Dusa ang Hindi Pagsagot Agad sa Tawag ni Inang Kalikasan

Dusa ang Hindi Pagsagot Agad

Sa Tawag ni Inang Kalikasan

Ni Apolinario Villalobos

Talagang dusa ang aabutin ng isang tao kapag pinigilan niya nang matagal ang pagdumi at pag-ihi. Hindi lang ga-munggong pawis ang biglang lalabas sa katawan, kundi pati mga santong hindi niya natatawag ay kanyang maalalang tawagin. Mapapagkamalan pa siyang namatanda dahil bigla siyang maninigas sa pagpigil…ni hindi makaubo kahit bahagya. Pati mukha ay mawawalan ng ekspresyon at ang mga mata ay halos lumuwa, sa pagpigil pa rin. Mawawala din para sa kanya ang halaga ng pera dahil ibibigay niyang lahat na laman ng pitaka sa makapagtuturo ng pinakamalapit na kubeta! Alam ko…dahil lahat nang yan ay nadanasan ko. Kaya baka pwedeng tumigil na ang nagbabatikos sa MMDA sa plano nitong pagpagamit ng diapers sa kanilang traffic constables.

Noong minsang ako ay pupunta sa Taytay, Rizal, madaling araw pa lang ay umalis na ako sa bahay dahil malayo ang tinitirhan ko at upang makaiwas na rin sa trapik. Pagdating ko sa Crossing, Mandaluyong ay nakaramdam ako ng hilab ng tiyan. Dahil maaga pa, wala pang bukas food outlet na may maayos na CR tulad ng Jollibee. May nadaanan akong pamilyang nakatira sa bangketa, may maliit na kubol, mabuti at gising na ang mag-asawa. Nang sabihan ko sila ng problema ko, ibinuluntaryo agad ang arenola nila na hind pa naman daw nangalahati ng ihi. Ginising nila ang anak nila upang lumabas sa kubol at upang sa loob nito ako gumawa ng ritwal. Nang makaraos ako, binigyan ko sila ng pera at ipinamalengke pa sa nadaanan kong talipapa. Nakakabilib ang pagka-Kristiyano nila!

Minsan naman sa isang mall, inabot din ako dahil sirain talaga ang tiyan ko, maselan sa pagkain. Mabuti na lang maagap ang CR attendant sa pagbigay ng mga kailangan ko tulad ng tissue paper at tubig. Ang masaklap lang, kung kelan dumami ang pumasok sa CR, saka naman nagsimulang mag- “may I go out” ang mga pinigilan ko…at installment na nga ay may mga sound effect pa, kaya panay pagsabi ko ng “sorry”, kada may batch na lalabas. Nang lumabas ako sa cubicle, nagkaroon ako ng maraming kaibigan! Gusto daw nilang makita kung sino ang magalang na delivery man!

Noong umiinom pa ako ng alak, nagpilit akong umuwi kahit halos hindi na ako makagulapay sa kalasingan. Habang nag-aabang ng taxi, palakad-lakad ako sa paghanap ng maiihian. May nakita akong parang pader sa isang maliit na eskinitang madilim, kaya pumuwesto ako. Kung kaylan nagsisimula na ako ng ritwal ay saka nagbukas ang iniihian kong “pader”…gate palang bakal na ang pintura ay kakulay ng pader. Babae ang lumabas…sabay kaming tumakbo, siya pabalik sa loob, ako palayo!

Noong umiinom pa rin ako ng alak, nakatulog ako sa bahay ng kumpare ko dahil sa sobrang kalasingan. Sa isang kuwarto ako pinatulog. Nang madaling araw na, gumising ako upang umihi. Sa pagkapa ko sa dilim, may nabuksang pinto, at dahil akala ko CR, umihi na ako kahit halos pikit pa rin ang mga mata. Nang mag-umaga na, nalaman ko na ang inihian ko pala ay cabinet!

Nang minsan namang sumakay ako sa bus na galing sa Antipolo papuntang Divisoria, nagtaka ako kung bakit ang mga pasahero ay sa harapan banda nakaupo maliban sa nag-iisang babae na nasa pinakalikurang upuan. Ang bus ay dumaan sa isang gasolinahan kung saan bumaba ang mga pasahero, at huling bumaba ang babae na inabot pala ng pagdumi sa pantalon. Dumaan siya sa harap ko na taas noo pa rin, at pagbaba ay dumiretso sa CR ng gasolinahan. Naisip siguro niya na wala siyang pakialam sa ibang tao, hindi naman siya kilala, at ang importante ay nakaraos siya….pero napansin kong maganda siya.

Dahil sa trabaho ko noong panay biyahe sa mga probinsiya, may napuntahan akong maliit na bayan ngunit may nag-iisang maliit na pension house naman. Ang problema lang ay ang kubeta na barado. Mabuti na lang at ang pension house ay halos nasa tabing dagat. Tuwing tawagin ako ni Inang Kalikasan, nagbibihis agad ako ng panligo upang kunwari ay mag-swimming kahit halos hatinggabi na. Ganoon din sa madaling araw kahit sagad hanggang buto ang ginaw. Dahil sa ginagawa ko, bilib sa akin ang staff ng pension house…mahilig daw akong mag-swimming, nature love daw ako!…kung alam lang nila….

Batay sa mga nadanasan ko, mahalagang magdala ng tissue paper, alcohol, ilang plastic bag, lalo na pang-LBM na gamot tulad ng diatabs o lomotil. Kung walang mapaglagyang bag, irolyo ang tissue paper at ilagay sa bulsa kasama ang maliliit na plastic bag, ang alcohol na dadalhin ay yong pinakamaliit na bote para kasya sa bulsa. Ang mga gamot naman ay kasya na sa coin purse. Sa pupuntahang lugar na pampubliko, alamin agad kung saan ang kubeta, kung ito ba ay malinis at hindi barado. Kung titigil naman sa hotel, i-check kung barado o hindi ang kubeta. Sa may planong magbiyahe, agahan ang paggising upang magkaroon ng sapat na panahong sumagot sa tawag ni Inang Kalikasan sa loob ng animo ay sagradong maliit na kuwartong may upuan na ginhawa ang dulot pagkatapos gumawa ng ritwal. Halimbawa, kung ang alis sa bahay ay alas-singko ng umaga, dapat ang gising ay alas-tres man lang, para magsawa sa kaka-cleansing bago lumabas ng bahay.

Kailangan ang sakripisyo para makaiwas sa “pagkabigla” kung nasa labas na ng bahay…huwag matigas ang ulo!

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s