Ang Kultura ng Pilipino…at ang mga hindi magandang aspeto

Ang Kultura ng Pilipino
…at ang mga hindi magandang aspeto nito
Ni Apolinario Villalobos

Bilang Pilipino, ipaglalaban ko ang aking lahi. Subali’t masakit mang aminin, may ilang aspeto ng ating kultura o pag-uugali, ang pumipigil sa patuloy sanang pag-asenso natin. Dahil dito, kailangang matuto tayong tumanggap ng katotohanan upang maiwasto ang mali.

Ang isa sa mga ugaling ito ay ang madali nating paglimot ng hindi magandang nakaraan na dapat sana ay nagbibigay sa atin ng gabay sa kasalukuyan. Halimbawa ay ang nakaraang Martial Law na naging dahilan ng pagdanak ng dugo dahil sa pagsupil ni Marcos ng mga karapatan, lalo na sa pamamahayag. Napatalsik nga si Marcos, hindi naman natuldukan ang kaso ng pagkamatay ni Ninoy Aquino at ng nawalang mga estudyante. At ang sa umpisa na pagmamatigas ng mga Pilipino na huwag pabalikin ang pamilyang Marcos sa Pilipinas, kalaunan ay nagkabiglaan na lang dahil, animo sa isang iglap, lahat sila ay nakabalik na pala! Ang pakikipaglaban ng pamahalaan upang mabawi ang sinasabing ninakaw ni Marcos na yaman ng bayan, wala ring narating. Ang pagbawi ay nagsimula sa kapanahunan ni Cory Aquino, at inabot ng mga kompromiso sa ilalim ng mga pumalit na administrasyon…at ang masakit ay ang sinasabi pang nangyaring kurakutan!

Mahilig gumaya ang Pilipino. Okey lang sanang gumaya pero dapat ay may limitasyon sa abot lamang ng makakaya upang hindi malubog sa utang kung may involve na pera ang panggagaya. Okey rin ito kung ang pakay ay upang mapahusay o mapaganda kung anong meron ang taong nanggaya, at hindi dahil lamang sa inggit. May isang kalihim ng Department of Tourism noon na gumaya sa tourism slogan ng isang bansa sa Europe, at dahil sa kahihiyan nang mabisto ay nag-resign. Ang lalong napahiya ay ang Pilipinas. At, ang gobyerno naman, sa kagustuhang makapanggaya sa asenso, inihanay pa ang bansa sa Tsina at Japan na milya-milya ang layo ng narating. Inireport lang ng isang survey na may “tiger economy” ang Pilipinas, ganoong nakakaduda naman, pumalakpak na agad ang mga tenga ng mga taga-gobyerno na nag-akalang mabobola nila lahat ng mga Pilipino.

Karamihan sa mga Pilipino ay ayaw ng murang bigas, murang pagkain, murang damit, etc. Ibig sabihin, may ugali tayong mapagmataas, class, kahit na ang katotohanan ay halos gumapang na sa kahirapan ang buhay. Kaalinsabay nito, mas gusto ng mga Pilipino ang imported kaya ultimo toothpick ay imported mula sa Tsina. Umabot pa sa punto na pati basura ay ini-import na. Sumikip tuloy ang container yard sa pantalan dahil napuno ng mga container ng basura galing sa Canada, at sa loob ng maraming taon pa…na hindi naman pinansin ng Customs kung hindi pa pumutok sa media. Ni hindi nila mahabol ang mga importer. At ang mga nagmamagaling namang grupong maka-nasyonalismo kuno, sa harap ng Canadian Embassy nag-rally, sa halip na sa labas ng Bureau of Customs dahil sa kapabayaan nito. Ang kaswapangan nga naman! Lahat ay gagawin makagawa lang ng ingay upang malagay sa diyaryo at mahagip ng kamera!

