ay ang sitwasyon ng isang “spoiled” na taong nag-asawa. Kahit may mga anak na ay nakasandal pa rin sa mga magulang na maya’t maya niyang hinihingan ng payo, dahil hindi siya nasanay na gumawa ng sariling desisyon kaya mahina ang damdamin. Ibig sabihin, kahit nasa hustong gulang na siya ay hindi pa rin siya emotionally- matured.

Kung sa relasyong magkapatid, ang isip ay “nakakatandang kapatid” ng damdamin o emosyon. Sa panahon ng “pagi-emote” ng isang tao, ang isip niya ang magsasabi kung siya ay tama o mali. Ito marahil ang dahilan kung bakit ang utak ng tao ay nasa ulo, bandang itaas ng katawan, at ang pusong nagpapadamdam ay nasa dibdib o kalagitnaan ng katawan…nangangahulugang mas mataas ang utak kaysa puso, kaya dapat lang na umiral kung kailangan. Sa kasamaang palad, may mga pagkakataon ding umiiral ang damdamin na nawawala sa ayos lalo na pagdating sa pag-ibig, na para bang sa magkapatiran, kung saan ang nakababata ay ayaw makinig sa nakatatanda, na umaabot sa “disgrasya” , kaya may tinatawag na mga batang babaeng “disgrasyada” – nabuntis ng wala sa panahon.

Dahil sa magandang dulot ng pag-iral ng isip sa damdamin, ang ginagawa ng mga nagtatrabaho sa ibang bansa halimbawa, ay iniisip na lang ang kapakanan ng kanilang mga anak na naiwan sa Pilipinas, na siyang dahilan kung bakit sila nagtitiis na mapalayo sa kanila. Sa ganitong paraan, ang anumang panghihina ng damdamin ay natatalo ng isip…isang uri ng ipinilit na maturity ng damdamin.

Sa pangkalahatan, ang mga nakakaapekto sa damdamin ng isang tao upang umabot ito sa kaganapan o maturity ay ang angkin niyang likas na talino, paraan ng magulang sa paghubog sa kanya, nilakhang pamilya, mga kasama sa tahanan, at ang kapaligiran ng nilakhang tahanan o ang komunidad. Ang mga nabanggit na salik o sanhing nabanggit ang makakapagdetermina sa aabuting libel o taas ng kaganapan ng isang tao.

Mga Suhestiyon para sa Kagawaran ng Edukasyon

Mga Suhestiyon para sa Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos

Kung seryoso ang Kagawaran ng Edukasyon na mabago ang imahe nito na nakulapulan ng bansag na isang korap at pabayang ahensiya, dapat ay magkaroon ang pamunuan ng masusing imbestigasyon tungkol sa mga bagay na bukod sa alam na nila ay alam na rin ng publiko. Maliban pa diyan ang mga sumusunod na suhestiyon:

1.Tanggalin agad at parusahan ang mga mapatunayang tumatanggap ng komisyon mula sa mga publishers ng mga librong workbooks na ginagamit ng mga estudyante at mga guro.

2. Ibalik ang dating sistema sa paggamit ng mga textbook na walang mga bahaging sinasagot ng mga estudyante sa bawat katapusan ng mga tsapter, upang magamit pa uli ang mga ito. Sa ganitong paraan, ang mga hindi nakakabili ng mga libro ay maaaring manghiram sa mga kaklase, at makakatipid pa ng di-hamak na malaking halaga ang gobyerno.

3. Paigtingin ang makabagong paraan sa pagtuturo sa pamamagitan ng agad-agarang paglagay ng mga computer sa mga eskwelahan. Huwag umasa sa mga donasyon dahil kaya naman ang ganitong proyekto kung gagamitin ang napakalaking matitipid sa pagtigil ng pagbili ng mga workbook taon-taon na pinagkikitaan lamang ng mga tiwaling opisyal na kinakasabwat ng mga publisher.

4. Magkaroon ng paraan upang maitaas ang hanay ng mga pinagtuturong mga gurong hindi pa nakakapasa sa licensing exams, upang mabigyan sila ng nararapat at maayos na sahod.

