Ang Negosyo sa Kuryente…at ang maagang pangangampanya ni Jericho Petilla

Ang Negosyo sa Kuryente
…at ang maagang “pangangampanya” ni Jericho Petilla
Ni Apolinario Villalobos

Kasama sa pagnenegosyo ang agam-agam sa pagbagsak o pagkalugi nito. Ang negosyante ay dapat maging handa kung ano ang gagawin sakaling ito ay mangyari. Kasama sa kahandaan ang pagbalik ng nawalang puhunan at pagtanggap ng pagkakamali. At, upang hindi na maulit pa, dapat kilalanin ng negosyante ang uri ng kanyang mga kostumer upang makaisip siya ng angkop na istratehiya o pamamalakad.

Ganyan dapat ang MERALCO at iba pang ahensiya na may kinalaman sa negosyo ng kuryente. Ang palaging sinasabi nilang dahilan upang makapagtaas ng singil ay ang pagkalugi daw. Paano silang malulugi, ganoong sila lang naman ang nagpapatakbo ng industriyang ito? Ang mga tao ay walang mapagpilian dahil ang MERALCO ay nag-iisa, kaya walang kakumpetensiya na maaaring maging dahilan ng agawan ng mga kostumer.

Mismong MERALCO ang umaamin na malaking boltahe ng kuryente ay ninanakaw dahil sa mga illegal na koneksiyon. Bakit hindi nila gawan ng paraan upang matigil ito? Bakit nila ipapataw ang kalugian sa ibang mga kostumer na hindi naman gumagawa nito? Ibig bang sabihin, halimbawa, ay magtataas ng presyo ang isang grocery dahil madalas silang kupitan o di kaya ay holdapin?

Yong sinasabi namang “nawawala” na kuryente dahil sa haba ng dinadaluyan nito, kaya pagdating nito sa malalayong customer ay mahina o manipis na, ay isinasama pa rin sa paniningil sa lahat. Kasalanan ba ng mga kostumer kung palpak ang paraan nila sa paglatag ng mga kable? Ibig bang sabihin, sa pagdeliber halimbawa ng buhangin, dahil hindi maganda ang disenyo ng trak kaya maraming natatapon, ang mga natapon ay ipapataw sa omorder?

Hindi makatarungan na ang ganitong uri ng “pagnanakaw” ay gawin ng mga negosyante ng kuryente sa mga kostumer. Subali’t dahil umiiral, pagpapakita lamang ito ng kahinaan at pagka-inutil ng pamahalaan at ng ahensiyang may kinalaman dito, ang Department of Energy. Dapat, anuman ang mga kalugian ng mga negosyante sa kuryente ay sarilinin nila, dahil inaasahan silang handa sa ganitong pangyayari. Kung hindi naman napaghandaan, dapat ay aminin nila at bitiwan ang negosyo upang mahawakan ng ibang responsable, matino, at matapat – hindi mapanlinlang!

Ang masakit pa ay ang paggastos ng milyones para sa informercial ng hepe ng Department of Energy, si Jericho Petilla na animo ay nangangampanya na sa pagka- senador sa 2016 election. Ginagawa niyang tanga ang mga tao sa pagsasabi ng mga dapat gawin upang makatipid sa kuryente, ganoong, ang mga ito ay matagal nang alam maski ng mga bata.

Ang Utang, Pangungutang, Buhay, at ang Diyos

Ang Utang, Pangungutang, Buhay, at ang Diyos
Ni Apolinario Villalobos

Wala akong balak magsulat tungkol sa utang dahil ayaw kong makialam sa ganitong bagay na tingin ko ay masyadong pribado. Subalit napukaw ang aking interes nang minsang may dalawang babaeng nagkita sa loob ng dyip na sinakyan ko. Ang isa ay may utang sa isang hindi sinasadyang nakasakay niya sa dyip, at matagal pa yata niyang pinagtaguan. Nagsigawan sila at nagpambuno. Kumalat ang lipstick ng isang babae kaya inakala ng ibang pasahero na pumutok ang kanyang labi. Ang isa namang babae na wala palang bra ay biglang naging bold star dahil napunit ang kanyang t-shirt, kaya nabuyangyang ang hindi dapat. Nataranta ang drayber kaya idineretso sila sa isang malapit na Barangay Hall, at doon ay iniwan na sila na nagmumurahan pa rin.

Para sa akin at ayon sa alamat sa Bibliya, ang unang taong nagkaroon ng utang kahit pa sabihing hindi niya hiningi ito ay si Adan na pinautang ng Diyos ng buhay at pinatira pa sa Paraiso. Lalong nabaon si Adan sa utang nang bumigay siya sa pang-aakit ni Eba, dahil sa panunulsol ng ulupong. Kaya kung wawariin, ang buhay ng tao ay nagsimula sa utang, dahil kay Adan nagsimula ang sangkatauhan. Sa uulitin, ito ay sarili kong pananaw at haka-haka lamang.