Sobra sa pagiging masayahin ang mga Pilipino, kaya noong panahon ni Marcos ginamit ito ng todo. Upang hindi maramdaman at mapansin ang mga problema noon ay maraming pakulo ang pinaggagawa ng gobyerno upang mabaling sa larangan ng musika, pagandahan at show business ang atensiyon ng mga tao. Dahil nakasanayan na, ngayon, ang mga mahahalagang isyu na dapat seryosohing pag-usapan upang maramdaman ang mga kahalagahan ay hindi pinapansin dahil mas gusto pa ng mga Pilipinong manood ng mga Korean nobela sa TV, o makinig ng mga tsismis sa radyo. Ang mga usapin tungkol sa West Philippine Sea, ang mga ilegal na pagmimina ng mga dayuhan sa Pilipinas, ang isyu ng K-12, illegal logging, katiwalian ng mga Binay, gutom, kawalan ng trabaho, at iba pa ay halos wala sa kanilang kamuwangan.

Madaling magsawa ang mga Pilipino, kaya ang madalas sabihin ng mga masasamang pulitiko na binabatikos ng ilang grupo ay “magsasawa din sila”. Noong bago pa lang sumabog ang mga isyu laban sa mga Binay at iba pang mga eskandalo sa gobyerno na may kinalaman sa pork barrel at PDAF, ang mga ito ay malimit na laman ng mga diyaryo, tinatalakay sa radyo at TV, pinag-uusapan sa mga terminal ng sasakyan, kahit sa inuman at barber shop. Kalaunan, kahit na tuloy pa rin ang mga hearing tungkol sa mga kaso, iisang maliit na istasyon na lamang ng TV ang tumututok…ni isang radio station ay hindi na pumansin – puro nagsawa na. Sa madaling salita, magaling lang sa simula ang mga Pilipino – isang ningas cogon na pag-uugali.

Naipagpatuloy ng ibang bansa sa Asya ang kanilang pagka-exotic, kaya pagdating sa turismo, wala sa kalingkingan nila ang Pilipinas. Hirap ang Pilipinas sa pagmintina ng mga historic landmark at pag-ayos ng mga likas na pasyalan upang makaakit ng mga turista. Gusto natin ay magkaroon ng mga 5-star resorts at hotels sa mga lugar na ito, tulad ng nangyari sa Boracay na ngayon ay nilulumot na ang mga dalampasigan dahil sa tumagas na mga septic tank ng mga hotel at restaurants.

Totoong, may mga lugar tayong popular sa internet tulad ng Underground River ng Palawan at Vigan. Subalit dapat alalahanin na kaya sila napahanay sa listahan ng mga popular na mga destinasyon ay dahil sa botohan sa internet na ang karamihan sa gumawa ay mga Pilipino din…popularity contest kasi, kaya pinagkitaan din ng grupong may pakana dahil sa mga advertisements na nailathala nila. Ang batayan dapat ay ang aktwal na dami ng mga bumisitang turista na siyang nangyayari sa ibang bansa sa Asya tulad ng Vietnam, Cambodia, Thailand at maski Burma. Ang milyong bisita na ipinagmamalaki ng Department of Tourism ng Pilipinas sa panahon ngayon, ay matagal nang nirereport ng ibang bansa sa Asya, na dumadagsa sa kanila.

Ang “pakikisama” na maganda sana ang hangarin tulad ng “bayanihan” ay inabuso nang ito ay iugnay sa “utang na loob” at ginamit sa pulitika. Kaya ang mga iniluklok halimbawa ng mga nanalong opisyal sa iba’t ibang puwesto dahil sa pakikisama at utang na loob sa mga taong tumulong sa kanila sa panahon ng eleksiyon ay nagdulot ng hindi matawarang pinsala sa pamahalaan at bansa.

Kung may mga negatibo, marami ding positibo sa ating kultura, pero ginagamit ba natin ang mga ito sa tamang paraan upang tayo ay umasenso?

Dapat Magkaroon ng Inventory ng mga Relief Goods na hindi pa Naipamudmod

Dapat Magkaroon ng Inventory ng mga Relief Goods
na hindi pa Naipapamudmod
ni Apolinario Villalobos

Ngayon pa lamang, dapat ay magkaroon na ng inventory ng lahat ng mga relief goods na nakaembak sa mga bodega ng DSW at local government units, na hindi pa naipapamudmod. Mahalaga ding i-check ang mga ginagamit na bag kung may pangalan o mukha ng mga lokal na opisyal na dapat ay bawal. Ang mga listahan ay dapat ilathala sa mga pahayagan upang malaman ng mga tao. Mahalaga ang hakbang na ito upang hindi magamit ang mga relief goods na pang give-away o regalo ng mga ganid na opisyal na tatakbo sa darating na halalan. Ang ganito ay maaaring mangyari upang masupurthan ang mga kandidato ng administrasyon. Ang imbertaryo ay dapat gawin ng COA.

