Huwag Ikahiya ang Kaalaman sa mga Salitang Pilipino, lalo na ang Pambansang Wika

Huwag Ikahiya ang Kaalaman
Sa mga Salitang Pilipino, lalo na sa Pambansang Wika
Ni Apolinario Villalobos

Hindi ko maintindihan kung bakit may mga magulang na pilit pinagsasalita ng English lang ang maliliit anak sa loob ng kanilang bahay. Okey lang sana na kahit na pinagsasalita sa English, ay pagsalitain pa rin sila ng sariling wika o salita ng kanilang probinsiya. Tuwang-tuwa ang mga magulang na itong marinig na nagsasalita lang sa English ang mga anak, ganoong ang punto o accent ay Pilipino naman dahil silang mga magulang mismo ay limitado lang din ang kaalaman sa nasabing banyagang wika. Ang maling akala nila ay mas madaling makahanap ng trabaho ang taong Inglesira o Inglesiro. Ang hindi nila alam ay mas gusto ng mga kumpanya sa panahon ngayon ang mga aplikante na maraming alam na salita.

May isa akong kumpare na nagsisisi kung bakit pinilit niya ang English sa kanyang anak na humantong sa pagiging bulol nito sa mismong sarili nating wika na Pilipino. Nang dalhin niya sa Amerika ang kanyang anak upang doon pag-aralin, pinagtawanan daw ito ng mga kaklase nang malaman na bulol sa sariling wika, at kinutya pa, samantalang ang ibang mga kaklase ay natutuwang makipag-usap sa isa’t isa gamit ang Mandarin, Thai, o Tagalog na natutunan nila sa kanilang mga yaya.

May mga galing naman sa probinsiya na ikinahihiya ang sariling salita o dialect, pero kung mag-Tagalog naman ay lutang na lutang ang punto ng sarili nilang salita. May isang babaeng broadcaster na tungkol sa trapik ang nirereport, ang kahit nagta-Tagalog na ay nagpupuntong English pa rin, lalo na kung magsambit ng mga salitang may letrang “R”, na “pinapalambot” upang may kayabangang ipahiwatig na dahil sa kagalingan niya sa English ay lumalabas na natural ang “parang” nai-English na Tagalog kung gamitin na niya…ibig sabihin, gusto niyang palabasin na nananaig o nasasapawan ng English ang Tagalog niya! Nang minsang may kumausap sa kanya on air, nadulas siya sa kanyang pagsalita kaya nabistong siya pala ay Ilongga! Ikinahihiya yata niya ito, ganoong kilala ang Hiligaynon o Ilonggo bilang malambing na dialect kaya marami ang nakakagusto.

Nakakabilib malamang maraming banyaga ang gustong matuto ng Tagalog o iba pang provincial dialect ng Pilipinas. Ang mga ito ay mga exchange students o nagtatrabaho sa mga multi-national companies. Dahil itinuturing na pangalawang wika ang English sa bansa, kahit hindi na sana sila mag-aral ng Tagalog ay maaari, subalit pinipilit pa rin nilang matuto. Sa mga ganitong tao dapat mag-ingat ang mga kababayan nating mahilig manlibak ng kapwa na hindi nila type ang kulay ng balat o hitsura.

Sa isang jeepney na nasakyan ko noon, may dalawang babae na nangutya sa isang pasaherong maitim ang balat. Sa porma ng nililibak, ay mukhang estudyante ito. Dahil marunong ako ng Cebuano, naintindihan ko ang ang usapan ng dalawang babae na mga Bisayang Cebuano pala. Ang isa ay nagsabi na mukhang unggoy daw ang maitim na pasaherong kaharap nila. Nang iabot ng maitim na pasahero ang pamasahe niya sa drayber, sabi niya: “kuya…ito po ang bayad ng unggoy”. Sa hiya, biglang nagpapara ang dalawang babae at bumaba!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s