Mga Kuwento tungkol sa Barangay Health Workers

Mga Kuwento Tungkol

sa Barangay Health Workers

ni Apolinario Villalobos

Hindi dapat balewalain ang nakakaawang sitwasyon ng mga barangay health centers ngayon. Sa isang banda ay pwedeng gawin ito ng pamahalaan kung ang layunin nito ay hayaang mamatay ang maraming Pilipino upang mabawasan ang lomolobong populasyon ng Pilipinas. Ganoon lang ka-simple.

May magkakalapit na mga barangay ang naghahati ng serbisyo ng mga health workers na nakatalaga sa kanila sa loob ng isang linggong pagdo-duty ng mga ito. Ito ang remedyong ginagawa ng mga opisyal upang kahit papaano ay makapaglingkod pa rin ang mga health workers sa mga tao kahit lumalabas na overworked na sila. Maganda ang sistema sa punto ng samahan o bayanihan.

Subalit kung bubusisiin, hindi dapat ganito ang nangyayari dahil may karampatang budget namang nakalaan para sa mga health workers na may kanya-kanyang pinangangalagaang barangay. Lumalabas na sa halip na mapunta sa tamang pinaglalaanan ang budget, napupunta ito sa bulsa ng mga tiwaling opisyal. Ibig sabihin, tinitipid ang pera na dapat sana ay magamit sa taong bayan, upang manakaw lang!

May mga health workers na siniswelduhan ng mga local governments na sa aking pananaw ay hindi dapat. Ang budget para dito ay dapat galing sa national agency na DOH. Ang partnership ng DOH at local governments ay dapat limitado sa pagpapatupad ng mga programa. Maliit ang budget ng mga local governments at sila ay may mahahalaga ring pangangailangan. Kung ganito din lang ang sistema, dapat tuluyan nang i-decentralize ang health system at buwagin ang DOH, at italaga ang responsibilidad sa mga local governments na ang budget ay manggagaling sa buwis na awtomatikong kakaltasin sa mga binabayad na buwis.

Sa ganitong paraan, mapagtutuunan pa ng mga local governments ang mga proyekto. Ang mga malalaking ospital ng gobyerno ay pwedeng gawin “self-governing” batay sa kanilang mga patakaran upang mawala ang bureaucracy, ang mga red tapes. Iilan lang naman ang mga ospital na ito. Kung ganito ang mangyayari, wala nang tone-toneladang gamot na bibilhin upang maistak sa mga bodega na hindi naman naipapamahagi ng maayos kaya inaabot ng expiration. Wala na ring kalihim na mag-iisip ng mga animo ay panaginip na proyekto tulad ng “stem cell research”, dahil sa kawalan ng magawa.

Samantala, ang mga kawawang health workers ay nanlalagkit ang katawan dahil sa pawis, at animo ay basang sisiw naman sa ilalim ng ulan, sa pagbabahay-bahay nila upang magpatupad ng mga programa. Dahil sa kagustuhang makapagserbisyo, natitiis nilang mag-abuno ng gastos para sa pamasahe, magbaon ng kanin, kamatis at tuyo o di kaya ay nilagang talbos ng kamote na makakain sa lilim ng puno pagdating ng tanghali, di kaya ay sa karinderya kung meron nito sa paligid upang makahingi man lang ng libreng sabaw. Yong mga assigned sa mga liblib na lugar, halos hindi makalunok ng laway dahil sa nerbiyos habang naglalakad o nakasakay sa habal-habal upang makadaong- palad ang mga taong ni hindi nakakita ng antibiotic o diatab.

Malayo ang DOH ngayon sa DOH noong kapanahunan ng yumaong Juan Flavier. Ang kalihim ngayon, si Ona, ni hindi pa yata nakarating sa mga islang barangay upang makakita ng tunay na kalagayan ng mga taong nangangailangan ng gamot o hindi pa natusok ng hiringelya upang mabakunahan. Pero, marami din naman siyang napasyalan – malalayong bansa, kung saan nakakita siya ng mga high tech na laboratories na nagsasaliksik tungkol sa stem cell!