5. Kung may binibigay nang “hazard pay” sa mga gurong nakatalaga sa mga delikadong lugar, dagdagan pa, upang hindi magdalawang isip ang iba pa sa pagtanggap ng ganitong assignment.

6. Magtalaga ng regular na Property Custodian na ang duty ay buong taon, hindi mga buwan ng pasukan lamang, upang masigurong mabantayan ang mga gamit ng eskwela na karaniwang napapabayaan tuwing bakasyon. Aayon ito sa suhestiyon tungkol sa modernisasyon sa pagtuturo, dahil magkakaroon ang mga eskwelahan ng mga computer at iba pang gamit na may kinalaman sa information technology.

7. Magtalaga rin ng regular na Security Officer na buong taon din ang duty, katulad ng sa Property Custodian.

8. Huwag i-asa sa perang donasyon ng PTA ang mga bagay na may kinalaman sa pamamalakad ng eskwelahan. Kung pinagmamalaki ng gobyerno na libre ang pag-aaral ng mga bata, dapat lahat ng bagay na may kinalaman sa ganitong panukala ay libre din. Dapat ang gamit ng PTA ay bilang instrumento lamang para sa masinsing pakikipagtulungan ng mga magulang sa mga namumuno ng mga eskwelahan upang masubaybayang mabuti ang mga bata. Hindi dapat gumagastos ang PTA para sa mga security guard o pagpalinis ng mga kubeta o pagbayad ng mga ilaw. Labas sa suhestiyong ito ang nakaugaliang “Brigada: Balik Eskwela” na boluntaryo lang naman tuwing bago magpasukan, dahil nagpapairal ito ng bayanihan na magandang halimbawa para sa mga kabataan.

9. Suriing mabuti ang mga itinuturong asignatura o subject sa mga estudyante dahil lumalabas na dahil sa dami ay hindi naman naituturong lahat. Ang problemang ito ay lalong nadagdagan ng K-12 program. Dahil sa mga nabanggit, lumalabas na “hilaw” ang kaalaman ng mga estudyante, kaya karamihan sa kanila, grade three na ay hirap pang mag-spell ng mga salita o magbasa nang tuluy-tuloy. At ang matindi ay bobo sila pagdating sa kasaysayan ng Pilipinas dahil, ni hindi man lang nila alam kung sino si Tandang Sora o si Diego Silang o si Sikatuna. Subalit, kung maglaro naman ng computer games, ang bilis ng paggana ng utak nila!

10. Gumamit ng solar power bilang suporta sa modenisasyon ng pagtuturo, sa halip na regular na kuryenteng binibili sa mga cooperative o MERALCO upang makatipid, at magiging modelo pa ang mga eskwelahan sa ganitong adbokasiya.

Dapat tanggapin ang katotohanang hindi naman talaga nagtuturo ang karamihan ng mga magulang sa mga anak nila sa bahay, lalo na kung may mga assignment. Maswerte ang mga estudyanteng ang mga magulang ay may kaalaman sa mga bagong subject na itinuturo ngayon. Pagdating naman sa paggawa ng mga project, karamihan sa mga ito ay mismong mga magulang ang gumagawa. Kaya paggising ng mga anak sa umaga, tapos na ang project na dadalhin na lamang nila sa eskwela. Dapat gumawa ng paraan ang kagawaran upang maituwid ang ganitong maling sitwasyon.

May mga teachers din na umaaming alam nilang hindi man lang nagbubukas ang mga estudyante ng mga libro nila dahil basta tama ang sagot sa mga katanungan sa katapusan ng tsapter, ay pasado na sila. Iba kasi kung bibiglain ang mga estudyante ng mga katanungan sa araw mismo ng test, kaya obligado silang magbasa upang makapaghanda.
Maraming mga estudyante ngayon ang hirap sa pagbaybay o pag-spell ng mga salita, lalo na ang mga Ingles. Magaling lang sila sa pabaklang pag-pronounce ng letrang “R”, na hindi naman itinutuwid ng mga guro, dahil sila mismo ay guilty din.