Ang Panukala tungkol sa mga Kabataan…kinopyang ideya, kaya sobrang palpak!

Ang Panukala tungkol sa mga Kabataan
…kinopyang ideya, kaya sobrang palpak!
Ni Apolinario Villalobos

Sa kakokopya ng mga mambabatas ng mga batas na umiiral sa Amerika, lalo na ang mga tungkol sa kabataan, nakalimutan nilang iba ang kultura ng Pilipino sa Amerikano.

Sa kultura ng Amerikano, kapantay, kung ituring ng mga kabataan ang matatanda kahit pa ang mga ito ay magulang nila. Mayroon pang tumatawag sa magulang ng first name nito. Ang ugaling ito ay lalo pang pinalala ng mga batas nila na may kinalaman sa pagdisiplina ng kabataan, kaya kung sawayin ang mga kabataan nila, kahit ang mga walang muwang ay dapat sa salita lang. Hindi sila pwedeng saktan kahit bahagya, dahil sa kulungan ang bagsak ng nanakit na magulang. Nagagawa tuloy ng mga kabataan doon na sumagot ng pabalang-balang sa kanilang mga magulang at may pananakot pang magsusumbong sila sa pamahalaan o tatawag sa 911 kung sila ay sasaktan, kahit malinaw namang may kasalanan sila.

Sa Pilipinas, maganda na sana ang paraan sa pagdisiplina ng mga kabataan dahil kung lumabis naman sa pananakit ang magulang ay maaari silang isumbong ng kapitbahay o maski sino, sa Barangay, at pwedeng ideretso din sa pulisya dahil may naka-assign namang desk upang mag-asikaso sa ganitong problem na itinuturing na hindi pangkaraniwan. Mula’t sapul, ang ganitong paraan ay katanggap-tanggap na, subalit may gustong magpa-istaring na mambatatas, kaya naisipan niyang gumawa ng panukala, kinopya naman…hindi original.

Sa pagdisiplina, hindi maiwasang saktan ng magulang ang anak lalo na ang mga paslit na hindi pa alam kung ano ang tama at mali. Hindi rin nila masyadong nauunawaan ang mga paliwanag kung sabihin sa kanila, kaya ang paraan lamang upang ipaalam sa kanila na mali ang kanilang ginagawa ay saktan ng bahagya.

Mahalagang matanim sa isip ng mga paslit o madanasan nila ang “katumbas” ng bawa’t maling gagawin nila. Halimbawa, malalaman lamang ng isang paslit na nakakapaso ang apoy sa sandaling hahawakan niya – isang karanasan na hindi na niya uulitin. Kailangan ding saktan ng bahagya ng magulang ang pasaway na paslit sa pamamagitan ng palo sa puwit upang ipabatid, halimbawa, na mali ang ang pagdumi kung saan-saan lang sa loob ng bahay, na susundan pa minsan ng pagsubo nito ng kanyang dumi.

Hindi maganda ang magiging resulta ng bagong batas dahil lalo lamang nitong palalalain ang nasisira nang disiplina ng mga kabataang Pilipino na nalulublob na sa masamang impluwensiya ng makabagong teknolohiya, mga bisyo tulad ng droga, sigarilyo, alak, at barkada.

Kahit kaylan, walang mabuting nagawa ang ibang mga mambabatas. Hindi nila pinag-iisipan ang mga ginagawang panukala, masabi lang na may nagawa sila – pantakip sa kanilang korapsyon!

Ang Nakapagtatakang “Underspending” ng Kagawaran ng Edukasyon

Ang Nakapagtatakang “Underspending”
Ng Kagawaran ng Edukasyon
Ni Apolinario Villalobos

Hindi na kailangang magbanggit ng mga numero o halaga tungkol sa isyung ito na ang simpleng ibig sabihin ay hindi paggamit ng Kagawaran ng Edukasyon ng buong nakaraang budget na itinalaga sa kanila, ayon sa Commission on Audit. Dapat imbestigahan ito dahil malinaw na may kakulangan ang mga namamahala sa pagpatupad ng mga programa at proyekto nila.

