Kaligayahan…para kay Bing Paragas- Calbone

 

Kaligayahan

(para kay Bing Paragas Calbone)

Ni Apolinario Villalobos

Kaligayahan ang paggising

Sa haplos ng malamig na simoy

Ng ginintuang bukang-liwayway

Hudyat ng bagong araw, bagong buhay.

Kaligayahan ang mga kapitbahay

Na ang mga tahanan ay binubuhay

Ng halakhak ng kasiyahan at ng sigla

Tanda na sila ay punong-puno ng pag-asa.

Kaligayahan ang supling na dumating

May mala-rosas na pisngi, tawa’t ngiti

Na sa iyo’y nagdala ng luha’t kaligayahan –

Damdaming halos wala kang mapagsidlan.

Kaligayahan ang makatulong sa ibang tao

Na hindi mo inaasahang sa iyo ay ibabalik

Dahil ang tanging hangad mo’y maipakita

Na walang katumbas, pagmamahal sa kapwa.

Kaligayahan ang hindi na maghahangad pa

Ng mga bagay na sa buhay na ito’y makakamit

Dahil mas mahalaga ang sa Kanya’y sampalataya –

Maigting at tagos sa puso na dapat nating nadarama!

(Si Bing Paragas-Calbone ay nagtapos ng high school sa

NDTGirls at nangangarap na sana ang NDTC na mahalagang

bahagi ng lunsod ay lalo pang umunlad upang makatulong

sa mga kabataan, at sa harap na rin ng tumitinding mga

pagsubok na dulot ay agam-agam sa mga Pilipino.)

Ang Kawalan ng Simpatiya ni Pnoy sa Pagkamatay ni Laude

Ang Kawalan ng Simpatiya

Ni Pnoy sa Pagkamatay ni Laude

Ni Apolinario Villalobos

Sa sagot ni Pnoy na hindi siya pumupunta sa burol ng taong hindi niya kilala, nang tanungin siya kung pupunta sa burol ni Jeffrey Laude, ipinakita niya ang kanyang kababawan at kakulangan ng karakter bilang pinuno ng isang bansa. Si Jeffrey Laude ay hindi namatay dahil sa isang ordinaryong sirkumstansiya, kundi sa kamay ng taong bahagi ng isang kilusang sakop ng kinalamang pambansa, ang joint forces exercises, sa pagitan ng bansa at Amerika. Dahil sa nabanggit na kasunduan, nagkusa sana siya sa pakikiramay sa pamamagitan man lamang ng mga salita, at kahit hindi na siya dumalo sa burol. Ang mga inaasahang dapat niyang gawin ay bahagi rin ng makatao niyang obligasyon.

Lumilinaw ang tunay niyang pagkatao na unang napansin dahil sa kawalan niya ng simpatiya sa mga Pilipino na kasalukuyang dumadanas ng matinding kahirapang dulot ng mga nagsiritang presyo ng pagkain, kurudo, kuryente, tubig; pag-alagwa ng krimen; at kahinaan ng kanyang mga gabinete, lalo na ang may kinalaman sa mga trahedya at kapakanan ng mga Pilipino sa kabuuhan – ang Department of Social Welfare, Department of Transportation and Communication, at Department of Energy. Balewala sa kanya ang lahat sa kabila ng mga nagsusumigaw na headlines ng mga diyaryo at pagbatikos sa radyo at telebisyon. Akala niya ang pinapakita niya ay “katapangan” niya bilang isang pinuno na hindi nagpapadala sa mga “sulsol”. Sa mata ng mga Pilipino, ito ay kahinaan sa pagtupad ng obligasyon bilang Presidente.

Alam na ni Pnoy na ang Joint Forces Agreement ay isang mainit at maselang isyu dahil maraming Pilipino ang ayaw nito. Dapat ay may mga nakahanda siyang dapat gawin kung may mga hindi magandang pangyayari kung sakali, na may kinalaman sa kasunduan. Dapat ay naging leksiyon na ang kaso ni Nicole noon na ginahasa ng isang Amerikanong sundalo na bahagi rin ng joint forces execises. Subali’t dahil sa kahinaan ng sistema ng kanyang administrasyon, naulit na naman ang pinangangambahan ng sambayanang Pilipino…at mas masahol pa dahil hindi lang puri ng isang Pilipina ang nasangkot kundi buhay pa.

Ilang Nicole pa ang magagahasa at Jeffrey Laude ang mamamatay, bago mabuksan ang isip at mga mata ni Pnoy upang maunawaan niya na isinubo niya ang kapakanan ng mga Pilipino sa one-sided na kasunduan sa Amerika? Sa anong bansa pa siya makikipagsundo na ang isasalang niya ay kapakanan ng buong bansa?

The Beauty of Life

The Beauty of Life

(for Adoracion Paragas -Sanque)

By Apolinario Villalobos

The magnificence of creation is such

That all we need to do is open our eyes

Though the extent of our perception ends

Where the earth meets the sky –

It still oozes with awe-inspiring sights.

In loving God, we love life…

Gratitude is what to Him we show

For everything He blessed us with

There’s nothing else that we can do.

Even the whiff of the wild grass

Undulating in the wind’s caress

And the buzzing of the busy bees

That fills the air with lively drone

Lightens up, even a heavy stone.

Light feeling, ecstasy, happiness –

They grip us tight, though tenderly

As we delight in the beauty of life

That God made for all of us to see!

Si Juan, si Alip, at si Aida

Si Juan, si Alip, at si Aida

Ni Apolinario Villalobos

Sa bayan nami’y may mga taong kilala

Na sabi nila ay nalusawan ng diwa

Sila ay sina Juan, Alip, at Aida

Nilibak, hinamak at kinutya.

Nananakit daw sila at nambabato rin

Lalo’t pagkutya ang bigay na pansin

At lalong huwag silang tuksuhin

Upang ikaw ay hindi malasin.

Kinamulatan ko silang palabuy-laboy

Na parang may hinahabol na amoy

Kung minsan si Aida’y tumataghoy

Kasabay, luhang sagana ang daloy.

Si Juan naman ay palaging nakangisi

May hagikhik pa na animo’y kiniliti

Kinakausap din ang kanyang sarili

Animo, paksa ay may pagkatindi.

Si Alip, madalas namang mahinahon

Subali’t minsan ay walang pantalon

Hindi alintanang sama ng panahon

Sa kalalakad ng buong maghapon.

Ngayon ko lubusang naisip at nawari

Na sa ating lahat… may nangyayari

Parang hangin na basta dadampi

Lulusaw sa katinuan…

ng walang pasubali!