Mga Leksiyon Mula Kay Ed Guatelara

Mga Leksiyon Mula Kay Ed Guatelara

Ni Apolinario Villalobos

Hindi man siya magsalita, marami ang mapupulot na leksiyon mula kay Ed Guatelara. Para sa mga hindi nakakakilala sa kanya dahil hindi nakapagtrabaho sa PAL, may kabuluhan pa rin ang buhay niya dahil ang leksiyon ng buhay ay hindi maaaring sabihing personal, sa halip, ito ay tungkol sa mga ugali at gawi ng mga tao – sa pangkalahatan.

Noon pa mang nagsimula siyang magpahinga bilang retiree, ako mismo ang nakiusap na kung maaari ay limitahan ang exposure niya sa mga taong talagang maituturing niyang tunay na kaibigan. May ibang taong nasisiyahan kung makita ang ibang akala nila ay nagdurusa dahil hindi nakatira sa malaking bahay, walang kotse, at kung anu-ano pang mga materyal na luho, kung ikumpara sa kanila. May mga napatunayan na kasi akong tulad nila at akala ko ay mga kaibigan ni manong Ed, na nahuli ko sa mga salitang binibitiwan, mga salitang may halong pangungutya.

Ayaw kong makarinig ng pangungutya mula sa mga taong tulad ng nabanggit dahil nang mag-retire si manong Ed, ay wala siyang maipagmalaking malaking pondo sa bangko. Hindi siya mayaman. Tumira siya sa isang bahay na inalok ng kaibigan niyang si mang Narsing, upang hindi na mangupahan pa. Ang separation pay niya at ang maliit na naipon ay walang kadamutang itinulong niya sa iba. Hindi siya nabahala sa kabila ng katotohanang ang pensiyon niya ay wala pang sampung libong piso bawat buwan. Ganyan ang ugali niya noon pa man….hindi mukhang pera, at hindi nagpapakontrol sa pera.

Napatira ako sa apartment niya kasama ang iba pang kapos noon dahil halos hindi sapat ang buwanang kinikita. Nagkikita kami ng ibang mga taga-PAL na assigned sa mga istasyon kung sila ay may training sa Manila. Isa sa mga nakaalalang nabahaginan ng ganitong grasya ay si Atty. Domingo Duerme noong siya ay assigned sa Cotabato station. Marami pang iba, tulad ni Bud Aseoche (Tacloban), Tito Garcia(Surigao), Ephraim Fernandez (Davao). Kung ano ang meron sa hapag kainan na maihanda niya ay pinagtitiyagaan. Bilang manager ng isang division ng PAL ay hindi gaanong kalakihan ang sweldo ni Ed, subalit pilit niyang napagkakasiya.

Nang ma-hijack ang isang eroplano ng PAL galing Davao, sa halip na kasuhan at ipakulong ang mga estudyanteng naglunsad ng hijacking ay binigyan ng pagkakataon ni G. Benigno Toda na Presidente nang panahon na yon upang magbago kaya binigyan ng trabaho sa kumpanya. Naghanap ng “mag-aampon” sa mga estudyanteng napalihis ang pananaw dahil sa kanilang idealism. Ang isa sa kanila, ay “inampon” ni Ed Guatelara upang masubaybayan habang nagtatrabaho sa Domestic Cargo office. Napabilang siya sa aming mga datihan nang nakatira sa apartment.

Nagkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng bahay, subali’t dahil sa pangangailangan ng ibang kaibigan at mismong kamag-anak, naipa-remata na lamang ito upang magamit nila ang pera. Parang walang anumang lumipat siya sa maliit na tirahan. Ang sabi niya, sanay naman daw siya sa hirap, at ang importante daw ay nakakatulong siya sa iba.

