Ang Mga Karumal-dumal na Sabwatan sa Gobyerno

Ang Mga Karumal-dumal

na Sabwatan sa Gobyerno

ni Apolinario Villalobos

Sa Pilipinas lang nangyayari ang karumaldumal na sabwatan sa gobyerno. Sa ibang bansa, may magnanakaw man sa gobyerno, paisa-isa lang ang nasasangkot. Pero iba sa Pilipinas, ang effort sa pagnanakaw sa kaban ng bayan ay ginagawang wholesale, o bultuhan.

Dalawang klase rin ang mga sangkot – magkakaalyado at magkakapamilya. Systematic pa ang pagnanakaw na ginagawa, mula sa mababang puwesto hanggang sa itaas. Kung baga sa paglinis ng isang lawn gamit ang lawnmower, ay talagang matinding pagsuyod ang ginagawa nila.

Uumpisahan sa level ng barangay, na ang mga grasya ay tila ambon lamang o wisik muna dahil maliliit ang mga proyekto. Sa level ng bayan at siyudad, malaki na ang mga patak na tila ba umuulan na ng grasya. Kung malaki ang isang bayan, walang sinabi ang four digits na numero…dapat ay six digits. Kung siyudad na ang sinisipsipan ng mga lintang ito, hindi lang seven digits ang usapang grasya kundi eight digits na…mga kung ilang palapag na mga gusali ba naman ang ma-involve…kaya talagang limpak-limpak na milyones ang pinag-uusapan.

At ang mga magkakutsaba… ang mga pinuno mismo at ang mga may hawak ng mga proyektong mga kontraktor na ang tagapamagitan ay mga trusted na tauhan ng mga opisyal. Para hindi naman garapal, ang grasya ay tinatawag na “rebate” in cash, hindi “kickback” na sinaunang salita, wala nang class. Upang makuha ang pakikipagtulungan ng mga miyembro ng konseho, siyempre, may mga sobreng para sa kanila. Kahit noong hindi pa pumutok ang eskandalo laban sa mga Binay, ang mga nabanggit na ang karaniwang kalakaran upang mapagkitaan ang mga proyekto ng gobyerno. Hindi ko dito sinisinter ang mga Binay…bahala na sa kanila ang Senado.

Ang mga pulitikong pamilya, itinuturing na mayamang “sakahan” ang gobyerno…isang farm na dapat nilang i-“manage” na “maayos”. Kaya pagkatapos ng ama halimbawa sa pagka-mayor, papalitan naman ng anak o asawa. Yong ibang kapamilya naman ay sumasabay na sa ibang level naman ng pamalaan. Kaya hindi lang palitan ng puwesto ang nangyayari kundi, pasahan.

Yong mga hindi namumuno ng political unit, subali’t nasa Kongreso, Senado, o kabinete, ibang style naman ang ginagawa – pakikipagsabwatan sa mga local government unit o mga departamentong nakakahawak ng mga budget para sa mga proyektong idinadaan sa mga NGO’s. Subalit para sigurado ang kita, dumidiretso na sila sa mga NGO, gaya ng iniimbistigahan ngayong mga NGO ni Janet Lim Napoles.

Samantala, ang nasa pinakatuktok ng poder naman, nakapikit ang mga mata. At dahil best friends ang ibang involved, wala itong pakialaman. Pinagtatanggol pa ang mga tiwali sa kabila ng mga naghuhumiyaw na mga katotohanan. Kaya, ang pagnanakaw sa kaban ng bayan at lokohan sa gobyerno ay animo free-for-all. Angkop sa kanila ang kasabihang, “strike while the iron is hot”. Yan ang Pilipinas….ngayon! At ang pananggalang nila palagi ay pinupululitika lamang daw sila, o di kaya ay wala silang kasalanan hangga’t hindi napapatunayan sa korte. Sa Pilipinas lang yan nangyayari!

