Malaki ang Badyet sa Edukasyon…palpak naman ang sistema

Malaki ang Badyet para sa Edukasyon

…palpak naman ang sistema!

ni Apolinario Villalobos

Malaki na naman ang badyet para sa edukasyon sa taong 2015 na nagpangisi sa mga tiwaling opisyal ng mga kagawarang may kinalaman dito dahil may makukurakot na naman sila. Subalit sa kabila ng laki ng badyet na itinatalaga para sa edukasyon, na tinapatan pa ng badyet ng DSWD para kuno sa mga mahihirap na pamilyang may pinaaaral sa elementarya, ay nakapagtatakang lalo pang lumobo ang bilang ng mga batang hindi nakakapag-aral.

Kung talagang seryoso ang gobyerno sa pagpa-angat ng kalidad ng edukasyon at pagbawas sa bilang ng mga out-of-school youth, dapat linisin ang DEPEd at CHeD – tanggalin ang mga tiwaling opisyal. Alam naman ng lahat na hindi lang sa Senado at Kongreso may ala-Napoles na mga kinurakutang transaksyon. Noon pa man ay kalat na ang usapang may katiwalian sa pagpapalimbag ng mga aklat, halimbawa, dahil sa ginagawang pangungumisyon ng ilang opsiyal. Bakit hindi ito imbistigahan ng mga mambabatas?

Ang pinakahayag na katiwalian ay ang pag-convert ng mga textbook sa workbook. Dahil diyan ay hindi na naipapasa o naipapahiram ang mga textbook sa mga batang hindi kayang bumili. Nagmistulang test paper ang mga textbook dahil sa mga tanong sa bawat huling bahagi ng mga tsapter. At ang mga bata naman ay halos makuba sa bagbibit ng sangkaterbang mga aklat na maaari naman sanang iwanan sa bahay pagkatapos pag-aralan.

Ang mga opisyal ng mga kagawaran ng edukasyon ay animo nakikipag-usap sa hangin tuwing may ipapalabas silang mga patakaran dahil halos hindi naman sila pinapansin ng mga opisyal ng mga eskwelahan. Isa sa mga isyu ay tungkol sa pag-abuso ng maraming eskwelahan sa kabuluhan ng Educational Tour. Mayroong mga eskwelahan na kabubukas pa lamang ng klase ay nagpatupad na agad nito. At ang matindi ay ang pagsali ng shopping mall o resort sa listahan ng mga destinasyon ng mga estudyante. Ang estudyante namang hindi sasama dahil walang magagamit na pera ay tinambakan ng mga requirements na halos doble din ang gagastusin upang magawa…lumabas tuloy na parang pinatawan sila ng parusa!

Bukod sa walang silbing Educational Tour, ay marami ring mga pinapagawang “project” sa mga bata – mga bagay na alam naman ng mga guro na ang mga gumagawa sa bahay ay mga magulang. Subalit may mga magulang na tumutulong lang talaga sa mga anak. May mayayabang lang na mga magulang na mismong gumagawa para lumabas na magandang-maganda ang project, kaya hindi na nakakapaniwala na kayang gawin ng bata. Ang ibig kong sabihin, ay hindi makatotohanan ang mga projects na binibigay sa mga bata, kaya ang karamihan ay wala ring natutunan.

Tukoy na ng mga kagawaran ang problema sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas, at marami na rin ang mga bumabatikos, subalit mahigit kalahating dekada na ang lumipas ay wala pa ring nabago. Ang mga textbook na giwang workbook, andiyan pa rin. Pinalala pa ang kapalpakan dahil ang mga pahina ay hindi na nawalan ng mga mali – spelling at mga impormasyon mismo. Ang mga Educational Tour ay namamayagpag pa rin, lalo pang umarangkada dahil may kasama nang biyaheng gamit ay eroplano, hindi lang bus.

Dahil sa malaking gastusin sa pagpapaaral ng mga anak, ang mga magulang na ang buhay ay isang kahig-isang tuka, ay nagpasya na patigilin ang mga anak nila sa pag-aral, at sa halip ay pinatulong na lang sa pangangalahig ng basura sa tambakan upang may pambili ng bigas man lang. Dahil sa ginawa nilang ito ay sinisisi sila ng gobyerno na sa isang banda naman ay nagpabaya sa pagpabuti ng sistema.

Hindi mahirap unawain kung bakit padami nang padami ang mga batang hindi nakakapag-aral, dahil alam na ng lahat ang mga dahilan – ang kahirapan sa buhay at katiwalian…na ang solusyon ay hindi abot ng tanaw! At, sa kagawaran ng edukasyon, hindi lahat ay masasabing tiwali, dahil marami rin namang hindi sumasang-ayon sa kanilang nakikita subalit wala silang magagawa dahil wala silang kapangyarihan bilang mga karaniwang kawani.

