Ang Pagpapakatotoo bilang
Probinsiyano o Pilipino
Ni Apolinario Villalobos
Hindi ito pamumuna upang makasira, bagkus ay upang makapagbukas ng isip o makapitik ng huwesyo upang magising sa katotohanan ang mga nagmamaang-maangan.
Karaniwang tampulan ng tukso ang mga taong mapagkunwari at ipinaglihi yata sa kayabangan, tulad nang mga galing sa probinsiya na nakapagbakasyon lang sa Manila ng isang buwan ay nakalimutan nang magsalita sa sariling dialect pag-uwi sa kanila. Ang iba ay ayaw na ring kumain ng nakalakhang kaning lamig, o binanliang talbos ng kamote, at ang gusto ay fried rice at ginisang kung anu-ano.
Sa halip na makibahagi ng mga dagdag kaalaman sa mga ka-probinsiya, ay may kayabangan nilang ikinukuwento ang mga bagay-bagay na dulot ng kaunlaran sa isang malaking lunsod, na para sa mga taga-probinsiya ay parang kamangha-mangha. Subalit hindi lahat ng mga taga-probinsiya ay tanga, dahil ang iba ay nakakaramdan kung ang pagkukuwento ay may kayabangan na kaya madalas ay may halong kasinungalingan at ang pakay ay magpabilib, o di kaya ay simpleng pamamahagi na ang pakay ay para sa dagdag kaalaman ng mga kausap.
Yon namang nakarating sa Amerika na ang layunin ay maghanap ng trabaho subalit hindi pinalad kaya napaistambay at sinagad na lang ang palugit ng itinatak sa passport bilang turista, pagbalik sa Pinas ay speaking English na, at kung magsalita man sa sariling dialect, mas marami pa ang salitang English. Kung minsan, ay sinasadyang kunwari ay nadudulas sa pagsabi na “doon sa amin sa US…”, o di kaya ay “our city mayor there….”. Ang masakit sa tenga ay ang pagta-trying hard nila sa pagsalita ng English na kung hindi mali ang punto ay mali ang pagkabigkas, at dinadaan na lang sa pag-“slang”, o sa salitang kanto ay pa-“worsss worsss”.
Ang mga ibinibahagi ko ay batay mismo sa mga naranasan ko sa mga kaibigan ko. Sa kagustuhan kong magising ko sila sa katotohanang nakabalik na sila sa Pilipinas o sa probinsiya ay pilit akong sumasagot sa sarili naming dialect kapag nakipag-usap sa kanila. Subalit ayaw pa rin nilang paawat, kaya hinintay ko na lang na mawala ang culture “hang over” nila…mabuti na rin at nagtalsikan ang tutule ko sa pagtiyaga kong pakikinig sa kanila. Nangyari itong mga karanasan ko noong sa probinsiya pa ako, at kahit nasa Manila na ako. Naghihinagpis na lang ako kapag umalis na ang kausap kong nagwo- “worsss worsss”.
Ito ang hindi nakakabilib: ang isang babaeng traffic reporter ng isang malaking radio station na ang pangalan ay isang letrang inuulit-ulit, sa kagustuhang magpahiwatig sa mga nakikinig na magaling siyang mag-English, kung mag-Tagalog na siya ay puntong English pa rin o “slang”….yan ang trying hard at mapagkunwari. Kung talagang magaling siya, ang dapat niyang ginagawa ay mag-“slang” kung English ang gamit niya, at magpuntong Tagalog siya kung Tagalog na ang gamit niya. Mali ang ginagawa niyang pagpa-“slang” ng Tagalog, para lang masabing mas sanay siya sa pagsalita ng English na siya yatang gusto niyang mangyari. Kung hindi lang mahalaga ang impormasyon sa trapik na hinihintay kong i-broadcast, ay hindi ako magtitiyagang makinig sa “worsss worsss” na traffic reporter.
Hindi dapat ikahiya ang sariling dialect o pambansang wika. Napakagandang katangian din ang magkaroon ng dagdag kaalaman sa ibang wika lalo na kung bihasa na sa mga ito.
Nakakabilib ang isang taong maraming alam na salita – language man o dialect, lalo na kung kaya niyang magsalita sa tamang bigkas o punto ng mga ito. Hindi magandang pakinggan ang isang taong nagsasalita na ng Tagalog o anumang dialect ay nagta-trying hard pa rin sa puntong English o ibang wika. Sa isang banda, hindi masakit sa tenga kung pakinggan ang pagsalita ng English o ibang wika sa punto ng Tagalog o anumang dialect ng Pilipinas, dahil talagang likas na nangyayari ito, ibig sabihin ay excusable dahil hindi naman tayo Amerikano, o Italyano, o Aleman, o kung ano pa man.
At ang pinakamahalaga pa rin, huwag ikahiya ang sariling kultura, sa lebel man na pamprobinsiya o pambansa. Halimbawa, ang isang taga-Bicol na dumayo sa ibang probinsiya ay hindi dapat makalimot sa mga nakalakhang pagkain, ganoon din ang Bisaya o Ilocano o Tagalog. Nakakatulong sa ating mga bagong kaibigan kung naibabahagi natin sa kanila ang nakalakhan nating kultura. Ang mga Pilipino naman na dumayo sa ibang bansa, dapat ay huwag makalimot sa mga pagkaing Pilipino pagkatapos makatikim ng “angus steak”. Yong iba kasing nakauwi sa Pinas ay naghahanap na ng “slimy veggie”…nakalimutan nang ito pala ay saluyot, o di kaya ay “spiny veggie” o wild spinach…na ibig lang palang sabihin ay kulitis! Huwag namang ganyan…