Taghoy ng Sangkatauhan at Inang Kalikasan
Ni Apolinario Villalobos
Noon, ang bigas kung bilhin, gatang ang sukatan
Ang sampung pisong dala, sangkaterba ang katumbas
Umaapaw sa dalang bayong- isda, gulay at panghimagas
Mayroon pang kapirasong karne ng baboy, o baka, o manok
Kaya sa mga tao, reklamo’y walang marinig, kahit na himutok.
Ngayon, ang isang libong pisong bitbit kung mamili
Hindi kailangan ang bayong, basta may maliit na supot –
Kasya na ang mga napamiling tingi-tingi, mga kakarampot
Sa palengke lang yan, dahil kung sa isang grocery ka pupunta
Sa halagang isang libo, ang mailalagay sa supot- nakakamangha!
Noon, mga pulis, sa pananamit pa lang ay bibilib ka na
Komportable’t maayos ang sukat, di parang suman sa ibus
Kaya sa habulan at bakbakan ay nakakaarangkada ng maayos
Di rin katatakutan sa gabi kung masasalubong kahit na sa dilim
Ngayon, may mga sangkot sa hulidap at pangongotong – mga sakim!
Noon ang mga kabataa’y ubod ng sipag, bait, at galang
Kusang nagmamano sa matatanda, namumupo, hindi suwail
Takot sa karahasan, ayaw humawak ng punyal o kahit na baril
Walang bisyong sigarilyo, alak, di babad sa kung saan-saang sulok
Di tulad ngayon, umaalagwa sa bisyo, umaalingasaw sa ugaling bulok!
Noon, kapita-pitagan ang mga mambabatas, sila ay tapat
Malinis ang kanilang hangarin, listo sa pagtupad ng tungkulin
Kagalang-galang sila kaya ang pagdudahan sila, hindi mo iisipin
Di tulad ngayon, pabantutan sila, pahabaan din ng buntot at sungay
Sa kademunyuhang ginagawa sa bayang walang tigil, walang humpay!
Noon, karagatan ay hitik sa buhay, bahid ng dumi ay wala
Mga isda ay malusog, mga laman ay walang lason na kemikal
Mga lasong itinapon ng mga balasubas na tao, at ugali ay hangal
Walang patumanggang itinapon ay mga isinuka ng mga pagawaan
Walang pakialam, hindi alintana ang resulta ng kanilang kapangahasan!
Noon, ang hangin ay mahalimuyak, masarap pang langhapin
Lalamunan ay di masasamid sa usbong ng langis at mga basura
Walang nakakasulasok na amoy na nakakapanghina at nakakasuka
Ang mga ibong at ibang mga nilalang ng malawak na kahanginan
Nanghihina, namamatay, tulad din ng taong nalulunod sa kadugyutan!
Noon, ang ilog ay buhay na buhay sa bulasaw ng mga isda
Mala-kristal ang kulay, ginhawa’y bigay sa lalamunan na uhaw
Kaginhawahan ang dulot sa mga inosenteng batang nagtatampisaw
Ang mga batis ay kaaya-ayang pagmasdan, sa mga naglalabang dilag
Subalit ngayon, kulay kalawang na dumadaloy ay may halong kamandag!
Noon, ang mga tao ay di pumapalya sa pagtitika, pagdadasal
Takot sa Panginoon ang umiiral sa pusong tinitibok ay pag-ibig
Balot din kapayapaan ang animo ay paraiso at luntian nating daigdig
Subalit ngayon, saan man pumaling at tumanaw, kita’y mga pagdurusa
Mga pasakit yata’y sumpa ng Poon sa sangkatauhang nakalimot sa kanya!