Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong….

Sa Pagbigay ng Regalo o Tulong…

Ni Apolinario Villalobos

Sa pagbigay ng regalo o tulong, maraming bagay ang dapat pakaisipan ng nag-aabot nito o ng mga tumutulong. Ang pinakamahalaga ay huwag ituring na hayop ang mga taong inaabutan dahil sa aba nilang kalagayan. Hindi dapat isipin ng mga tumutulong na para silang naghahagis ng buto sa aso. Kaya hindi ako sang-ayon sa kasabihang “hindi dapat namimili ang nangangailangan” na ang katumbas sa Ingles ay “beggars are not choosers”. Wala nga silang karapatang mamili, subalit karapatan nilang respetuhin bilang tao dahil kahit papaano ay mayroon pa rin silang dignidad, kaya lalong hindi sila dapat ituring na patay-gutom!

Tuwing pasko, nagkakaroon ng dahilan ang mga mayayaman na magdispatsa ng mga bagay na hindi na nila kailangan na ang pinatutunguhan ay mga mahihirap na namamasko. Subalit, sana naman ang iabot nila sa mga ito ay mga bagay na hindi patapon o wala nang silbi. Nangyayari din ito tuwing may kalamidad kung kaylan ay bumabaha ng mga donation mula sa mga concerned citizens, subalit ang iba naman ay hindi nakokonsiyensiyang mag-abuloy ng mga damit na halos ay basahan na!

Maraming kuwento tungkol sa mga mapagkunwaring pagtulong sa kapwa. Ang isa ay galing sa isang nagtatrabaho sa isang bahay-ampunan na binisita ng isa sa mga dating pangulo ng bansa na karay-karay ang kalihim ng isang ahensiya na may kinalaman sa pagtulong sa mga tao. Marami silang dalang mga regalong binalot ng matitingkad na gift wrappers. Nang matapos ang okasyon, binuksan ng mga binisita ang mga “regalo” upang maipamahagi na sa mga bata. Laking gulat nila nang makita ang mga laman na mga sapin sa paa na puro large size, na ang ibang pares ay hindi magkasukat, at ang iba naman ay putol ang strap! Awang-awa sa kanilang sarili ang mga binisita lalo na sa mga bata na umasam kaya sobrang excited.

May mga kuwento naman tungkol sa mga de-latang pinamimigay na halos bundat na dahil sobrang lampas na sa expiration date (madalas itong mangyari kung may kalamidad, at ang dahilan ng DSW ay hindi nila napansin). Yong isang nabigyang nakausap ko ay nagpumilit pa rin na buksan ang isang sardinas na lomobo na, kaya nang matusok ng pambukas ay sumabog at lahat nang nakapaligid ay natapunan kaya nag-amoy sardinas!

May isang nanay naman na nakatanggap ng dalawang kumot – magaganda at mukhang mamahalin. Subalit, amoy formalin at may mga bakas pa ng dugo. Yon pala, pinambalot sa isang bangkay ng nasaksak. Punerarya pala ang pinanggalingan ng donasyon. Ang kumare ng nagkwentong nanay, ay nagbahagi rin ng kanyang kapalaran sa pagtanggap ng regalo mula sa isang mayaman. Malaki ang plastic bag at halatang maraming lamang naka-cartoon. Pagdating niya sa kariton nila sa isang bangketa, dali-dali niyang binuksan ang bag at natambad ang maraming karton ng cake mix! Ang ibang karton ay may mga butas na halatang kagat ng daga! Dahil nakakabasa naman, nalaman niya na lahat ay expired na!

May isang pamilyang nakatira sa bangketa na nakatanggap ng plastic bag na ang mga laman ay gamit nang mga brief na large size, mga bra na maluwag, isang pantalong size 38 ang baywang na pang-opisina, mga puting long sleeves na malalaki ang sukat, at mga gamit na boteng de-tsupon! …subalit sila ay walang sanggol.

Yong isang kaibigan kong ama ng isang pamilya sa Tondo ay nakatanggap ng ilang pirasong kupas at numipis nang guwantes na pang-motorsiklo, isang pares na leather shoes pero nakanganga ang mga suwelas, maliit na teapot, dalawang malalaking imported toothpaste pero matigas at kumakatas na lamang, at isang bote ng paco rabanne na panlalaking pabango na may ¼ na laman.

Ang isang pamilya naman ay nakatanggap ng matigas pa sa kahoy na dried cassava nakalagay sa malaking supot galing sa Thailand at expired, isang office planner na hindi pa gamit subalit 2 years old, 4 na coffee mugs na lahat ay may lamat, 4 na pinggang puro may mga pingas, at isang malaking garapon ng imported na kape, pero nang buksan ay matigas na ang laman.

