Ang Pagkaroon ng Kasiyahan at Matiwasay na Buhay

Ang Pagkaroon ng Kasiyahan at Matiwasay na Buhay
Ni Apolinario Villalobos

Simula pa lamang nang iluwal ang tao bilang sanggol sa mundo, may hirap nang kasama – hirap ng ina na halos mapugto ang hininga sa pag-ere, at kung na-caesarian man, may sakit pa ring nadama pagkalipas ng epekto ng pampamanhid na itinurok sa kanya. Kakambal ng tao ang pahirap na lalong umiigting habang lumalaki siya at tumatahak sa iba’t ibang landas ng buhay.

Karamihan sa mga mayayaman ay panlabas lamang ang pinapakitang ginhawa at pagkakuntento sa buhay dahil hindi rin sila ligtas mula sa mga problema at takot, lalo na sa agam-agam na baka mawala ang kanilang yaman. Ang takot na ito ay isang pagsubok na malalampasan lamang kung isaisip ng isang mayaman na handa siyang mawalan ng yaman at humarap sa panibagong buhay. Ang panibagong buhay ay kabaligtaran ng nadanasang balot ng karangyaan, subalit dahil bago sa kanya, ito ay magdudulot ng kasiyahan.

Ang mahihirap naman ay nagsisikap upang makamit ang ginhawang dulot ng karangyaan. Ang mga pagsubok na dinadanas nila ay mga paghahanda upang hindi sila mabigla pagdating ng panahong nakamit na nila ang inaasam. Para sa mga bigyang yumaman, may kasabihang “halos dapaan nila ang salapi” at hindi nila alam ang gagawin, kaya kadalasan, nawawaldas ito nang wala sa panahon. Natanim naman sa isip ng mga naghirap ang halaga ng bawat sentimong kanilang pinaghirapan at ang panahon na kanilang ginugol upang makamit nila ang ginhawa, kaya ang pera ay kanilang nirerespeto, hindi sinasamba.

May mga taong nagsasabi na malas sila dahil kahit anong gawin nila ay hindi sila yumayaman. Diyan naman sila nagkamali dahil hindi lamang pera ang maituturing na “yaman”, kundi pati na rin mga leksiyon ng buhay na natutuhan at lalo na ang naipundar na pamilya at tahanan. Ang batayan ng matiwasay na buhay ay hindi lamang dami ng salapi, kundi halakhak ng mga malulusog na anak at init ng pagmamahal sa isa’t isa. Sa mga walang pamilya, ang kasiyahan ay natatamo kapag nakatulong sa iba sa pamamagitan ng iba’t ibang paraan, hindi lang pera.

Kaya naman, bilang panghuli kong masasabi:

Mas masaya ang pagsasalu-salo
kahit sa malamig na kaning tutong at tuyộ
kung puno ng pagmamahalan ang mga nagsusubộ,
kaysa naman sa nakalatag na marangyang pagkain –
kung may kasabay na bangayan ang mga pagsubộ!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s