Sa Amin…sa Mindanao

Sa Amin…sa Mindanao
Ni Apolinario Villalobos

Luntiang kaparangang halos walang hangganan
Kabundukang kahi’t paano’y balot pa ng kagubatan
Mga batis na animo ay musika ang paglagaslas
‘Yan ang Mindanao na ganda’y ubod ng timyas.

Malalagong palay, sa ihip ng hangin ay umiindayog
Mga masisiglang alagang hayop, lahat ay malulusog
Mga halamanang gulay, mayayabong ang dahon
‘Yan ang Mindanao na nabibiyayaan ng panahon.

Maraming katutubo, iba’t ibang makukulay na tribu
Magkakapitbahay ay mga Muslim at mga Kristiyano
Sila’y nagbibigayan, taos-pusong nagkakaunawaan
‘Yan ang Mindanao na may pangakong kaunlaran.

Subali’t kung ang pagkagahama’y biglang umeksena
Ang mga minimithing pangarap, lahat ay nababalewala
Kung bakit naman kasi may mga taong puso’y sakim
At mga adhikaing baluktot na dulot ay paninimdim.

Sa amin sa Mindanao ay masaya at may kasaganaan
Kaya dinayo ng mga tao na ang hanap ay kapayapaan
Nguni’t dahil sa damdaming sakim ng ilang hangal
Nakakabahalang ang tinatamasa ay baka ‘di tumagal!

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno…at ang paghugay-kamay na naman ni Pnoy

Mga Trayduran at Sisihan sa Gobyerno
…at ang paghugas-kamay na naman ni Pnoy
Ni Apolinario Villalobos

Ang massacre ng mga pulis sa Mamasapano, Maguindanao, ay nagpapakita nang kaampawan ng liderato ni Pnoy. Hindi buo…hindi matatag…walang laman – puro hangin…ampaw! Mismong kalihim ng DILG at OIC ng PNP ay hindi alam ang isang malaking operasyon na gagawin ng SAF ng PNP dahil ang target ay isang foreign terrorist na wanted din sa ibang bansa. Ang pagsilbi ng mga naipong warrant of arrest ay isang immediate actionable na responsibilidad na may kaakibat na tactical operation, subalit dahil hindi ito pangkaraniwan, dapat pinaalam din kay Mar Roxas bilang kalihim ng DILG at pati sa OIC ng PNP bilang respeto.

Putok ang balitang ang nagmani-obra ay ang suspendidong hepe ng PNP na si Purisima kaya lalong naging naging kwestiyonable ang lahat dahil ginawang tanga ang itinalagang OIC. Kahit wala pang imbestigasyong ginagawa ay malakas tuloy ang hinala ng lahat na ang tagumpay ng operasyon ay magsisilbi sanang “personal vindication” ni Purisima mula sa mga paratang sa kanya. Ang problema, nag-boomerang kaya lalo siyang nadiin…lalong nalubog sa kahihiyan, kung totoo nga ang mga pumutok na balita na ang pinagmulan naman ay isang heneral. Sa nangyari, dawit uli ang BFF ni Purisima na si Pnoy…na may kakambal yatang kamalasan!

Tulad ng inaasahan, tila may sacrificial lamb na umamin – ang director ng SAF. Subalit bakit hindi niya ginawa ito agad upang maiwasan ang mga ispekulasyon? Pwede namang magpatawag siya ng press conference. Ang ginawang paghintay muna ng director na makapagsalita ang pangulo ay nakakapagduda, dahil gusto yata niyang magkaroon sila ng iisang “tono” ng pangulo – walang conflicting statements. Ibig sabihin, magsi-second the motion na lamang ang SAF Director sa anumang sasabihin ng pangulo, na nangyari nga.

Ang nagmukhang tanga na sina Roxas at OIC ng PNP ay nagkakamot ng ulo, ganoon din ang iba pang mga opisyal ng PNP na hindi rin napagsabihan tungkol sa operasyon. Ang masakit, sila ang pinapaharap sa mga press con kaya sisinghap-singhap habang naghahagilap ng isasagot sa mga katanungan. Malinaw pa sa sikat ng araw na sila ay natraidor! Daig pa nila ang taong binaril at duguan na, ay sinisipa pa, dahil siguradong sila ang babagsakan ng sisi. Magastos na naman sa tubig at sabon dahil sa mga hugasan ng kamay sa Malakanyang! Samantala, ang pag-amin ng direktor ng SAF ay hindi pinaniniwalaan.

Dahil malakas ang pagputok ng pangalan niya sa media, dapat kusang lumabas si Purisima at itanggi ang paratang kung walang katotohanan. Pero wala yatang takot at kaba dahil alam niyang as usual, ay ipagtatanggol siya ng kanyang best friend na si Pnoy! Nakakasakit din sa loob na marinig sa pangulong ituring ang massacre na isang “incident” lamang.

