May Kabuluhan pa ba ang Bangko sa Panahon Ngayon
…para sa mga ordinaryong Pilipino?
Ni Apolinario Villalobos
Nagtatanong lang naman ako, dahil sa kakarampot na kinikita ng mga ordinaryong Pilipino ano pa ang matitira upang maitabi sa bangko? Maaaring ang pakinabang sa bangko ay ang paghawak at paglabas ng mga suweldo ng mga manggagawa. Subali’t ang problema, hindi na rin ligtas ang ginagamit na ATM cards dahil sa mga nagsusulputang iba’t ibang klaseng paraan upang ito ay magamit ng mga tiwaling tao. At ang masakit, naghuhugas- kamay ang bangko kapag nangyayari ito upang makaiwas sa pagbalik o pag-refund ng nawalang pondo ng kliyente. Itinuturo ng bangko ang kontrata sa kanila na pinirmahan ng kliyente, na sa kasamaang palad ay naka-print sa maliliit na titik kaya halos hindi na mabasa!
Dapat ang bangko ay dinideposituhan ng pera ng mga taong gustong maglaan ng maski maliit na halaga pagdating ng panahon ng pangangailangan. Subali’t ang kikitaing interes naman ay kulang pang pambayad sa buwis na pinapataw sa nakadepositong halaga.
Ang gusto lang yata ng mga bangko ay kumita sa pamamagitan ng pagpapautang ng perang nakadeposito sa kanila. Sa ganitong paraan ay kikita sila ng malaki, subali’t ang mga depositor na may-ari ng pera ay nakanganga, dahil kapag binawi na nila ang perang nakatabi, ay halos ganoon pa rin ang halaga.
May Bangko Sentral ang bansa, subali’t inutil naman sa pagbuo ng mga ideya o programa kung paanong matulungan ang mga ordinaryong mamamayan tungkol sa pinag-uusapang bagay. May pamahalaan naman ang bansa, subali’t lalong inutil din pagdating sa ganitong bagay. Ang gustong mangyari yata ng pamahalaan ay maging negosyante ang lahat na Pilipino kaya ang mga pera nila ay dapat gamitin sa pangangalakal. Anong negosyo?…negosyong naka-display sa bilao….o nakalatag sa bangketa? At, paano na ang mga Pilipinong walang gana o kaalam-alam sa pagnegosyo , kaya ayaw magbitaw ng pera sa pangambang ito ay malulusaw lang?
Kaipokrituhan ang kampanya ng pamahalaan at mga bangko na turuang mag-impok sa bangko ang mga kabataan. Bakit hindi amining ito ay panloloko lamang. Paano ngang gaganahan ang mga batang mag-impok sa bangko ganoong wala naman itong halos kikitain? Ang gusto lang ng pamahalaan sa pakikipagkutsaba sa mga bangko ay madagdagan ang pinapaikot na perang nakalagak sa kanila upang may maipautang na papatawan naman ng mataas na interes. Ganoon lang ka-simple.
Kung may ma-bankrupt na bangko, sorry na lang sa mga nagdeposito ng mahigit Php500,000, dahil maggugudbay na sa kanila ang halagang mahigit dito na siya lamang babayaran ng insurance. Paano na ang mga retirees na ang inaasahan ay interes sa naimpok na perang umaabot minsan ng mahigit Php500,000? Siyempre, ang sagot ay hati-hatiin ang halaga sa iba’t ibang bangko upang masunod ang maximum na deposit, subali’t ang malungkot ay wala pang limandaang piso ang kikitain ng bawa’t deposito sa isang buwan!
Ngayon, anong tulong ang nabibigay ng pamahalaan, Bangko Sentral ng Pilipinas, at mga bangko sa mga ordinaryong mamamayan?…may kabuluhan pa ba sila? Ang sagot ay tumataginting na WALA!!!