“Bahay namin ito…”

“Bahay namin ito…”

Ni Apolinario Villalobos

Nang bumili ako ng kendi sa isang babaeng nakaupo malapit sa isang kubol na puno ng mga itinambak ng balutan, ay napatingin ako sa dalawang batang lalaki na nagsisiksikan sa kapirasong espasyo sa ilalim ng habong na nag-iisang kumot. Ang isa ay nagbabasa ng libro na pang-elementarya habang nakahiga, at ang isa naman ay nagsusulat sa isang notebook. Napansin ako ng nagsusulat na bata at walang kagatul-gatol na nagsabing “bahay namin ito…” sabay ngiti. Nang tingnan ko ang babae, bahagya itong tumango. Nang tanungin ko siya kung ano niya ang mga bata, mga anak daw niya. Ang gulang ng babae ay kalalampas pa lang sa kuwarenta at ang mga batang halos magkasunod ang gulang ay nalaman kong sampu at labindalawang taon. Nang magtanong ako kung saan ang asawa niya, sabi niya ay namatay daw sa kasagsagan ng bagyong Yolanda sa Tacloban.

Nakitira daw sila sa pinsan niya sa di-kalayuang squatter’s area subalit hindi sila tumagal dahil nalaman niyang nagtitinda pala ito ng aliw sa isang beerhouse sa Airport Road sa Baclaran at naaasiwa siya tuwing magdala ito ng kostumer sa bahay. Ganoon ang style ng pinsan niya upang ang pang-hotel ay ibigay na lang din sa kanya ng kostumer. Kahit walang mapuntahan, nag-alsa balutan sila at hinakot ang mga gamit na pansamantalang inilagak sa tabi ng pader ng isang bakanteng lote. Kalaunan, dahil talagang walang mapuntahan, sinubukan nilang maglagay ng mga habong gamit ang ilang kumot. Ang ilang araw ay naging mga linggo hanggang inabot na sila ng halos isang taon sa lugar na yon. Nagtinda siya ng sigarilyo, kendi, mga biskwit at kape sa tabi ng kanilang “bahay”. Dala ang referral para sa transfer ng mga bata, naipasok niya ang mga ito sa isang paaralan na ang layo ay pwedeng lakarin.

Nang umagang yon, nagluluto ang babae ng paksiw na dilis na sasapawan niya ng talbos ng kamote. Nakita ko sa isang tabi ang dalawang balot ng tutong na kanin, na sabi niya nabili niya sa suking karinderya, hindi rin kalayuan. Noong una ay binibigay lang daw sa kanya ang tutong, subalit nahiya na rin siya bandang huli dahil palaging nagpaparinig ang anak ng may-ari ng hindi maganda. Ang tawag pa sa kanya ay Badjao. Tiniis na lang niya at nagbayad ng limang piso bawat balot ng tutong na marami naman. May nililinis daw siyang dalawang puwesto sa talipapa at maayos naman daw ang bayad sa kanya, at kung minsan ay binibigyan siya ng tirang isda, tulad ng niluluto niyang dilis nang umagang iyon.

Sa inasal ng mga bata sa kubol ay sumagi sa isip ko ang mga kasinggulang nila na halos ayaw pumirmi sa bahay. Sa halip ay mas gusto pang magbabad sa internet shop upang maglaro. Naalala ko rin ang isang kaibigan kong madalas magreklamo dahil sa taas ng kuryente gayong hindi naman pinapatay ang TV kahit walang nanonood. Minsan pa ay muntik na silang masunog dahil sa kaburarahan niya sa pag-iwan ng plantsang hindi binunot ang kurdon sa saksakan. Naalala ko rin ang mag-asawa na madalas mag-away dahil gusto ng babae ay palitan ang kotse nila ng mas bagong modelo kahit ang ginagamit nila ay wala pang isang taong nabili. At, ang isa pang sumagi sa isip ko ay ang kuwento ng kumpare ko tungkol sa hindi pagpipirmi ng asawa niya sa bahay dahil lakwatsera. Hindi man lang daw ito nagluluto, sa halip ay bumibili lang daw ito ng pagkain nila sa karinderya.

Noong pasko, natuwa ang mga bata sa ibinigay naming ilang pirasong recycled na mga notebook, mga lapis at ballpen, mga bag na second hand, at mga t-shirt na nabili sa ukay-ukay. Ang nanay naman ay tuwang-tuwa sa body bag na noon pa niya pinangarap na magkaroon dahil sa trabaho niya. Natuwa rin siya sa thermos na pandagdag gamit sa pagtinda niya ng kape. Kahit pangako pa lang, napaiyak ang babae nang marinig na pag-iipunan namin ang pamasahe nilang mag-iina pauwi sa Tacloban kapag bakasyon na ang mga bata sa klase, sa Marso. At, dahil hindi pa pala sila nakapasyal sa Luneta, ay isinabay namin sila sa isa pang pamilya na dinala namin pagkalipas ng pasko upang makaiwas sa dagsa ng namamasyal.

