Ang Tungkulin at Responsibilidad

Ang Tungkulin at Responsibilidad
Ni Apolinario Villalobos

Ang tungkulin ay hindi na dapat inuutos pa at ang responsibilidad ay may kaakibat na pananagutan sa lahat ng ginagawa ng isang tao. Bilang isang matalinong nilalang, alam ng bawa’t tao na kasama ang dalawa sa anumang pinasukan at inako niya.

Sa isang trabahong pinasukan halimbawa, alam ng isang tao kung ano ang mga dapat asahan sa kanya kaya may tungkulin siyang tuparin ang mga ito. Nakapatong sa kanyang balikat ang pagpapatupad ng mga ito sa abot ng kanyang makakaya, subalit kung siya ay mabigo, dapat siyang managot – yan ang responsibilidad.

Sa ibang bansang Asyano tulad ng Korea at Japan, ang dalawang nabanggit ay itinuturing na mitsa ng buhay at ang katumbas ay kahihiyan. Kapag nabigo sa mga ito ang mga tao doon, itinutulak sila ng kahihiyan upang wakasan na ang kanilang buhay. Para sa kanila, ang kabiguan sa mga ganoong bagay ay duming didikit sa kanilang pagkatao habang buhay at ang makakapaghugas lamang ay kamatayan.

Sa Pilipinas, iba ang kalakaran at nangyayari, lalo na sa gobyerno. Kung may mga palpak na pangyayari, lahat ng sangkot ay nagtuturuan. Mayroon pang mga walang takot sa pagbanggit sa Diyos na saksi daw nila sa pagsabi nilang wala silang kasalanan. Pati ang kalikasan ay binabanggit, kaya tamaan man daw sila ng kidlat, talagang wala silang bahid ng kasalanan. Mabuti na lang at wala sa mga “matatalinong” ito ang nagdidiin ng kanilang sinabi ng, “peks man”!

Ang mga halimbawa ng mga problema na idinaan sa turuan ay ang Mamasapano Massacre, usad-pagong na pag-rehabilitate ng mga biktima ng typhoon Yolanda, nakawan sa kaban ng bayan, ang pinagkakaguluhang West Philippine Sea, ang nawawalang pondo ng Malampaya, ang mga problema sa LRT at MRT, at mga sunog na ang pinakahuli ay nangyari sa Valenzuela (Bulacan), sa Gentex na pagawaan ng tsinelas. Lahat ng mga sangkot na tao at ahensiya ay ayaw umamin ng kasalanan. Matindi talaga ang sakit ng Pilipino na “feeling linis syndrome” o FLD!

Sa mga pangyayaring nabanggit, malinaw na walang maayos na koordinasyon na pinapatupad. Ang mga ahensiya at mga tao sa likod nila ay nagkukumahog upang makakuha ng credit kung sakaling tagumpay ang mga ginagawa nila, subalit, mabilis ding mambato ng sisi sa iba kung sila ay nabigo.

Sa isang banda naman, ang presidente ng Pilipinas ngayon ay walang humpay ang pagbato ng sisi sa nakaraang administrasyon dahil sa mga kapalpakang dinadanas ng kanyang pamumuno, ganoong ang problema niya ay ang mga taong itinalaga niya sa puwesto, na ang iba ay matagal nang dapat niyang tinanggal subalit hindi niya ginawa.

Sa panahon ngayon, maraming mga magulang ang hindi nakakatupad ng kanilang mga tungkulin sa kanilang mga anak na lumalaking suwail. Ang sinisisi nila ay ang mga makabagong teknolohiya kaya nagkaroon ng internet, at mga barkada ng kanilang mga anak. Yong ibang magulang naman, taon-taon ay naglilipat ng anak sa iba’t ibang eskwelahan dahil palpak daw ang mga titser. Kung tumingin lamang sa salamin ang mga magulang, makikita nila ang kanilang pagkakamali dahil dapat ay sa tahanan nagsisimula ang paghubog ng kabataan. Ang eskwelahan at mga titser ay tumutulong lamang.