Ang budget ay binibigay sa kagawaran batay sa kanilang inihahaing budget proposal na kinapapalooban ng mga inaasahang gastusin na batay naman sa mga nakaraang mga gastusin. Subalit may mga hindi inaasahang gastusin na maaaring lumutang sa pag-usad ng panahon, at ito ay karaniwang nangyayari kahit sa mga pribadong kumpanya. Sa madaling salita, imposibleng hindi maubos o di kaya ay kulangin pa ang itinalagang budget.

Ang permanenteng problema ng kagawaran ay ang kakapusan ng mga kuwarto na nangangahulugang dapat ay may mga eskwelahang kailangang palakihan. May mga eskwelahan ding dapat ay kailangang ayusin ang kabuuhan, dahil taunan kung hatawin ng mga kalamidad tulad ng bagyo at baha. At ang pinakamalaking problema ay ang kawalan talaga ng mga eskwelahan sa mga liblib na barangay.

May mga problema din sa kawalan ng maayos na toilet facilities ang mga paaralan, na sa simula lamang ng pasukan malinis. Karamihan ay walang tubig na de-gripo o poso man lamang, kaya ang mga kubeta ay nanlilimahid na sa katagalan. At, dahil hindi nalilinis nang maayos ay nakakaapekta sa kalusugan ng mga mag-aaral. Idagdag pa diyan ang kakapusan ng mga libro na kailangang palitan taon-taon dahil ginawang workbooks upang pagkitaan ng mga tiwali. Lahat ng mag-aaral ay kailangang magkaroon ng mga libro, dahil ito na rin ang nagsisilbing “test paper” nila….isang kabobohang sistema! Ang palaging nire-report sa media na one-on-one daw, o bawat mag-aaral ay meron na, kaya wala nang problema sa libro ay totoo sa ilang eskwelahan sa Maynila at malalapit na rehiyon, subalit hindi nangyayari sa mga liblib na lugar.

Kung dati, gamit ang kapirasong ¼ o ½ na papel ay maaari nang mag-test, ngayon hindi na dahil ang mga test questions ay nasa libro na mismo kaya nakanganga ang walang pambili. At, dahil napipilitang bumili, ang mga magulang ay kailangan pang mangutang. At isa pa, bakit hindi badyetan ng kagawaran ang makabagong sistema nang pagtuturo, gamit ang computer?

Sa harap ng mga problema ng mga eskwelahan, guro, at mga mag-aaral, nakapagtataka na hindi nagamit ang buong nakaraang budget na inaprubahan para sa kagawaran. Dapat nga ay kulang pa kung tutuusin. May pinaglalaanan kaya ang mga opisyal ng matitipid nilang budget?

Ang mga ahensiya ng gobyerno ay mayroong programa na parang bonus kung ituring, at may kinalaman sa “pagtitipid”, dahil ang panggagalingan ng pera para dito ay mula sa matitipid na nakalaang budget. Ang matitipid ay kailangang ibalik muna sa National Treasury upang ma-record. At ang officially na madi-deklarang “savings” ay paghahatian ng mga opisyal at kawani ng “nakatipid” na kagawaran.

Marami akong nakausap na mga taga-gobyerno na nagsasabing maganda na sana ang programang yan, subalit nasasakripisyo naman ang mga pangangailangan nila, lalo na ang mga office supplies na tinitipid at kung hindi man, ay mababang uri ang binibili upang magkarooon sila ng “savings”. May nagkwento pa na ang stapler niya ay nahulog mula sa mababang kinalalagyan subalit hindi na niya magamit dahil sumabog at nagtalsikan ang mga spring at iba pang bahagi. Ang lapis ay madaling mapudpod at ang eraser nito ay nakakapunit ng papel dahil kailangan pang ikuskos ng matagal upang maka-erase. Ang ball pen ay mas marami pang “naitatae” kaysa naisusulat, at hindi mailapag nang nakahiga dahil tatagas ang tinta. Palagi silang kinakapos ng mga bond paper at ang carbon paper, kung hindi man punit-punit na dahil sa sobrang gamit ay wala na ring nai-impress sa mga duplicate copies. Ang mga typewriter din daw nila ay antique.