Ang Maging Successful na Corrupt Government Official, Pulitiko, At Kasabwat

Ang Maging Successful na Corrupt

Government Official, Pulitiko, At Kasabwat

Ni Apolinario Villalobos

Mahirap din ang maging corrupt na pulitiko, government official, o ordinaryong citizen na kasabwat. Hindi basta-basta ang pumasok sa karumal-dumal at umaalingasaw na animo ay pusaling larangang ito. May mga investment at may mga isasakripisyo. May mga requirements wika nga, tulad ng mga sumusunod:

  1. Dapat ay nananalaytay sa mga ugat mo ang dugong kulay itim na siya ring nagpapaitim ng budhi at naglulusaw ng konsiyensiya. Ibig sabihin, may lahi kang kawatan, mandarambong, sinungaling, makapal ang mukha, at asal-demonyo. Habang lumalaki ka ay nahuhubog ang pagkatao mo sa isang buhay na walang kinikilala kundi ang kapangyarihan ng pera. Sa madaling salita, nabe-belong ka sa isang tiwaling pamilya na kung tawagin sa English ay “political dynasty”.
  2. Dapat ay wala kang “tunay” na pananalig sa Diyos. Ibig sabihin, kung makita ka sa simbahan o may hawak na rosaryo, ito ay pakitang-tao lamang. Importante ito dahil, makikipagkutsabahan ka rin sa mga tiwaling alagad ng simbahan na babayaran mo upang mag-manage ng ipapatayo mong retreat house.
  3. Dapat nakapag-aral ka ng Public Administration man lamang, pero mas mabuti kung abogasya na. Importante ito upang makabisado mo ang mga batas ng Pilipinas na maraming butas. Kung abogado ka, kaya mong sumagot sa media na alam mo ang ginagawa mo dahil abogado ka, tulad noong hangal na isang opisyal ng MRT.
  4. Dapat kulay kayumanggi ang balat mo. Kung maputi ka kasi o mestisuhin at mestisahin, halata kung ikaw ay napapahiya dahil magba-blush ka. Hindi baleng pandak ka at hindi makita kung paligiran ka ng sangkaterbang mga bodyguards, huwag lang magka-stampede at baka mapitpit ka na ng mga rumaragasang paa.
  5. Kailangan mong magtiyagang magpraktis umaga, tanghali at gabi sa harap ng salamin, na dinuduro at minumura mo ang sarili mo. Lahat ng mga kadupangang* salita dapat isigaw mo sa sarili mong kaharap mo sa salamin, dapat dura-duraan mo pa – upang masanay ka pagdating ng panahong nasa actual na sitwasyon ka na. Ngingiti ka na lang kahit na natutulig ka na sa mga pagmumura ng tao, at ang nasa isip mo na lang ay…”inggit lang kayo dahil wala kayong bilyones na nakurakot”, sabay finger sign in your mind at dagdag ng: “to hell to all of you, suckers!”. Ibig sabihin noon, talagang sagad-buto na ang kayudiputahang** ugali mo.
  6. Kailangang pumunta ka sa isang reputable university o college man lamang. Tumayming at magbayad ng mga estudyante na magbabato sa yo ng mga nilamukos na papel, sabihan mo silang huwag magkamaling gumamit ng bato, habang sumisigaw ng “corrupt…corrupt”, habang ikaw naman ay parang sira-ulong nakangising-aso. Isang linggong practice nito pwede na, gagastos nga lang sa pambayad ng mga estudyante. Mas maganda sa UP, mga iskolar ng bayan ang mga nandodoon, at baka makalibre ka pa.
  7. Kailangan mong magpa-semi kalbo na gupit o di kaya ay pakalbo na lang upang kung sa actual na sitwasyon na at may matuwang magbato sa yo ng bulok na kamatis o bugok na itlog at tumama sa ulo mong walang buhok, kunting shampoo lang ang gagamitin mo sa paglinis nito.
  8. Kailagang mong magpatubo ng bigote, para kunwari ikaw ay kontra-bida sa pelikula, na dapat lang dahil bilang corrupt, kontra-bida talaga ang papel mo tunay na buhay, di ba? Kung di mo type ang magpatubo ng bigote, clean look na lang para kung masukol ka ng mga nanggagalaiti sa galit na mga tao, sisigaw ka lang ng: “please maawa kayo, sister ako!” Marami namang ganyan sa gobyerno, nagpapaka-macho pa nga kaya walang problema…nagtatakipan ng kasalanan. Nagkakahawahan na kasi, hindi lang sa pagiging “gitna” kundi pati na rin sa pangangawat sa kaban ng bayan…mga “birds of the same feather” nga ang tawag!…yan ang sabi ng mga taga-barber shop, beauty parlor, at bilyaran.
  9. Kailangang buo ang loob sa pagsabi ng “litseng pulitika, nabiktima na naman ako” with matching emotion na pa-humble. Bitsinan ng mga paawang salita na: “galing ako sa hirap at nakatapos ako ng abugasya dahil nagsikap ako”. Pero ang mga ito ay sa isang press conference lang dapat sabihin, hindi pwede sa hearing dahil masusungalngal ka ng mga tanong na hindi mo masagot at kung maliit ka, baka lalo kang manliliit, at kung maitim ka na, baka lalo ka pang matusta sa kagi-grill ng mga kapwa mo kawatan na nagmamalinis!
  10. Kung ikaw ay nasa poder na, dapat kung ilang patong ng balat sa kawalan ng hiya ang meron ka sa pagsabi na hindi ka aalis sa puwesto dahil gusto mong ipagpatuloy ang mga “pagbabago” kahit para kang hunghang**** sa pagsasabi nito na wala namang katotohanan, dahil wala ka naman talagang nagawa. Tingin lang ng iba ay dapat kumita pa ng milyones ang ibang kaalyado bago mag-goodbye sa puwesto.
  11. At panghuli, dapat “do or die” ang stance mo. Kung baga sa pelikula, para kang bida na tinadtad na ng bala ay humihinga pa rin, upang mapangatawanan mo ang pagkaitim ng iyong budhi at kawalan ng konsiyensiya. Alalahanin mo ang mga kung ilang dekadang pangangawat mo sa gobyerno, tapos binabantaang mawala? Ano sila sinuswerte? Yong maraming nauna nga, ngayon ay naghahalakhakan dahil barya lang sa nakulimbat nila ang “nabawi”…ang iba hindi pa nabibisto!