Marami na kasing magulang ngayon na mas gusto pang makipagsosyalan sa mga kumare o umatend ng ballroom dancing, makipag-inuman sa mga kabarkada, makipag-shooting, makipag-weekend motoring, atbp., kaysa makipag-bonding sa mga anak. Ang dinadahilan nila ay ang kapaguran sa paglilinis ng bahay, pagluluto, paglalaba, pagpasok sa trabaho, overtime sa office, atbp – kaya kailangan nilang magpahinga naman! Kung hindi ba naman sila nuknok ng ka…ngahan!… papasok-pasok sila sa ganoong sitwasyon, pagkatapos ay sisisihin ang pagod! Kung honest sila, dapat ay sisihin din nila ang libog ng katawan! Sa ginagawa nila, mga anak nila ang kawawa!

Dapat isipin ng isang tao kung kaya niya ang mga tungkulin at responsibilidad sa papasukan niyang sitwasyon. Ang kailangan niya ay katapatan sa sarili, hindi ang nagpapalakas ng loob na, “bahala na”.

“Reconciliation Program” ni Cory Aquino…”ina” ng kaguluhan sa Mindanao dahil sa BBL o BL-BAR

“Reconciliation Program” ni Cory Aquino
…”ina” ng kaguluhan sa Mindanao dahil sa BBL o BL-BAR
Ni Apolinario Villalobos

Kung hindi pinauwi ni Cory Aquino si Nur Misuari, dahil nagpakitang gilas siya bilang isang “mabait” na bagong pangulo ng Pilipinas pagkatapos mapatalsik si Ferdinand Marcos, hindi sana nagkagulo ang Mindanao sa isyu ng BBL o BL-BAR. Nananahimik na sana si Misuari sa Libya dahil napalayas na ni Marcos subalit pumasok sa eksena si Cory, na masyadong bilib sa sarili na kaya niyang pag-isahin ang bansa “in the name of reconciliation”, subalit pumalpak din dahil sa halip na mawala ang mga korap, lalo pang dumami ang bilang dahil nadagdagan ang mga dati nang nagpalit lang ng kulay, mula sa pula, na naging dilaw. Lalong nagulo ang Pilipinas!

Halos nananahimik na ang Mindanao dahil noong panahon ni Marcos, kahit papaano ay nakontrol ang galaw ng mga rebeldeng Muslim na noon ay MNLF pa lang, maliban sa mga bandidong Abu Sayyaf. Kasama si Fidel Ramos sa delegasyon na “nakiusap” kay Misuari na umuwi na upang “makipagtulungan” sa bagong pamahalaan. Nang makauwi na si Misuari, may mga nag-iyakan pa sa grupo ng mga sumalubong, kodakan pati sa UP Diliman, etc. “Hero” ang tingin nila sa taong gustong ihiwalay ang Mindanao sa Pilipinas!

Tatahi-tahimik lang si Iqbal noon nang nagkaroon ng Autonomous Region for Muslim Mindanao (ARMM) na halatang itinatag para kay Misuari dahil may eleksiyon nga, nagkaroon naman daw ng dayaan upang lumabas na siya ang nanalo bilang hepe ng rehiyon.

Nang ma-audit ang ARMM, lumabas na palpak ang pamumuno ni Misuari dahil wala naman itong na-accomplish, at ang perang ibinuhos sa rehiyon para sa development nito ay hindi na mahanap. Napansin siguro ni Misuari ang kahinaan ng gobyerno dahil hindi naman siya nakasuhan, kahit may audit report na, kaya lalo pa niyang pinaigting ang adbokasiya niyang magkaroon ng “Mindanao Republik”. Ang bandila ng “republik” na ito ang gusto sanang iwagayway ng MNLF sa Zamboanga, na humantong sa giyera noon. At, hanggang ngayon, marami pa ring mga taga-roon ang hindi naka-recover.

