Ang Demokrasya ay Da Best…kung hindi ito aabusuhin

Ang Demokrasya ay Da Best

…kung hindi ito aabusuhin

ni Apolinario Villalobos

Da best talaga ang demokrasya dahil sa pagkilala nito sa mga karapatan ng mga tao, kung ihahambing sa diktatorya na pagsupil naman ang pinaiiral. Ang problema lamang ay inaabuso ang demokrasya sa pamamagitan ng paggamit sa karapatang pangtao bilang sangkalan.

Hindi lahat ng sinasabing karapatan ay talagang karapatan, kundi pribilehiyo na maaaring tanggalin. Dito madalas nagkakaroon ng hindi pagkakaunawaan.

Isang malawakang protesta sa Amerika ang nangyayari ngayon dahil sa pagkapatay ng pulis sa isang negrong tin-edyer. Subali’t ang tiningnan lamang ay ang huling insidente na pagkabaril ng tin-edyer. Hindi na tiningnan ang pinag-ugatan ng mga pangyayari na ayon sa imbestigasyon ay pinatatabi daw ng pulis ang tin-edyer at mga kasama nito dahil sa gitna sila ng kalsada naglalakad, at kaya daw nasa lugar ang pulis ay upang mag-imbistega sa isang nakawan sa convenient store. Ang mga tin-edyer ay galing sa convenient store at may mga hawak na sigarilyo na sinasabing kasama sa mga ninakaw sa nasabing tindahan. Ni hindi pinagdudahan ng pulis ang mga tin-edyer…pinalilipat lang sila sa sidewalk upang hindi masagasaan ng mga sasakyan, subalit sa halip na sumunod ay may kayabangang ininsulto pa nila ang pulis sa pamamagitan ng mga bastos na aksyon at mga salita. Umabot sa komprontahan ang lahat, hanggang sa mabaril ng pulis ang tin-edyer na lumalaban na sa kanya. Na-identify ang mga tin-edyer na siyang nagnakaw sa convenient store. Subalit ang protesta ng mga negro doon ay dahil nilabag daw ng pulis ang karapatan nila. Ito ba ang demokrasya? Ang kawalan ng disiplina ng mga kabataan dahil sa kapabayaan na rin ng mga magulang?

Sa pagdating ng santo papa, naisipan ng MMDA na upang hindi mahirapan ang mga traffic constables nito ay pagsuutin sila ng adult diaper. May pumalag na isang grupong makabayan daw. Paglabag daw ito sa karapatan ng mg constables dahil dapat daw ay pairalin ang karapatan nila sa pagsagot sa tawag ng kalikasan – kung kailangang umihi, dapat umalis muna sa puwesto. Hindi naisip ng grupong ito na ang magiging sitwasyon pagdating ng santo papa ay hindi pangkaraniwan na kailangan ay tapatan ng mga hindi rin pangkariwang mga kaukulang plano. May nagsasabi pa na magiging sanhi daw ang diaper ng rashes at UTI o urinary tract infection….WOW! At sa pagpalit ng diaper ay gagahol din ng oras….WOW pa! Ang mga taong masaya na sa pagsalungat ay parang hindi nag-iisip. Sinabi na kasing ang mga diaper na ipagagamit ay tumatagal hanggang sa tatlong beses na ihian. At siyempre, ang pagpalit ng diaper ay kung wala na sa puwesto ang constable dahil may karelyebo na at hindi naman aabutin ng dose oras. Ito ba ang demokrasya? Ang pagsalungat na lang sa LAHAT ng bagay, masabi lang ng mga grupong ito na sila ay makabayan? Piliin naman sana nila ang dapat salungatin!

Hindi ko sinasabing LAHAT ng pulis ay mabait, dahil mayroon ding mga tiwali. Subalit sa pagpapatupad nila ng kanilang mga obligasyon sa maayos na paraan, dapat sila ay sundin. Hindi ko rin sinasabi na walang karapatang magkwestiyon ang mga grupong makabayan, subalit piliin nila ang dapat salungatin. Nasusulsulan tuloy nila ang mga taong mahilig lang sumakay sa mga isyu.

Ang Pilipinas ngayon dahil “malayang-malaya”… ano ang kalagayan? Ang mga ibinoto ng binayarang mga botante ay “malayang” nakapagnakaw sa kaban ng bayan! Dahil sa kaluwagan ng COMELEC at mga batas sa pagpatupad ng mga patakaran ng eleksiyon, pikit- mata na lamang ang mga lokal na opisyal kung may bilihan ng botong nangyayari. May mga taong nahuli sa aktong gumawa ng krimen, subalit “malayang” nakapagpiyansa sa tulong ng magagaling na abogado…karapatan daw nila ito, kaya ang mga biktimang mahihirap ay naiwang nakanganga! Ang mga gahamang negosyante ay “malayang” nakakapagmanipula ng mga presyo ng kanilang kalakal…karapatan daw nila ito dahil may mga kalakal namang deregulated ang presyo. Ang mga drug lords, kahit na nasa loob ng kulungan ay higit pa sa “malaya” kung umasta dahil sa kaluwagan ng mga patakaran upang hindi daw malabag ang kanilang karapatan….WOW!

May mga grupong maingay sa pagprotesta laban sa mga basura, subalit kaliwa’t kanan naman kung magtapon sila ng dumi habang nagra-rally sila. Ang basurang mula sa bahay nila, malamang hindi nila naitatapon ng maayos. May mga Pilipinong nagrereklamo sa matataas na presyo, subalit ayaw naman nilang pumili ng paraan upang sila ay makatipid. Halimbawa ay ang pagpilit nilang kumain ng mga karne araw-araw kahit mahal, ganoong pwede namang gawing isang beses isang linggo. Ayaw bumili ng NFA rice dahil pangmahirap daw. Mas gusto ang sariwang isda, ayaw ng sardinas dahil walang class!

Hindi ko sinasabing maging komunista ang Pilipinas. Nilalahad ko lamang ang ilan sa mga sitwasyon na naging resulta ng pag-abuso ng demokrasya. Tulad ng gamot na nakakapagpagaling subalit nagiging lason kung hindi maayos ang paggamit, ang demokrasya ay ganoon din…nawawalan ng saysay dahil sa pag-abuso, sa halip na magbigay ng ginhawa sa mga tao.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s