Ang Pagreklamo at Pagpuri

Ang Pagreklamo at Pagpuri

Ni Apolinario Villalobos

Hindi natin maiwasang magreklamo kung may madanasan tayong gawi ng ibang tao na sa palagay natin ay hindi tama ayon sa ating pansariling panuntunan o sa pangkalahatang patakaran. Kung ang nadanasang gawi ay sumaklaw sa mga alituntuning may kinalaman sa trabaho ng taong nirereklamo, ang dapat na hanapin ay ang nakakataas sa kanya upang matawag ang kanyang pansin, at hindi na pamarisan pa ng mga kasama niya sa trabaho. Walang saysay ang pakikipagtalo sa taong nirereklamo, dahil kadalasan ay maaaring ipagtanggol lamang nito ang sarili, at walang makakapagsabi kung tama siya o mali.

Ang mas maganda sanang mangyari ay kung sa hindi maiwasang komprontasyon, humingi agad ng pasensiya ang nirereklamo, kaya dapat ang nagreklamo ay payuhan na lamang siya, upang hindi na niya ulitin ang ginawa. Hindi na kailangang dagdagan pa ang mga masasakit na salita kung mayroon mang nauna nang nasambit. Ang iba kasi na may kayabangan, ay mas lalo pang nagtutungayaw kahit nagpakumbaba na ang nirereklamo. Ang gustong palabasin sa maingay na paraan ay tama siya…at nanalo!

Dapat ding tukuyin o tumbukin ang bagay o gawi na nirereklamo. Kung empleyado ng isang kumpanya ang may mali, dapat siya ang tinutumbok ng reklamo, hindi ang buong kumpanya, upang hind maging unfair sa ibang empleyado na maaayos naman ang ginagawa.

Kung may nairereklamo, hindi maaaring walang napupuri. Malaking bagay sa mga kumpanya o organisasyon ang makatanggap ng mga papuri, maliban sa mga reklamo upang malaman nila kung tama ang kanilang mga ginagawa. Huwag tayong maramot sa mga papuri, kung mayroong dapat na matukoy nito. Makakatulong ito sa mga empleyado o taong gumagawa ng lahat ng makakaya upang mapabuti ang kanilang trabaho at pamarisan ng iba.

Para sa akin, hindi masama ang maireklamo kung minsan dahil may mga bagay tayong ginagawa na akala natin ay tama. Kung tayo, ay nirereklamo sa tamang paraan, dapat ay tanggapin natin ang kamalian ng buong pagpapakumbaba at humingi ng pasensiya. Ituring nating inspirasyon ang mga papuring natatanggap natin upang magsilbing pandilig sa ating mga ginagawa na mabuti pala, upang lalo pang umusbong ang mga ito.

Ang Masamang Halimbawa…ng mga opisyal ng gobyerno

Ang Masamang Halimbawa

…ng mga opisyal ng gobyerno

ni Apolinario Villalobos

Ang pagkakataon na ibinibigay ng batas at husgado, na pinaigting ng “katalinuhan” ng abogado, at lalo pang pinatingkad ng kabagalan sa pag-usad ng hustisya ay nagpapalakas ng loob ng mga may kaya sa buhay upang makaligtas sa kaparusahan kung may nagawa silang kasalanan. Palagi nilang sinasabi na “magkita na lang tayo sa husgado”, o hindi kaya ay “kailangang mapatunayang may kasalanan ako bago ako husgahan…”.

Dahil sa dami ng mga makabagong gadyet na naglilipana at nakakapag-record ng mga nangyayari, ang isang krimen ay nakukunan ng CCTV o di kaya ay camera ng cellphone man lang. Sa kabila nito, ang nahuli sa aktong nagkasala ay binibigyan ng karapatang ipagtanggol niya ang kanyang sarili sa hukuman, isang bagay na magastos kung ang naapi o naagrabyado ay walang perang pambayad ng abogado. Ang nahuli naman sa aktong gumawa ng krimen ay nakakapag-piyansa para sa “pansamantalang” kalayaan kuno, pero sa katagalan ay nakakagawa ng paraan upang “mabili” niya ng tuluyan ang kalayaan, di kaya ay umaabot sa puntong nagkakalimutan, o di kaya ay tuluyang pagkabura ng kaso dahil sa teknikalidad.

Ang nararamdamang sakit ng katotohanan tungkol sa mabagal na pag-ikot ng gulong ng hustisya ay lalo pang nadagdagan ang hapdi dahil mismong mga nanunungkulang mga opisyal ng gobyerno ay nagpapakita ng gilas na kaya nilang paikutan ang mga batas. Gamit ang mga standard na salitang nabanggit na tulad ng “magkita na lang tayo sa husgado” at “kailangang mapatunayang may kasalanan ako bago ako husgahan…”, parang walang ano man kung sila ay may kayabangang umasta sa harap ng mga kamera upang magdeklara ng kanilang kainosentihan.

Dahil sa nabanggit na asal ng mga opisyal sa gobyerno, nagagaya tuloy sila ng mga may isip-kriminal na pangkaraniwang mamamayan. Ang resulta, maraming krimen ang hindi nalulutas sa kabila ng pagkahuli ng mga sangkot na dahil sa pera ay nakakayang magpabagal ng kaso o maglagak ng piyansa, o magbayad ng huwes.

Sa kaso ng Pilipinas, mahirap mangyaring mawala ang mga masamang halimbawa na naglilipana sa mga bulwagan ng pamahalaan. Ang magagawa lamang marahil ng mga matitinong Pilipino ay mag-ingat.