Ang nakalimutan ng kagawaran na isa pang mahalagang bagay ay ang take home pay ng mga guro na halos hindi sapat, kaya sila napipilitang umutang ng 5-6 o di kaya ay magbenta ng kung anu-ano sa eskwela upang may dagdag na kita. Dapat ay bigyan din ng malaking “hazard pay” ang mga gurong na-assign sa mga liblib na barangay kung saan ay kailanga pa nilang tumawid ng dagat o ilog, at maglakad ng kung ilang oras upang makarating sa pinagtuturuan. Ang iba ay nagtitiyagang gumamit ng second-hand na motorsiklo dahil walang masakyan, subalit bubunuin naman nila ang delikadong mabato at maputik na mga feeder road. At ang pinakamatindi ay ang peligro sa banta na dulot ng kidnapping!

Ngayon, bakit nagtitipid ang kagawaran? May pag-asa pa kaya ang kagawarang ito na siyang naglilinang dapat ng mga pag-asa ng bayan – ang kabataan? Maganda sana ang mga layunin ng kagawaran subalit napaka-obvious na ang diperensiya ay sa mga namamahala. Para ring demokrasya na sa prinsipyo ay napakaganda, subalit inaabuso ng mga taong inaasahan ng mamamayan kaya nila ibinoto….kaya nawalan ng silbi!

Ang Hindi Ko Makalimutang Tatay Namin

Happy Fathers’ Day!

Ang Hindi ko Makalimutang Tatay Namin
Ni Apolinario Villalobos

Simple lang ang buhay namin noon. Nagtitinda ng tuyo ang aming mga magulang hanggang sa ito ay nalugi. Bumigay ang maliit na puhunan dahil sa laki ng aming pamilya. Mula noong nasa grade one (walang pang prep noon) hanggang grade five ako, dama ko ang saya ng pamilya namin. Yon nga lang, lahat kami ay walang baon pagpasok sa eskwela.

Tuwing uuwi ang tatay namin, palagi siyang may pasalubong na saging. At kung isda namang nakatuhog sa yantok (rattan) na panali (wala pang supot noon) ang inuuwi, palagi namang tilapia na siyang pinakamura. Siya na rin ang naglilinis at nagluluto. Dahil sa kamahalan ng isdang dagat, lumaki akong hindi ko sila “nakilala” kaya hanggang ngayon ay wala ako ng sinasabing “acquired taste” para sa mga sariwang isdang dagat. Ang kilala ko lang noon na isdang dagat ay nasa lata – sardinas. Maliban sa tilapia, ang binibili ng tatay ko ay bangus na nagkakamurahan kung hapon na, pero dahil sa dami ng tinik kaya mahirap kainin, nagkasya na lamang ako sa sabaw.

Walang bisyo ang tatay namin, hindi tulad ng nanay namin na nagnganganga. Ang kinatutuwa ko pa ay ang pagtabi niya para sa akin, ng mga diyaryong pinangsapin sa mga kahon ng tuyo. Napansin kasi niya na matiyaga kong binabasa ang mga ito kahit malakas ang amoy…inuuwi ko pa at itinatago sa ilalim ng kama. Dahil sa ginagawa ko, pingot naman ang inaabot ko sa ate namin. Tumigil lamang siya sa pagbulyaw nang magwala ako dahil sinunog niya ang “collection” ko. Natakot yata nang pinagtutumba ko ang mga silya, kaya tumakgo siya sa palengke upang manghingi sa ibang nagtitinda ng tuyo…pampalit sa mga sinunog niya!