Sa isang iskwater naman, may mga naglibot na namigay ng mga sample na gamot, nakalagay sa magandang maliit na supot na karton. Ang laman ay isang banig ng gamot para sa loose bowel movement o lbm, isang banig na gamot para sa lagnat, at maliit na bote ng alcohol – lahat ay dapat magamit sa loob ng apat na buwan upang hindi lumampas sa expiration date. Nagkodakan ang mga namigay, kasama ang mga nabigyan. Nakita ko mismo ang mga pangyayari dahil bumisita ako noon sa mga kaibigan ko. Kaya mula noon, na-allergic na ang mga kaibigan ko sa kodakan kung sila ay bibigyan ng tulong – ginagamit lang daw sila, na totoo naman!

Minsan umatend ako ng birthday party para sa inaanak ko sa Pasay. Habang nagkakape kami ng kumpare ko sa kusina dahil maaga pa, narinig ko ang kumare kong nagbilin sa kasambahay nila ng: “o…yong mga tirang spaghetti at pansit sa mga pinggan huwag mong itapon…tulad ng dati, ipunin mo upang maibigay sa mga Badjao na humihingi ng pagkain…isama mo na rin ang magiging tutong sa sinaing…”. Sa narinig ko, nabulunan ako ng mainit na kapeng iniinom ko kaya ako ay napaluha, sumabay pa sa pagtulo ang uhog. Pinigilan ko ang sarili ko sa pagbuga ng mainit na kape dahil siguradong mahihilamusan ang kumpare. Inubos ko na lang ang kape at ako ay nagpaalam, nagdahilan na may importante pang gagawin. Mula noon, tuwing imbitahin ako ng kumare ko kung may party sa kanila, hindi ako pumupunta pero nagbibilin na lang na “tirhan ako ng natira”…ewan ko kung naintindihan niya ang ibig kong sabihin.

Noong mga nakaraang kalamidad, may mga nagreklamong mamamayan ng isang bayan na ang natanggap nila ay mga pa-expire nang mga local de lata, ganoong ang nakita nilang na-deliver na mga donasyon sa bayan nila ay galing sa Amerika. Nagtaka sila kung bakit ang inaasahang mga emergency kit ay hindi nakarting sa kanila. Sa halip ang natanggap nilang supot ay may lamang tig-tatlong kilong NFA rice, ilang pirasong sardinas at ilang pirasong noodles, na may pangalan at logo pa ng ahensiyang may kinalaman sa pagtulong sa mga tao.

Noong katatapos pa lamang manalasa ng bagyong Yolanda, may mga donasyong ibinaba sa Cebu na agad tinakpan ng mga lona, subalit nasilip ng ilang mga reporter na mga galing sa ibang bansa. Mula nang araw na dumating ang mga donasyon, naging off-limits sa mga reporters ang pinaglagakan ng mga ito. Nang mga sumunod na araw, ni isang pirasong donasyon na may tatak ng donor mula sa ibang bansa ay walang nakitang nakarating sa mga biktima ng Yolanda. Makalipas ang ilang buwan, ang mga nakalagak sa isang bodega ay binalitang ninakaw, at kitang-kita sa CCTV na parang walang anumang inilalabas ang mga donasyon!

Noong mag-ingay ulit ang mga taga-Tacloban na sinalanta ng bagyong Yolanda, dinayo sila ng caravan ng malalaking trak na nagdeliber ng mga relief goods. Sa kasamaang palad, ang ibang pagkain ay bulok at inuuod! Ni isa sa mga sangkot sa anomalya, lalo na ang namumuno ay hindi man lang pinitik upang matauhan dahil sa balasubas nilang gawain. Ni walang narinig ang bayan na may nasuspinde man lamang, o di kaya ay natanggal dahil sa ginawang kapabayaan.

Padating na ang pasko. Siguradong busog na naman ang mga magnanakaw sa gobyerno ng mga bonus na galing daw sa savings ng kani-kanilang departamento, samantalang ang mga taong umaasang maambunan man lang ng kahit kapiranggot na biyaya, na alam naman ng lahat ay karapat-dapat na kanila… ay nakanganga sa kawalan! At ang walang konsiyensiyang mga kababayan natin ay maghahagis na naman ng mga patapong gamit at tirang pagkain sa mga kakatok sa kanilang gate, o di kaya ay magpapakodak habang nag-aabot ng regalong ilang pirasong kendi at biswit sa mga depressed areas…at naka-costume pa ng Santa Claus!

Mga Mukha ng Pagsisikap…maaliwalas dahil sa tagumpay

Mga Mukha ng Pagsisikap

…maaliwas dahil sa tagumpay

Ni Apolinario Villalobos

Totoo ang kasabihang tinutulungan ng Diyos ang taong tumutulong sa kanyang sarili. Kailangang magsikap ang isang tao upang mapatunayan niyang karapat-dapat siya sa tulong na ipagkakaloob sa kanya. Dahil dito, karananiwang nakakakita tayo ng mga lumpo na nakasakay sa wheelchair at nagtitinda ng sigarilyo. Meron akong nakitang pilay, isa lang ang paa, at dahil walang saklay ay gumamit ng isang kapirasong kahoy na nakatulong sa kanyang pagkilos upang makapagtinda ng kakanin at kendi sa mga pasahero ng dyip na naiipit sa trapik. Marami pang nakakainspayr na tanawin ang makikita natin sa ating paligid kung bubuksan lamang natin ang ating mga mata.

