Ang Arkilahan ng mga Kung Anu-ano

Ang Arkilahan ng mga kung Anu-ano
Ni Apolinario Villalobos

Sa ibabaw ng mundo, mula’t sapul ay nauso na ang arkilahan. Sa Tsina, isa sa mga bansa na may pinakamatandang kultura, mula pa noong unang kapanahunan nila, umaarkila na ng mga mangigiyak kung may patay. Ngayon, hindi lang mangingiyak ang inaarkila nila kundi mga halos hubad na mananayaw upang makaakit ng mga taong makikipagluksa. Kamakailan lang, sa Tsina pa rin ay may lumabas na web site para sa mga pwedeng arkilahang taga-bugbog ng mga nangbo-bully sa school at opisina.

May tinatawag na mersenaryo, o mga sundalong bayaran na may ibang nasyonalidad at lahi na pwedeng bayaran upang magamit ng mga bansang nangangailangan ng serbisyo nila. Itong gawain ay talamak kahit noon pa mang panahon ng mga tao sa Bibliya. Ayon sa mga komokontra sa isyu na naging alipin daw ang mga Hudyo (Jews) sa Egypt kaya inilabas ni Moses, ang totoo raw, binayaran ang kanilang serbisyo upang magtrabaho sa iba’t ibang proyekto, kasama na ang paggawa ng mga piramida (pyramid).

Uso din mula pa noon ang pag-arkila sa serbiyso ng mga mamamatay-tao. Isa ito sa mga negosyo ng Mafia sa Estados Unidos, at ng iba pang mga gang-style na samahan sa iba’t ibang panig ng mundo. At, siyempre kasama na diyan ang Pilipinas, kung saan ay napakamaraming inaarkilang mamatay-tao, lalo na ngayon, kaya nga may mga kuwento na sa halagang limang libo ay pwede ka nang magpatumba ng tao sa Pilipinas, basta tama lang ang koneksiyon.

Hind lang taong buhay ang inaarkila, lalo na sa Maynila. Kahit patay ay inaarkila ng mga sindikato na gustong magpasakla, lalo na sa mga squatters’ area. Kalimitan, ang pinapaarkila ay mga patay sa punerarya na naka-freezer habang naghihintay ng claimant. Ibig sabihin kasabwat ang mga tiwaling punerarya, para siguro mabawi ang ginagastos nila sa “freeze storage” na kumakain ng espasyo at kuryente. Sa ganitong gawain, naghahanap ang sindikato ng isang pamilya na talagang naghihirap upang maakit sa perang magiging bahagi nito mula sa kikitain ng sakla. Gagawa sila ng kuwento tungkol sa pagiging magkamag-anak ng patay at may-ari ng bahay. Upang malaki ang kita, kung minsan, inaabot ng hanggang dalawang buwan ang “lamay”.

Marami pang bagay ang inaarkila upang maging magamit pansamantala ng mga nangangailangan, kasama na diyan ang tirahan, mga gamit para sa party lalo na videoke, balloons, silya, mesa, at clowns o payaso, di kaya ay mga magicians. Ang mga sasakyan ay inaarkila din, pati mga gamit panluto.

Meron ding inaarkilang tagapagdasal sa labas ng malalaking simbahan ng mauunlad na lunsod tulad ng Maynila at Cebu. Sa Cebu, ang dasal ay may dagdag pang sayaw. Sa Quiapo ay dasal lang ang ginagawa habang nakikinig ang nagpadasal upang masigurong tama ang pangalang babanggitin – pangalan ng asawa na ipinagdasal upang mamatay dahil sumama na sa kerida. Ang ibang nagpapadasal naman ay sinasabayan ng paglusaw ng mga kandila.

Sa malalaking kumpanya at sa gobyerno, nauso na rin ang pag-arkila sa serbisyo ng mga “consultant”…mga may angking kakaibang talino. Ang ibang kumpanya ay nagkakasya sa iisa o dadalawang consultants. Subali’t ang gobyerno, lalo na sa Pilipinas, ang mga ahensiya ay halos mamutiktik sa mga consultants. Ang dami ng consultant ay nagpapakita ng kahinaan ng isang ahensiya, o gobyerno sa kabuuhan nito….at yan ang sitwasyon ng Pilipinas!

Leave a comment