Postscipt….Malaki ang pasalamat ng mga taong tiwali dahil ang nakalaang parusa ng Diyos sa mga nagkasala sa lupa ay impiyerno. Nagpapasalamat sila dahil HINDI SILA NANINIWALA SA DIYOS!

Mga ibig sabihin ng mga exotic na salita:

kadupangan*              -hi-tech na kababuyan

kayudiputahan**        -hi-tech na kahayupan

kawatan***                -hi-tech na magnanakaw

hunghang****            -hi-tech na baliw

Nagsalita na ang Commission on Audit (COA)

Nagsalita na Ang Commission of Audit (COA)

By Apolinario Villalobos

Sa pagsimula pa lamang ng hearing sa Senado, umaga ng October 2, 2014 tungkol sa anomaly ng Makati City Building 2, nagpahiwatig na agad ang abogado ng mga Binay ng pagtutol sa pagpatuloy nito, subalit hindi pinagbigyan at kaya pala ngmadaling umalis ay dahil pinareserba ang kwartong katabi lang pinagdadausan ng hearing para naman sa gagawing presscon na ini-arrange ni Senador Nancy Binay, para sa nasabing abogado. Gustong sabayan ang hearing upang mahati ang atensiyon na binibigay sa huli.

Malinaw ang intensiyon ng mga Binay na ayaw nilang mabulgar pa ang ibang mga korapsyon ng pamilya dahil nagkawing-kawing na nga, lalo pa at ang tampok sa hearing ng komite ay si Heidi Mendoza, ang bagong hirang na kosmisyoner ng COA, na ang pinasabog ay ang “kahindik-hindik” na overpricing ng mga gamit para sa Ospital ng Makati noong kapanahunan ni Mayor Elenita Binay, ang asawa naman ng Bise Presidente Jejomar Binay. At hindi lang overpricing ang nabulgar, kundi pati na rin ang pagbili ng mga itinigil na sa pagbentang mga equipment dahil nakitaan ng mga depekto, at pagmamadyik ng mga dokumento sa pamimili.