Maraming Dapat Sagutin si Secretary Ona ng Department of Health

Maraming Dapat Sagutin

Si Secretary Ona ng Department of Health

Ni Apolinario Villalobos

Ang isyu sa vaccination program ng Departent of Health (DOH) na mismong ang Pangulo ang bumubusisi ay katiting lamang na piraso ng mga dapat sagutin ng kalihim na si Ona. Ang pumutok na isyu tungkol sa malaking badyet na gusto niyang ilaan para sa pagsaliksik ng mga bagay na may kinalaman sa “stem cell” operation ay dapat na nagsilbing babala sa kanya…pahiwatig na maraming kwestiyonableng programa ang DOH. Idagdag pa rito ang mga gamot na hinayaang nakatambak sa bodega kaya inabot ng expiration, samantalang ang mga barangay sa buong bansa ay wala man lang magamit kaya bumibili na lang gamit ang sarili nilang pondo.

Sa kabila ng mga naghuhumiyaw na katotohanan tungkol sa mga batang maysakit at naglolobohan nilang tiyan dahil sa malnutrition, mga barangay na walang istak na mga gamot, underpaid na mga health workers na ang iba ay sinisuwelduhan na lang ng mga local government units, at kakulangan ng mga ito kaya nagsi-share sa serbisyo nila ang mga magkakalapit na mga barangay, iba ang pinagtutuunan ng pansin ng kalihim – mga programang hindi makatotohanan o pangmayaman gaya ng “stem cell research”.

Ilan nang health workers ang nakausap ko at nagsabi na bukod sa kanilang mababang sweldo, ay wala rin daw silang transportation allowance kung sila ay magbahay-bahay sa pagpapatupad nila ng mga programa ng gobyerno, wala rin silang food allowance, at lalong walang hazard pay ang mga nakatalaga sa mga delikadong lugar. Yong isa ay nagbanggit na maski payong ay hindi man lang sila mabigyan. Hindi naman daw nila magamit ang mga payong na bigay ng mga epal na pulitiko dahil may larawan nila. Marami akong natitiyempuhang nagpapahinga sa mga karinderya upang kumain ng tanghaliang baon nila at dinadagdagan na lang ng kalahating order na ulam at hininging libreng sabaw. Yong isa kawawa dahil itinali na lang ng straw ang napigtal na strap ng kanyang sandal, kaya ibinili ko ng mumurahing gomang tsinelas sa malapit na palengke.

Habang ang DSW ay nakakapagbigay ng pera sa mga mahihirap na magulang daw , ang mga kawawang DOH health workers na ang tungkulin na may kinalaman sa kalusugan at buhay ng mamamayan ay napapabayaan. Sa ginagawa ng pamunuan ng DOH, paanong makakatagal ang mga tauhan nito sa pagpapatupad ng mga programa para sa taong bayan na “inaakay” daw ng Pangulo sa pagtahak ng tuwid ng daan daw, kung sila mismo ay nangangailangan din ng tulong?

Wala Sanang Ipagtatanggol si Pnoy kung Hindi Nanggagamit ang Mga Ahensiya Niya

Wala Sanang Ipagtatanggol Si Pnoy Kung

Hindi Nanggagamit ang Mga Ahensiya Niya

Ni Apolinario Villalobos

Sa araw na paggunita sa trahedya na idinulot ng bagyong Yolanda, sa Samar pumunta si Pnoy. Ang paliwanag ng Malakanyang ay nakapunta na rin naman daw si Pnoy ng kung ilang beses na sa ibang lugar na nasalanta, kasama na ang Tacloban. Subalit sa isang banda, mabuti na ring hindi siya pumunta sa Tacloban dahil mapapahiya lang siya sa ipapamukha sa kanyang kapabayaan ng mga ahensiya ng kanyang administrasyon. Tulad ng inaasahan, ipinagtanggol na naman ni Pnoy ang kanyang mga tauhan, na pinagdiinan ng himutok na hindi daw madali ang tumugon sa mga problema na dulot ng kalamidad.

Ang bilis magsalita ni Pnoy kung magtanggol ng kanyang mga tauhan. Hindi man lang niya naisip na ang kalamidad ay nangyari isang taon na ang nakalipas, kaya dapat, ngayon ay may nakikita nang pagbabago, lalo na at sagana naman sa mga donasyon, pera man, pagkain o gamit. Sa kasamaang palad ay walang makita ang mga tao batay sa mga report ng mga ahensiya, lalo na sa Tacloban na pinagyayabang ng pamahalaang wala na daw nakatira sa mga tent, at lahat ng mga nasalanta ay nabigyan na ng tulong….na puro kasinungalingan. Paanong hindi abandunahin ang mga tent ay binabaha din ang mga lugar na pinagtirikan ng mga ito sa kaunting ulan lang, at kung may araw naman ay animo pugon daw sa sobrang init?

