Ang Masaya Kong Nakaraan

Ang Masaya Kong Nakaraan

Ni Apolinario Villalobos

 

Hindi ito isang kuwentong mala-nobela. Kuwento ito ng masasayang araw ng aking kabataan. Makulay pa. Noong nasa elementarya ako, kasama ang ilang abenturista ring mga kaklase, namumutol kami ng kawayang Hapon sa isang bukid upang gawing sumpit. Upang magkaroon kami ng pambalang monggo, pumupunta kami sa palengke upang mang-umit nito sa mga bilaong nakatiwangwang lang, at pinupuno namin ang aming bulsa. Yong kasama naming isa, siguro nagsisisi sa mga ginawang pang-uumit kaya ngayon ay nakikibahagi ng mga salita ng Diyos bilang tanda ng pagsisisi. Yong isa, namayapa na.

 

May mga sinamahan din akong mga kaibigan na mahilig sa pag-akyat sa puno. Sa kanila ko natutuhan ang patiwarik na pagbitin sa sanga. Natuto akong bumaba sa puno ng santol na puno ang damit ng ninakaw na bunga, animo ay buntis, habang ang hindi kayang maipit ng damit ay naglalaglagan sa pagitan ng aking mga hita. Wala kaming pera subali’t masaya kami.

 

Noong panahon na wala pang kuryente sa bayan namin, ang mga nagpapa-party ay gumagamit ng Petromax, at para lang masabi na romantic daw, mga kandila naman ang sinisindihan na kung mangaupos ay pinapalitan ng gaserang de-gas kaya kinabukasan paitiman ng ilong ang mga nagsidalo, dahil sa nalanghap na usok. Ang music naman, mula sa de-bateryang phonograph o “phono”, kaya pabilisan ang pagsayaw ng twist at kung anu-ano pang mabibilis at magagaslaw na “stroke” dahil kapag humina ang baterya, maski kantang “limbo rock” ay nagiging pang- sweet dance na lang, hanggang sa tuluyan nang mamahinga ang “phono”, kaya goodnight na sa isa’t isa kahi’t maaga pa…mahal kasi ang baterya.

 

May mga haranahan akong inabot. Isa sa mga hinarana ay kapatid kong hindi naman kagandahan, nagustuhan lang yata ang hagikhik nito na nakakaaliw. Minsan, nagalit ang tatay namin, kinuha ang arenola, binuksan ang bintana at ibinuhos ang laman sa labas, yon pala may nagpapasakayle ng gitara sa ibaba. Ang nakikita sa sine na sinasabay sa pagharana ang pagnanakaw ng manok ay totoo. Ginawa ito ng isa kong pinsan kasama ang kanyang barkada isang gabi. Nakadalawa sila ng “nasungkit” na manok, habang ang iba sa kanila ay kumakanta. Sa gabi kasi, ang manok na nakadapo sa sanga ng puno at tulog ay nasusungkit ng kawayang may maikling patungan sa dulo, kung saan lilipat ang manok na susungkitin. Ibinababa ang manok sa sungkit kung malayo na sa bahay na hinarana, kaya walang problema maski mag-ingay pa ito.

 

Madalas ang sunog sa amin kung pasko – mga parol, hindi bahay. Mahilig kasing gumamit ang mga nagkakaroling ng parol na ang ilaw sa loob ay sinindihang kandila. Malalamang may nasusunog na parol kung may nagtatakbuhan at nagkakahulang aso. Ang usong ibigay noon ay hindi pera, kundi kung anong mahahagilap sa mesang prutas o tirang kakanin. Siguradong pera ang matatanggap ng nagkakaroling kung magbibigay sila ng sulat sa mga tatapatang bahay. Ang mga mahiyain naman na nagkakaroling, kumakanta habang nakatago sa likod ng puno, malapit sa bahay o di gaya ay sa halamanan. Maghahanap pa ang maybahay kung saan ang kumakanta para abutan ng saging o kamote na nilaga.