Nagkaroon ng pagkakataon si Iqbal na kontrahin si Misuari dahil ang gusto lamang daw niya (Iqbal) ay “autonomous” region pa rin, subalit iba na ang pangalan – Bangsamoro, kaya humiwalay siya sa MNLF at itinatag ang MILF. Dahil lalong hindi nagkaunawaan sa hanay ng mga rebelde, nagkaroon ng isa pang grupo, ang BIFF naman. Dito na pumasok sa eksena ang grupo ng mga “matatalinong” kinatawan ng gobyerno upang makipag-usap sa MILF lamang. Subalit, sa halip na ipaglaban ang sovereignty ng bansa ay tumango na lang nang tumango sa gusto ng grupo ni Iqbal. Dahil diyan, sa unang round ng drafting pa lang ng BBL o BL-BAR ay sumablay na sila. Dahil bilib ang pamahalaan kay Atty. Marvic Leonen, ang unang namuno ng mga kinatawan ng gobyerno, naitalaga siya bilang isa sa mga associate justices ng Supreme Court.

Lalong pumalpak ang usapan sa BBL nang pumasok sa eksena ang propesora ng UP, si ginang Ferrer at naging ka-tandem ni ginang Deles. Sa halip na ipaglaban ang pagkakaisa ng Pilipinas, pinalusot nila ang mga ideyang gusto ng grupo ni Iqbal. Lumalabas na parang sila pa ang mga tagapasalita ng MILF, dahil ipinaglaban nila ang mga nilalaman ng BBL o BL-BAR na taliwas sa mga provision ng Saligang Batas ng Pilipinas. Pinagkunwari ang BBL na rehiyon lamang, subalit ang mga provision nito ay tumatahak sa landas patungo sa pagiging isang malayang estado, na hindi rin pala iba sa gusto ni Misuari! Mabuti na lang nabisto agad ng mga senador, kaya naharang. Subalit sa kongreso, ang draft ay naipasa dahil karamihan sa mga miyembro nito ay mga alaga ni Pnoy. Desperado si Pnoy na mai-announce niya sa nalalapit na SONA ang pagkapasa nito sa ilalim ng kanyang administrasyon….sana. At, masabi man lang na accomplishment bilang pangulo ng bansa….nagkamali siya.

Ngayon hindi pa rin nahuhuli o hinuhuli(?) si Misuari dahil sa ginawa ng MNLF sa Zamboanga. Samantala, lumutang ang “bagong Chairman” daw ng grupo na si Datu Abdul Khayr D. Alonto at matapat na nagsalita tungkol sa mga layunin ng MNLF tungkol sa Mindanao, na sumesentro pa rin sa pagiging isang hiwalay na estado. Ang nakapagtataka lang ay…kung ang grupo ni Alonto ay “hiwalay” na faction sa grupo ni Misuari, bakit ganoon pa rin ang isinusulong nila? Ibig bang sabihin ay pakitang-tao lang ang pagsabi nila na hindi na nila kinikilala ang faction ni Misuari? Hanggang kaylan ang mga ganitong drama sa Mindanao? Pati tuloy ang layunin ng MILF ay pinagdududahan na rin.

Sa masinsinang pagsusuri, masasabing sinimulan ni Cory Aquino ang “reconciliation” na hindi naman pala niya kayang kontrolin kaya naabuso…nagkaanak ng BBL o BL-BAR…at ang anak na ito ay lumaking suwail sa panahon naman ng anak ni Cory na si Pnoy. Animo ito ay isang vicious cycle na binuksan ni Cory at isinara ni Pnoy…ngayon nasa loob nito ang Pilipinas – nakakulong, at nasa bingit ng pagkakawatak-watak!

Parang gusto ko tuloy isipin na kung noon ay may tinatawag na “conjugal corruption”, ngayon ay meron namang “familial imprudence”. Sarili kong pananaw lang iyan…