Kung magbabalik-tanaw, matagal na panahon bago naging komisyoner si Mendoza, halatang may humaharang. Ito din yong panahong dinidinig ang kaso ni dating Mayor Elenita Binay na may kinalaman sa overpricing ng mga gamit sa Ospital ng Makati. Noong panahon na yon, hindi na nga nako-confirm si Mendoza ay may nilooban pa ang kanyang bahay hanggang sa may mawala…ang original copy ng mg dokumento na nagdidiin sa dating mayor Elenita Binay sa kaso. Nangyari ang mga pagraransak sa bahay niya nang napilit siyang sabihin sa hearing ang kanyang address na sa umpisa ay pinakaingat-ingatan niya dahil natatakot siya sa kanilang seguridad. Nang malaman kung saan siya nakatira, nangyari ang pinangambahan niya. Nang nawala ang mga original na mga dokumento, saka pa lamang siya na-confirm bilang komisyoner ng COA!

Sa mga hearing ngayon, hindi na dapat pang nagbanta pa ang komite na ipapabusisi ang mga bank accounts ng mga pinaghihinalaang dummies pagkatapos nilang malaman na may mga massive withdrawals daw sa mga account ng mga taong unang nabanggit na pinaghihinalaang mga dummy at sangkot. Sa nangyaring pagbrodkast ng banta, by the time na pumasok ang investigating team upang mag-check ng mga accounts, sarado na ang mga ito – wala nang laman…sisihan na naman.

Tulad ng inaasahan, pilit na pinagtakpan ng mga resource speakers na involved sa construction ng Makati building ang dating mayor na si Jejomar Binay. Napulaan tuloy ang University of Sto. Tomas kung saan nagtapos ang engineer na nagdesign ng building dahil ang sagot ay tulad din ng iba na “wala akong alam”. Sabihin ba naman ng building designer na hindi daw niya alam kung ang ginawa niyang design ang sinunod sa construction ng building. Kapag kasi walang makuhang impormasyon sa kanya, magkakaroon ng gap o patlang ang mga testimonya. Ang nagagawa nga naman ng pera…! Hindi naman puwedeng pagtaasan ng boses ng mga nag-iimbistiga dahil baka hindi na bumalik.

Sa pagsalita ng mga taga-COA, ano na naman kayang kontra-bintang ang bibitiwan ng mga Binay? Sasabihin kaya nila uli na pinupulitika lamang sila?

Panahon na sigurong suriin din ang mga record ng mga foundation na matatagpuan sa Makati City dahil malamang na ginamit silang conduit ng mga pinatalsik na mga pondo. Subali’t ang nakakalungkot, hindi yata ito ginagawa hanggang ngayon. At kung sakali mang gawin “pagdating ng panahon”, dissolved na ang mga foundations at hindi na rin mahahagilap ang mga taong dapat kunan ng statements…sisihan na naman. Ang personal secretary ni Bise Presidente, hanggang ngayon hindi mahagilap, pati ang isang bunyag na bunyag na dummy.

Ang problema sa mga imbestigasyon sa Pilipinas, palaging huli ang mga nararapat na aksiyon. Inuuna ang pagbulgar sa media ng mga gagawin nilang hakbang, na nagbibigay tuloy sa mga taong sangkot upang gumawa ng mga karampatang hakbang at makaiwas sa imbestigasyon. Kaya kadalasan, ang mga taong akusado ay nakakapuslit palabas ng bansa, ang mga nakaw na perang inilagak sa mga accounts na labag sa anti-money laundering law ay nawi-withdraw, at marami pang iba.