Kung may natitira pang pride o pagmamahal sa sarili si Mar Roxas, ang pinakamaganda niyang gawin ay mag-resign, dahil binibitin din lang siya ni Pnoy kahit sa suporta na kailangan niya (Roxas) pagdating ng eleksiyon sa 2016. Kung magbibitiw siya, baka madagdagan pa ang mga supporters niya dahil sa awa.

Hindi Matatahimik ang Mindanao, kahit may peace agreement na…

Hindi Matatahimik ang Mindanao
kahit may peace agreement na…
ni Apolinario Villalobos

Ang sinasabing massacre sa Mamasapano, Maguindanao noong January 25, Linggo, kung saan ay nasawi ang 44 na pulis at nasugatan ang iba pa, ay palatandaan na hindi magkakaroon ng katahimikan sa Mindanao kahit pa mayroon nang peace agreement. Ang sinasabi ng mga taga-gobyerno at MILF na misencounter daw ay hindi kapani-paniwala dahil inabot ang palitan ng putok ng mahigit sampung oras. Sa paliwanag ng mga eksperto, kung misencounter, dapat sandali lang ang nangyaring palitan ng putok dahil aatras ang isa sa mga grupo kung nakilala nito ang mga kabarilan na hindi naman pala kaaway. Ang nangyari, kahit nakabulagta na ang mga pulis ay pinagbabaril pa ng MILF at pinagnakawan pa!

Ang pakay ng mga pulis ay nasa loob ng teritoryo ng MILF, at ito ay terorista. Hindi puwedeng hindi ito alam ng MILF. Sana, kung gusto ng MILF ay kapayapaan, noon pa lang, sila na mismo ang gumawa ng paraan upang ito ay mahuli at isinurender sa pamahalaan, kahit pa nasa pangangalaga siya ng breakaway group na BIFF. At ang isa pang malaking tanong ay kung bakit hinahayaan ng MILF na manatili ang BIFF sa kanilang teritoryo gayong alam nitong tinutugis ito ng hukbong sandatahan ng Pilipinas dahil ang turing nga ay terorista.

Hangga’t hindi napaplantsa ang mga gusot ng pinag-uusapang Bangsamoro Basic Law, hindi ito dapat lagdaan. Kung sakaling ipilit ang lagdaan kahit hilaw, hindi rin ito maipapatupad agad dahil siguradong may maghahain ng TRO muna na susundan naman ng kaso dahil sa mga sasabihing butas ng mga probisyon. Kung makalusot man, maipatupad at pupunduhan ng malaki, ang mga kritiko nito na hindi nabiyayaan, kahit mga kasama pa ng MILF ay siguradong parang buwitre na aaligid upang makatiyempo ng mapupuna na gagamiting dahilan sa paghihiwalay sa nasabing grupo. Breakaway group na naman na magiging problema ng mga taga-Mindanao!

Ang paghiwalay ng BIFF mula sa MILF ay tanda na hindi malakas at epektibo ang kasalukuyang pamunuan ng huling nabanggit na grupo, kaya asahan, na kung sakaling makalusot at matuloy ang peace agreement, ay may iba pang grupong titiwalag at hahasik ng perhuwisyo. Ilan pa kayang breakaway groups ang mabubuo?

Ang nakakabahala ay kung sakaling mayroon na ngang Bangsamoro sa Mindanao, pero may mga breakaway at terrorist groups na hindi kayang masawata ng MILF, siguradong dito magtatago ang mga terorista na maghahasik ng perhuwisyo sa ibang panig ng bansa. Maaaring Bangsamoro na ang gagamiting sentro sa paggawa ng mga bomba na gagamitin sa terroristic activities sa bansa. Sa simpleng salita, gagawing “hideout” ng mga terorista ang Bangsamoro kung saan sila ay untouchable. Ang pagtago ng matagal ng isang foreign terrorist sa balwarte ng MILF ay isang malaking pruweba na maaaring mangyari itong agam-agam. Kaya ano pang kapayapaan ang maaasahan ng mga taga-Mindanao?

Walang aasahang pagsuplong sa mga nakatagong terorista. Kaya bang isuplong ng isang anak ang kanyang ama?…ng isang pinsan ang kanyang pinsan?…ng isang pamangkin ang kanyang tiyuhin na nagpalaki sa kanya?….ng isang asawa ang ama ng kanyang mga anak? MAS MALAPOT ANG DUGO KAYSA TUBIG…na ibig sabihin ay, “blood is thicker than water”.