Sa talas ng pakiramdam niya sa pagtukoy ng mga potensiyal na empleyadong may kagalingan, marami din siyang natulungan upang umangat ang kinalalagyan sa kumpanya, kasama na si Guy Cruz na naging Administrative Assistant niya nang siya ay maging Director ng Manila Domestic Airport. Inirekomenda pa niya ito sa isang kumpanya sa Subic nang umalis ito sa PAL. Hindi siya maramot sa pagrekomenda ng mga tauhan kung may pagkakataon siyang makita para sa kanila upang maging manager. Maraming mga kontraktwal na janitor ang tinulungan niya upang makapasok sa PAL at maging regular na empleyado. May isa rin siyang tinulungan na tauhan noong siya ay manager ng Standards and Coordination. Hindi niya ito pina-oobertaym upang makapasok sa eskwela dahil kumukuha ng abogasya, samantalang ang mga kasama nitong tulad nina Gary Cruz, Jay Delfin at iba pa ay inaabot ng madaling araw sa pag-overtime.

Itinuro niya sa akin ang kaibahan ng creative writing at technical writing. Nangyari ito nang naging bahagi ako ng mga working groups na gumawa ng mga draft ng mga pulisiya para sa mga operations manual ng departamento. Kung anong kaalaman ang ibinabahagi niya sa kanyang mga tauhan, ganoon din ang ginagawa niya para sa aming hindi kasapi ng kanyang division. Nangyayari ito kapag nagdadatingan ang mga galing sa mga istasyon upang tumulong sa paggawa ng mga operations manuals. Wala siyang pinagdamot na kaalaman.

Bukambibig ni manong Ed ang mga paalala na ang pera o anumang materyal na yaman ay para lamang sa buhay na pisikal – dito sa mundo. At tulad ng sinasabi sa Bibliya, pabigat lamang daw ang yaman sa isang tao na mamamatay na.

Hindi matakaw sa atensyon si manong Ed. Kadalasan, nagugulat na lamang ang mga taga-istasyon na makita siyang bumababa sa eroplanong kalalapag lang. Ni hindi niya nasubukang humawak ng mikropono kung may okasyon ang departamento noon. Ang mahalaga sa kanya ay maayos ang trabaho niya, at hindi niya kailangan pang i-bandera ang kanyang mukha o di kaya ay i-anunsiyo sa lahat na marami siyang ginagawa.

Sa pagpasyal-pasyal ko sa kanya nitong mga araw, ni hindi ko siya nakitang ngumiwi kung nahihirapan siyang tumayo mula sa kanyang kinauupuan upang salubungin ako, dahil sa sakit na dulot ng gout at rayuma. Ngingiti lamang ito sabay sabing “part of growing old”. Ibang- iba sa gawi ng iba, na hindi lang naiabot agad ng kasambahay ang hinihingi ay isang milya na ang sinabi.

Sa panahon ngayong maraming tukso at halos lahat ng galaw ng tao ay kontrolado ng pera, marami ang hindi mapakali kung walang lamang isang libong piso man lang ang bulsa. Ang iba naman ay nabubuhay sa kasabihang, “charity begins at home”, pero kung kelan maglalabas ng kakarampot na charity mula sa bahay, ay Diyos lang ang nakakaalam…ibig sabihin, dinadahilan ang kasabihan upang hindi makapamahagi ng sobrang blessings sa iba.

Mapalad ang mga taong na-touch ni manong Ed noong kapanahunan niya sa PAL. Maaaring abutin ng kung ilang dekada uli bago magkaroon ng isang taong tulad niya, na nagpatunay na maaari palang gawin ang kasabihang: pagkaing isusubo na lang ay ipamimigay pa….

Ang Mga Malabong Gawin ng mga Opisyal At Mambabatas sa Pilipinas

Ang Mga Malabong Gawin ng mga Opisyal

At Mambabatas sa Pilipinas

ni Apolinario Villalobos

Kung noon, ang isinulat ko tungkol sa mga dapat gawin ng mga opisyal at mambabatas sa Pilipinas ay inismiran at dinedma, palagay ko, sa pagkakataong ito, may mga papalakpak, sabay thumbs up, at bigkas ng, “yan ang tama!”.