 

Ang mga sinehan sa amin, amoy- ihi at ang mga upuan ay maraming surot, pero napapagtiyagaan. Ang isang sinehan ay naging dalawa, naging tatlo, hanggang naging apat. Nauso ang mga “plus bom” na palabas. Ito yong mga pelikulang may mga isiningit na malalaswa kaya ang tawag ay “plus bom” na ibig sabihin ay “plus bomba”. Bomba ang tawag noon sa mga pelikulang malaswa. Kung magpalabas nito sa amin ay walang pakialam ang mayor. Abot hanggang kalsada ang ingay ng halinghingan ng mga artista, para bang nang-aakit pa ng mga manonood, kaya ang mga abenturista kahit menor de edad, nagkandapunit ang mga high school ID dahil sa pagpapalit ng birthday. Hindi pinatawad ang mga pelikula ni Joseph Estrada at Fernando Poe, Jr. na siningitan din ng mga “plus bom”, pati ang kay Nora Aunor. Nagkakagulatan na lang sa loob ng sinehan, ang hindi makatiis, lumalabas.

 

Masaya sa bayan namin kapag may dumating na van ng “cortal” dahil magpapalabas sila ng libreng sine sa plaza. Kanya-kanyang puwesto ng upuan sa harap ng van, magdadapit-hapon pa lang. Pagkatapos ng palabas, magbebentahan na ng mga gamot, na kung isipin ko ngayon ay baka mga expired na kaya pino-promo. Pero wala akong nalamang namatay sa amin dahil sa expired na gamot. Nagbebenta ako ng sinangag na mani kung may libreng palabas na sine.

 

Madalas ding magpa-“amateur” ang mayor namin na ang ibig sabihin ay amateur singing contest, sa plaza. Ang mga pampalubag- loob na premyo ay tinapay na donasyon ng nag-iisang bakery sa amin. Obligadong magbigay ang may-ari dahil baka isara ang bakery niya, matapang kasi ang mayor namin. Marami palang may magagandang boses sa amin. Ang isang maalala ko ngayon ay may apelyidong Levita. Naalala ko rin sina Grace Perales, at Eufemia Alcon na naging wedding singer. Parehong mga elementary pupils sina Grace Perales at Eufenia Alcon noong sumikat sila sa amin.

 

May dalawang “unit” ng combo ang mayor namin. Ang isa ay tumugtog sa isang beerhouse sa Pasay na nakita ko pang kasama sa isang eksena ng pelikula ni Joseph Estrada. Yong isa ay permanente sa bayan namin upang magpasaya sa mga tao tuwing Linggo. Nagdala ang mayor namin ng dalawang magagandang singer mula sa Maynila. Nagbukas din siya ng isang “night club” sa may bandang palengke, katabi ng katayan o slaughter house. Tinawag itong “Kayumanggi Club”. Ang combo naman ay tinawag na “Firebrand Combo”, dahil ang mga tumutugtog ay nakalista sa payroll ng munisipyo bilang mga bumbero. Yong tumutugtog sa Pasay ay “self-liquidating” dahil ang sweldo ng mga miyembro ay galing sa kita nila, pagkatapos kaltasan ni mayor. In fairness sa kanila, talagang magagaling tumugtog at kumanta, lalo na ng mga kanta ng Bee Gees at Tom Jones. Sa buong probinsiya, bayan lang namin ang may combo, dalawa pa.

 

Regular ang pagdating ng mga peryahan tuwing piyesta sa amin. Kinakaibigan naming magkakabarkada ang mga nagbabantay sa entrance ng circus upang makapasok nang libre. Binibigyan namin ng prutas na nahihingi namin. Nasuyod naming magkakasama ang buong bayan sa paghanap ng mga prutas upang hindi kami pabalik-balik sa ilang bahay. Minsan, nakawala ang ahas na kasama sa palabas, paliliguan sana subali’t gumapang palabas ng tent, takbuhan ang mga batang nag-iistambay. Sa takot ko, dalawang araw akong nilagnat.

 

Magandang magbalik-tanaw sa mga masasayang araw noong kabataan natin. Nakakapagbigay ng ngiti. Iba talaga ang panahon noon, masaya kahit walang computer at malls.

 

 

 

 

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s