Ang isa pang dahilan kung bakit kailangan imbentaryuhin ang mga relief goods ay ang kumakalat na balitang sa ilang bayan sa Mindanao, may mga binebenta daw na murang mantika, asukal, at iba pang mga items na madalas isinasama sa mga relief bags. Kung matatandaan, mayroong karinderya noon sa Tacloban na nabistong bumili ng ilang sakong bigas na dapat sana ay para sa mga disaster victims ng bagyong Yolanda. Sinundan ito ng balitang “ninakaw” daw ang mga relief goods na nakaembak sa isang bodega sa Cebu, at na-video pa nga. Wala na ring balita sa resulta ng imbestigasyon kung may natanggal dahil sa kapabayaan o kutsabahan.

Sa Cebu pa rin noon, pinagbawalan ang mga reporter na kumuha ng retrato ng mga dumarating na relief goods galing sa ibang bansa…bakit? Nabulgar din na nililipat ang mga relief goods galing sa mga international donors dahil pinapalitan ng mga local na mga relief items…pero buong tapang na pinabulaanan pa rin ng mga ahensiyang pinagdudahan tulad ng DSW.

Kung gusto ng gobyerno na mabawasan man lang ang pagdududa ng taong bayan tungkol sa bagay na ito, dapat ay huwag na itong maghintay na kalampagin pa bilang paalala ng mga grupong nagbabantay sa kapakanan ng bayan at mga Pilipino….isang bagay na nakakahiya!

Ang Karumaldumal at Nakakasukang Pagpapa-istaring ng ibang mga Kongresista ng Pilipinas

Ang Karumal-dumal at Nakakasukang Pagpapa-istaring
Ng Ibang mga Kongresista ng Pilipinas
…bato-bato sa langit, ang tamaan – may bukol!
Ni Apolinario Villalobos

Karumal-dumal na, nakakasuka pa ang istayl ng ibang mga kongresista upang makatawag lang ng pansin. Ang isang kongresista, nagpa-interview sa radio at TV dahil gustong imbestigahan ang nasunog na pabrika sa Valenzuela, Bulacan. Dahil ba ito ay sensational kaya naka-headline sa mga pahayagan at binabanggit palagi sa mga balita sa radyo at TV? Ang dami namang sunog na nangyari lalo na sa mga iskwater areas kaya libong tao ang nawalan ng tirahan at sa gabi ay kung saan-saang bangketa na lang sila natutulog… bakit hindi nila imbestigahan? Dahil ba mga iskwater lang ang mga biktima at hindi kinagat ang balita tungkol sa nangyari sa kanila?

Pagkatapos bayuhin ng bagyong Yolanda ang Leyte at iba pang lalawigan at naglutangan ang mga katiwalian sa pagpamudmod ng relief goods at cash donations, pati na sa paggawa ng temporary shelters, bakit hindi sila nag-imbestiga? Dahil ba, palaging nakikita ang pangulo sa mga eksena kaya hindi sila makaporma? Nang mabisto ang pagbenta ng mga relief goods at ninakaw pa ang mga ito na nakaembak sa mga bodegang may gwardiya, at na-video pa…bakit hindi sila nag-imbistiga? Dahil ba nagsalita at nagdepensa ang kalihim ng DSW? Malinaw namang maraming kaalyado ang administrasyon sa Kongreso, kaya alam ng taong bayan na namimili ang mga kongresista ng mga isyung bubulabugin para malagay sila sa balita!

Tumigil na lang sila at tumahimik dahil may kasabihan sa English na: “less talk, less mistake”. Pero hindi yata ito aangkop sa karamihan ng mga kongresista ng Pilipinas dahil kahit hindi sila magsalita o di kaya ay bubuka pa lang ang mga bibig, puro mistake na ang sumisingaw kasama ang kanilang hininga. Karamihan sa kanila ay utak-ipis na naboto lang dahil may pera at dahil kilala ang pamilya sa kanilang lalawigan! Yong iba naman ay naboto dahil kilala sa iba’t ibang larangan, tulad ng sport!

