Ang Pakộ (Tagalog version)
Ni Apolinario Villalobos
Isang simpleng kapirasong bakal na may ulo, at ang dulo ay nakakatakot ang pagkatulis. May iba’t ibang sukat ito. Ang iba ay kasingliit ng palito ng posporo, ang iba ay kasinglaki ng barbecue stick, at mayroon ding halos kasinglaki ng daliring hinlalaki sa kamay. Noon, ang pakộ ay gawa lamang sa bakal, kalaunan ito ay hinulma na rin gamit ang tanso, at bandang huli, ay sa stainless steel, upang magamit sa mga maseselang materyales gaya ng manipis na plywood.
Noong unang panahon ay gumagamit ng balat ng kahoy at matitibay na baging bilang pantali sa paggawa ng bahay na yari sa magagaan na materyales tulad ng sanga at dayami. Subali’t ngayon, dahil sa kabigatan ng mga materyales na ginagamit, kinailangan na ang pakộ sa pagbuo ng bubong, dingding, sahig at hagdan, upang maging bahay.
Sa kasalukuyang, nakakalungkot na pakộ ang isa sa mga sangkap sa paggawa ng mapaminsalang bomba na ginagamit ng mga terorista at ekstursiyunista o mangingikil sa paghasik ng lagim sa buong mundo. Sa Pilipinas, ito ay ginagamit bilang palaso ng “Indian pana” (Indian arrow) na ginagawa ng mga siga sa Tondo laban sa isa’t isa. Ang isa pang gamit ng pakộ ay sa pangkukulam na hindi naman kapani-paniwala. Ito daw ay inilalagay ng mangkukulam sa bituka ng mga biktima at maaaring mailabas sa pagdumi subalit magsasanhi ng sugat at pagdurugo.
Ang pakộ ay isa ring bahagi ng pagsakripisyo ni Hesus sa krus. Ipinako si Hesus sa krus, na nagdulot sa kanya ng matinding pasakit. Dahil dito, hindi ba marapat lamang na isiping kaya natupad ang nakatakda niyang misyon na pagtubos ng sangkatauhan mula sa kasalanan ay dahil din sa pakộ? Bakit hindi idagdag ang pakộ sa krus bilang simbolo ng sakripisyo ni Hesus? Kung ang krus ay kanyang pinasan, ang sakit naman ng pagtusok ng pakộ ang kanyang tiniis hanggang siya ay namatay. Kung ang krus ay bigat ng kasalanan, ang pako naman ay kayabangan ng sangkatauhan na tumitiim sa bawa’t himaymay ng Kanyang kalamnan!