Hindi na nabura sa isip ko ang may pagmamalaki ng bata sa pagsabi na bahay nila ang kubol na may kapirasong habong, kaya tuwing ako ay papasok na sa bahay ko, nagpapasalamat akong may nauuwiang tirahan na ang bubong ay yero, may mga dingding, pinto, bintana…at may kubeta!

Ang Pagkikita sa Vitaliz Compound….tungkol ito kay Guate

Ang Pagkikita sa Vitaliz Compound

…tungkol ito kay Gaute

Ni Apolinario Villalobos

Ang pangyayaring ito ay maaaring mangyari sa kahit kaninong grupo ng magkakaibigan na sa tagal ng panahon ay hindi nagkita. Ang kaibahan lang dito ay mga pangalan at lugar na pinangyarihan, at ang dahilan ng pagkikita. Subalit ang hangaring magkita ay nananatiling nag-iisa sa bawa’t puso ng magkakaibigan. Sa pagkakataong ito, ang dahilan ng pagkikita ay si Guate at nangyari sa payak niyang tirahan sa Vitaliz Compound, Baltao, sa Pasay City.

Nagkita muna ang magkakasama dati sa Philippine Airlines sa isang restaurant malapit sa lumang domestic airport upang doon ay sariwain ang mga nakaraang araw nila sa nasabing airline at upang makakain na rin dahil sa susunod nilang pupuntahan ay walang makakain. Kasama sa pinag-usapan si Guate na mahalagang bahagi ng kanilang samahan mula sa Administrative Offices Building (AOB), tapat ng lumang domestic airport, hanggang sa Vernida Building, Legaspi St., Makati.

Hanggang sa pagiging paksa na lamang si Guate dahil nakaratay ito at hirap nang kumilos. Isa sa pinag-usapan ng magkakaibigan ay kung paano silang makatulong sa kanya, sa pamamagitan ng pera o bagay. Sa madaling salita ay nag-ambagan sila ng pera upang mapandagdag sa araw-araw na gastusin ni Guate na ang SSS pension ay wala pang Php8,000.00 – kulang pang pambili ng gamot at gasa(gauzed) para sa kanyang bedsore.

Pagkatapos mananghalian ay pumunta na sa Vitaliz compound sina Gil Carolino, Rosy Dizon at kanyang anak, Tess Bulatao, Corrie Aguirre, Joe Clemente, mag-asawang Rudy at Lita Magsino na galing pa sa Legaspi City, Roam Farol na galing pa sa Estados Unidos at bitbit ang oxygen tank na hugis shoulder bag na ang dulo ng tubo ay permanenteng nakakabit sa ilong, Alice San Juan, Boy Reyes na lumiban pa yata sa isang importanteng appointment, ganoon din si Arnul Pan, at siyempre si Mai Jovida na siyang pinaka-“ina” ng tropa at nagsisilbi ding leader ng “Prayer Warriors” ng PAL. Ang wala sa grupo subalit nagpaabot ng tulong ay si Lino Zapanta na dating presidente ng PAL, Jam Ang ng PESALA, at Perla Parales-Onrubia na nasa Amerika. May nag-abot din ng tulong kay Cathy, ang matiising “caretaker” ni Guate.

Tiniis ng grupo ang alinsangan sa loob ng maliit na tirahan ni Guate, at dahil sa liit nga ay tatlo lamang ang nakaupo, ang iba ay nakatayo na. Sa kagustuhan ng lahat na hindi makalimutan ang makabagbag-damdaming pagkikita, ay nagtiyagang magkodakan sila kahit na nagkakabanggaan ang mga siko.

Sa ginawang reunion ng grupo ay talagang todo tiis ang bawat isa dahil sa trapik na sinuong makarating lang sa restaurant muna at sa Vitaliz Compound. Si Rosy ay nakiusap sa anak na ipag-drayb siya, at si Gene naman ay may kalabuan ang mga mata kaya palaging kasama si Maggie ang magandang asawa. Si Mai ay sa Antipolo pa nakatira. At, si Gil ay may inaalagaang asawang nakaratay din tulad ni Guate. Kaya, pagkagaling kay Guate, ang grupo ay dumiretso na rin sa bahay ni Gil upang asawa naman niya ang bisitahin.

Gusto ko lang ipabatid na ang mga naglagareng magkakasama sa grupo ay hindi na kabataan ang mga edad at dapat ay nagpapahinga sa kani-kanilang bahay. Subalit dahil sa hila ng pagkakaibigan, nagawa nilang tiisin ang init, alikabok, at trapik upang hindi mabura sa isipan nila at bagkus ay masariwa ang nagdaang samahan.

Walang katumbas na pera ang magandang samahan, kaya ang mga hindi nagkikita nang personal ay nagpapasalamat sa social media tulad ng facebook na siya nilang ginagamit upang makipag-ugnayan sa isa’t isa.