Palawan

Palawan

Ni Apolinario Villalobos

 

Kilala ang Palawan na probinsiyang “iniiwasan” daw ng bagyo, kaya marami ang nahikayat noon na bumili ng lupang tirahan at sakahan dito. Kapantay ng bansag na ito ang pagkilala bilang kinaroroonan ng Iwahig Penal Colony na tinaguriang “biggest borderless reformatory institution” ng bansa. Subali’t ang ayaw pa ring patalong mga bansag ay “isla ng mga exotic na hayop”, at balwarte ng mga lamok na may malaria.

 

Isa sa mga kailangang gawin bago pumunta sa Palawan ay ang magpabakuna ng anti-malaria. Napasyalan ko ang probinsiya noong panahon na late ‘70s. Ang airport ng Philippine Airlines ay nasa Puerto Princesa, ang kabisera ng probinsiya. Lunsod na ito noong panahong pumasyal ako, subali’t kapansin-pasin ang kawalan ng mga development na angkop sa nasabing kategorya. Walang malalaking gusali at ang ginagamit na pampublikong sasakyan sa loob ng lunsod ay traysikel…walang taksi. Sa kabila ng lahat, kapansin-pansin ang kalinisan. Tahimik at mapayapa ang pamumuhay…at lalong walang problema sa droga.

 

Sa kabuuhan, bilang islang probinsiya, ang Palawan ay hitik sa mga pang-akit na likas na yaman na makikita sa labas ng lunsod ng Puerto Princesa. Batay sa kasaysayan, pinangalanan ng mga Tsinong mangangalakal ang isla bilang Pa-lao-yu (land of beautiful safe harbor). Nang dumating ang mga Kastila, pinangalanan itong Paragua (umbrella) dahil ang hugis ng isla ay kahalintulad sa isang nakatiklop na payong. Palawan ang ika-limang pinakamalaking isla ng Pilipinas. Ang pinakamataas na bahagi ng isla ay ang Mt. Matalingahan (6,839 ft. a.s.l) sa dulong katimugan.

 

Mas maraming hayop na kapareho ng mga nasa Borneo ang matatagpuan, kesa ibang bahagi ng Pilipinas dahil pinaniwalaang noong Pleistocene Period, pinagdugtong ang dalawang isla ng tinatawag na “land bridge”. Maraming dapo (orchids)  at pako (ferns) ang matatagpuan sa isla na hindi makikita sa iba pang bahagi ng Pilipinas. Sa bisa ng Presidential  Proclamation No. 219 na may petsang ika-2 ng Hulyo, 1967, ang kabuuan ng Palawan ay idineklarang “game refuge and bird sanctuary” o kanlungan ng mga maiilap na hayop at ibon. Kasama sa mga pinoprotektahan ang mouse deer, scaly anteater, Palawan Bear,Palawan peackok pheasant, siete colores, mga kalapating ligaw tulad ng balud o camaso, makukulay na loro, mynah, mga agila, at marami pang iba.

 

Ang Palawan ay may 81 iba’t ibang grupo ng kultura at lahi. Ayon sa kasaysayan, ang mga  unang tumira sa isla ay galing sa Borneo, na sinundan ng mga Muslim na galing sa Malaysia na nagpasakop ng ilang bahagi nito sa Sultan ng Borneo. Sumunod ang mga Tsinong mangangalakal, na sinundan ng mga Kastila.

 

Ang 8 cultural communities ng Palawan ay Tagbanua, Palawan, Batac, Konoy o Ken-uy, Calamian, Molbog, Jama-Mapun, at Tausug. Ang mga Cuyunos o mga taal na ipinanganak sa Palawan ang dominanteng grupo sa isla. Ang mayamang kultura ng Palawenos sa kabuuhan ay makikita sa mga ritual at pagdiriwang tulad ng ati-ati, comedia, tambura, sayaw, sinulog, erkay at inocentes. Ang madalas na pasyalang komunidad ng mga natives ay ang matatagpuan sa Aborlan na 69 kilometers ang layo mula sa lunsod ng Puerto Princesa.

 

Ang St. Paul Subterranean Park, na kalauna’y tinawag na Puerto Princesa Underground River, ay mararating sa loob ng isa at kalahating oras na biyahe mula sa lunsod hanggang sa Bahile, kung saan ay sasakay ng “pumpboat” na bibiyahe naman ng dalawang oras. Ang Tabon Caves na tinaguriang “Cradle of Philippine Civilization” ay matatagpuan sa Lipuon Point na sakop ng Quezon, 149 kilometro mula sa lunsod. Dito natagpuan ang pinakamatandang bungo ng unang Pilipino, mga banga at tapayan na ang kalumaan ay abot pa noong nakaraang 890 B.C at 710 B.C.

