Ang Nakapagtatakang “Underspending” ng Kagawaran ng Edukasyon

Ang Nakapagtatakang “Underspending”
Ng Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos

Hindi na kailangang magbanggit ng mga numero o halaga tungkol sa isyung ito na ang simpleng ibig sabihin ay hindi paggamit ng Kagawaran ng Edukasyon ng buong nakaraang budget na itinalaga sa kanila, ayon sa Commission on Audit. Dapat imbestigahan ito dahil malinaw na may kakulangan ang mga namamahala sa pagpatupad ng mga programa at proyekto nila.

Ang budget ay binibigay sa kagawaran batay sa kanilang inihahaing budget proposal na kinapapalooban ng mga inaasahang gastusin na batay naman sa mga nakaraang mga gastusin. Subalit may mga hindi inaasahang gastusin na maaaring lumutang sa pag-usad ng panahon, at ito ay karaniwang nangyayari kahit sa mga pribadong kumpanya. Sa madaling salita, imposibleng hindi maubos o di kaya ay kulangin pa ang itinalagang budget.

Ang permanenteng problema ng kagawaran ay ang kakapusan ng mga kuwarto na nangangahulugang dapat ay may mga eskwelahang kailangang palakihan. May mga eskwelahan ding dapat ay kailangang ayusin ang kabuuhan, dahil taunan kung hatawin ng mga kalamidad tulad ng bagyo at baha. At ang pinakamalaking problema ay ang kawalan talaga ng mga eskwelahan sa mga liblib na barangay.

May mga problema din sa kawalan ng maayos na toilet facilities ang mga paaralan, na sa simula lamang ng pasukan malinis. Karamihan ay walang tubig na de-gripo o poso man lamang, kaya ang mga kubeta ay nanlilimahid na sa katagalan. At, dahil hindi nalilinis nang maayos ay nakakaapekta sa kalusugan ng mga mag-aaral. Idagdag pa diyan ang kakapusan ng mga libro na kailangang palitan taon-taon dahil ginawang workbooks upang pagkitaan ng mga tiwali. Lahat ng mag-aaral ay kailangang magkaroon ng mga libro, dahil ito na rin ang nagsisilbing “test paper” nila….isang kabobohang sistema! Ang palaging nire-report sa media na one-on-one daw, o bawat mag-aaral ay meron na, kaya wala nang problema sa libro ay totoo sa ilang eskwelahan sa Maynila at malalapit na rehiyon, subalit hindi nangyayari sa mga liblib na lugar.

Kung dati, gamit ang kapirasong ¼ o ½ na papel ay maaari nang mag-test, ngayon hindi na dahil ang mga test questions ay nasa libro na mismo kaya nakanganga ang walang pambili. At, dahil napipilitang bumili, ang mga magulang ay kailangan pang mangutang. At isa pa, bakit hindi badyetan ng kagawaran ang makabagong sistema nang pagtuturo, gamit ang computer?

Sa harap ng mga problema ng mga eskwelahan, guro, at mga mag-aaral, nakapagtataka na hindi nagamit ang buong nakaraang budget na inaprubahan para sa kagawaran. Dapat nga ay kulang pa kung tutuusin. May pinaglalaanan kaya ang mga opisyal ng matitipid nilang budget?

Ang mga ahensiya ng gobyerno ay mayroong programa na parang bonus kung ituring, at may kinalaman sa “pagtitipid”, dahil ang panggagalingan ng pera para dito ay mula sa matitipid na nakalaang budget. Ang matitipid ay kailangang ibalik muna sa National Treasury upang ma-record. At ang officially na madi-deklarang “savings” ay paghahatian ng mga opisyal at kawani ng “nakatipid” na kagawaran.

Marami akong nakausap na mga taga-gobyerno na nagsasabing maganda na sana ang programang yan, subalit nasasakripisyo naman ang mga pangangailangan nila, lalo na ang mga office supplies na tinitipid at kung hindi man, ay mababang uri ang binibili upang magkarooon sila ng “savings”. May nagkwento pa na ang stapler niya ay nahulog mula sa mababang kinalalagyan subalit hindi na niya magamit dahil sumabog at nagtalsikan ang mga spring at iba pang bahagi. Ang lapis ay madaling mapudpod at ang eraser nito ay nakakapunit ng papel dahil kailangan pang ikuskos ng matagal upang maka-erase. Ang ball pen ay mas marami pang “naitatae” kaysa naisusulat, at hindi mailapag nang nakahiga dahil tatagas ang tinta. Palagi silang kinakapos ng mga bond paper at ang carbon paper, kung hindi man punit-punit na dahil sa sobrang gamit ay wala na ring nai-impress sa mga duplicate copies. Ang mga typewriter din daw nila ay antique.

Ang nakalimutan ng kagawaran na isa pang mahalagang bagay ay ang take home pay ng mga guro na halos hindi sapat, kaya sila napipilitang umutang ng 5-6 o di kaya ay magbenta ng kung anu-ano sa eskwela upang may dagdag na kita. Dapat ay bigyan din ng malaking “hazard pay” ang mga gurong na-assign sa mga liblib na barangay kung saan ay kailanga pa nilang tumawid ng dagat o ilog, at maglakad ng kung ilang oras upang makarating sa pinagtuturuan. Ang iba ay nagtitiyagang gumamit ng second-hand na motorsiklo dahil walang masakyan, subalit bubunuin naman nila ang delikadong mabato at maputik na mga feeder road. At ang pinakamatindi ay ang peligro sa banta na dulot ng kidnapping!

Ngayon, bakit nagtitipid ang kagawaran? May pag-asa pa kaya ang kagawarang ito na siyang naglilinang dapat ng mga pag-asa ng bayan – ang kabataan? Maganda sana ang mga layunin ng kagawaran subalit napaka-obvious na ang diperensiya ay sa mga namamahala. Para ring demokrasya na sa prinsipyo ay napakaganda, subalit inaabuso ng mga taong inaasahan ng mamamayan kaya nila ibinoto….kaya nawalan ng silbi!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s