Ang kunswelo na lang ng taong bayan sa nagaganap na hearing ay hayagan itong ginagawa kaya nalalaman agad ng mga Pilipino. Yon nga lang, kung isang beses isang linggo ang hearing, at kung aabot hanggang kalagitnaan man lang ng 2015, lamog na lamog na si Jejomay Binay at malabo na ang tsansa niya na maging presidente ng Pilipinas sa 2016. Maliban na lang kung magpapamudmod ng limpak-limpak na salapi na dati na rin namang ginagawa tuwing election campaign saan man sa bansa, pero sa pagkakataong ito, siguradong nakakahilo ang halagang mai-involve!

Bilib ako sa nagaganap na Senate hearing laban sa mga Binay, subalit malinaw din ang pakay ng mga nangunguna sa pag-akusa na sina senators Cayetano at si Trillanes dahil sila man ay interesado sa pinakamataas na dalawang puwesto ng Pilipinas – ang Presidente at Bise-Presidente.

Yan ang Philippine politic Olympics na ang nakasangkalan ay mga kawawang Pilipino!

Ang Mga Palusot ng Mga Tiwaling Pilipino

Ang Mga Palusot Ng Mga Tiwaling Pilipino

Ni Apolinario Villalobos

Ang kulturang palusot ay hindi lang nakikita sa lahi ng Pilipino. Mayroon din nito sa iba, subali’t nagkakaiba lamang sa antas ng kaselanan o katindihan. Normal lang sa tao ang mangatwiran kung siya ay nagkamali, dikta yan ng sentido kumon, dahil kahi’t papaano ay pumapasok sa isip ng tao ang kahi’t maliit na dahilan upang makaligtas sa kaparusahan. Sa isang banda, may mga tao sa mundo na ang kultura ay nagdidikta upang umamin sila kung ang kasalanang nagawa ay masyado nang malaki at imposible nang pagtakpan. May nagpapakamatay pa nga. Subali’t sa nakikita ngayong mga pangyayari sa Pilipinas…iba ang tiwaling Pilipino pagdating sa ganitong bagay.

Noong napatalsik mula sa Pilipinas ang mga Marcos dahil sa ginawa nilang pangangamkam, nagpilit pa rin silang gumawa ng paraan upang magkaroon ng kompromiso upang hindi mabawi ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng yamang naipon nila sa loob ng dalawang dekada. Alam na rin naman nila na malinaw pa sa sikat ng araw na ang yamang nabanggit ay hindi legitimong kanila, nagpapalusot pa rin. Nauulit ngayon yan.

Hindi lang mula sa kaliwa’t kanan ang mga naglalabasang kaso tungkol sa pagnanakaw sa kaban ng bayan, kundi pati sa harap at likod pa – lahat na ng sulok ng bansa. Dahil sa hilig ng Pilipino na malagay sa gitna ng atensyon, todo pa rin ang mga nasasangkot sa pagbigay ng mga inuulit nang mga depensa…paulit-ulit at nakasentro sa alegasyong pamumulitika daw ng mga kalaban. Pulitika ang palaging palusot na dahilan ng mga tiwali kung nabubunyag ang mali nilang ginawa. Yong ibang nasasangkot ay malakas pa ang loob sa pagsabi na masama man o mabuti, basta publisidad, tulong din daw upang lalo silang makilala. Ang tawag naman dito ay kakapalan ng mukha!

Ang masaya dito, yong ibang nabubunyag, isinasama pa ang kalikasan tulad ng kidlat para lang maipilit na wala silang kasalanan, kaya sumusumpa pang malinis sila, tamaan man sila ng kidlat! Mayroon namang binabanggit pa ang impiyerno, at may sumpa ring, masunog man daw ang kaluluwa nila sa impiyerno, ay talagang wala silang kasalanan…ang problema ay kung may kaluluwa pa sila! At, ang pinakamatindi ay ang pagsambit ng Diyos bilang saksi ng kanilang pagka-inosente!

Yan ang tiwaling Pilipino…mapamaraan! …walang pakundangan! …walang takot sa karma! …at lalong napakawalang hiya!