Pagmamalasakit at Katapatan…mga tatak ng tunay na kaibigan

Pagmamalasakit at Katapatan

…mga tatak ng tunay na kaibigan

(para kay Eddie Travilla)

ni Apolinario Villalobos

Kung sa pakantu-kantong usapan

Maraming masasabi tungkol sa isang kaibigan

Nandiyan ang siya ay anumang oras, mauutangan

At sa kahit na magdamagang inuma’y hindi nang-iiwan.

Subalit iba naman ang kaibigang ito

Dahil nagpakita siya ng pagiging matapat na tao

Nang malalang sakit, sa kanyang kaibiga’y dumapo

‘Di nagdalawang isip sa agaran, araw-araw na pagsaklolo.

Pananaghoy ng nakaratay ay matindi

Kaya ang umaalalay na kaibigan ay ‘di mapakali

Walang humpay na masahe, ginagawa araw at gabi

Hanggang kaylan kaya?… Diyos lamang ang makapagsasabi!

(Si Eddie Travilla ay kamag-aral namin noong high school sa

NDTCBoys – Batch 70, at ngayon ay umaalalay sa isa pa naming kaklase,

si Benny Asong na may sakit na kanser sa pancreas- stage 4. Sila ay

nasa Cebu. Kaming mga kaklase at kaibigan ay humihingi ng damay sa

pamamagitan ng dasal upang mabawasan man lang ang

sakit niyang nararamdaman, at magabayan siya sa kanyang

paglakbay pagdating ng panahong siya ay mamamaalam na…)

May Nagmagaling na Namang Opisyal ng Gobyerno

May Nagmagaling na Namang

Opisyal ng Gobyerno

…noon si Petilla, ngayon si Garin naman

Ni Apolinario Villalobos

Nakakagulat at nakakagalit ang ginawang pagbisita ng OIC ng Department of Health (DOH) na si Janet Garin at Gen. Catapang sa isang isla sa Cavite kung saan ay naka-quarantine ang mga sundalong galing sa peace keeping mission sa isang bansa na may epidemya ng ebola. Sa kagustuhan nilang ipakita na wala dapat katakutang ebola dahil hindi naman daw nabitbit ng mga sundalo, biglang naisipan ng mga pumapapel na bisitahin ang nanahimik na mga sundalo sa isla! Ang tanong ngayon ay, bakit dinala pa ang mga sundalo sa isla upang ma-quarantine? Siguradong gagayahin sila ng mga pamilya ng mga sundalo na magpipilit pumasyal sa isla dahil wala naman palang dapat katakutan, lalo na at mismong taga-DoH pa ang nagsalita.

Nagpapakitang gilas ang OIC ng DOH na si Garin. Gusto yatang pumalit agad sa nakaupong kalihim na ngayon ay may hinaharap na kaso. Mabilis ding magkaila si Garin na ang mga sintomas ng mga dinaramdam ng mga sundalo, kahit hindi pa nasususri ay hindi daw sanhi ng sakit ng ebolal. Ang hilig manguna…nagmamagaling….talagang pumapapel! Dapat hintayin niyang matapos ang quarantine period ng mga sundalo bago siya magyabang. Dahil sa ginawa nila, dapat i-quarantine din ang grupo ni Garin sa isla dahil inilalagay nila sa balag ng alanganin ang sitwasyon ng bansa lalo na at naka-schedule ang pagbisita ng santo Papa, at sa harap ng masugid na pag-promote ng turismo ayon sa inaadhika ng ASEAN.

Ang ipinapakita ni Garin ay palatandaan ng isang opisyal na sipsip. Dapat ang mga tulad niya ang tinatanggal sa tungkulin dahil hindi nakakatulong sa pangulo na dapat ay binibigyan ng mga tamang impormasyon. Marami ang tulad ni Garin sa gobyerno na sa pamamagitan ng pagpapapekl ay pilit pinagtatakpan ang kahinaan nila bilang mga kalihim o opisyal sa ilalim ng administrasyon ni Aquino.

Ang pagmamagaling ni Garin ay ipinakita rin ni Petilla, kalihim ng Department of Energy. Sa pagsisimula ng kanyang panunungkulan, gusto agad niyang ipakita na walang problema sa kuryente, sa ilalim ng administrasyon ni Aquino. Makalipas ang ilang buwan, sinabi na niya na may nakaambang problema. Bandang huli, nagpanukala na ng emergency power para kay Aquino dahil delikado na ang supply ng kuryente sa susunod na taon, subalit napatunayan naman sa isang Senate hearing na hindi naman pala totoo. Sa nangyari, abut-abot na kahihiyan ang bumuldyak kay Petilla, na sa kabila ng panawagang mag-resign siya ay kapit-tuko pa rin sa puwesto! Hindi lalayo ang ginagawa ng dalawa sa ginagawa ni Dinky Soliman ng DSW, na pinagtatakpan ng maling report ang mga kapalpakan ng kanyang ahensiya.