Ang Hindi Ko Makalimutang Tatay Namin

Happy Fathers’ Day!

Ang Hindi ko Makalimutang Tatay Namin
Ni Apolinario Villalobos

Simple lang ang buhay namin noon. Nagtitinda ng tuyo ang aming mga magulang hanggang sa ito ay nalugi. Bumigay ang maliit na puhunan dahil sa laki ng aming pamilya. Mula noong nasa grade one (walang pang prep noon) hanggang grade five ako, dama ko ang saya ng pamilya namin. Yon nga lang, lahat kami ay walang baon pagpasok sa eskwela.

Tuwing uuwi ang tatay namin, palagi siyang may pasalubong na saging. At kung isda namang nakatuhog sa yantok (rattan) na panali (wala pang supot noon) ang inuuwi, palagi namang tilapia na siyang pinakamura. Siya na rin ang naglilinis at nagluluto. Dahil sa kamahalan ng isdang dagat, lumaki akong hindi ko sila “nakilala” kaya hanggang ngayon ay wala ako ng sinasabing “acquired taste” para sa mga sariwang isdang dagat. Ang kilala ko lang noon na isdang dagat ay nasa lata – sardinas. Maliban sa tilapia, ang binibili ng tatay ko ay bangus na nagkakamurahan kung hapon na, pero dahil sa dami ng tinik kaya mahirap kainin, nagkasya na lamang ako sa sabaw.

Walang bisyo ang tatay namin, hindi tulad ng nanay namin na nagnganganga. Ang kinatutuwa ko pa ay ang pagtabi niya para sa akin, ng mga diyaryong pinangsapin sa mga kahon ng tuyo. Napansin kasi niya na matiyaga kong binabasa ang mga ito kahit malakas ang amoy…inuuwi ko pa at itinatago sa ilalim ng kama. Dahil sa ginagawa ko, pingot naman ang inaabot ko sa ate namin. Tumigil lamang siya sa pagbulyaw nang magwala ako dahil sinunog niya ang “collection” ko. Natakot yata nang pinagtutumba ko ang mga silya, kaya tumakgo siya sa palengke upang manghingi sa ibang nagtitinda ng tuyo…pampalit sa mga sinunog niya!

Noong hindi pa ako nag-aaral, tuwang-tuwa ang tatay ko sa mga isinusulat kong mga salita sa lupa gamit ang maliit na sanga ng kaimito, na kinokopya sa kung anumang babasahin na mahagilap ko. Ang una kong isinulat noong tatlong taon pa lang daw ako ay “Purico”, isang brand ng mantika na uso noon. Yon kasi ang gamit namin sa pagluto kaya nababasa ko ang nakasulat sa kartong pambalot. Nasundan ito ng mga pangalan ng mga kapatid ko, kaya palaging puno ng mga isinusulat ko ang lupa sa bakuran namin. Mabuti na lang at wala pa noong spray paint, dahil baka pati dingding ng bahay ay hindi ko pinalampas!

Pinagtatanggol niya ako kapag pinapagalitan ako ng nanay namin, tuwing umuwi akong maraming sugat dahil sa pag-akyat sa mga puno ng prutas ng mga kapitbahay. Dahilan niya, inuuwi ko naman daw ang mga prutas para sa mga kapatid ko. Ganoon din kapag naghahakot ako ng mga supot na plastic na napupulot ko mula sa basurahan ng isang bakery, dahil ginagamit ko ang mga ito bilang pang-cover ng libro. Dahilan niya, pati naman daw mga kapatid ko ay nakikinabang. Naigagawa ko rin kasi sila ng raincoat, mula sa mga pinagtagpi-tagping mga plastic. Ang hindi lang niya matanggap ay nang mag-uwi ako ng maliit na ahas na iniligtas ko sa pananakit ng ibang bata…noon na siya nagalit sa akin.

Noong nasa kalagitnaan ako ng grade six, nalugi ang negosyo namin. Gamit ang maliit na puhunang natira, nagtinda ng ukay-ukay ang nanay namin. Ang tatay naman namin ay naging kargador ng mga kaibigan niyang may puwesto sa palengke. Mula madaling-araw hanggang hapon siyang nakaistambay sa dati naming puwesto at naghihintay ng tawag kung may gagawin. Ganoon siya katiyaga. Kung minsan dinadalhan ko siya ng tanghalian. Ganoon pa man, hindi ko narinig na nagreklamo ng pananakit ng katawan ang tatay namin.

Nang panahong nangangargador siya, napadalas ang pakisama niya sa mga kumpareng nagbigay ng trabaho sa kanya, kaya natuto siyang uminom ng alak. Hindi kalaunan, dahil sa kahinaan ng katawan, bumigay ang kanyang atay dahil sa kanser. Mula noon, nagtiyaga na lamang siya sa pagdungaw mula sa bintana habang minamasdan akong nagwawalis sa aming bakuran at nagsusulat sa lupa. Pumanaw siya noong nasa kalagitnaan ako ng Grade Six.

Sa kanya ko natutunan ang ugaling hindi pagpili ng gawain, basta marangal. Nalaman ko sa isang matandang kamag-anak na naging kaminero o basurero din pala siya noong nanliligaw pa lang siya sa nanay namin, kaya pala galit sa kanya ang ibang tiyuhin namin sa ina. Palagi niyang sinasabi na ang kita ay nakakatulong kaya hindi dapat ikalungkot kung ito ay maliit. Nakakatulong din ang kasiyahan sa ginagawa upang matanggap ng lubos ang isang gawain, ano man kababa ito… ganyan daw dapat ang panuntunan sa buhay.

Hindi nakatapos ng elementarya ang tatay namin, subalit pinagmamalaki namin siya. Ang turing ko sa kanya ay higit pa sa isang doktor o abogado, o sa isang Presidente man ng kung anong bansa pero tanga naman, o Bise-presidente ng kung anong bansa din, pero kurakot naman!

Sa panahon ngayon, lalong umigting ang respeto at pagmamahal ko sa tatay namin. Hindi ko siya ipagpapalit sa ibang tatay ngayon na mayaman nga at kilala sa lipunan, subalit ang pangalan ay kakambal naman ng kahihiyan…walang maski kapirasong dangal!

6 thoughts on “Ang Hindi Ko Makalimutang Tatay Namin

  1. What a wonderful childhood!  Dumaan ka sa “crucible” kaya maganda ang kinalabasan ng pagkatao mo.

    Challenge ko sa mga kabataang mambabasa mo, na i-Google nila ang ibig sabihin ng “crucible,” at intindihin nila ang simbolo ng pagdaan ng isang tao sa nasabing “crucible.”

    Sana ay mahalin nating lahat ang mga pagsubok na ibinibigay ng tadhana (o Panginoon), sapagkat ang mga iyon ang magiging taga-hubog ng ating ugali at katauhan.

    From my Android phone on T-Mobile. The first nationwide 4G network.

    Liked by 1 person

  2. Medjo nakakaiyak tong kwento mo ah! 😥 🙂 Ang ganda! Grabe bata ka palang mahilig ka na talaga magbasa at magsulat 🙂 Masipag at mabait ang Papa mo 🙂 Unconditional love yung pinakita niya sainyo 🙂 Happy Father’s Day sa Papa mo 🙂

    Liked by 1 person

  3. I am thankful that my story has inspired you…that was my purpose…I am not ashamed of our poverty…I am proud of it because it pushed me to be what I am today…be proud of your parents, siblings and be thankful of what you have – they are blessings that others do not have…

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s