Ang Kapos sa Karanasan pero Malinis ang Budhi at ang May Karanasan pero Kadudaduda naman ang Layunin…at iba pang natataranta at ninenerbiyos dahil sa darating na eleksiyon

Ang Kapos sa Karanasan pero Malinis ang Budhi
At ang May Karanasan pero Kadudaduda naman ang Layunin
…at iba pang natataranta at ninenerbiyos dahil sa darating na eleksiyon
Ni Apolinario Villalobos

May desperadong nagparinig na kandidato sa pagka-presidente na malalagay sa alanganin ang Pilipinas kapag nagkaroon ng Presidenteng walang karanasan. Bilib ako sa lakas ng loob ng taong ito sa pagmamalaki ng mga ginawa niya na kinukwestiyon naman dahil sa korapsyon. At ano ang ibig niyang sabihin sa “karanasan”?….karanasan saan?….karanasan sa “pag-ano?”….dapat liwanagin niya!

Yong isa ay pa-simpleng nagdududa pa kung makakaya niyang tumakbo dahil kapos sa makinarya o suporta. Pero sabi naman ng mga supporter niya, hindi kailangan ang maraming pera dahil hindi naman siya mamimili ng boto. Hindi rin isyu ang kawalan niya ng karanasan dahil maraming aalalay sa kanya na desperado dahil sa mga katiwaliang nangyayari, kaya naghahangad ng makatotohanang pagbabago kahit hindi matuwid na daan ang tatahakin.

Ang walang karanasan ay may malawak pang espasyo sa kanyang utak para sa mga bagong ideya, pero ang may karanasang kaduda-duda, nag-uumapaw sa utak ang katiwalian. Ang walang karanasan, lalo na kung wala pang bahid ng katiwalian, ang nahahatak na mga supporter ay may malinis na layunin. Subalit ang nakakadudang may karanasan ay napapaligiran ng mga kapareho niyang sakim at ang utak ay puno na ng mga maiitim na balak.

May isa namang ninenerbiyos dahil baka hindi na naman matutupad ang pangarap niya noon pang makaupo sa Malakanyang. Baka iniisip niya ngayong kahit puro puti na ang kanyang buhok ay “segunda persona” pa rin siya ng bansa. Subali’t no regrets para sa mga botante dahil nakita naman ang kahinaan niya at kawalan ng backbone at self-respect dahil maraming beses nang binastos ng kanyang amo ay kapit-tuko pa rin sa pwesto na para bang itong amo na ito lang ang makakapagbigay sa kanya ng buhay.

Yong isang nagmamarunong, biglang tumiklop dahil nabisto ng taong-bayan na kaibigan pala ng kanyang tatay si Binay, baka kumpare pa. Tatakbo pa kaya sa kabila ng kahihiyan dahil noon nagpipilit na “straight” siya? Yong isa pa rin na kung magsalita ay parang robot, inakala ng maraming Pilipino na matalino pero mababaw rin pala dahil nabisto ang matinding kapit niya sa administrasyon, kaya walang narinig mula sa kanya tungkol sa mga isyung may kinalaman sa kanyang close friend doon sa malaking bahay sa tabi ng Ilog Pasig. Nakakaaliw ang kanyang pananahimik…” nasa “tahimik” na kasi siyang kalagayan .

Yong isang matapang daw, noon pa man, parang sirang plaka sa pagsabing talagang interesado siya sa ano mang dalawang puwesto sa “itaas”, pero hindi siya pinapansin maski ng mga kapartido. Hindi kasi siya kapani-paniwala at pruweba ang pag-abandona niya sa kanyang mga kasama sa adhikain, dahil mas binigyan ng bigat ang career niya sa pulitika. Kapag nalaman na ang mga nominado at hindi siya napasama, interesado pa kaya siyang ipagpatuloy ang imbestigasyon ng mga Binay?…wala na kasing kabuluhan ang kanyang pa-istaring tuwing may hearing.

Sino sila?