 

Ang Ursula Island na tinaguriang paraiso ng mga ibon ay kilala na sa buong mundo lalo na sa mga taga- Europe na birdwatchers. Isa itong bahura na may manipis na gubat na kanlungan ng mga ibon galing sa ibang bansa na nagpapalipas ng taglamig. Mararating ito sa pamamagitan ng “pumpboat” mula sa Bataraza, sa loob ng dalawang oras. Ang Bataraza naman ay mararating sa loob ng pitong oras mula sa lunsod kung gagamit ng uupahang sasakyan. Ang isa pang isla ng mga ibon kung saan ay maaari ring mag-scuba dive ay ang Tubbataha Reef. Nababanggit ito ngayon dahil sa sumadsad na barko ng US Navy na sumira ng isang bahagi nito. Kailangan ang permiso bago pumunta sa Tubbataha Reef.

 

Ang iba pang nakakaakit na maaaring pasyalan sa Palawan ay ang Bugsuk Island, na dalawang oras na sakay sa “pumpboat” ang layo mula sa Balabac; Busuanga Island kung saan ay matatagpuan ang isang pearl farm at rantso ng baka; Calawit Island na tinitirhan ng mga hayop mula sa Kenya, Africa; Coron Island na tanyag sa mga handicraft na produkto, at kung saan ay matatagpuan din ang Maquinit Hot Spring, Lake Cabugao, Siete Pecados, at Cayangan lake.

 

Ang isa pang sikat sa buong mundo na ngayon at may resort na ay El Nido. Ito ay may layong 147.6 nautical miles mula sa lunsod ng Puerto Princesa, at dito matatagpuan ang mga kweba na pinamamahayan ng mga balinsasayaw na gumagawa ng mga pugad nila sa pamamagitan ng laway. Ang mga pugad na ito ay may mataas na halaga at binibili ng mga kainang tsino para ilutong “bird’s nest”. Ang pangunguha ng pugad ay pinagbabawal ng batas, subali’t may mga nakakalusot pa rin na nagsasabing wala silang maaaring pagkitaang iba kundi ang pangunguha nito na lubha ring delikado dahil kailangang mangunyapit sa mga nakausling maliliit na bato sa gilid ng kuwebang madilim. Improvised “headlight” ang gamit ng mga nangunguha upang mailawan maski bahagya ang gilid ng kuweba.

 

Ang isa sa mga makasaysayang kastilaing palatandaan naman ay ang Taytay Spanish Fort na matatagpuan sa bayan ng Taytay, 117.2 nautical miles mula sa lunsod. Ang iba pang pang-akit ng Taytay ay Malampaya Sound, Lake Danao, Elephant Island at Manguoa Lake. Ang isa pang palatandaan ng nakaraang kastilaing kultura ay ang Cuyo Spanish Church na meron ding daungan. Matatagpuan ito sa isla ng Cuyo na 152 nautical miles mula sa lunsod.

 

Ang Palawan ay itinuturing na huling hangganan o last frontier ng Pilipinas. Mabilis ang pag-unlad nito ngayon, subali’t sinasabayan ng ilang bisyo na karaniwang nakikita sa mas malalaking lunsod tulad ng Maynila. Nadagdagan ang popularity ng Palawan nang mahirang ang Puerto Princesa Underground River na isa sa walong nakakamanghang tanawin sa buong mundo, at ilang beses na ring nanalo bilang pinakamalinis na lunsod sa buong Pilipinas. Ang mga pinakatanyag na mga pasalubong na maaaring mabili sa Palawan ay mga daing na isda at kasoy.

 

Pinaalalahanan ang may balak pumunta sa Palawan na magpabakuna muna ng anti-malaria. May mga maliliit na domestic airlines ang maaaring sakyan papunta sa mga isla tulad ng Coron at El Nido. Ang iba namang airlines ay sa airport ng Puerto Princesa lumalapag.

 

Advertisements

Ang “Pari” sa Cebu

Ang “Pari” sa Cebu

Ni Apolinario Villalobos

 

Isang Fr. Romeo Obach, Redemptorist priest ng Cebu ang namamayagpag sa internet hindi dahil may ginawa siyang maka-Diyos, kundi may ginawa siyang mala-demonyo. Sa harap ng mga tao sa loob ng simbahan, sa pagsalita niya sa mikropono pagkatapos niyang binyagan ang anak ng isang menor de edad na single mom, inalipusta niya ito sa pagsabing nakakahiya ang ginawa niyang pagpapabinyag sa anak, dahil hindi naman daw ito kasal. Hindi na natakot ang paring ito sa may kayabangan niyang pagsalita habang nasa likod niya ang altar na sambahan. Hindi malaman kung siya ay may hang-over sa bahal na tuba o bangag.

 

Unang-una, nilabag niya ang kautusan ng Diyos tungkol sa paghusga ng kapwa. Ang dapat na ginawa niya ay kinausap ng maayos na parang “ama” ang dalagang ina pagkatapos ng binyag at pinangaralan. Murahin pa niya kung gusto niya, basta walang makarinig na iba – para bang nagkukumpisalan lang. (May narinig na akong pari na nagmura, pero bihira daw niyang ginagawaito – kung sobra na ang galit niya at gusto niyang lumuwag ang dibdib niya….yan ang paring tunay!…umaaming tao din siya.) Kung nakausap ng pari  ang magulang ng dalagang ina, sana nalaman niya na muntik nang magpakamatay ito dahil hindi rin niya gusto ang nangyari sa kanya, subali’t dahil may madadamay na ibang buhay – ang nasa sinapupunan niya, minabuti niyang magpakatatag, hanggang mailuwal niya ito nang maayos.