Sa kanyang pag-alis sa Samar, may mga apektadong tao na naglabas ng kanilang pag-aalala na baka hindi tumagal ang mga kubo na ibinigay sa kanila pero babayaran din pala, at inaasahang tatagal daw ng limang taon man lang. Sa loob ng panahon na yon, ang kubo ay babayaran ng mga nabigyang nasalanta ng maliit na buwanang halaga. Coco lumber ang ginamit na alam namang hindi talaga tumatagal dahil binubukbok kapag nababasa palagi. Idagdag pa diyan ang iba pang ginamit na materyales na mahina rin ang klase, mabuo lamang ang mga kubo. Lumalabas na parang pang-display lang pala ang mga kubo para masabi na may ginawa ang pamahalaan…pang-report kung baga.

May mga kaibigan akong biktima ng bagyong Yolanda, lumuwas sa Maynila at nakitira sa mga kamag-anak sa Baseco Compound (Tondo) subalit bumalik sa Tacloban pagkatapos makaipon ng pamasahe. Bumalik din sila sa Tondo makalipas ang dalawang buwan. Magugutom lang daw sila sa probinsiya dahil ang pinangakong tulong na maliit na puhunan ay hindi nila natanggap. Bumalik sila ngayon sa pangangalakal ng basura at pamumulot ng mga reject na gulay sa Divisoria. Hindi bale raw na gumising sila sa madaling araw upang mangalakal ng basura at mamulot ng reject na gulay, sigurado namang hindi sila magugutom.

Ang masakit pa sa ginagawa ng gobyerno, tinawag nito na tamad daw ang mga taga-Tacloban kaya nahihirapang bumangon. Dapat isipin ng mga opisyal ng ahensiyang may ganitong pananaw na hindi talaga makakabangon ang mga taga-Tacloban dahil karamihan sa kanila ay mga magsasaka at wala silang magamit na punla man lamang. Yong mga mangingisda, hanggang ngayon ay hindi nakakabili ng bangka. Yong mga nasa siyudad ay nakikitira sa mga kamag-anak dahil hindi maayos ang kalagayan nila sa “tent city”. Saan sila kukuha ng kahit maliit na puhunan upang makapagsimula ng kahit maliit na pagkikitaan? Hindi naman sila mga mayayaman na may inaasahang deposito sa bangko na mahuhugot kapag dumating ang pangangailangan.

Wala sanang papalag na taga-Tacloban at tatahimik na lamang sila, subalit palagi silang ginagamit o binabanggit ng pamahalaan kung tumukoy ito ng mga accomplishments, na hindi naman totoo. Naniniwala ang pangulo sa mga kasinungalingang report ng kanyang mga ahensiya, lalo na ng DSW na maayos na ang pangkalahatang kalagayan ng Tacloban. Ang pakiramdam tuloy ng mga Tacloban, nalugmok na nga sila, sinisipa, at dinuduraan pa!

Pinalala ng Report ni Lacson Ang Sama ng Loob ng mga Taga-Tacloban

Pinalala ng Report ni Lacson

Ang Sama ng Loob ng mga taga-Tacloban

Ni Apolinario Villalobos

Nakakalula ang inireport na impormasyon tungkol sa kabuuhan ng mga donasyon ayon sa Department of Finance, na umabot sa 199.48 bilyon pesos. Maliban pa rito ang nakakalat na iba pang donasyon na hawak ng iba’t- ibang NGOs. Pinuri ng iba’t ibang international organization ang ginagawa ng pamahalaan na rehabilitasyon ng mga nasalanta – ito yong mga organisasyon na inuutangan ng Pilipinas. Maalala na sa kabila ng makatotohanang paghihirap ng Pilipinas ay pinuri pa si Pnoy ng Asian Development Bank – isa sa pinakamalaking nagpapautang sa Pilipinas. Isa lang ang pinapahiwatig ng mga papuri sa Pilipinas – pwede na namang umutang! Kaya halos wala pa ngang nararating ang rehabilitasyon ng mga nasalanta ng bagyong Yolanda, at sa kabila ng hindi pa halos nagagalaw na mga donasyon, tinutulak na naman ang Pilipinas ng mga animo ay lintang nagpapautang na mga ahensiya upang lalong mabaon sa obligasyong pinansiyal ang mga Pilipino.