Sa panahon ngayon, ang utang ay nagkaroon na ng maraming mukha. May maliitang utang na 5-6 at walang katapat na kahit anong bagay bilang deposito. Mayroon ding utang na kailangang deposituhan ng mahahalagang bagay tulad ng titulo ng lupa, bahay, alahas, cellphone, at iba pa, na “pinatago” lamang daw, pero sa garapalang salita ay “sangla”. Mayroong “utang na loob” na ang katumbas ay mga “kagandahang loob” naman tulad ng rekomendasyon, pagtalaga sa puwesto, at iba pa. Ang iba naman ay “puri” ang pinangtatapat sa utang, na nagkaka-interes ng sanggol pagkalipas ng siyam na buwan. At, para sa mga bansang mahilig mangutang, ang katumbas ay pagpapakita ng katapatan na halos pagpaalipin na sa bansang inutangan ganoong ang utang ay babayaran din naman, yon nga lang, ng mga susunod na kung ilang henerasyon ng mamamayan…. yan ang kalagayan ng Pilipinas na lubog na sa utang.

Ang mga umuutang naman ay may iba’t ibang ugali. Mayroong mga basta na lang nangungutang kahit wala silang intensiyong magbayad dahil ang gawaing ito ay bahagi na ng kanilang buhay, kaya walang epek kung murahin man sila ng inutangan. Mayroon namang umuutang sa pag-asang hindi sila sisingilin dahil ang inutangan ay hindi naman iba – kumare o kumpare o kabarkada o kaibigan o kamag-anak. Mayroong umuutang at umaasa pa ding hindi sisingilin dahil ang inutangan ay mayaman at marapat lang daw na mag-share ng yaman, kaya kung maningil na ito ay tinatawag pang mukhang pera kaya yumaman. Mayroong nagbabayad nga ay sinasabayan naman ng pagmumura sa nagpautang na makulit daw ganoong noong siya ay umuutang pa lang, kahit madaling araw ay kumakatok na sa pinto ng uutangan dahil emergency daw. Subalit ang nakakabilib ay ang may layuning magbayad sa anumang paraan.

Sa huling uri ng nangungutang ay hindi maaaring hindi ko banggitin ang isang kaibigan na dahil sa layuning maiwas sa perwisyo na dulot ng baha ang kanyang pamilya ay nagpaayos ng bahay upang magkaroon ng second floor. Sa original na estimate ay kasya ang kanyang budget subalit kalaunan ay nadagdagan ang gastos kaya kinulang ang kanyang pera. Upang matapos ang project ay nilakasan niya ang kanyang loob sa pag-utang ng materyales. Ngayon, buo na ang bahay na panghabang-buhay na ang ginhawang idudulot sa kayang pamilya. At ang utang naman ay talagang pilit niyang binayaran kahit na nagsakripisyo pa siya ng ibang pangangailangan na hindi naman gaanong mahalaga. Dahil sa ipinakita niya, ang mga pinagkautangan niya ay buong katapatan na nagsabing kahit anong oras ay maaari siyang lumapit uli sa kanila. Ganyan dapat ang umuutang!

Kung sa pagbayad ng utang na loob, wala nang tatalo pa kay Pnoy. Ang nagligtas daw sa kanya na si Allan Purisima ay itinalaga niyang hepe ng pulisya at ipinaglaban pa laban sa mga mga batikos. Matagal rin bago niya ito tinanggal kahit umalingasaw na sa buong bansa ang mabahong isyu tungkol sa kanya. For all time’s sake, ang mga classmate at best friend ay inilagay niya rin sa mga puwesto, at may bonus pa, dahil nakinabang din ang mga kaanak nila. Kaya ngayon, rambol ang inabot ng bansa!

Ang pangungutang ay hindi maiwasang gawin dahil sa pangangailangan kaya talagang pinakinabangan naman. Dahil diyan, may obligasyon ang umutang na ibalik ang inutang. Dapat tandaan na iba ang utang sa bigay.

Ganyan din ang buhay na utang natin sa Diyos, na dapat bayaran sa pamamagitan man lang ng pagpapakita ng kagandahang loob sa mga kapwa natin nilalang sa mundo – tao, hayop o halaman man sila. Ito ang paraan ng “pagbayad” ng utang sa Kanya, dahil hindi naman natin Siya nakikita upang abutan ng bayad. Hindi tayo dapat umiwas sa obligasyon natin sa Kanya sa pamamagitan ng biglang pagiging erehis upang magkaroon lang ng dahilan na wala tayong pananagutang utang dahil hindi naman natin Siya pinaniniwalaan na. Ang ibang pilosopo ay walang takot pa sa pagtanong ng….bakit pa eh, hindi naman ako talaga naniniwala sa Kanya? Ayon sa mga pilosopong ito, magulang daw nila ang nagbigay ng buhay sa kanila!

Pinakinabangan natin ang buhay kaya hindi dapat isumbat sa Kanya kung bakit niya tayo binigyan nito, lalo na sa panahong tayo ay sisinghap-singhap sa kumunoy ng mga problema na tayo rin ang may gawa dahil sa ating mga kahinaan!

Paalala lang, kung hindi ka marunong gumamit ng pera sa tamang paraan, huwag umutang dahil baka umabot sa puntong, mangungutang ka pa rin ng pambayad sa utang, at paulit-ulit mo itong gagawin hanggang makulong ka na sa pabilog na sikulong ito at wala ka nang malalabasan!