Hindi Dapat gawing isyu ang pagka-Moro o pagka-Kristiyano ng isang Pilipino…ang isyu ay dapat sa kanyang pagkakamali

Hindi Dapat gawing isyu ang pagka-Moro
o pagka-Kristiyano ng isang Pilipino
…ang isyu ay dapat sa kanyang pagkakamali
Ni Apolinario Villalobos

Ang gulo sa Mindanao ay hindi dapat isentro sa relihiyon. Ang mga taong ipinanganak sa lahat ng dako ng Pilipinas ay Pilipino. Ang mga Pilipinong ito ay may kaibahan lamang sa paniniwala sa Diyos dahil may Katoliko, Muslim, Protestante, Buddhist, Taoist, etc. Subali’t kung ang pinag-uusapan ay tungkol sa adhikain lalo na kapayapaan, iisa lang dapat ang isinusulong ng lahat bilang iisang lahi. Magkaiba man sa mga salita at pananamit, iisa pa rin ang lahi – Pilipino.

Dapat tanggalin sa kaisipan natin ang agam-agam tungkol sa pagiging Ilokano, Bisaya, Maranao, Maguindanaoan, Tausug, Badjao, Kapampangan, Pangasinense, etc., ng isang Pilipino. Dahil dito, nagkaroon na ng batas na nagsasabing hindi dapat banggitin sa balita ano ang tribu o kinabibilangang rehiyon ng isang nahuling iniimbistigahan.

Sa usaping Mamasapano massacre, ang tinatalakay ay ang pagkakamali ng MILF, kakulangan ng PNP/SAF at militar ng bansa, kung meron man, na ang tinutumbok ay isang tao o mga taong dapat sisihin at papatawan ng karampatang kaparusahan. Hindi dapat gawing isyu ang pagka-Moro ng MILF, dahil batay sa impormasyon, may mga Kristiyano din silang miyembro o di kaya ay mga converts mula sa Kristiyanismo. Hindi dapat balikan ng MILF ang kasaysayan ng Mindanao at sabihing nawalan ng lupain ang mga Muslim dahil sa pagdating ng mga taga-Luzon at Visayas. Dapat isipin ng pamunuan ng MILF na may mga bentahang nangyari sa pagitan ng mga datihang nakatira sa mga lupain at sa mga dumating galing sa ibang bahagi ng bansa.

Ang mga dinatnang nakatira sa Mindanao ay nasa ilalim ng mga datu, at kung hindi man umusad ang kabuhayan ng mga nasasakupan ng mga ito ay hindi dapat isisi sa mga dumating na mga kababayan galing sa ibang bahagi ng Pilipinas. Ang tanong dapat ay kung ginawa ba ng mga datu ang kanilang dapat gawin upang umasenso ang kanilang mga nasasakupan? Nirespeto ang mga datu pati ang mga dinatnang kaugalian sa pagpataw ng hustisya, pati na ang educational system na Madrasa.

Hindi na dapat ulit-ulitin ni Chairman Iqbal ang kasaysayan na ayon sa kanya, sakop din ng Moro pati ang Luzon. Nasa kasalukuyan na tayo at marami na ang nangyari kaya dapat iwasan na niya ang paninisi dahil lalabas na nanggagatong siya at magreresulta lamang ito sa gantihan na talagang walang katapusan. Bilang isa sa mga namumuno ng MILF, dapat ay “gumitna” siya lalo pa at sinasabi niyang ang Bangsamoro ay para sa LAHAT ng nakatira sa mga masasakop nito sa Mindanao…para sa kapayapaan pati na ng buong Pilipinas.

Ang presidente ng Pilipinas ay binabatikos pati na ang kanyang mga tauhan sa Malakanyang at mga kalihim. Ang mga mambabatas ay binabatikos dahil sa korapsyon. May mga gobernador at mayor na binabatikos. Lahat sila binabatikos subalit hindi binabanggit kung sila ay mga Bisaya o Tagalog o kung ano pa man. Binabatikos sila bilang mga Pilipino dahil sa sinasabing ginawa nilang mga pagkakamali. Walang pinag-iba ang mga pagbatikos na nabanggit sa pagbatikos sa pamunuan ng MILF dahil pinagduduhan ngayon ang kakayahan nila sa pamumuno ng Bangsamoro kung sakaling matuloy ito, kaya hindi nila dapat gawing isyu ang kanilang pagka-Moro. Ngayon pa lang ay dapat magpakita na ng “patas” na ugali ang mga namumuno ng MILF upang paniwalaan sila sa kanilang adhikain na pagkamit ng kapayapaan para sa LAHAT dahil maraming Kristiyano ang mapapasailalim sa rehiyong pinaglalaban nila.

