Tao Pa rin ang Magdadala Para sa Kaayusan ng Bansa…hindi batas

Tao Pa rin ang Magdadala

Para sa Kaayusan ng Bansa…hindi batas

Ni Apolinario Villalobos

Maski may magagandang batas ang Pilipinas, kung hindi ito naipatutupad ng maayos ng mga dapat magpatupad, ang mga ito ay mawawalan rin ng silbi. Kaya lumalabas na ang tao pa rin na may maayos na takbo ng isip at magandang ugali ang kailangan. Sa buong mundo, bukod tanging Pilipinas ang may pinakamarami at pinakamagandang mga batas na naipasa. Sa kasamaang palad, hanggang papel lamang ang mga ito. Sa mga hindi naipatutupad, ay idinadahilan ang kawalan ng budget para sa support facilities. Sa mga naipatutupad, hindi naman maayos ang pagsasagawa dahil sa umiiral na corruption.

Walang batas na hindi nakikitaan ng butas na nasisilip ng mga corrupt na tagapagpatupad upang pagkitaan nila. Halos lahat ng batas ay napapaikutan ng mga tiwaling opisyal ng gobyerno. Ang mga mambabatas namang tiwali ay sinisiguro na may pakinabang sila sa mga batas na ipinapasa nila….sinisiguro nila na may mga probisyong maaari nilang paikutan upang kumita, at kung hindi man sila ay ang mga kaalyado na gagamit ng mga batas na ito.

Halimbawa na lamang ay ang mga batas para sa mga infra-structure project ng gobyerno na kung hindi dahil sa anomalyang kinasangkutan ng mga Binay ay hindi nabistong marami palang butas. Ang mga batas sa pagpapatupad ng mga proyekto sa pamamagitan ng non-government organizations (NGO) ay ganoon din, kaya lumitaw din ang eskandalo ng mga ghost NGO at proyekto ni Napoles.

Ang mga batas sa recruitment ng mga pulis ay nakitaan din ng mga butas kaya nahaluan ng mga tiwaling bagong pulis ang hanay ng kapulisang matino. Ang mga pamimili ng gamit para sa mga ahensiya, lalong nakitaan ng maraming butas kaya hindi maaaring walang kumita dahil sa malalaking patong.

Sa isang banda, kahit may mga diperensiya sana ang mga batas na pinatutupad, hindi pa rin magiging dahilan ang mga ito upang pumalpak ang pagpapatakbo ng gobyerno kung matino ang mga opisyal na nagpapatupad. Maaayos naman sana ang makikitang diperensiya, sa tulong ng mga imbestigasyon para sa ikabubuti ng mga batas na naipasa na, o yong sa Ingles ay “investigation in aid of legislation”. Subalit hinihintay pang may mga kumita o nangurakot at nagkabistuhan bago gawin ang mga imbestigasyon. Dahil “reactive” at hindi “preventive” ang uri ng gobyerno, patung-patong na mga pinsala ang hinahayaang mangyari muna bago kumilos ang mga kinauukulan upang “mag-imbistiga”.

Para sa mga kagawarang nakitaan ng katiwalian, hindi sapat ang pagpapasa ng mga bagong batas o pagbabago ng mga palpak na umiiral nang batas upang mapatino ang mga ito. Sa bandang huli, kahit pakialaman pa ng Diyos ang paggawa ng mga batas kung isip kriminal at kurakot ang mga magpapatupad ng mga ito, parang wala ring batas na sinusunod, kaya walang mangyayari…at magugulo pa rin ang pagpapatakbo ng gobyerno!…yan ang umiiral sa kawawang bayan ng mga Pilipino!

Sa personal kong pananaw, dahil tao ang may diperensiya sa maayos na pagpapatupad ng mga batas, ang dahilan ay nasa pagkatao niya makikita….ang kanyang kasakiman! Hangga’t umiiral ang kasakiman ng tao, patuloy na magiging miserable ang buhay sa mundo!

Ang Taong Ikinahihiya ang Sarili…ay ikinahihiya ang Diyos!

Ang Taong Ikinahihiya ang Sarili

…ay ikinahihiya ang Diyos!

Ni Apolinario Villalobos

Tayo ay nilikha ng Diyos kaya dapat nating ipagmalaki ang ating sarili ano man ang katayuan natin sa buhay at lipunan. Kung sa palagay natin ay mayroon pa tayong dapat pagsumikapan upang mapabuti ang ating buhay, gawin ito ng maayos na walang bahid ng kasamaan. Hindi tayo dapat mainggit sa pinagsikapan ng iba. At higit sa lahat, hindi dapat ikahiya ang kahirapan dahil para na rin nating ikinahihiya ang Diyos na siyang naglalang sa atin.

Ang kahirapan ay dapat na magbigay ng inspirasyon upang magpakasigasig pa tayo nang sa ganoon ay maabot natin ang ating mga pangarap sa buhay. Huwag nating ihambing ang ating sarili sa ibang nakaririwasa sa buhay dahil kapag mahina ang ating kalooban ay baka masisi pa natin ang Diyos kung “bakit niya tayo pinabayaan”.

Iwasan dapat ang paggamit ng mga ekspresyon na, “mabuti ka pa o mabuti pa siya o sila” dahil paghahambing ito ng ating sarili sa iba. Nagpapahiwatig din ito ng sama ng loob sa ibang mas nakakaangat ang buhay kaysa atin. Dapat matuwa tayo para sa ating kapwa kung umangat man ang katayuan nila sa buhay, dahil kabawasan sila sa mga dapat tulungan.

Lahat ng tao ay pantay-pantay sa mata ng Diyos, kaya sa ating pagsilang, lahat tayo ay nakahubad. Yong mga isinilang sa tahanang nakaririwasa ay nakikinabang lamang sa pinagsikapan ng kanilang magulang at pinalad, kaya hindi ito dapat ipagmalaki. Yong mga isinilang sa tahanang dahop, ay dapat magsikap upang sa kanilang pag-angat ay taas noo silang makapagmalaki.

Noon ay may isa akong kaibigan na natiyempuhan kong bumibili ng NFA rice sa palengke. Nang matanaw niya ako ay lumipat sa katabing puwesto at ang binili ay commercial rice na mahigit kuwarenta pesos ang halaga kada kilo. Ayaw niyang masabing kumakain ang pamilya niya ng NFA rice, na siya kong binili nang araw na yon. Ang kaibigan kong ito ay madalas umutang sa akin dahil palaging nauubos ang sweldo sa goodtime. Ikinahiya niya ang kanyang kakapusan, pero hindi siya nahihiyang umutang dahil sa kapalpakan niya sa pagbadyet ng kanyang kita!