Noong hindi pa ako nag-aaral, tuwang-tuwa ang tatay ko sa mga isinusulat kong mga salita sa lupa gamit ang maliit na sanga ng kaimito, na kinokopya sa kung anumang babasahin na mahagilap ko. Ang una kong isinulat noong tatlong taon pa lang daw ako ay “Purico”, isang brand ng mantika na uso noon. Yon kasi ang gamit namin sa pagluto kaya nababasa ko ang nakasulat sa kartong pambalot. Nasundan ito ng mga pangalan ng mga kapatid ko, kaya palaging puno ng mga isinusulat ko ang lupa sa bakuran namin. Mabuti na lang at wala pa noong spray paint, dahil baka pati dingding ng bahay ay hindi ko pinalampas!

Pinagtatanggol niya ako kapag pinapagalitan ako ng nanay namin, tuwing umuwi akong maraming sugat dahil sa pag-akyat sa mga puno ng prutas ng mga kapitbahay. Dahilan niya, inuuwi ko naman daw ang mga prutas para sa mga kapatid ko. Ganoon din kapag naghahakot ako ng mga supot na plastic na napupulot ko mula sa basurahan ng isang bakery, dahil ginagamit ko ang mga ito bilang pang-cover ng libro. Dahilan niya, pati naman daw mga kapatid ko ay nakikinabang. Naigagawa ko rin kasi sila ng raincoat, mula sa mga pinagtagpi-tagping mga plastic. Ang hindi lang niya matanggap ay nang mag-uwi ako ng maliit na ahas na iniligtas ko sa pananakit ng ibang bata…noon na siya nagalit sa akin.

Noong nasa kalagitnaan ako ng grade six, nalugi ang negosyo namin. Gamit ang maliit na puhunang natira, nagtinda ng ukay-ukay ang nanay namin. Ang tatay naman namin ay naging kargador ng mga kaibigan niyang may puwesto sa palengke. Mula madaling-araw hanggang hapon siyang nakaistambay sa dati naming puwesto at naghihintay ng tawag kung may gagawin. Ganoon siya katiyaga. Kung minsan dinadalhan ko siya ng tanghalian. Ganoon pa man, hindi ko narinig na nagreklamo ng pananakit ng katawan ang tatay namin.

Nang panahong nangangargador siya, napadalas ang pakisama niya sa mga kumpareng nagbigay ng trabaho sa kanya, kaya natuto siyang uminom ng alak. Hindi kalaunan, dahil sa kahinaan ng katawan, bumigay ang kanyang atay dahil sa kanser. Mula noon, nagtiyaga na lamang siya sa pagdungaw mula sa bintana habang minamasdan akong nagwawalis sa aming bakuran at nagsusulat sa lupa. Pumanaw siya noong nasa kalagitnaan ako ng Grade Six.

Sa kanya ko natutunan ang ugaling hindi pagpili ng gawain, basta marangal. Nalaman ko sa isang matandang kamag-anak na naging kaminero o basurero din pala siya noong nanliligaw pa lang siya sa nanay namin, kaya pala galit sa kanya ang ibang tiyuhin namin sa ina. Palagi niyang sinasabi na ang kita ay nakakatulong kaya hindi dapat ikalungkot kung ito ay maliit. Nakakatulong din ang kasiyahan sa ginagawa upang matanggap ng lubos ang isang gawain, ano man kababa ito… ganyan daw dapat ang panuntunan sa buhay.

Hindi nakatapos ng elementarya ang tatay namin, subalit pinagmamalaki namin siya. Ang turing ko sa kanya ay higit pa sa isang doktor o abogado, o sa isang Presidente man ng kung anong bansa pero tanga naman, o Bise-presidente ng kung anong bansa din, pero kurakot naman!

Sa panahon ngayon, lalong umigting ang respeto at pagmamahal ko sa tatay namin. Hindi ko siya ipagpapalit sa ibang tatay ngayon na mayaman nga at kilala sa lipunan, subalit ang pangalan ay kakambal naman ng kahihiyan…walang maski kapirasong dangal!