Dapat mag-spot check sa massacre site ang mga imbestigador…pati mga opisyal ng gobyerno na resource persons

Dapat mag-spot check sa massacre site ang mga imbestigador
… pati mga opisyal ng gobyerno na resource persons
Ni Apolinario Villalobos

Upang maging kapani-paniwala ang resulta ng imbestigasyon nila sa Mamasapano massacre, dapat ay pumunta sa Mamasapano ang mga senador. Sa imbestigasyon kay Binay ay nag-spot check ang mga imbestigador, kaya dapat ay pumunta din sila sa Mamasapano dahil may narinig sa ibang senador na wala silang kaalam-alam sa kung ano ba ang hitsura ng lugar na pinangyarihan ng massacre. Baka kapag nakita na nila ang kapatagang tinamnan ng mais na tinakbuhan ng mga minasaker, kaya animo ay naging mga practice target sa shooting gallery ay mababawasan na ang mga walang katurya-turyang mga tanong nila na nagpapatagal lang ng imbestigasyon.

Dapat ay sumabay na rin ang mga nagmamagaling na mga kongresista, na todo ang self-introduction bago magtanong. Dahil sa ginawang self-introduction na kumain ng maraming minuto, kaunting panahon na lang ang natira para sa pagtatanong. Nang sitahin na ng moderator, nakipag-away pa. Doon sa Mamasapano, magsawa sila sa kaiimbistiga at sa katatanong…kung gusto nila, mag-overnight pa sila…magtayo ng tents sa gitna ng maisan kung saan ay minasaker ang mga bayaning SAF 44, para ma-feel nila ang ginagawang pag-imbistiga. Sana ma-meet din nila ang mga BIFF upang maimbistigahan din dahil namatayan din daw.

Dapat sumama ang hepe ng BIR upang ma-asses din ang bahay na tinirhan ni Marwan, kung may buwis bang maipapataw, at baka may makita rin siyang iba pa lalo na yong mga nagtitinda ng tilapia, daing na dalag, pastil at tinagtag. Isama si Dinky Soliman kung may dapat bigyan ng mga pinakatago-tagong relief goods na hindi “inubos” (bakit?) ipamigay sa mga biktima ng bagyong Yolanda – kung may natira pa dahil sa nangyaring nakawan na “parang wala lang”.

Sumama na rin dapat si Mar Roxas dahil may mga nagtatanong kung may mga ongoing projects ang gobyerno sa Mamasapano, huwag lang siyang umiyak sa site. May nagtanong din kasi na kung maayos naman ang mga proyekto bakit may mga sumama sa grupo ng terorista (wow!!!). Kailangan ding sumama si de Lima bilang kalihim ng Hustisya for obvious reason. Sumama din ang namumuno ng Human Rights dahil maraming mga taga-roon sa Mamasapano ang namatay, pati na mga MILF at BIFF, at may mga taniman din ng mais na napinsala…kawawa naman ang mga magsasakang kababayan natin na nanginginig pa siguro dahil sa takot. At lalong dapat sumama si Purisima, upang ma-feel niya ang epekto ng “pagpayo” niya kay Napeῆas na huwag makipag-coordinate sa AFP at OIC ng PNP….dahil siya na daw ang bahala sa dalawa!…baka si presidente gusto ring sumama bilang “guest”…pagbigyan!

Huwag na palang isama si senadora Miriam dahil may sakit siya, lalo na at dumadanas ng cancer pain. Dapat siyang alagaan dahil sa hanay ng mga senador, siya lang ang may common sense at tapang na bumato ng mga nararapat na tanong sa mga resource persons. Sapat na yong ginawa niyang matapang na pambabara sa mga taong pakialamero maski suspendido, mga sinungaling at may sakit na kalimot sa Senate hearing na dinaluhan niya. Sana ay gawin niya uli ang pambabara sa susunod na hearing at baka sakaling may bumigay sa mga sinungaling, pagkalipas ng ilang gabing hindi pagkatulog dahil sa bangungot at kurot ng konsiyensiya!

Baka gusto ng mga pumunta sa Mamasapano na umupa ng eroplano ng Cebu Pacific nang makapag-avail ng murang pamasahe, siguraduhin lang nilang hindi sila mapagsarhan ng check-in counter…sigurado magmumura sila! Kailangan pala nilang mag-load sa cellphone dahil baka kailangan nilang mag-text…epektibo “yata” ito kaya may pagtitiwalang ginagamit na komunikasyon pati ng military at PNP….maski sa gitna ng barilan.

Suggestion o payo lang po ito…take it or leave it!

Mga Paulit-ulit na mga tanong ng mga senador…nakakainis na!

PAULIT-ULIT NA MGA TANONG NG MGA SENADOR
…NAKAKAINIS NA!
Ni Apolinario Villalobos

Kahit kaylan, talagang ang mga senador maliban kay Miriam ay nagpapatalbugan sa Mamasapano massacre hearing dahil ang mga tanong na nasagot na ng mga resource persons ay tinatanong pa rin ng mga sumusunod na senador o senadora. Lumalabas na ang mga senador ay hindi nakikinig habang ongoing ang hearing, dahil hindi nila alam na nasagot na pala ang mga tanong nila at na-record na. Malamang na kung basahin ang na-transcribe na mga tanong at sagot, hindi lang doble ang naitala kundi baka triple pa!