Ang sinasabi ni Lacson na inaadbans na alokasyon ng Tacloban mula sa Department of Budget and Management ay hindi dapat na isama sa mga donasyon na pangrehabilitasyon. Ang mga donasyon ang dapat na ginagamit at hindi ang regular na alokasyon mula sa gobyerno sa mga proyektong pangrehabilitasyon. Kung hindi makikibahagi sa mga donasyon ang Tacloban, saan gagamitin ang mga ito? Kung walang mga donasyon, may dahilan ang paggamit ng regular na budget, subalit meron nga. Bakit iniipit ng Malakanyang ang mga donasyon? Ang mababaw na sagot ng Presidente ay “nag-iingat” lang daw sila. Kaya pala inaprubahan niya ang Master Plan sa rehabilitasyon ng Tacloban na sinumiti ni Lacson, pagkalipas ng isang taon na hagupitin ito ng bagyong Yolanda! Talagang maingat!

Ang pinagmamalaki ng gobyerno na mga temporary na pabahay ay ginamitan ng mga materyales na mababa ang klase, kaya wala sa kalingkingan kung ihambing sa mga proyekto ng mga local at foreign NGOs, na permanente nang tirahan – pangmatagalan. Pinababayaran pa ng gobyerno ang “pabahay” sa loob ng limang taon, kaya sa mga interbyu, may mga taga-Samar na naglabas ng sama ng loob dahil baka hindi umabot ng dalawang taon ang bahay, gayong magbabayad sila sa loob ng limang taon!

Si Lacson ang unang nagbulgar ng katiwalian sa pagbili ng materyales ng mga temporary bunkhouses para sa mga nasalanta ng bagyo, subalit pagkalipas ng ilang araw, nakapagtatakang binawi ang report at sinabi na lang na under-delivery lang daw ang nangyari. Ibig sabihin, hindi nasunod ang mga nasa listahan, pilit pinagtatakpan ang isyu sa kalidad ng mga materials. Sa isang TV interview sa matanda na nakatanggap ng mga materyales, pinakita niya ang pagbali ng kahoy at pagtupi ng yero, nang walang kahirap-hirap!

Sa mata ng Pilipino, walang nangyari sa pagka-czar ni Lacson sa rehabilitasyon ng mga biktima ng bagyong Yolanda. Siya mismo ang umamin na limitado ang kanyang kapangyarihan na halos ay hanggang paggawa ng report lang. Dahil sa kawalan niya ng nagawa makalipas ng halos isang taon, naghanap siya ngayon ng mapapasahan ng sisi, at ang nakita ay ang mayor ng Tacloban. Paano niyang ipaliwanag ang katotohanang ang Master Plan na pinagmamalaki niya ay naaprubahan ng Presidente, pagkalipas ng isang taon mula nang manalanta ang bagyo? At, plano pa lang ang inaprubahan, na ibig sabihin, baka abutin pa ng kung ilang taon bago magkaroon ng katuparan dahil sa sobrang kabagalan ng pagkilos ng mga ahensiya ng gobyerno. At, ang pinakamasakit, sa ganoon katagal na panahon magtitiis ang mga nasalanta bago nila matamasa ang biyaya na dulot ng mga donasyon! At kapag inabot ng bagong administrasyon ang mga iniipit na donasyon…malamang na mananakaw na naman!

Para makumpleto ang pagpasa ng sisi kay Romualdez at todong makapaghugas ng mga kamay, binanggit na naman ni Lacson ang pulitika! Sa ginawa niya, ang bantayog ng kanyang imahe na nirerespeto ng maraming Pilipino dahil sa mga nakakabilib na ginawa niya noong “crime czar” siya, ay biglang gumuho!

Ang hiling ng mga taga-Tacloban nang paulit-ulit…huwag silang gamitin sa mga report na walang katotohanan. Mapagbibigyan kaya sila sa harap ng “kahalagahan” ng Tacloban bilang “model” ng isang matagumpay na rehabilitation program kuno ng gobyerno?