 

Wala sigurong internet sa kumbento ng paring si Obach, kaya hindi niya nakita ang pagbinyag ng santo papa sa anak ng mag-asawa sa Vatican…at ang mag-asawa ay hindi kasal. Kung sinasalungat niya ang mga halimbawa ng mismong namumuno ng simbahang Katoliko, demonyo nga siya.  Ang mga katulad niyang nagbibigay ng kahihiyan sa simbahang Katoliko, kaya tuloy marami ang tumitiwalag at lumilipat sa ibang relihiyon o sekta, ang dapat itiwalag!

Hindi mabubura sa isipan ng mga tao ang ginawa niya, ilang beses man siyang mag-apologize, na halata naman sa mukha niyang hindi bukal sa kalooban.

 

May alam din akong pari na nag-alipusta ng mga batang kumanta ng praise song para kay Virgin Mary habang nagpuprusisyon. Dahil biglaan ang pagturo sa mga bata ng nasabing kanta, hindi masyadong nakuha ang tono, lalo na at mga bata nga sila. Ang pag-alipusta ay ginawa ng pari sa harap ng mga maninimba nang magdaos siya ng Misa. Wala man lang pumalag ni isa sa mga miyembro ng isang religious organization na malapit daw sa kanya. Dahil wala ngang pumuna, akala ng nasabing pari, ay tama siya sa ginawa niyang pag-alipusta! Kaya hanggang ngayon ay nandiyan pa rin at naghahasik ng kaaliwaswasan sa mga Katolikong patuloy na nakikinig sa kanya sa Misa, maski alam nilang may dapat baguhin sa ugali niya! Damay-damay na…dahil yong iba sa mga “tupa” niya, nagsasabi tuloy na kung siyang pari ay ganoon ang ugali,  bakit sila oobligahing magbago ganoong “ordinaryong” Kristiyano lang sila? …tama nga naman, di ba? Kaya tuloy ang “maganda” nilang samahan!

 

Ito ang nakakabahala, dahil hindi lang sa gobyerno naglipana ang mga corrupt na maitim ang kaluluwa, kundi sa hanay din ng mga dapat sana ay taga-akay natin tungo sa maka-Diyos na daan! Sayang at hindi nila nagagamit ang kung ilang taong pinag-aralan sa seminaryo….

 

Ang Kaso ni Hayden Kho…pati sa PRC, meron din…?

Ang Kaso ni Hayden Kho

…pati ba sa PRC, mayroon din…?

ni Apolinario Villalobos

 

Marami ang nagtaka sa biglang pagbalik ng lisensiya ni Hayden Kho sa kanya dahil, hindi pa umabot sa takdang araw upang ang kampo niya ay mag-file ng petisyon, at pagkatapos ay magkakaroon pa ng hearing. Ang dinaramdam ng kampo ni Katrina Halili, sabi ng abogado niya, inabot sila ng dalawang taon, upang manalo sa kasong pagtanggal ng lisensiya ni Hayden. Subali’t sa pagbalik nito, ay ni hindi nasunod ang mga rekisitos, na nabanggit na, at parang sa isang iglap ay nangyari.

 

Marami tuloy ang nagdududa o nag-iisip na pati ang Professional Regulations Commission ay inabot na rin ng virus ng corruption. Maalalang hindi lang iisang beses nagkaroon ng eskandalo sa leakage ng mga pagsusulit na binibigay nito. Lahat ng mga katiwaliang iyon ay pinalampas, pagkatapos magkasuspendihan “daw”, na ang tinutukoy ay ang mga sangkot.

 

Kung sasawsaw ang NBI sa pag-imbestiga, may mga suhestiyon ako na baka magamit nila: i-check kung sino sa mga taga-PRC ang biglang nagkaroon ng matangos na ilong…kung sino sa mga babaeng empleyado lalo na ang may mataas na katungkulan ang biglang lumusog ang boobs…kung sino sa mga empleyado ang biglang nangintab ang mga pisngi dahil sa maxi-peel…kung sino sa kanila ang biglang tumambok ang puwet…kung sino ang biglang nawalan ng bilbil…kung sino ang biglang nagkaroon ng mga kilay na parang iginuhit… kung sino ang biglang nawalan ng eyebags…at kung sino sa kanila ang biglang nawalan ng wrinkles sa mukha, kaya halos naging kamukha ni Marian Rivera!

 

Huwag sanang mangyari na umabot na ang corruption virus hanggang sa PRC, dahil kapag ganoon ang mangyari, nakakatakot isiping may mga nakakalat sa paligid nating mga professional practitioners na hindi pala karapat-dapat at nagkaroon lang ng lisensiya dahil “pinalusot”.