Kung ang konklusyon ng Senate hearing ay ibabatay sa naipong mga sagot ng mga resource persons, dapat ay marami na ang mga naipon nila…MALIBAN LAMANG SA IMPORMASYONG MAGTUTURO KUNG SINO O SINU-SINO ANG DAPAT SISIHIN DAHIL PALAGING LIHIS ANG MGA TANONG NA NAPUPUNTA SA MGA ISYU NA HINDI NAMAN SAKLAW NG OBJECTIVE NG HEARING!…SA BANDANG HULI, HINDI NA NAMAN MAIBABAGSAK ANG SISI SA TALAGANG DAPAT SISIHIN.

MABUTI PA SI MIRIAM, NAGBANGGIT NG APAT NA DAPAT SISIHIN – KASAMA SI PURISIMA AT SI AQUINO. ANG MGA KASAMA NIYANG SENADOR AYAW ITUON SA DALAWA ANG TAKBO NG MGA KATANUNGAN.

SINAYANG NA NAMAN ANG ORAS NG MGA SENADOR, PERA NG TAONG BAYAN, AT PAGOD NG MGA RESOURCE PERSONS. ANG SISING-SISI AY MGA REPORTERS NA DISMAYADO…ULI!

Wala Nang Epek ang Pagbatikos sa mga Tiwaling Opisyal

Wala Nang Epek ang Pagbatikos
Sa mga Tiwaling Opisyal
Ni Apolinario Villalobos

Sa pansarili kong pananaw, wala nang epek ang pagbatikos ng mga Pilipino sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno, lalo na ang mga itinalaga ni Pnoy sa mga puwesto. Mabilis ang pag-usad ng panahon at tulad ng dati, ay magugulat na lang tayo dahil 2016 na, mag-eeleksiyon na…bababa na si Pnoy kasama ang kanyang mga “bagahe”.

Ano ang nangyari sa mga anomalya tungkol sa mga hindi maipaliwanag na pagkawala ng limpak-limpak na mga donasyon na dapat sana ay pang-rehabilitate ng Tacloban at iba pang nasalanta ng bagyong Yolanda, at isama pa rito ang mga ninakaw sa isang bodega sa Cebu? WALA! Ni walang narinig kung may nasuspinde man lamang. Ni walang narinig na magandang paliwanag mula kay Soliman.

Nadagdagan ang mga bulilyaso ni Soliman sa paghakot niya ng mga taong kalye sa isang mamahaling resort sa BAtanagas upang makaiwas sa mga paningin ni papa Francis nang dumating ito sa Pilipinas. Sa paliwanag na sinabi niya, inakala niyang ang mga Pilipino ay napakabobo na upang paniwalaan siya! Marami ang nagtatanong tuloy kung magkano ang kinitang komisyon mula sa “proyektong” ito.

Ang Maguindanao massacre case ay usad- pagong. Tulad ng dati, inaasahan na namang may mga palusot na paliwanag si Pnoy bago siya bumaba sa puwesto. Baka pumalakpak pa siya dahil nawalan siya ng malaking sagutin. Ni hindi man lang siya naringgan ng kapirasong salita na magpapakita ng pag-alala dahil sa kakuparan ng kaso. Nadagdagan pa ito ng massacre pa rin sa Mamasapano, Maguindanao kung saan ay pinatay ang 44 na pulis at may nadamay na mga sibilyan. Inaasahan na ang matinding pagtatakip upang hindi masisisi ang sinasabing may pakana at ugat ng lahat ng pangyayari na si Purisima na noon pa dapat nag-resign bilang hepe ng PNP.

Ang isang bagay na napansin sa administrasyon ni Pnoy ay kawalan nito ng “sense of urgency”, ganoong maaari naman siyang makialam upang mapabilis ang pagresolba ng mga kaso. Dahil sa kanyang gawi, ang mga ahensiyang may kinalaman ay pumitik-pitik na rin sa pagkilos. Kaya ang mga proyekto, puro bitin, at nabulgar pa na ang iba dahil sa kakuparan ay nakansela ang nakalaang budget at naging “savings” upang magamit ni Pnoy para sa DAP niya.

Kung ano man ang kahihinatnan ng 2016 election ay talagang nakakabahala. Yong isang taong interesadong maging presidente, nakakarating pa sa Mindanao sa pangangampanya. Ang iba namang may intension ay may kalabnawan ang mga pagkatao, dahil sila mismo ay may mga dapat ding sagutin dahil sangkot din sa mga anomalya.

Ang maaaring gawin ng mga Pilipino sa ngayon ay magmatyag at mag-ingay na lang kung kinakailangan upang makatulong sa pamamahagi ng katotohanan…may kahirapan mang gawin, maski papaano ay may nagagawa.
Tanggalin natin sa isip ang pagkakaiba ng mga Pilipino sa relihiyon dahil iisa ang mukha ng korapsyon, ang gumawa ay Kristiyano man o Muslim. Hindi rin dapat isipin ang rehiyonalismo upang maiwasang magbanggit kung saang probinsiya siya galing. Basta ang punahin ay ang taong nagkamali at ang kanyang pagkakamali, at iwasan na lang ang mga personal na isyu. Isipin na lang natin ang kapakanan ng mga Pilipino sa pangkalahatan.