  1. Malabong umamin ng kasalanan ang mga mambabatas na sangkot sa mga kasong tongpats o kickback, yaong may kinalaman sa mga pang-uumit nila sa kanilang pork barrel. Nahirapan nga naman silang magpalipat-lipat ng mga kinupit na pera, sa iba’t ibang bank accounts upang mabura ang paper trail…malaking sakripisyo yon sa kanilang panig. Kaya kahit na ikamatay pa nila, at kahit na masasakripisyo ang dangal ng kanilang pangalan, no way silang aamin.
  2. Malabong magpakamatay o mag-resign ang isang opisyal dahil sa kahihiyan at kapabayaan niya sa trabaho. Bawal daw kasi sa batas ng Panginoon ang kumitil ng sariling buhay, kaya talagang sumusumpa siya na wala siyang kasalanan, tamaan man siya ng kidlat, at sa mata ng Diyos, siya ay tapat sa tungkulin. Hindi rin siya magre-resign dahil ayaw niyang sumaya ang kanyang mga kalaban, at lalong ayaw niyang iwanan ang puwesto na masaganang bumabalong ng milyones na grasya!
  3. Malabong itakwil ng mga mambabatas ang mga kaalyado nilang hantaran nang napatunayang may ginawang kasalanan sa mga imbestigasyon ng Senado. Hindi maaaring itakwil dahil kahit libo mang pahina ng report ang maglilitanya ng kasalanan, wala ring mangyayari….puro pakita lang. Baka ang sinasabing may kasalanan ay maging Presidente pa ng Pilipinas…tagilid sila! Marami nang beses na napatunayan, na ang “dark horse” ay nagtatagumpay…ibig kong sabihin sa dark horse ay yong hindi inaasahan, hindi kulay ng balat.
  4. Hindi maaaring tanggalin ng Presidente sa puwesto ang kanyang mga BFF sa gabinete na malinaw na may mga ginawang hindi kaaya-aya, dahil….BFF nga! Kulang na lang sabihin ng kanyang mga tagapagsalita sa mga Pilipino: “…asa pa kayo… ano kayo sinisuwerte?!”. Paano ang kanyang matuwid daw na daan? Ah, para sa kanya hindi problema….dahil pangako lang iyan. Hindi lang alam ng mga nagtataka kung saang libro o eskwelahan niya natutunan ang prinsipyo ng “ pagpako sa pangako”. Sa prinsipyo niyang ito, dapat isa lang ang gawin ng ng tao kung mangako siya….hanggang diyan na lang, at kailangang nakapako na. Nakasanayan na niya ang ganitong prinsipyo na buong tamis na pinamumutawi sa mga bibig, sabay ngiti ng ngiting aso na pagkatamis-tamis!
  5. Hindi maaaring magsalita ang Presidente laban sa Amerika, kahi’t may Pilipino nang namatay sa kahindik-hindik na paraan sa Olongapo kung saan ay nakahiligang palipasan ng libog ng mga walang konsiyensyang Amerikano. Kung paalisin nga naman ng Presidente ang mga Amerikano sa Pilipinas, pagpipiyestahan naman tayo ng Tsina. Hindi madaling manikluhod sa Amerika upang mag-display ito ng lakas sa kanlurang bahagi ng Pilipinas, makapanindak man lang sa Tsina. Siguro para sa kanya, hindi kawalan ang isang buhay sa isandaang milyong populasyon ng Pilipinas, kaya hanggang ngayon ay hindi man lang siya umiimik…ni hindi man lang nakiramay sa namatayan!
  6. Hindi maaaring hindi saluhin ng Department of Justice ang mga saltik ng pagbatikos sa Presidente dahil, yong Secretary ay nakalinya yatang isama sa lista ng mga kandidatong senador ng administrasyon sa 2016 eleksiyon…kaya kunting pakitang gilas naman! Sa pagkamatay ng isang transpinay sa Subic na si Laude, itinuro ng Malakanyang ang DOJ na siya nang bahala…kaya naman, salo na lang ito ng salo at inda ng mga pagbatikos ng bayan….for the sake of 2016 eleksiyon. Sigurado ay pakiyeme pang sasabihin ni de Lima na ano ang magagawa niya kung isinali siya sa listahan ng mga “mananalong” senador ng administrasyon.