Marami akong kaklase noon sa elementarya, na naglalakad ng kung ilang kilometro upang makapasok sa eskwela. Ang baon ay kanin lamang at asin o ginamos (bagoong alamang na binayo o nilasak-lasak, pinatuyo sa araw at pinausukan). Ang hindi ko makalimutan ay si Nonito Bacus. Tuwing recess, ang ginagawa niya kasama ang kanyang tatlong nakababatang kapatid ay uupo sa isang sulok ng grandstand upang sumubo ng ilang dakot na kanin na binudburan ng asin. Magtitira sila ng kanin para naman sa tanghalian. Tuwing makatapos sa pagkain ay tatakbo sila sa artesian well o poso upang uminom. Lahat silang magkakapatid ay tumutulong sa pag-araro sa maliit na lupang tinaniman ng mais, na pinasaka lamang sa kanila. Araw-araw, nilalakad nila ang layong tatlong kilometro upang makapasok sa eskwela.

Sa high school naman, marami akong matatalinong kaklase at kaibigan na todo rin ang pagsikap upang makapag-aral. Isa na si Romeo Gallego na nagtinda ng ice cream tuwing Sabado at Linggo. Ang iba ay sina Ramonito Pernato at Apolonio de la Peῆa na nagkatay ng manok upang mai-barbecue pag-uwi sa hapon, na ang pagtinda ay inaabot ng hatinggabi; si Ernesto Gialogo ay tumulong sa kanyang mga magulang na nagtitinda ng tuyo at tuba sa palengke, kaya nagkaroon ng kaalaman sa negosyo na nagamit niya sa pagtinda ng banana cue na nakapagpatapos sa kolehiyo ng lahat niyang anak; si Hernanie Buenacosa ay tumulong sa kanilang welding shop; si Teddy Lapuz ay nagtinda ng diyaryo; si Fernando Valencia at kapatid niyang si Remy Valencia ay nagtinda ng ice drop; si Jaime Bides ay tumulong sa kanyang ama sa pagkumpuni ng mga sirang makinilya kaya kung minsan ay pumapasok siyang maitim pa ang mga kuko dahil sa mahirap matanggal na mantsa ng grasa; si Glenyrose Ballentes ay nagtinda ng gulay; si Rodina Ballena ay tumulong sa tindahan nila sa palengke; si Virgie Paragas at kapatid na si Bing ay tumulong sa tindahan nila ng mga motorsiklo; si Pat Sulleza na nag-alaga ng baboy upang may pambayad ng tuition. Dahil ang bayan namin ay napapaligiran ng mga bukiring taniman ng palay at mais, ang iba pang mga kaklase ko at kaibigan ay sa pagsasaka naman ibinuhos ang kanilang pagsisikap.

Mapalad kami dahil ang eskwelahan naming Notre Dame of Tacurong ay maluwag sa mga estudyanteng nali-late sa pagpasok kung may kinalaman ito sa ginagawa nila upang kumita. Hindi na binibigyang pansin ng mga guro ang mga puting polo-shirt at t-shirt na animo ay nagka-khaki na ang kulay, dahil hindi man lang naikukula, upang mabanlawan agad at mapatuyo sa gabi. Marami sa amin ay nagkasya sa dalawang pirasong polo shirt at dalawang pantalong uniporme sa loob ng isa hanggang tatlong taon.

Sa college, maliban sa mga kaklase na nagsikap tulad ko, marami rin akong nakitang iba pa na abut-abot din ang ginawang pagpunyagi upang makatapos. Ang maalala ko ay sina Felizardo Lazado, Romeo Tan, Agustin Carvajal, Romeo Balinas, Jaime Bides, at ang kapatid kong si Florencio na naging mga working students o student assistants ng aming eskwelahan. Hindi nasayang ang tulong na ibinigay sa kanila dahil lahat sila ay nagtagumpay.

Ngayon, sa pamamagitan ng balitaan sa social media at mga reunion, nalaman ko na lahat ng mga kaklase ko at kaibigan ay nagtagumpay sa mga pinili nilang larangan. May mga negosyante, mga nurse na nasa abroad, may mga magsasaka pero hi-tech na ang gamit na paraan, may mga opisyal ng pamahalaan pero hindi nagnanakaw sa kaban ng bayan, may mga kagalang-galang na mga titser, at ang mga napagod na ay nagpahinga na lamang upang mag-alaga ng mga apo – lahat ay masasaya.

Sila ang mga mukha ng pagsisikap na nangingintab sa aliwalas, dulot ng tagumpay. At sa kabila ng kanilang natamo, ay bukambibig nila ang pasasalamat sa Kanya na palaging nasa kanilang tabi, sa lahat ng pagkakataon. Talagang kapag ang pagsisikap ay pinaigting ng pananalig…ang mga ito ay may tagumpay na katapat!