  7. Hindi maaaring bilisan ang paglitis sa mga kaso sa mga bulwagan ng mga hukuman. Masuwerte nang may kasong matutuldukan sa loob ng limang taon. Nakakagulat ngang marinig sa balita na may mga kasong natuldukan makalipas ang labing-apat na taon! At ang kaso…pagnanakaw daw ng isang maliit na empleyado ng pamahalaan at ang sangkot na halaga ay wala pang limampung libong piso! Sinasabi ng ahensiya kulang sila ng mga abogado, walang budget. Sa pagdinig ng budget deliberation naman, sisisihin ng senado ang ahensiya kung bakit hindi ipinaglaban ang kakulangan ito, sabay tapyas sa budget nitong aaprubahan…nantakaw lang! At ang Supreme Court na walang magawa, tatahimik na lang kaya, kaya kahit na ang karumal-dumal na krimen, lalo na ang Maguindanao massacre, ay hindi pa rin nalulutas sa kabila ng mga ebidensiya, at makalipas ng mahabang panahon. Ni hindi rin kinu-convict ang mga promotor na mag-aamang Ampatuan.
  8. Hindi maaaring pagdadamputin ng DSW ang mga naglilipanang mga batang sumisinghot ng rugby, mga palaboy, mga nakatira sa bangketa, at mga nagkakalakal ng laman sa Avenida, Quezon Boulevard, Cubao, at iba pang sulok ng prostitution sa Maynila. Para sa ahensiya, palamuti ang mga ito ng isang third world country na bansa tulad ng Pilipinas…mga requirements upang makakalap ng mga donasyon, grants, at kung anu-ano pa mula sa ibang bansa. Masisira ang na-facial na mga mukha ng mga social workers kapag lumabas sila at mainitan. Bago matapos ang taon, magpapakita uli sila sa mga tv camera habang nag-iikot kuno, sa gabi, upang ipunin ang mga taong ito at “matulungan”. Pagkalipas na ilang buwan, balik na naman sa square one ang lahat, dahil hindi sila consistent sa kanilang trabaho. Kung sa bagay, may mabigat silang dahilan…mahirap kasi ang maging seryoso sa trabaho!
  9. Hindi maaaring bilisan ang paggawa ng mga evacuation shelters sa Leyte, Samar at kung saan pa mang nasalanta ng bagyo. Kailangang pitik-pitik ang mga project upang may panahon sa pagkuwenta ng maki-kickback mula sa pagbili ng mga materyales na mababa ang kalidad. Ganito rin kabagal dapat ang mga paggawa sa mga relocation shelters ng mga na-relocate na mga pamilya sa Maynila. Kailangan ding walang pasilidad upang mainis ang mga na-relocate na squatters at bumalik uli sa mga gilid ng ilog sa Maynila….masaya na naman ang kumikita sa relocation projects!
  10. Hindi maaaring magsabatas ng anti-dynasty dahil mawawalan ng tsansang umupo sa puwesto ang mga asawa, anak, uncle, auntie, pinsan, pamangkin, pati na driver at katulong upang tuloy ang piyesta ng pangurakot.
  11. Hindi rin maaaring isabatas ang freedom of information dahil ibibisto ng matatapang na mga taga media ang mga kademunyuhan ng mga tao sa gobyerno – opisyal, mambabatas, empleyado at mga kakutsaba nila!

Sa Pilipinas, dahil malabong asahan ng taong bayan ang mga dapat gawin ng mga opisyal at mga mambabatas, upang hindi ma-disappoint, dapat asahan na lang ang hindi ginagawa at magagawa ng mga buragwit at kawatang ito!